Seminary
Alma 2–3: Sino ang Pinipili Nating Sundin


“Alma 2–3: Sino ang Pinipili Nating Sundin,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 2–3,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 2–3

Sino ang Pinipili Nating Sundin

kabataang nagninilay tungkol sa mga banal na kasulatan

Sa lahat ng banal na kasulatan, patuloy tayong binibigyan ng mga propeta ng babala na mahaharap tayo sa mga ibinunga ng ating mga ginawa, batay sa kung sino ang pinipili nating sundin. Halimbawa, matapos ang hidwaan ng mga Nephita at Amlicita, itinuro ng propetang si Mormon na ang mga namatay ay “[aani] ng walang hanggang kaligayahan o walang hanggang kalungkutan, alinsunod sa espiritung kanilang piniling sundin, kung ito man ay mabuting espiritu o masama” (Alma 3:26). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga bunga ng kung sino ang pinipili mong sundin sa buhay na ito.

Maghanda na isinasaalang-alang ang Layunin. Mag-ukol ng oras na pag-isipan kung ano ang mararanasan ng mga estudyante sa klase na tutulong sa kanila na “maunawaan at asahan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo.” Hinikayat ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga titser na “alalahanin ang layuning iyan araw-araw bago ninyo turuan ang inyong mga estudyante” (“Teaching Youth in the Day of the Wave” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast], Agosto 6, 2013).

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin o pakinggan ang Alma 2–3 bago pumasok sa klase. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung ano ang matututuhan nila mula sa salaysay sa mga kabanatang ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ano ang aral ng kuwento?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga kuwento o pabula na nagtuturo ng mga aral at anyayahan silang magbahagi sa klase. Kung kinakailangan, maaari mong gamitin ang sumusunod na halimbawa. Kung pamilyar ang mga estudyante sa halimbawa, maaari mo silang anyayahang isalaysay ang kuwento gamit ang sarili nilang mga salita at tukuyin ang aral o leksyon. Makatutulong ito sa mga estudyante na matukoy ang mga alituntunin na nilayon ni Mormon na matutuhan natin mula sa kanyang mga isinulat.

  • May naiisip ka bang kuwento o pabula na nagtuturo ng isang aral sa buhay?

Isang klasikong pabula na nauugnay sa isang sinaunang Griyegong storyteller na nagngangalang Aesop ang “The Boy Who Cried Wolf.” Ang kuwento ay tungkol sa isang batang pastol na dalawang beses niloko at napaniwala ang kanyang mga kapitbahay na sinasalakay ng isang lobo ang kawan ng mga tupa ng nayon. Laking tuwa ng bata na dali-daling nagbigay ng tulong ang ilang taga-nayon, para lang matanto na wala palang lobo. Sa huli, isang tunay na lobo ang sumalakay sa kawan. Ngunit nang humingi ng tulong ang bata sa ikatlong pagkakataon, wala nang tumulong sa kanya.

  • Anong aral o leksyon ang maaari nating matutuhan sa kuwentong ito?

Maghanap ng mga pagkakataon sa pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon na matulungan ang mga estudyante na makita at matukoy ang mga alituntunin at aral na binigyang-diin ng propetang si Mormon.

Tulad ng mga kuwento o pabula na kadalasan ay may mga aral, ang mga banal na kasulatan ay nagtuturo din ng mga aral at naglalarawan ng mga alituntunin. Ang isang makatutulong na kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan kapag pinag-aaralan mo ang Aklat ni Mormon ay ang pansinin kapag malinaw na inilalahad ni Mormon ang kanyang layunin sa pagsasama ng ilang salaysay sa talaan. Madalas siyang gumamit ng mga pariralang tulad ng “At sa gayon malinaw nating makikita,” “sa gayon nakikita natin,” “katotohanan, katotohanan,” o “masdan,” upang ipaalam sa atin na siya ay nagbabahagi ng mga alituntunin at aral sa atin (tingnan sa Alma 24:30; 30:60; 48:17; 62:41; Helaman 3:27–28). Ang pagtukoy sa mga aral at katotohanang binigyang-diin ni Mormon ay makatutulong sa iyo na makahanap ng personal na kaugnayan. Maaari din nitong gawing mas epektibo ang iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Basahin ang Alma 3:26–27, at maghanap ng katotohanan na gusto ni Mormon na matutuhan natin mula sa salaysay sa Alma 2–3. Maaari mong markahan ang mahahanap mo.

  • Ano ang natuklasan mo?

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na impormasyon kung kailangan ng mga estudyante ng tulong para maunawaan ang mga katotohanang itinuro sa Alma 3:26–27.

Upang matulungan kang mas maunawaan ang scripture passage na ito, pansinin na ang pariralang “tinatanggap ng bawat tao ang kabayaran mula sa kanya na pinili niyang sundin” ay nag-aanyaya sa atin na isipin na kunwari ay mga empleyado tayo na siyang nagpapasiya kung ang pipiliin nating amo ay ang Ama sa Langit o si Satanas (tingnan sa Alma 3:27). Samakatwid, yaong mga piniling sundin si Satanas ay agad na natagpuan ang kanilang sarili na ginagamit niya at tumatanggap ng “walang hanggang kalungkutan” (Alma 3:26). Kalaunan, ang mga pagpili natin sa buhay ay maghahayag kung sino ang pinili natin bilang ating walang-hanggang amo.

Maaaring makatulong na isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan para matingnan ito ng mga estudyante sa buong lesson.

