Seminary
Alma 31:1–11: “Ang Bisa ng Salita ng Diyos”


“Alma 31:1–11: ‘Ang Bisa ng Salita ng Diyos,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 31:1–11,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 31:1–11

“Ang Bisa ng Salita ng Diyos”

mga missionary na nagtuturo mula sa mga banal na kasulatan

Anong mga uri ng mga bagay ang maaaring maging dahilan para madama mong malayo ka sa Tagapagligtas? Ano ang tumutulong sa iyo para madama mong mas malapit ka sa Kanya? Matapos marinig na ang mga Zoramita ay “nahulog sa malalaking kamalian” (Alma 31:9), gumawa si Alma ng mga plano na gamitin ang kapangyarihan ng salita ng Diyos upang anyayahan silang bumalik kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na umasa sa kapangyarihan ng salita ng Diyos para manatiling tapat kay Jesucristo.

Pagtulong sa mga mag-aaral na makita kung paano sila makagagawa ng epektibong matwid na gawain. Maaaring makinabang ang mga estudyante sa pagtuklas sa iba’t ibang paraan na maipamumuhay nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga sitwasyon sa buhay. Matapos nilang pag-isipan o talakayin ang iba’t ibang opsiyon, sabihin sa mga estudyante na gawin ang opsiyon na sa palagay nila ay pinakamainam na makatutulong sa kanila sa kanilang kasalukuyang sitwasyon.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na makipag-usap sa isang tao tungkol sa kung paano nakatulong sa kanya ang salita ng Diyos na manatiling tapat sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Naliligaw

Ibinahagi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga natuklasan sa pagsasaliksik tungkol sa kung gaano kahirap maglakad nang diretso kapag wala tayong nakikitang mga tanda. Bagama’t inakala ng maraming tao sa research test na matagumpay sila, nakita sa mga resulta na “kung walang maaasahang mga tanda sa daan, naliligaw tayo” (Dieter F. Uchtdorf, “Araw-araw na Pagbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2021, 77). Maaari mong panoorin ang video na “Araw-araw na Pagbabalik-loob” mula sa time code na 1:40 hanggang 3:25, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, at isipin kung paano ito maaaring espirituwal na nauugnay sa ating buhay.

13:43
  • Paano ito maaaring espirituwal na nauugnay sa atin?

Sa Alma 31–35, malalaman mo ang tungkol sa mga Zoramita na minsang naniwala kay Jesucristo ngunit lumayo sa kanilang pananampalataya. Bago mo simulan ang iyong pag-aaral sa Alma 31, pagnilayan kung paano lumakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo.

Maaari mong ipakita ang sumusunod na tanong na sasagutin ng mga estudyante sa kanilang study journal para sa kanilang personal na pagninilay. Huwag hilingin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa tanong na ito.

  • Kung mananatili ka sa iyong kasalukuyang landas, ikaw ba ay patungo kay Cristo o palayo sa Kanya?

Ang mithiin ni Alma

Sa Alma 31:1–11, nalaman natin ang tungkol sa mga Zoramita at mga pagsisikap ni Alma na anyayahan silang bumalik sa Panginoon. Ang sumusunod na graphic ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano tinangka ni Alma na mabawi ang mga Zoramita.

icon ng handout Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na handout. Matutulungan nito ang mga estudyante na maghandang magtakda ng sarili nilang mithiin kalaunan sa lesson.

Ang plano ni Alma na turuan ang mga Zoramita

Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher (2024)—“Alma 31:1–11: ‘Ang Bisa ng Salita ng Diyos’”

Handout ng plano ni Alma na turuan ang mga Zoramita

Basahin ang Alma 31:1–4, 8–11, at alamin kung paano at bakit nagsimulang maligaw ang mga Zoramita. Isulat ang nakita mo sa bahaging “Problema.”

Maaari kang gumamit ng mga tanong na tulad ng mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pagkaligaw ng mga Zoramita at kung paano ito nakaapekto sa kanila. Tulungan ang mga estudyante na makita ang mga pagkakatulad sa ating panahon. Halimbawa, kung ang mga tao ay hindi sumusunod sa mga kautusan, hindi nagsisimba, hindi nakikibahagi sa mga ordenansang tulad ng sakramento, at hindi nagdarasal, malalayo sila sa Panginoon.

  • Sa anong mga paraan naligaw ang mga Zoramita? Anong mga problema ang idinulot nito?

  • Anong mga katulad na gawain ang maaaring maging sanhi ng pagkaligaw ng mga tao ngayon?

Basahin ang Alma 31:34, at alamin ang mithiin at mga inaasam ni Alma para sa mga Zoramita. Maaari mo itong isulat sa bahaging “Mithiin.”

  • Kung iisipin ang mithiin ni Alma at ang kanyang damdamin na nabasa mo sa Alma 31:1–2, ano sa palagay mo ang naghikayat kay Alma? Bakit kaya ito mahalaga?

