Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 5: Mosias 18–Alma 16


“I-assess ang Iyong Pagkatuto 5: Mosias 18–Alma 16,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 5,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

I-assess ang Iyong Pagkatuto 5

Mosias 18Alma 16

kabataang nagha-hiking

Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo at ang pag-unlad na naranasan mo sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon.

Pagtulong sa mga estudyante na tanggapin at igalang ang isa’t isa. Lumikha ng mga karanasan na nagbibigay-daan sa mga estudyante na makahugot ng lakas mula sa isa’t isa at mula sa kanilang iisang hangarin na matamo ang pagpapagaling, biyaya, at kapayapaan ng Tagapagligtas. Kapag nalalaman ng mga estudyante kung ano ang mga pagkakatulad nila, mas malamang na makapag-aambag sila sa mga paraang may pagdamay.

Paghahanda ng estudyante: Maaaring anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng banal na kasulatan sa Mosias 18Alma 16 tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na makabuluhan sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na i-assess ang mga mithiing itinakda nila, ang kanilang kakayahang ipaliwanag ang mga turo sa Aklat ni Mormon, o kung paano nagbabago ang kanilang pag-uugali, hangarin, at kakayahang ipamuhay ang ebanghelyo. Ang pag-aaral ng klase ng Mosias 18 hanggang Alma 16 ay maaaring nakapagbigay-diin sa iba pang mga katotohanan maliban pa sa nasa mga sumusunod na aktibidad. Kung gayon, maaaring iangkop ang mga aktibidad upang maisama ang mga katotohanang iyon.

Isipin ang progresong nagawa habang nakatuon sa kinakailangang gawin

Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan tungkol sa pagha-hiking o pagbibisikleta, pagsulong, at pagpapatuloy sa iyong destinasyon. Kung maaari, magbahagi ng mga larawan ng iyong outing. Maaari ding anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga katulad na karanasan.

kabataang nagha-hiking

Isipin ang isang pagkakataon na ikaw ay nag-hiking, nagbisikleta, o naglakbay sa malayo. Habang nakatingin ka sa unahan at nagsisimula nang maglakbay, maaaring madama mo na hindi ka gaanong nakakalayo. Ano ang mangyayari kapag naglaan ka ng sandali na lumingon sa pinanggalingan mo? Malamang na mapapansin mo na mas malayo na pala ang nilakbay mo kaysa sa inakala mo.

  • Ano ang kapakinabangan na alam mo kung saan ka nanggaling at kung saan ka pupunta?

Ang ating buhay ay maihahambing sa isang paglalakbay. Ang pagninilay kung saan ka nanggaling at saan ka patungo sa isang paglalakbay ay maaaring maging katulad ng paminsan-minsang pagninilay tungkol sa mga mithiin mo para sa iyong personal na pag-unlad.

  • Paano ka nakinabang sa paglalaan ng panahon na suriin ang iyong mga mithiin at progreso?

Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na suriin ang naging progreso mo sa iyong paglalakbay bilang disipulo ni Jesucristo. Hingin ang inspirasyon ng Espiritu Santo habang pinagninilayan mo ang iyong progreso.

Pagiging disipulo ni Jesucristo

Layunin ng aktibidad na ito na tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang napag-aralan na nila sa Aklat ni Mormon. Layunin din nito na tulungan ang mga estudyante na mag-isip ng mga mithiin na maaaringgusto nilang gawin para ituon ang kanilang pag-aaral at pagkatuto sa natitirang bahagi ng Aklat ni Mormon. Maaari kang magpakita o magdrowing sa pisara ng isang simpleng larawan na katulad ng nasa ibaba at ibahagi ang mga tagubilin na kasunod nito. Maaari mong iakma ang aktibidad kung kinakailangan upang matulungan ang mga estudyante na magkaroon ng makabuluhang mga karanasan habang pinagninilayan nila ang kanilang natututuhan. Hikayatin ang mga estudyante na tukuyin ang mga talata sa banal na kasulatan mula sa Aklat ni Mormon na sumusuporta sa kanilang mga sagot.

stick figure sa landas

Magdrowing ng landas na kumakatawan sa landas ng tipan at sa iyong paglalakbay bilang disipulo ni Jesucristo. Isama ang kahariang selestiyal sa dulo ng landas. Idrowing ang sarili mo sa gitna ng landas.

Rebyuhin ang napag-aralan mo sa Aklat ni Mormon at ang mga isinulat mo sa iyong study journal para matulungan kang maalala ang natutuhan mo. Sa likod ng drowing ng sarili mo, isulat ang natutuhan mo sa iyong pag-aaral ng unang kalahati ng Aklat ni Mormon na nakatulong sa iyo na maging disipulo ni Jesucristo. Maaari kang magsama ng kaalamang natamo mo, mga pag-uugali o hangarin na nataglay mo, o mga gawaing naisagawa mo.

