Seminary
Alma 13: “Upang Kayo … ay Makapasok sa Kapahingahang Yaon.”


“Alma 13: ‘ Upang Kayo … ay Makapasok sa Kapahingahang Yaon,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 13,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 13

“ Upang Kayo … ay Makapasok sa Kapahingahang Yaon.”

ang Tagapagligtas

Sa buhay na ito, marami tayong alalahanin at problema. Nariyan ang Panginoon para tulungan tayo at nais Niyang makapasok tayo sa Kanyang kapahingahan. Ipinaliwanag ni Alma na nag-orden ang Panginoon ng matataas na saserdote o mga high priest upang ituro ang mga kautusan at magsagawa ng mga ordenansa upang makapasok ang mga tao sa kapahingahan ng Panginoon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pumasok sa kapahingahan ng Panginoon at kung paano mo ito magagawa.

Pagtulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga simbolo na nakaturo kay Jesucristo. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga simbolo na nakaturo kay Jesucristo. Magtanong para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga simbolong ito, at sumangguni sa komentaryo ng propeta kapag mayroon. Talakayin kung ano ang itinuturo ng mga simbolo tungkol sa Tagapagligtas.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano sila napagpala sa pamamagitan ng isang lider ng Simbahan o ng pakikibahagi sa ordenansa ng ebanghelyo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang kapahingahan ng Panginoon

Ang layunin ng sumusunod na aktibidad ay ihanda ang mga estudyante na maunawaan ang kapahingahan ng Panginoon. Ikaw at ang mga estudyante ay maaaring magbahagi ng mga karanasan tungkol sa buting naidulot sa iyo ng pamamahinga.

  • Kailan nakabuti sa iyo ang pamamahinga?

Madalas banggitin sa mga banal na kasulatan ang kapahingahan ng Panginoon. Ang kapahingahan ng Panginoon ay tumutukoy sa “kaganapan ng kanyang kaluwalhatian” (Doktrina at mga Tipan 84:24). Ang kapahingahan ng Panginoon ay tumutukoy rin sa “nakalulugod na kapayapaan at kalayaan mula sa pagkabalisa at kaguluhan. Ipinangako ng Panginoon ang gayong kapahingahan sa kanyang matatapat na tagasunod sa buhay na ito. Inihanda rin niya ang isang dako ng kapahingahan para sa kanila sa buhay na susunod” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kapahingahan,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Ang pagkakaroon ng kapayapaan at kalayaan mula sa pagkabalisa at kaguluhan ay hindi nangangahulugang walang mga pagsubok ang buhay. Basahin ang Mateo 11:28–30, at alamin ang itinuturo ng Panginoon tungkol sa Kanyang kapahingahan sa mga paghihirap sa buhay.

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan kung paano sila makikinabang sa kapahingahan ng Panginoon ngayon sa kanilang buhay. Maaari din nilang isulat sa kanilang study journal ang ilan sa mga naisip nila.

Pag-isipan ang iyong kasalukuyang sitwasyon.

  • Paano ka makikinabang sa pagpasok sa kapahingahan ng Panginoon?

Inanyayahan ni Alma ang mga tao ng Ammonihas na magsisi at huwag patigasin ang kanilang mga puso upang sila ay mapatawad at makapasok sa kapahingahan ng Panginoon (tingnan sa Alma 12:33–37). Habang pinag-aaralan mo ang Alma 13, alamin ang ibinigay ng Panginoon para tulungan kang makapasok sa Kanyang kapahingahan sa buhay na ito at sa buhay na darating.

Maaari mong hatiin sa dalawang grupo ang klase, at ipaaral sa isang kalahati ng klase ang Alma 13:1–2, 6 na tungkol sa mga lider ng priesthood, at ipaaral sa isa pang kalahati ng klase ang Alma 13:16 na tungkol sa mga ordenansa ng priesthood. Makatutulong ito sa mga estudyante na matukoy kaagad ang dalawang alituntunin at ilista ang mga ito sa pisara bago ninyo talakayin ang mga ito bilang klase. Ang isa pang paraan ay maghanda ng content mula sa bawat alituntunin na pag-aaralan ng mga estudyante nang magkakapartner o magkakagrupo bago ibahagi ang kanilang natutuhan sa iba pang mga estudyante. Maaari itong magbigay ng oras na talakayin ang Alma 13:27–30 kalaunan sa lesson.

