Seminary
Doctrinal Mastery: Alma 7:11–13—“At Siya ay Hahayo, Magdaranas ng mga Pasakit at Hirap at Lahat ng Uri ng Tukso”


“Doctrinal Mastery: Alma 7:11–13—‘At Siya ay Hahayo, Magdaranas ng mga Pasakit at Hirap at Lahat ng Uri ng Tukso,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Doctrinal Mastery: Alma 7:11–13,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Doctrinal Mastery: Alma 7:11–13

“At Siya ay Hahayo, Magdaranas ng mga Pasakit at Hirap at Lahat ng Uri ng Tukso”

ang Tagapagligtas ay nagdurusa sa Getsemani

Sa iyong pag-aaral ng Alma 7:1–13, nalaman mo ang tungkol sa ilan sa dinanas ng Tagapagligtas bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala upang “malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao” (Alma 7:12). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Alma 7:11–13, maipaliwanag ang doktrinang itinuro sa scripture passage na ito, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa tunay na buhay.

Tulungan ang mga mag-aaral na maging responsable sa sarili nilang pag-aaral. Ang pag-aaral ng ebanghelyo na humahantong sa pagbabalik-loob ay nangangailangan ng pagsampalataya at matinding pagsisikap ng mga mag-aaral. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang kanilang pagkatuto sa seminary ay nakasalalay sa kanila. Hikayatin ang mga estudyante na maging responsable sa sarili nilang pagkatuto, bigyan sila ng mga pagkakataong gawin ito, at magpahayag ng tiwala na magtatagumpay sila.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na mapanalanging pag-isipan kung ano ang magagawa nila para matanggap ang tulong at lakas na ibinibigay ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ginawa upang maituro pagkatapos ng lesson na “Alma 7:1–13,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Alma 7:11–13. Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Isaulo at ipaliwanag

Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Alma 7:11–13 ay “At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso.” Maaari mong markahan ang pariralang ito sa iyong mga banal na kasulatan kung hindi mo pa ito nagagawa.

Upang matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan, maaari mo silang anyayahan na sabihin ito nang paulit-ulit kasama ng kapartner hanggang sa madali na nila itong maulit nang walang kopya.

Ang sumusunod na materyal ay magagamit upang mabigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag ang doktrina sa passage na ito.

Sa nakaraang lesson, natutuhan mo mula sa Alma 7:11–13 na nagdusa si Jesucristo upang iligtas ka mula sa kasalanan at kamatayan at tulungan ka sa mga hamon ng mortalidad.

Kunwari ay may kaibigan kang nag-text sa iyo tungkol sa isang bagay na mahirap na pinagdaraanan niya. Naisip mo na makatutulong ang mensahe sa Alma 7:11–13 para sa iyong kaibigan pero nag-aalala ka na hindi niya ito babasahin kung ipadadala mo lang sa kanya ang scripture reference.

  • Paano mo ibubuod ang Alma 7:11–13 sa paraang makatutulong sa iyong kaibigan sa kanyang paghihirap?

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa tanong. Kapag natapos na sila, sabihin sa ilang boluntaryo na ibahagi ang isinulat nila. Maaari ding ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa isang kapartner o sa maliliit na grupo.

Pagsasanay ng pagsasabuhay

Itanong sa mga estudyante kung naaalala nila ang tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Kung hindi nila naaalala, sabihin sa kanila na sundin ang mga tagubilin sa susunod na talata.

Hanapin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022). Isulat ang mga alituntuning ito bilang mga heading sa iyong study journal, at mag-iwan ng espasyo sa pagitan ng bawat isa para masagot mo ang mga tanong tungkol sa mga ito kalaunan sa lesson.

Isipin kung paano makatutulong ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrinang itinuro sa Alma 7:11–13 sa sumusunod na sitwasyon.

Maaari mong ipakita ang sumusunod na sitwasyon para matingnan ito ng mga estudyante sa natitirang bahagi ng lesson. Kung kinakailangan, maaari mong iakma ang sitwasyon para maisama ang mga sitwasyon na pinakanauugnay sa iyong mga estudyante.

