“Alma 5:1–32: Ang mga Tanong ni Alma para Masuri ang Sarili,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 5:1–32,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 5:1–32
Ang mga Tanong ni Alma para Masuri ang Sarili
Ang mga sandali ng pagsusuri sa sarili ay makatutulong sa atin na makita nang mas malinaw ang lakas ng ating kaugnayan kay Jesucristo. Si Alma, na batid kung paano naging bahagi ng Simbahan ang kapalaluan at pagtatalo, ay nagtanong sa mga miyembro ng Simbahan sa Zarahemla ng sunud-sunod na mga tanong na naghikayat sa kanila na pagnilayan ang pinagtutuunan ng kanilang puso at ang kanilang katayuan sa harapan ng Diyos. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang iyong espirituwal na pag-unlad at mapalakas ang iyong pagbabalik-loob kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagsusuri sa sarili
Isipin ang mga pagkakataon na ininterbyu ka ng ibang tao, kabilang na ang mga interbyu para sa temple recommend, mga taunang interbyu sa iyo ng inyong bishop o branch president, at mga interbyu para sa trabaho.
-
Ano ang layunin ng interbyu?
-
Paano ka maaaring magkaroon ng interbyu sa iyong sarili?
Ibinahagi ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga pakinabang ng regular na pag-uukol ng panahon para suriin ang ating espirituwal na pag-unlad. Maaari mong panoorin ang video na “Makabalik at Makatanggap,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 8:14 hanggang 8:58 o basahin ang teksto sa ibaba.
Nalaman ko na para manatiling nakatuon sa pagbalik [sa presensya ng Diyos] at pagtanggap ng ipinangakong mga pagpapala, kailangan kong itanong palagi sa sarili ko, “Kumusta na ako?”
Para itong personal at pribadong pag-interbyu sa sarili ninyo. At kung kakaiba iyan sa inyo, pag-isipan ninyo ito: sino sa mundong ito ang mas nakakakilala sa inyo kaysa sa sarili ninyo? Alam ninyo ang inyong mga iniisip, ginagawa, hangarin, at inyong mga pangarap, mithiin, at plano. At mas alam ninyo kaysa sinuman kung paano kayo sumusulong. (M. Russell Ballard, “Makabalik at Makatanggap,” Liahona, Mayo 2017, 64)
Isipin kung gaano kadalas ka nag-uukol ng oras para suriin ang iyong espirituwal na pag-unlad.
-
Anong uri ng mga pakinabang ang maaaring magmula sa regular na paggawa nito?
Ang isang kasanayan na magagamit mo kapag nag-aaral ka ng mga banal na kasulatan ay pag-uukol ng oras na tumigil sandali at suriin kung gaano mo kahusay na naipamumuhay ang mga turo o alituntuning pinag-aaralan mo. Ngayon ay magkakaroon ka ng pagkakataong ipraktis ang kasanayang iyon habang pinag-aaralan mo ang Alma 5. Ang kabanatang ito ay naglalaman ng maraming bagay na itinanong ni Alma sa kanyang mga tao. Maaari mo ring itanong sa iyong sarili ang mga bagay na ito para masuri ang iyong espirituwal na pag-unlad. Sa iyong pag-aaral, humingi ng patnubay mula sa Ama sa Langit para matulungan kang malaman kung ano ang mahusay mong ginagawa at kung paano Niya gustong pagbutihin ka pa.
Nangaral si Alma sa mga tao ng Zarahemla
Alalahanin na matapos makita ang kapalaluan at kasakiman ng kanyang mga tao, nagbitiw si Alma bilang punong hukom ng mga Nephita upang ilaan ang kanyang sarili nang mas lubusan sa pagtuturo ng salita ng Diyos (tingnan sa Alma 4:19).
Sinimulan ni Alma ang kanyang pangangaral sa lupain ng Zarahemla. Ipinaalala niya sa mga taong ito ang espirituwal at pisikal na pagkabihag na naranasan ng mga Nephita noong panahon ni Haring Noe (tingnan sa Alma 5:3–5).
Basahin ang Alma 5:6–13, at alamin ang nais ni Alma na maalala ng kanyang mga tao tungkol sa nagdaang henerasyon ng mga Nephita.
-
Sa iyong palagay, bakit nais ni Alma na maalala ng kanyang mga tao ang mga bagay na ito?
-
Ano ang nais ni Alma na malaman ng kanyang mga tao tungkol kay Jesucristo sa talata 7?
Basahin ang Alma 5:14, 26, at alamin ang itinanong ni Alma sa kanyang mga tao matapos ipaalala sa kanila ang kanilang espirituwal na pamana.
-
Ano sa palagay mo ang nais ni Alma na maunawaan ng kanyang mga tao sa pagtatanong sa kanila ng mga bagay na ito?
-
Sa iyong palagay, paano makakaapekto sa iyong buhay ang pagtatanong sa iyong sarili ng mga tanong na gaya ng nasa talata 14 at 26?
Paggamit sa mga turo ni Alma para masuri ang sarili
Mag-ukol ng oras na pag-aralan ang mga salita ni Alma sa mga tao ng Zarahemla sa Alma 5:14–30 at pag-isipan kung naranasan o nararanasan mo ang pagbabagong inilarawan ni Alma. Sa iyong pag-aaral, magsagawa ng sarili mong pagsusuri sa sarili sa pamamagitan ng paggamit ng ilan o lahat ng tanong ni Alma sa mga talatang ito. Narito ang ilang paraan upang magawa mo iyon.
-
Tumigil sandali at pagnilayan ang dalawa hanggang tatlong talata, at suriin kung paano nauugnay sa buhay mo ang mga tanong ni Alma sa mga talatang iyon.
-
Pumili ng ilan sa mga tanong ni Alma na sa palagay mo ay pinakamakabuluhan at nauugnay sa iyo. Isulat ang mga tanong na ito sa iyong study journal at itala ang iyong mga sagot sa bawat tanong at ang anumang iba pang mga ideya o impresyon na posibleng mayroon ka.
-
Matapos matukoy ang mga tanong ni Alma sa mga talatang ito, gumawa ng dalawa o tatlong tanong na magagamit mo para masuri ang sarili mong espirituwal na pag-unlad. Isulat ang mga sagot mo sa iyong study journal.
-
Alin sa mga tanong ni Alma ang nadama mong pinakamakabuluhan sa iyo? Bakit?
-
Anong mga salita o parirala ang nahanap mo mula sa mga talatang ito na makapagbibigay sa iyo ng hangarin at lakas ng loob na magsisi?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Diyos at sa Kanyang mga hangarin para sa iyo mula sa napag-aralan mo?
Isipin ang natutuhan o nadama mo ngayon nang gamitin mo ang mga salita ni Alma para suriin ang iyong espirituwal na pag-unlad. Tukuyin ang isa o dalawang bagay na gusto mong gawin dahil sa napag-aralan mo. Isipin kung ano ang sisimulan mong gawin ngayon, anong mga balakid ang maaari mong kaharapin, at kung paano mo hihingin ang tulong ng Diyos sa pagdaig sa iyong mga balakid. Isulat ang mga ideya at impresyon mo sa iyong study journal.