Tinutulungan tayo ng mga lider ng priesthood na makapasok sa kapahingahan ng Panginoon

Itinuring ng mga tao ng Ammonihas ang kanilang sarili na “alinsunod sa orden at pananampalataya ni Nehor” (Alma 14:16). Dahil dito, naniwala sila na maliligtas sila nang walang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at pinalitan nila ang priesthood ng isang maling orden na tinawag ni Alma na “huwad na pagkasaserdote” (tingnan sa Alma 1:3–4, 12, 16). Upang iwasto ang kanilang mga maling paniniwala, itinuro sa kanila ni Alma kung paanong “ang Panginoong Diyos ay nag-orden ng mga saserdote, alinsunod sa kanyang banal na orden” (Alma 13:1).

Basahin ang Alma 13:1–2, 6, at alamin kung bakit nag-orden ang Panginoon ng mga lider ng priesthood.

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit tumatawag ang Panginoon ng mga lider ng priesthood?

Mula sa mga talatang ito, nalaman natin na tumatawag ang Tagapagligtas ng mga lider ng priesthood upang tulungan tayong umasa sa Kanya para sa pagtubos at ituro ang Kanyang mga kautusan upang makapasok tayo sa Kanyang kapahingahan.

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, si Jesucristo ay may kapangyarihan at awtoridad na tubusin ang buong sangkatauhan. Upang magamit ang Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan, ipinagkaloob Niya ang isang bahagi ng Kanyang kapangyarihan at awtoridad sa kalalakihan sa daigdig. Ang ipinagkaloob na kapangyarihan at awtoridad ay tinatawag na priesthood. (Dale G. Renlund, “Ang Priesthood at ang Nagbabayad-salang Kapangyarihan ng Tagapagligtas,” Liahona, Nob. 2017, 64)

  • Ano ang ipinauunawa sa iyo ng pahayag na ito kung bakit patuloy na tumatawag ang Diyos ng mga tao upang taglayin ang priesthood sa ating panahon?

Ang mga high priest na binanggit ni Alma ay “tinawag at inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig … dahil sa kanilang labis na pananampalataya at mabubuting gawa” (Alma 13:3). Kasabay nito, ang iba ay “tinatanggihan ang Espiritu ng Diyos dahil sa katigasan ng kanilang mga puso” (Alma 13:4).

Ang iba pang mga lider ng Simbahan, tulad ng mga lider ng Relief Society, Young Women, at Sunday School, ay naglilingkod nang may ipinagkaloob na awtoridad ng priesthood. Sa paglilingkod kasama ang mga lider ng priesthood, tumutulong sila sa paggabay sa mga indibiduwal at pamilya na lumapit kay Cristo.

Para masagot ang sumusunod na tanong, maaaring gumawa ang mga estudyante ng listahan bilang isang klase o maaari silang sumagot sa maliliit na grupo. Maaari mo ring anyayahan ang isang lokal na lider ng Simbahan na pumunta sa klase at ibahagi kung ano ang ginagawa niya para tulungan ang iba na umasa kay Jesucristo.

  • Ano ang ilang paraan na tinutulungan tayo ng mga lider ng Simbahan na umasa kay Jesucristo at pumasok sa Kanyang kapahingahan?

Ang mga ordenansa ng priesthood ay tumutulong sa atin na pumasok sa kapahingahan ng Panginoon

Binanggit ni Alma ang mga matwid na halimbawa ng matataas na saserdote o mga hight priest at kung paano sila “pinabanal” (Alma 13:11) at “ginawang dalisay at nakapasok sa kapahingahan ng Panginoon nilang Diyos” (Alma 13:12). Pagkatapos ay partikular na tinukoy ni Alma si Melquisedec bilang halimbawa ng isang matwid na lider ng priesthood. Tandaan na noong una ay masasama ang mga tao ni Melquisedec tulad ng mga tao ng Ammonihas (tingnan sa Alma 8:9; 13:17).

