Seminary
Alma 5:33–62: “Ang Mabuting Pastol ay Tumatawag sa Inyo”


“Alma 5:33–62: ‘Ang Mabuting Pastol ay Tumatawag sa Inyo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 5:33–62,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 5:33–62

“Ang Mabuting Pastol ay Tumatawag sa Inyo”

si Cristo bilang pastol

Matapos hikayatin ang mga miyembro ng Simbahan sa Zarahemla na pagnilayan nang mabuti ang kanilang katayuan sa harap ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa Alma 5:1–32), inanyayahan sila ni Alma na lumapit kay Cristo gamit ang magiliw na matalinghagang paglalarawan tulad ng ang Kanyang “mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila,” (Alma 5:33), “magsisi, at akin kayong tatanggapin” (Alma 5:33), at “ang mabuting pastol ay tumatawag sa inyo” (Alma 5:38). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong mga pagsisikap na lumapit kay Jesucristo at matanggap ang mga pagpapalang ibinibigay Niya sa iyo.

Pagtuunan ang mga tungkulin ni Jesucristo. Tulungan ang mga estudyante na makilala at mahalin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa kung paano Niya ginagampanan ang Kanyang mga tungkulin bilang kanilang Tagapagligtas at Manunubos. Hikayatin sila na pagnilayan kung paano personal na ipinakita ni Jesucristo ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa kanila.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Alma 5:33–34 at pumasok sa klase na handang ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Magsisi at tatanggapin ko kayo

Maaari kang magpakita ng ilang larawan na maaaring maging interesado rito ang mga estudyante at sabihin sa klase na talakayin kung bakit maaaring totoo ang sumusunod na kasabihan.

Ayon sa isang lumang kasabihan, “Ang larawan ay katumbas ng isang libong salita.”

Ngayon, ipakita ang mga sumusunod na larawan at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang ipinararating ng mga ito.

si Cristo na nakaunat ang mga bisig
si Cristo na nakaunat ang mga bisig

Maaari mong maalala na ang Alma 5 ay naglalaman ng mga turo ni Alma sa mga miyembro ng Simbahan sa Zarahemla, kung saan ang ilan sa kanila ay naging palalo at nahulog sa kasalanan (tingnan sa Alma 4:8–12). Matapos itanong sa mga taong ito ang sunud-sunod na mga tanong para matulungan silang suriin ang kanilang espirituwal na pag-unlad, nagturo si Alma ng mahahalagang katotohanan tungkol sa Tagapagligtas.

Basahin ang Alma 5:33–34, at alamin ang nais ni Alma na maunawaan ng kanyang mga tao tungkol kay Jesucristo.

Maaaring magandang pagkakataon ito upang anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang paghahanda ng estudyante.

  • Anong mga salita o parirala mula sa mga talatang ito ang pinakamakabuluhan para sa inyo? Bakit?

  • Anong mga pagkakatulad ang nakita ninyo sa mga talatang ito at sa mga larawan ng Tagapagligtas na tiningnan ninyo?

  • Paano nababago ng pag-unawa sa mga alituntunin sa mga talatang ito ang pananaw ng isang tao kay Jesucristo?

Kung makikinabang ang mga estudyante sa malalim na pag-aaral ng paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya, maaari mo silang anyayahang pag-aralan ang ilan o lahat ng sumusunod na banal na kasulatan, marahil kasama ng kapartner o maliit na grupo: Mateo 11:28–30; 2 Nephi 26:33; 3 Nephi 9:14; at Eter 12:27. Maaari ding idagdag ng mga estudyante ang mga scripture passage na ito bilang mga cross-reference sa Alma 5:33–34 sa kanilang mga banal na kasulatan. Kapag natapos nang pag-aralan ng mga estudyante ang mga karagdagang scripture passage na ito, anyayahan ang mga boluntaryo na magbahagi ng mga karagdagang kaalaman tungkol kay Jesucristo na natamo nila mula sa mga talatang ito.

Isipin ang iyong kasalukuyang mga hangarin na tanggapin ang paanyaya ni Jesucristo na magsisi at lumapit sa Kanya at kung ikaw man ay nahaharap sa mga balakid na nagpapahirap sa iyo na maging tagasunod Niya. Habang patuloy kang nag-aaral, maghanap ng mga turong makatutulong sa iyo sa mga pagsisikap mong madaig ang mga balakid na iyon at sundin si Jesucristo.

