“Alma 1:19–33: Pagkakaroon ng Kapayapaan kay Cristo sa pamamagitan ng Pananatiling Tapat sa Kabila ng Pag-uusig,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 1:19–33,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 1:19–33
Pagkakaroon ng Kapayapaan kay Cristo sa pamamagitan ng Pananatiling Tapat sa Kabila ng Pag-uusig
Naniniwala tayo na lahat ng tao ay may karapatang sambahin ang Diyos alinsunod sa kanilang sariling budhi (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11). Ngunit ano ang mangyayari kung inuusig kayo ng iba dahil sa inyong mga paniniwala? Paano kayo tutugon at magkakaroon ng kapayapaan kung pinipintasan kayo ng iba dahil sa inyong pananampalataya? Noong panahon ni Alma, ang mga tao ay “nagsimulang usigin ang mga yaong nabibilang sa Simbahan ng Diyos” (tingnan sa Alma 1:19). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na tumugon nang tapat at makadama ng kapayapaan kahit nahaharap ka sa pang-uusig dahil sa pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Inuusig dahil sa iyong mga paniniwala
Pinayuhan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kabataan ng Simbahan. Panoorin ang video na “Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo” mula sa time code na 0:25 hanggang 2:05, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, o basahin ang pahayag sa ibaba:
May paghanga at panghihikayat [para] sa lahat [na kinakailangang] maging matatag sa mga huling araw na ito, sinasabi ko sa lahat at lalo na sa mga kabataan ng Simbahan na kung hindi pa kayo natatawag, balang-araw ay kakailanganin ninyong ipagtanggol ang inyong pananampalataya o tiisin pa ang ilang harapang pang-aabuso dahil lamang sa miyembro kayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga sandaling iyon ay mangangailangan kapwa ng tapang at paggalang ninyo.
Halimbawa, isang sister missionary ang sumulat sa akin kamakailan: “Nakita namin ng kompanyon ko ang isang lalaki sa isang upuan sa liwasang-bayan na nanananghalian. Habang papalapit kami, tumingin siya at nakita niya ang aming missionary name tag. Bakas ang galit sa kanyang mukha, lumundag siya at umakmang sasampalin ako. Nakailag ako kaagad, pero idinura naman niya sa akin ang kinakain niya at pinagsalitaan kami ng masama. Lumakad kami palayo na walang kibo. Sinikap kong punasin ang pagkain sa mukha ko, nang bigla kong maramdaman ang tama ng isang tumpok ng mashed potato sa likod ng ulo ko. Kung minsan mahirap maging missionary dahil noon din ay gusto kong bumalik, pitserahan ang maliit na lalaking iyon, at sabihing, ‘ANO’NG SABI MO?’ Pero hindi ko ginawa iyon.” (Jeffrey R. Holland, “Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Liahona, Mayo 2014, 6)
-
Paano kaya kayo tumugon kung kayo ang missionary sa sitwasyong ito?
-
Bakit maaaring mahirap tumugon sa paraang katulad ng kay Cristo?
-
Kailan kayo tinrato nang hindi maganda o inusig dahil sa inyong mga paniniwala?
-
Ano ang ilang sitwasyon sa hinaharap kung saan maaari kayong mausig dahil sa inyong mga paniniwala?
Sa pag-aaral ninyo ng mga halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo sa Aklat ni Mormon, maghanap ng mga paraan kung paano kayo maaaring manatiling matatag at makasumpong ng kapayapaan kay Jesucristo sa panahon ng pag-uusig.
Pag-uusig sa Aklat ni Mormon
Si Alma ay nagkaroon ng maraming hamon noong panahon niya bilang punong hukom. Matapos parusahan ng kamatayan si Nehor dahil sa pagpaslang kay Gedeon, ang ilan sa mga tao ay patuloy na naniwala sa mga turo ni Nehor. Basahin ang Alma 1:19–24, at alamin ang mga hamong naranasan ng mga Nephita.
-
Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa naranasan ng mga Nephita at sa iyong mga karanasan?
-
Ano ang mga ginawa ng mga miyembro ng Simbahan na nakadagdag sa mga hamong ito (tingnan sa talata 22)?
Basahin ang Alma 1:25–28, at alamin ang ginawa ng mabubuting miyembro ng Simbahan. Upang matulungan kang isaayos ang pinag-aaralan mo, ilista ang ginawa ng mga tao. Maaari mo itong gawin sa iyong study journal, o maaari mong markahan ang nalaman mo sa iyong banal na kasulatan.
-
Ano ang ilan sa iba’t ibang paraan ng pagtugon ng mga miyembro ng Simbahan sa pang-uusig?
Kumpletuhin ang sumusunod na parirala gamit ang isang bagay na natutuhan mo mula sa halimbawa ng mga Nephita.
-
… ay matutulungan tayong madama ang patuloy na kapayapaan ng Tagapagligtas kahit tayo ay inuusig dahil naniniwala tayo sa Kanya.
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong ang pagtugon sa mga paraang ito upang madama ng isang tao ang kapayapaan ng Tagapagligtas?
-
Ano ang pinakagusto mong alalahanin mula sa mga talatang ito o sa iyong listahan kung mahaharap ka sa pang-uusig dahil sa iyong mga paniniwala? Bakit?
-
Anong mga karanasan sa buhay mo ang nagpapadama sa iyo na kailangan mo ng kapayapaang ibinibigay ni Jesucristo?
Higit pa sa kapayapaan
Dagdag pa sa pagkakaroon ng kapayapaan, pinagpala ng Ama sa Langit ang matatapat na Nephita sa iba pang mga paraan. Basahin ang Alma 1:29–32, at alamin ang mga pagpapala ng Ama sa Langit sa mga Nephita habang nananatili silang matatag sa mahihirap na panahon.
-
Paano mo nakita ang mga pagpapala ng Ama sa Langit habang ikaw o ang iba pang kakilala mo ay nananatiling tapat sa panahong nakakaranas ka o siya ng pag-uusig?
Pumili ng dalawa sa mga ginawa ng matatapat na Nephita upang magpakita ng pagmamahal at pagkahabag sa lahat ng tao sa kabila ng pag-uusig (tingnan sa Alma 1:25–30). Ilarawan kung paano ito magagawa ng isang tao sa ating panahon.