“Alma 41: Ipinanunumbalik ni Jesucristo ang Lahat ng Bagay,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 41,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 41
Ipinanunumbalik ni Jesucristo ang Lahat ng Bagay
Matapos ituro kay Corianton ang mga panganib ng kanyang mga kasalanan, nagsikap si Alma na itama ang mga maling turo. Itinuro niya kay Corianton ang mahahalagang katotohanan upang tulungan siyang maunawaan ang plano ng pagpapanumbalik ng Ama sa Langit at upang tulungan siyang magsisi. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na makita kung paanong ang kasamaan ay hindi hahantong sa kaligayahan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga paniniwala tungkol sa kabilang buhay
Isipin kung paano maaaring maimpluwensyahan ang iyong mga ginagawa kung naniniwala ka sa alinman sa mga sumusunod na maling pahayag:
Walang buhay pagkatapos ng kamatayan.
Pagkatapos nating mamatay, tayo ay dadakilain kahit ano pa ang ginawa natin sa mundo.
-
Bakit mahalaga na nauunawaan natin nang tama ang mangyayari sa atin pagkatapos nating mamatay?
-
Ano ang alam mo tungkol sa kabilang-buhay na nakakaimpluwensya sa iyong mga ginagawa ngayon?
Ang kahulugan ng pagpapanumbalik
Alalahanin na tinuturuan ni Alma ang kanyang anak na si Corianton, na nakagawa ng mabibigat na kasalanan (tingnan sa Alma 39), at may mga tanong tungkol sa ebanghelyo. Sa Alma 41, nalaman natin na nalito si Corianton ng mga turo ng mga taong lumihis mula sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Basahin ang Alma 41:1, at alamin kung ano ang hindi naunawaan ni Corianton. (Sa mga turo ni Alma, ang salitang panunumbalik o pagpapanumbalik ay tumutukoy sa isang bagay na ibinabalik o ibinabalik sa dating kalagayan. Maaari ding makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng sinalungat ang mga banal na kasulatan ay iniba, minali, o binago ang kahulugan ng mga ito.)
-
Ano ang hindi naunawaan ni Corianton?
Para matulungan si Corianton na magsisi, itinuro sa kanya ni Alma ang totoong doktrina. Alam niya na “ang tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng asal at pag-uugali” (Boyd K. Packer, “Huwag Matakot,” Liahona, Mayo 2004, 79). Ang pag-unawa sa doktrina ng pagpapanumbalik ay tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit napakahalaga ng mga pagpiling ginagawa natin sa buhay na ito.
Basahin ang Alma 41:2–9 para malaman ang itinuro ni Alma para masagot ang inaalala ni Corianton.
-
Ano ang ipanunumbalik pagkatapos nating mamatay?
-
Ayon kay Alma, paano naging posible ang pagpapanumbalik na ito?
-
Paano mahihikayat ng kaalamang ito tungkol sa pagpapanumbalik ang isang taong tulad ni Corianton na bumalik sa landas ng tipan?
“Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan”
Basahin ang Alma 41:10, at alamin ang itinuro ni Alma tungkol sa pagpapanumbalik, kasamaan, at kaligayahan.
-
Anong maling pagkaunawa ang itinama ni Alma kay Corianton?
Mula sa Alma 41:10, nalaman natin na ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.
-
Habang iniisip mo ang mga turo ni Alma tungkol sa batas ng pagpapanumbalik, sa iyong palagay, bakit totoo na “ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan”?
Pag-unawa sa katangian ng Diyos
Ang plano ng pagpapanumbalik ng Diyos ay hindi lamang plano para mabuhay tayong muli. Ito ay isang plano para tulungan tayong maging katulad Niya at maranasan ang Kanyang kaligayahan.
Basahin ang Alma 41:11 at alamin kung bakit imposibleng maging tunay na masaya kapag mali ang pinipili natin. Maaaring makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng “kasukdulan ng kapaitan” (talata 11) ay makaranas ng matinding kalungkutan o matinding pagkabalisa dahil sa kasalanan.
-
Anong mga pagkakaiba ang nakita mo sa kaligayahang ibinibigay ng Diyos at sa kaligayahan ng mundo?
-
Anong mga maling ideya ang nakikita mong ipinalalaganap na hindi nagdudulot ng kaligayahan, kahit na nakatutukso ang mga ito?
Ipinaliwanag ni Elder Marcus B. Nash ng Pitumpu ang kaugnayan ng katangian ng Diyos at ng kaligayahan:
Pansinin na ang pagiging walang Diyos sa daigdig—sa madaling salita, tumangging ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo at samakatwid wala sa kanya ang Espiritu—ay [nasa] kalagayang salungat sa likas na kaligayahan. Ang ebanghelyo ni Jesucristo, sa katunayan, ay ang—pansinin na ito ay pang-isahan, ibig sabihin, ito ang tanging—“dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8). Kung pipiliin ninyo ang ibang landas ng buhay o ipamumuhay lamang ang mga bahagi ng ebanghelyo na tila madali, ang pagpiling iyon ay pagkakaitan kayo ng ganap na maningning na kagalakan at kaligayahang nilayon para sa inyo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Anak. (Marcus B. Nash, “Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan,” Liahona, Nob. 2006, 49)
Upang matulungan kang makita kung paano naging katangian ng Diyos ang kaligayahan, ilista ang ilan sa Kanyang mga katangian. Kapag nakagawa ka na ng listahan, isipin kung paano nagdudulot ng kaligayahan ang mga katangiang ito para sa Ama sa Langit at sa iba. Halimbawa, ang Diyos ay maawain. Dahil ang Diyos ay maawain, Siya ay magagalak sa mga kaluluwang nagsisisi at magpapadama ng kagalakan ng pagpapatawad sa iba (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:13). Pumili ng kahit isang katangian o kautusan ng Diyos at ilarawan kung paano magdudulot ng kaligayahan ang pamumuhay nang may ganoong katangian o pagsunod sa kautusang iyon.
Pagpapanumbalik sa kabutihan
Akala ni Coriantion, maaari siyang mamuhay nang masama at muling mabuhay pa rin sa kaluwalhatian. Ayon sa batas ng Diyos, hindi ito mangyayari (tingnan sa Galacia 6:7–8). Itinama ni Alma si Corianton at inanyayahan niya itong bumalik sa Diyos at sa kaligayahan sa huli. Basahin ang Alma 41:12–15, at alamin kung paano hinikayat ni Alma si Corianton na mamuhay upang maibalik siya sa kabutihan at kaligayahan.
-
Mula sa nabasa mo, ano ang maaaring “ipinamamahagi” ng isang tao kung gusto niya ng higit na kaligayahan na “babalik sa [kanyang] muli”? (Alma 41:15).
-
Kailan ka nakaranas ng tunay na kaligayahan mula sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo?
Isipin ang natutuhan mo sa Alma 41 at ang hangarin mong maging maligaya. Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyo na gumawa ng plano para mahanap ang higit na kaligayahan:
-
Ano ang isang bagay na masisimulan kong gawin na makatutulong sa akin na maging maligaya at maipanumbalik sa kabutihan?
-
Ano ang isang bagay na maititigil kong gawin na makatutulong sa akin na maging maligaya at maipanumbalik sa kabutihan?
Anyayahan ang Espiritu Santo na gabayan ang iyong isipan at damdamin. Pag-isipang isulat ang iyong mga impresyon sa iyong personal journal o mga banal na kasulatan kung saan maaari mong balikan ang mga ito. Gumawa ng planong kumilos, pati na kung kailan ka magsisimula at kung paano mo susukatin ang iyong progreso.