Kapag natapos na ang mga estudyante, hayaan silang magbahagi. Maaari mong sabihin sa mga handang estudyante na ilista sa pisara ang ilan sa kanilang mga sagot sa likod ng taong nasa landas. Pagkatapos ay maaari mo nang simulan ang talakayan para sa buong klase sa pamamagitan ng pagpapabahagi sa kanila ng anumang bagay na sa palagay nila ay pinakamakabuluhan. O maaari mong itanong sa mga estudyante ang tungkol sa kaalamang natamo nila na mas maipapaliwanag na nila ngayon, ang mga pag-uugali o hangarin na sa palagay nila ay naisaayos o nabago dahil sa natutuhan nila, o mga pag-uugaling isinasabuhay nila mula sa Aklat ni Mormon. Maaari mo ring ituro ang isa sa mga sagot na nakasulat sa pisara at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga partikular na scripture passage o salaysay na nagbigay-inspirasyon sa kanilang sagot. Maaari mo ring hilingin sa mga handang estudyante na pumili ng isang sagot sa pisara na hindi galing sa kanila at ibahagi kung bakit sila naantig nito. Hikayatin ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang bagay na masyadong personal o pribado.

Matapos magbahagi ang mga estudyante, sabihin sa kanila na pag-isipan kung anong karagdagang kaalaman ang inaasam nilang matamo habang patuloy nilang pinag-aaralan ang Aklat ni Mormon. Maaari mong ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin at ipadagdag sa mga estudyante sa pahina ng kanilang study journal.

Tingnan muli ang larawan sa iyong study journal. Sa landas sa harap ng drowing na kumakatawan sa iyo, isulat ang mga bagay na gusto mong gawin o patuloy na gawin habang nagsisikap kang maging katulad ni Jesucristo.

  • Ano pa ang inaasam mong matutuhan habang pinag-aaralan mo ang susunod na kalahati ng Aklat ni Mormon?

  • Ano ang inaasam mong malaman, madama, o magawa sa katapusan ng taong ito bilang resulta ng pag-aaral mo ng pangalawang kalahati ng Aklat ni Mormon?

Nararanasan ang pagbabago ng puso

Ang aktibidad na ito ay makatutulong sa mga estudyante na pag-isipan ang mga paraan na nararanasan nila ang pagbabago ng puso.

Kamakailan ay nabasa mo ang tungkol sa maraming tao na nakaranas ng pagbabago ng puso. Para sa ilan, tulad ng Nakababatang Alma at ng mga anak ni Mosias, ang pagbabago ay agaran at nakaaantig. Para sa iba, tulad ni Amulek at ng mga tao ni Limhi, ang pagbabago ng kanilang puso ay nangyari nang dahan-dahan.

Tinanong ni Alma ang mga tao ng Zarahemla, “Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso?” (Alma 5:14). At kung gayon, “nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?” (Alma 5:26). Pag-isipan ang progreso ng pagbabago ng sarili mong puso. Mahirap ba kung minsan na matukoy kung paano ka matutulungan ng Panginoon na magbago? Sa anong mga paraan mo nakita ang iyong sarili sa ilan sa mga salaysay na pinag-aralan mo?

Basahin ang Alma 5:14–19, 26–29, at mapanalanging pagnilayan ang mga tanong ni Alma.

Maaaring naitala mo na ang iyong mga sagot sa mga tanong ni Alma sa iyong study journal noong una mong pag-aralan ang mga talatang iyon. Ikumpara ang isinulat mo noon sa kung paano mo sasagutin ang mga tanong ngayon. Ano ang napansin mo? Ano sa palagay mo ang nais ng iyong Ama sa Langit na matukoy, madama, o gawin mo matapos ikumpara ang iyong mga sagot?

Maaari mong isulat ang iyong mga bagong sagot o ang nadarama mo tungkol sa iyong progreso.

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kung minsan ay mahirap makita ang pag-unlad ng sarili. Humanap ng mga pagkakataon na matulungan ang bawat estudyante na makita ang kanilang pag-unlad at progreso. Kung nakapansin ka ng mga paraan kung paano nakaranas ng pagbabago ng puso ang isang estudyante, ibahagi iyon sa kanya.

Pagpapaliwanag ng doktrina ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na magsanay na maipaliwanag ang doktrina ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang isang paraan para matulungan ang mga estudyante na magawa ito ay pagpartner-partnerin sila. Ang bawat estudyante ay maaaring magsulat ng isang sitwasyon o tanong kung saan makatutulong ang pag-unawa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Matapos isulat ang sitwasyon o tanong, maaaring magpalitan ng papel ang mga estudyante at pagkatapos ay magsulat ng sagot dito. Kapag tapos na silang magsulat, maaaring ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa isa’t isa.

Sumulat ng isang eksena o sitwasyon kung saan makatutulong sa isang tao ang pag-alam tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Halimbawa, isang dalagita ang nag-iisip kung mapapatawad siya, o nadarama ng isang binatilyo na nag-iisa siya sa kanyang mga pagsubok. O, sa halip na isang sitwasyon, maaari mong isulat ang tanong mo o ng ibang tao tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Isipin ang natutuhan mo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Tingnan ang mga banal na kasulatan na minarkahan mo o ang mga isinulat mo sa iyong study journal. Maaaring nagmarka ka ng ilang banal na kasulatan o nagsulat ng mga tala mula sa iyong pag-aaral ng Mosias 26 o Alma 7 (tingnan din sa 2 Nephi 9; Mosias 14–16).

Isulat ang sasabihin mo bilang sagot sa sitwasyon o tanong. Ipaliwanag kung paano makatutulong ang pag-unawa sa doktrina ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa sitwasyon o pagsagot sa tanong. Subukang gumamit ng isa o mahigit pang scripture passage mula sa Aklat ni Mormon.

Ibahagi ang iyong patotoo at anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.