Simula nang magdiborsyo ang mga magulang ni Peter ilang taon na ang nakakaraan, pakiramdam niya ay pahirap nang pahirap ang buhay niya. Nahihirapan siyang pumasok sa eskuwela, at ang ilan sa kanyang mga kaibigan ay tila hindi na siya isinasama tulad noon. Halos tumigil na rin si Peter sa pagsisimba, sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagdarasal sa Diyos. Isang araw, sinabi ni Peter sa isa sa kanyang mga kaibigan ang tungkol sa kanyang mga paghihirap. Sabi niya, “Gusto kong mas maging maayos ang mga bagay-bagay, pero hindi ko alam kung saan ako hihingi ng tulong. Pakiramdam ko ay nag-iisa ako at wala nang pag-asang mabago ang sitwasyon ko.”

Isipin kunwari na ikaw ang kaibigang kausap ni Peter at humingi rin siya sa iyo ng payo kung paano makakayanan ang kanyang mahirap na sitwasyon. Gamitin ang mga turo sa Alma 7:11–13 at ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman para matulungan si Peter sa kanyang hamon.

Maraming paraan para magawa ng mga estudyante ang aktibidad na ito sa pagsasanay ng pagsasabuhay. Ang isang paraan ay pag-aralan ang Alma 7:11–13 at ang talata 5–8, 11–12 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document, at maghanap ng mga turo na makatutulong kay Peter. Pagkatapos ay maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga ideya sa klase, sa kapartner, o sa maliliit na grupo.

Ang mga sumusunod na tanong at resources ay maaaring makatulong sa kanilang mga talakayan. Hindi mo kailangang gamitin ang lahat ng resources at tanong na ito; ang mga ito ay mga halimbawa ng mga bagay na maaaring pag-isipan ng mga estudyante habang nilulutas nila ang sitwasyong ito.

Kumilos nang may pananampalataya

Basahin ang talata 5–7 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document. Maaari mong markahan ang mahahanap mo na makatutulong.

  • Ano ang maituturo mo kay Peter tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala na maaaring makatulong kay Peter na kumilos nang may pananampalataya?

  • Ano ang magagawa ni Peter para matanggap ang tulong na ibibigay ni Jesucristo?

Suriin ang mga konsepto o tanong nang may walang-hanggang pananaw

Basahin ang talata 8 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document. Maaari mong markahan ang mahahanap mo na makatutulong

  • Sa iyong palagay, paano ninanais ng Ama sa Langit na pag-isipan ni Peter ang kanyang sitwasyon?

  • Sa iyong palagay, bakit makatutulong kay Peter na makita ang kanyang sitwasyon nang may walang-hanggang pananaw?

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

  • Anong uri ng mga source na itinalaga ng Diyos ang maaari mong ituro kay Peter na makapagbibigay sa kanya ng tulong na kailangan niya?

Ang isang mahalagang source na itinalaga ng Diyos na makatutulong sa sitwasyong ito ay ang Alma 7:11–13. Muling basahin ang mga talatang ito, at maghanap ng mga turong makatutulong kay Peter.

  • Ano ang gusto mong maunawaan at madama ni Peter sa mga talatang ito?

  • May naiisip ka bang iba pang mga talata sa banal na kasulatan na nagtuturo kung ano ang maaaring nais ng Ama sa Langit na malaman ni Peter?

Kapag tapos na ang mga estudyante, maaari mo silang anyayahang mag-isip ng sarili nilang mga sitwasyon kung saan kailangan nila ang tulong ng Tagapagligtas. Maaari mong hilingin sa kanila na pag-isipan kung paano makatutulong sa kanila ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrinang itinuro sa Alma 7:11–13 para matanggap nila ang tulong ng Tagapagligtas sa kanilang buhay. Maaaring isulat ng mga estudyante ang mga naisip nila sa kanilang study journal.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Dapat gamitin ang sumusunod na aktibidad sa pagrerebyu sa isang lesson na ituturo kaagad pagkatapos nito.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na sabihin ang reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan na “Alma 7:11–13: ‘At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso’” nang paulit-ulit kasama ng kapartner hanggang sa madali na nila itong maulit nang walang kopya.