Basahin ang Alma 13:14–19, at alamin kung paano pinaglingkuran ni Melquisedec ang kanyang mga tao.

  • Anong mga pagkakatulad ang napansin mo kina Melquisedec at Jesucristo?

  • Ayon sa talata 16, ano ang isang layunin ng mga ordenansa ng priesthood?

Nalaman natin mula sa talata 16 na ang mga ordenansa ng priesthood ay tumutulong sa atin na umasa kay Jesucristo para sa kapatawaran ng mga kasalanan upang makapasok tayo sa Kanyang kapahingahan.

Maaaring makatulong na magpakita ng mga larawan ng iba’t ibang ordenansa ng priesthood na isinasagawa at talakayin kung paano tumutulong ang mga ito sa atin na “umasa sa Anak ng Diyos” (Alma 13:16). Tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang pakikibahagi sa mga ordenansa at kung paano nila nadama ang kapahingahan ng Tagapagligtas.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano tumutulong sa atin ang ilang ordenansa ng priesthood na umasa kay Jesucristo.  ChurchofJesusChrist.org.

2:3

Ang mahahalagang ordenansa ng ebanghelyo ay sumisimbolo sa Pagbabayad-sala. Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay simbolo ng kamatayan, paglilibing, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Manunubos. Ang pagtanggap ng sakramento ay nagpapanibago ng mga tipan sa binyag at nagpapanibago rin sa ating alaala tungkol sa nabugbog na katawan ng Tagapagligtas at sa dugong itinigis Niya para sa atin. Ang mga ordenansa sa templo ay sumisimbolo ng pakikipagkasundo natin sa Panginoon at nagbubuklod sa mga pamilya magpakailanman. (Russell M. Nelson, “The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35)

  • Ano ang natutuhan mo mula kay Pangulong Nelson tungkol sa mga ordenansa ng priesthood?

  • Kailan mo nadama na mas malapit ka sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ordenansa ng priesthood?

Upang kayo ay makapasok sa Kanyang kapahingahan

Tulad ng mga saserdote na inilarawan sa Alma 13:1–19, masigasig na hinangad ni Alma na tulungan ang mga tao na maghandang pumasok sa kapahingahan ng Panginoon. Ipinaalala niya sa kanila na malapit nang dumating ang Panginoon (tingnan sa Alma 13:21–26). Ninais ni Alma nang may “labis na pagkabahala maging sa pasakit, na [sila] ay makinig sa [kanyang] mga salita” (Alma 13:27).

Basahin ang Alma 13:27–30, at alamin ang paanyaya ni Alma sa mga tao.

  • Sa iyong palagay, alin sa mga paanyaya ni Alma (pumili ng isang partikular na paanyaya) ang makatutulong sa atin na makapasok sa kapahingahan ng Panginoon?

    Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magtanong ng anumang bagay tungkol sa mga turo ni Alma at magtulungan bilang isang klase na sagutin ang mga ito.

    Ang sumusunod na tanong ay para personal na pag-isipan. Sabihin sa mga estudyante na kumilos ayon sa paanyaya na sa palagay nila ay makatutulong sa kanila nang husto at alamin kung paano sila matutulungan ng paggawa nito na matanggap ang kapahingahan ng Panginoon.

  • Ano ang natutuhan mo mula sa Alma 13 na makatutulong sa iyong buhay ngayon?

Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para malaman kung ano ang magagawa mo upang maipamuhay ang natutuhan mo para makapasok sa kapahingahan ng Panginoon.

Ipagpalagay na kausap mo ang isang kaibigan na nag-aalala tungkol sa isang problemang kinakaharap niya. Ano ang ibabahagi mo sa iyong kaibigan mula sa napag-aralan sa Alma 13 para matulungan siyang makapasok sa kapahingahan ng Panginoon? Magsama ng kahit isang talata mula sa Alma 13 sa iyong sagot.