Basahin ang Alma 31:5–7, 11, at markahan ang mga salita o parirala na naglalarawan sa plano ni Alma para maisakatuparan ang kanyang mithiin. Maaari mong isulat na sa talata 5, ang salitang bisa o “virtue” ay mula sa salitang Latin na virtus, na ang ibig sabihin ay lakas o kapangyarihan (tingnan sa Godpel Topics, “Virtue”).

Upang maihanda ang mga estudyante na sagutan ang bahaging “Paano isasakatuparan ang mithiin” ng handout, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “subukan ang bisa ng salita ng Diyos”? Saan mo makikita ang salita ng Diyos? (Maaari mong basahin at i-cross-reference ang Doktrina at mga Tipan 18:2–4, 34–36; 68:4.)

  • Ano ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mithiin at plano ni Alma na maisakatuparan ito?

Ang isang katotohanan na maaaring natukoy mo ay ang salita ng Diyos ay may kapangyarihang akayin ang mga tao patungo kay Jesucristo.

  • Ano ang nalalaman mo tungkol sa Diyos na nagpapalakas o nagpapatibay ng Kanyang salita para sa iyo? Sa iyong palagay, bakit mas makapangyarihan ito “kaysa sa espada, o ano pa mang bagay”? (Alma 31:5).

  • Sa paanong paraan tayo matutulungan ng salita ng Diyos na ibahagi ang ebanghelyo, iwasto ang mga maling ideya, o akayin ang iba patungo kay Jesucristo?

  • Paano nakaapekto sa iyong buhay ang salita ng Diyos?

Gamit ang natutuhan mo mula kay Alma at ang iyong mga ideya mula sa mga naunang tanong, sagutan ang bahaging “Paano isakatuparan ang mithiin.”

Ang salita ng Diyos sa buhay ko

Isipin kung paano nauugnay sa iyong buhay ang natutuhan mo mula kay Alma at sa mga Zoramita.

Ang mga sumusunod na tanong ay ginawa upang tulungan ang mga estudyante na maiugnay ang salaysay na ito sa sarili nilang buhay. Maaari kang magtanong ng mga bagay na katulad nito o iba pa na maaari mong maisip.

  • Ano ang ilang bagay na nagiging dahilan ng paglayo ng mga kabataan kay Jesucristo?

  • Paano makahahadlang ang pag-asa sa salita ng Diyos sa paglayo natin kay Jesucristo o paano ito makatutulong sa atin na makabalik sa Kanya?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi at ilista sa pisara ang mga banal na kasulatan na umakay sa kanila patungo sa Panginoon. Maaari din silang makahanap ng mga banal na kasulatan na tumatalakay sa ilan sa mga dahilan ng paglayo sa Panginoon.

Pag-isipan ang iyong kaugnayan kay Jesucristo. Mayroon bang anumang dahilan para lumayo ka sa Kanya? Gusto mo ba ng mas matibay na kaugnayan sa Kanya? Mapanalanging magtakda ng personal na mithiin na tutulong sa iyo na mapatibay ang iyong kaugnayan sa Kanya. Ang mithiing ito ay maaaring maiugnay o maidagdag sa iyong mga mithiin sa Mga Bata at Kabataan.

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng isa pang handout na gagamitin sa pagsusulat ng sarili nilang mithiin. Kung kinakailangan, talakayin ang iba’t ibang paraan na makaaasa ang mga estudyante sa bisa ng salita ng Diyos. Halimbawa, pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, paghahanap ng mga sagot o patnubay sa mga banal na kasulatan, pagdalo sa seminary, o iba pang mga ideya. Ang mga sumusunod na mungkahi ay makatutulong sa mga estudyante na i-personalize kung paano nila pupunan ang chart para sa kanilang sariling mithiin.

Isulat ang iyong sariling mithiin sa bahaging “Mithiin.”

Maaari mo ring isulat ang anumang balakid sa iyong mithiin sa bahaging “Problema.”

Sa bahaging “Paano isasakatuparan ang mithiin,” isulat kung paano ka makaaasa sa bisa ng salita ng Diyos. Isama kung paano ito makatutulong sa iyo na maisakatuparan ang iyong mithiin.

Maaaring makatulong ang mga sumusunod na tanong.

Maaaring madali para sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga mithiin. Maaari mong gamitin ang mga sumusunod na tanong para matulungan silang magbahagi at magkaroon ng talakayan.

  • Bakit ang mithiing ito ay isang bagay na sa palagay mo ay kailangan mo sa iyong buhay? Paano makaiimpluwensya sa iyong kaugnayan kay Jesucristo ang pagkamit nito?

  • Anong mga bagay ang partikular na gagawin mo para matulungan kang umasa sa kapangyarihan sa salita ng Diyos? Paano ka nito matutulungang isakatuparan ang iyong mithiin?

  • Anong mga banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan ang makahihikayat sa iyo na pagsikapan ang mithiing ito?

Maaari mong tapusin ang klase sa pag-anyaya sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa pag-aaral ng Alma 31:1–11 at anumang personal na ideya o impresyon. Magpatotoo tungkol sa bisa ng salita ng Diyos at sa kahalagahan ng paggawa ng mga bagay na iyon na mas maglalapit sa atin kay Jesucristo.