Ang isang posibleng katotohanan mula sa Alma 3:26–27 ay kung sino ang pinipili nating sundin sa buhay na ito ang nagpapasiya sa ating walang hanggang kaligayahan o kalungkutan.

Isipin ang buhay mo at kung sino ang pinipili mong sundin. Nagsisikap ka bang sundin si Jesucristo? O iba ang sinusunod mo? Pag-isipan ang mga tanong na ito habang patuloy kang nag-aaral ngayon.

Hangad ni Amlici na maging hari

Sa mga naunang taon ng panunungkulan ng mga hukom, naranasan ni Alma at ng kanyang mga tao ang matinding pagsubok sa kanilang pananampalataya at kaligayahan.

Basahin ang Alma 2:1–12, at alamin ang pagsubok na naranasan ng mga Nephita.

Maaari mong isama ang mungkahi tungkol sa kalayaang pangrelihiyon sa Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral sa bahaging ito ng lesson.

  • Ano ang gustong gawin ni Amlici kung naging hari siya? (Tingnan sa talata 4.)

  • Paano tumugon ang mga Nephita?

  • Paano ipinakita ng mga Nephita ang kanilang hangaring sundin ang Tagapagligtas?

Mga pagpapasiya at mga ibinubunga

Tulungan ang mga estudyante na hanapin at ibahagi ang iba’t ibang ibinubunga ng pagsunod sa Diyos o sa diyablo. Ang isang paraan para magawa ito ay kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara at sabihin sa mga estudyante na punan ito. Ang isa pang opsiyon ay maghanda ng ilang maliliit na piraso ng papel bago magklase para kumatawan sa pera o “kabayaran” (Alma 3:27). Pagkatapos ay magdala ng dalawang papel na supot o kahon, at lagyan ang isa ng label na “Pagsunod sa Diyos” at ang isa pa ng label na “Pagsunod sa diyablo o kanyang mga alagad.” Bigyan ang bawat estudyante ng kahit isang piraso ng papel at ipabasa sa kalahati ng klase ang bawat isa sa mga scripture block na nakalista sa ibaba. Kapag natuklasan ng mga estudyante ang iba’t ibang kabayaran mula sa bawat salaysay, sabihin sa kanila na isulat ang mga ito sa kanilang mga piraso ng papel at ilagay ang kanilang kabayaran sa angkop na lalagyan. Kapag tapos na ang mga estudyante, basahin nang malakas ang ilan sa mga kabayaran. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karagdagang kabayaran mula sa pagsunod sa Diyos na napansin nila sa kanilang sariling buhay o sa buhay ng iba.

Kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong study journal. Basahin ang mga talatang kasunod nito, at ilista kung anong “kabayaran” ang nagmumula sa pagsunod sa Diyos o sa diyablo sa angkop na column.

“Ang kabayaran mula sa kanya na pinili niyang sundin” (Alma 3:27)

Pagsunod sa Diyos

Pagsunod sa diyablo o kanyang mga alagad

Alma 2:16–18, 26–31 (Si Alma at ang mga Nephita)

Alma 3:4, 13–14, 18–19 (ang mga Amlicita)

  • Ano ang napansin mo sa dalawang salaysay na ito?

Paalala: Ang sumpa na kapwa naranasan ng mga Amlicita at Lamanita ay pagkawalay sa Diyos dahil sa kanilang paghihimagsik at pagsuway (tingnan sa 2 Nephi 5:20–21). Ang marka, na noong panahong iyon ay tumukoy sa pagkakaiba ng mga Lamanita mula sa mga Nephita, ay “ang mga balat ng mga Lamanita ay maiitim” (Alma 3:6). Mahalagang tandaan na ang katangian at anyo ng markang ito ay hindi lubos na nauunawaan. Itinuro ng mga propeta sa Aklat ni Mormon at ng mga makabagong propeta na mali ang laitin o maliitin ang mga tao dahil sa kulay ng kanilang balat (tingnan sa Jacob 3:9).

Depende sa kakayahan ng iyong mga estudyante, sa halip na ibigay ang susunod na tatlong grupo ng mga talata, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng iba pang mga banal na kasulatan na naglalarawan sa “kabayaran” sa pagsunod sa Diyos o sa iba. Maaari mo silang hikayating gumamit ng mga doctrinal mastery passage.

Basahin ang mga sumusunod na scripture passage at idagdag sa iyong chart ang nalaman mo.

2 Nephi 2:27

Alma 30:60

Mateo 11:28–30

Kapag natapos nang punan ng mga estudyante ang kanilang mga chart, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Magtanong sa mga estudyante ng mga follow-up na tanong tulad ng sumusunod na halimbawa habang nagbabahagi sila na makatutulong sa kanila na iugnay ang nalaman nila sa mga banal na kasulatan sa kanilang personal na buhay.

Personal na pagsasabuhay

  • Ano ang napansin o naranasan mo sa buhay na nagpakita sa iyo ng katotohanan ng alituntuning inilarawan sa Alma 3:26–27?

Isipin ang mga pagpiling ginagawa mo sa kasalukuyan na tumutulong sa iyong sundin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Paano hahantong ang mga ito sa walang-hanggang kaligayahan? Gumagawa ka ba ng anumang pagpili na maaaring maglayo sa iyo sa Tagapagligtas? Magpasiya kung ano ang maaaring kailangan mong gawin para magbago. Isipin kung paano ka mapagpapala at mapapalakas ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag nagsisikap kang gumawa ng mga tamang pasiya na aakay sa iyo pabalik sa Kanila.