“Alma 7:1–13: Upang Matulungan Niya ang Kanyang mga Tao,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 7:1–13,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 7:1–13
Upang Matulungan Niya ang Kanyang mga Tao
Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Upang maisagawa ito, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang magdusa para sa ating mga kasalanan at madaig ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Kusang-loob na pinagdusahan ng Tagapagligtas ang lahat ng bagay para sa atin “upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na magtiwala at makadama ng higit na pagmamahal sa iyong Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang pinakamahahalagang bagay
Gumawa ng listahan ng itinuturing mong ilan sa pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo, at pagkatapos ay i-rank ang mga ito mula sa pinakamahalaga hanggang sa pinakahindi mahalaga.
-
Bakit makabuluhan o mahalaga ang isang pangyayari?
-
Bakit kaya medyo mahirap i-rank ang mga ito ayon sa kahalagahan?
Habang nagsasalita si Alma sa mga tao sa lupain ng Gedeon, nagpropesiya siya na bagama’t “maraming bagay ang darating; … may isang bagay na higit na mahalaga” kaysa anupaman (Alma 7:7).
Basahin ang Alma 7:7, at hanapin ang pinakamahalagang pangyayaring ito. Maaari mong markahan ang nahanap mo.
-
Sa palagay mo, bakit pinakamahalagang pangyayari sa lahat ang pagparito ng Tagapagligtas?
Matapos magsalita si Alma sa mga tao ng Zarahemla at isaayos ang Simbahan sa bahaging iyon ng lupain (tingnan sa Alma 6), naglakbay siya patungo sa lupain ng Gedeon. Ang Alma 7 ay naglalaman ng mahahalagang turo mula kay Alma sa mga tao ng Gedeon tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Bago ka magsimulang mag-aral, isipin sandali kung paano nauugnay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa iyong buhay. Anong mga sitwasyon ang nararanasan mo sa kasalukuyan kung saan kailangan mo ang tulong na ibinibigay ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas?
Sa iyong pag-aaral ngayon, maghanap ng mga turo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang ginawa Niya para sa iyo at kung paano Ka Niya matutulungan.
Nagturo si Alma tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas
Ano ang pinagdusahan ng Tagapagligtas para sa akin |
Bakit nagdusa ang Tagapagligtas para sa akin |
---|---|
Basahin ang Alma 7:11–13, at alamin ang mga itinuro ni Alma tungkol sa kung ano ang pinagdusahan o inako ni Jesucristo para sa iyo bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. Isulat ang mga ito sa unang column ng iyong chart.
Basahin ang 2 Nephi 9:21; Mosias 3:5–8; at Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Kabilang sa mga scripture passage na ito ang iba pang mga detalye tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas. Magdagdag ng anumang salita o parirala na nakita mong mahalaga sa unang column sa iyong chart. Maaari kang magdagdag ng cross-reference o link mula sa mga scripture passage na ito sa Alma 7:11–13.
-
Ano ang mga naisip o nadama mo nang malaman mo ang tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas?
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang maunawaan ang pinagdusahan at inako ng Tagapagligtas bilang bahagi ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo?
Bakit pinagdusahan ni Jesucristo ang mga bagay na ito
Basahing muli ang Alma 7:11–13, at alamin sa pagkakataong ito kung bakit nagdusa ang Tagapagligtas para sa iyo. Pagtuunan ang mga pariralang nagsisimula sa “upang [makalag] niya” o “upang kanyang” habang nagbabasa ka. Sa pangalawang column ng iyong chart, isulat ang nalaman mo.
-
Ano ang natutuhan mo kung bakit pinagdusahan ni Jesucristo ang mga bagay na ito para sa iyo?
-
Paano mo ibubuod ang napag-aralan mo sa Alma 7:11–13 sa isang pahayag ng katotohanan?
Mula sa Alma 7:11–13, maaaring natukoy mo ang katotohanang tulad nito: Si Jesucristo ay nagdusa upang iligtas ako mula sa kasalanan at kamatayan at tulungan ako sa mga hamon ng mortalidad.
Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang ilan sa mga hamon ng mortalidad kung saan tayo matutulungan ng Tagapagligtas. Basahin ang sumusunod na pahayag o panoorin ang video na “Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 3:13 hanggang 4:01.
Dinanas at pinagdusahan ng ating Tagapagligtas ang kabuuan ng lahat ng pagsubok sa buhay “ayon sa laman” para malaman Niya “ayon sa laman” kung paano “tutulungan [na ibig sabihin ay paginhawahin o saklolohan] ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.” Alam Niya kung gayon ang ating mga paghihirap, dalamhati, tukso, at pagdurusa, sapagkat kusang-loob Niyang dinanas ang lahat ng ito bilang mahalagang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. At dahil dito, binigyang-kapangyarihan Siya ng Kanyang Pagbabayad-sala na tulungan tayo—na bigyan tayo ng lakas na tiisin ang lahat. (Dallin H. Oaks, “Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2015, 61–62)
-
Ano ang ipinauunawa o ipinadarama sa iyo ng pahayag na ito tungkol sa Tagapagligtas?
Iugnay ito sa iyong buhay
Pag-isipan sandali kung ano ang pinagdusahan ng Tagapagligtas na personal para sa iyo. Halimbawa, anong mga partikular na paghihirap, tukso, kahinaan, o pagdurusa ang nararanasan mo o naranasan mo? Maaari mong isulat ang mga naisip mo sa ibaba ng iyong chart.
Pagkatapos, mapanalanging pag-isipan kung paano ka pinalakas o mapapalakas ng Tagapagligtas sa bawat isa sa mga paghihirap na ito. Hilingin sa Ama sa Langit na bigyan ka ng inspirasyon habang isinusulat mo ang iyong mga naiisip at nadarama.
-
Kailan mo nadama ang lakas na ibinibigay ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala?
-
Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo sa iyong pag-aaral ngayon na gusto mong matandaan?