Pakikinig sa tinig ng Mabuting Pastol

Matapos ituro ang tungkol sa paanyaya ng Tagapagligtas na magsisi at lumapit sa Kanya, nagbahagi si Alma ng mga karagdagang turo tungkol kay Jesucristo upang hikayatin ang kanyang mga tao na sundin ang Tagapagligtas.

Basahin ang Alma 5:37–39 at alamin ang mensahe ni Alma sa kanyang mga tao.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kapartner.

  • Ano sa palagay mo ang nais ni Alma na malaman at madama ng kanyang mga tao tungkol kay Jesucristo (ang Mabuting Pastol) mula sa analohiyang ito?

  • Ano sa palagay mo ang gusto ni Alma na malaman at madama ng kanyang mga tao tungkol sa kanilang sarili (ang mga tupa) mula sa analohiyang ito?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay dapat tayong makinig sa tinig ng Mabuting Pastol upang tayo ay maging Kanyang mga tupa.

Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na kahulugan ng salitang makinig:

Ang ibig sabihin nito ay “makinig nang may hangaring sumunod.” Ang ibig sabihin ng makinig ay “pakinggan Siya”—pakinggan ang sinasabi ng Tagapagligtas at pagkatapos ay bigyang-pansin ang Kanyang payo. (Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 89)

  • Ano ang nalalaman mo tungkol sa Tagapagligtas na naghihikayat sa iyo na naisin mong makinig sa Kanya at mapabilang sa Kanyang mga tupa?

Ibinahagi ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga pagpapalang ibinibigay sa atin ng Tagapagligtas kapag ninanais natin Siya na maging ating Mabuting Pastol. Basahin ang sumusunod na pahayag o panoorin ang video na “Mga Pusong Magkakasama,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 13:56 hanggang 14:51.

15:10

Kapag inunawa natin ang mga pangyayari sa pananaw ng ebanghelyo, malalaman natin na tayo man ay nasa ilalim ng pangangalaga ng mahabaging tagapag-alaga, na tumutulong mismo nang may kabaitan at nangangalagang espiritu. Kilala ng Mabuting Pastol ang bawat isa sa atin sa pangalan at may personal na interes sa atin. Sabi ng Panginoong Jesucristo mismo, “Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang sarili [kong mga tupa]. … At [ibibigay] ko ang aking buhay para sa mga tupa” [Juan 10:14, 15].

… Nadarama ko ang patuloy na kapayapaan sa kaalaman na “ang Panginoon ay aking pastol” [Mga Awit 23:1] at na bawat isa sa atin ay kilala Niya at nasa Kanyang pangangalaga. Kapag naharap tayo sa malakas na hangin at mga unos ng buhay, sakit at mga pinsala, ang Panginoon—ang ating Pastol, ang ating Tagapag-alaga—ay pangangalagaan tayo nang may pagmamahal at kabaitan. Pagagalingin Niya ang ating puso at paghihilumin ang ating kaluluwa. (Gary E. Stevenson, “Mga Pusong Magkakasama,” Liahona, Mayo 2021, 23)

  • Ano ang pinakanapansin ninyo kung bakit gusto nating sundin ang Mabuting Pastol na si Jesucristo?

Mga paraan kung paano ninyo mapakikinggan ang tinig ng Mabuting Pastol

Nagmungkahi si Alma ng ilang paraan kung paano maririnig ng mga tao ng Zarahemla ang tinig ng Mabuting Pastol. Basahin ang Alma 5:40–41, 50–51, 57 at alamin ang ipinayo ni Alma.

Habang sinasagot ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong, maaari mong ilista sa pisara ang kanilang mga sagot o sabihin sa mga estudyante na lumapit at isulat ang kanilang mga sagot.

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito tungkol sa mga paraan kung paano ninyo mapakikinggan ang tinig ng Mabuting Pastol?

  • Ano ang ilang paraan na maaari tayong “lumabas … mula sa masasama” at “huwag hipuin ang kanilang maruruming bagay”? (talata 57).

Maaari mong anyayahan ang ilang boluntaryo na magbahagi ng mga karanasan nila sa kanilang buhay nang magpasiya silang makinig sa tinig ng Mabuting Pastol at anong mga pagpapala ang napansin nila dahil sa paggawa nito. Maaari ka ring magbahagi ng karanasan mula sa sarili mong buhay.

  • Ang ilang dahilan kung bakit gusto kong sundin si Jesucristo ay

  • Ang isang paraan kung paano ako makikinig sa Kanyang tinig ay