Seminary
Alma 42, Bahagi 1: “Isang Ganap, Makatarungang Diyos, at Isa ring Maawaing Diyos”


“Alma 42, Bahagi 1: ‘Isang Ganap, Makatarungang Diyos, at Isa ring Maawaing Diyos,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 42, Bahagi 1,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 42, Bahagi 1

“Isang Ganap, Makatarungang Diyos, at Isa ring Maawaing Diyos”

Ang Nakababatang Alma na yakap ang kanyang anak na si Corianton

Ang pamumuhay sa mundong puno ng kasamaan nang may limitado at mortal na pananaw ay maaaring magpahirap sa atin na maunawaan ang ganap at perpektong katangian ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang plano. Nahirapan din si Corianton na maunawaan ang katotohanan ng katarungan at awa ng Diyos. Tinulungan siya ni Alma na palawakin ang kanyang pananaw tungkol sa ating mapagmahal na Ama sa Langit at sa Kanyang plano para sa atin. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang mas maunawaan ang katangian ng Ama sa Langit bilang isang makatarungan at maawaing nilalang.

Manalangin para sa iyong mga estudyante. Ang isang paraan para madagdagan ang iyong pagmamahal sa mga estudyante ay ipagdasal sila. Tulad ng personal na pagdarasal ng Tagapagligtas para kay Pedro (tingnan sa Lucas 22:32), maaari kang manalangin sa Ama sa Langit para sa bawat estudyante na binabanggit ang pangalan ng bawat isa sa kanila. Anyayahan Siya na tulungan kang mas maunawaan ang kanilang mga pangangailangan at ang mga paraan na matutulungan mo sila.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na makipag-usap sa isang kapamilya o kaibigan tungkol sa ilan sa iba’t ibang ideya na mayroon ang mga tao tungkol sa katangian ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Para simulan ang lesson na ito, maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Bigyan ang bawat magka-partner ng isa sa mga sumusunod na sitwasyon. Sabihin sa kanilang dalawa na basahin ang kanilang mga sitwasyon at pagkatapos ay talakayin kung ano ang maaaring mali tungkol sa mga palagay nina Gabe at Elsie.

Katarungan at awa ng Diyos

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon:

  • Pinipili ni Gabe na labagin ang mga kautusan ng Diyos. Noong una ay medyo nagsisi siya, ngunit nagpasiya siya na kung mahal na mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak, hindi Niya parurusahan si Gabe dahil sa kanyang mga kasalanan.

  • Si Elsie ay nasa kalagayan ng kawalang-pag-asa dahil nagsisi siya sa kasalanang nagawa niya, nadama niyang napatawad siya, pagkatapos ay muli siyang nagkamali. Naniniwala siya na walang pag-asa para sa kanya dahil pakiramdam niya ay nagsinungaling siya sa Diyos tungkol sa kanyang pagsisisi.

Maraming nagkakamali sa pag-unawa sa mapagmahal at perpektong balanse ng katarungan at awa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Habang pinag-aaralan mo ang lesson ngayon, isipin kung paano ka pinagpapala dahil ang Diyos ay makatarungan at maawain.

Tinulungan ni Alma si Corianton na maunawaan ang plano ng Diyos

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na balikan ang mga alalahanin ni Corianton mula sa Alma 40–41. Kung hindi nila maalala, ituon sila sa Alma 40:1; 41:1. Maaari mong ilista sa pisara ang mga alalahanin ni Corianton habang binabanggit ng mga estudyante ang mga ito.

Habang patuloy na nagpapayo si Alma kay Corianton, nahiwatigan ni Alma na may alalahanin ang kanyang anak tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano.

Basahin ang Alma 42:1 at alamin ang alalahanin ni Corianton.

Maaari mong idagdag ang alalahaning ito sa listahan sa pisara. Sa ilalim ng alalahaning ito, maaari mong ilista ang mga sagot ng mga estudyante sa mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang ilang palagay na maaaring umakay sa isang tao na isipin na hindi makatarungan para sa Diyos na parusahan ang mga makasalanan?

  • Ano ang panganib ng ganitong uri ng maling pagkaunawa?

  • Paano mo nakikita ang gayon ding mga maling pagkaunawa sa panahong ito?

Maaaring magandang pagkakataon ito upang ibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila sa kanilang paghahanda para sa klase.

Sinikap ni Alma na tulungan si Corianton sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanya ng mas malawak na pananaw tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano. Nagsimula siya sa pagpapaliwanag na ang Pagkahulog nina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden ay nagdulot ng espirituwal na kamatayan (pagkawalay sa Diyos) at temporal na kamatayan (ang kamatayan ng mortal na katawan) (tingnan sa Alma 42:2–8). Pagkatapos ay itinuro niya kay Corianton kung paano nauugnay ang Pagkahulog sa katarungan at awa ng Diyos.

Basahin ang Alma 42:9–12 at hanapin ang mga epekto ng Pagkahulog.

  • Anong mga epekto ng Pagkahulog ang nahanap mo?

Ang mga sagot ng mga estudyante sa naunang tanong ay makapaglilinaw sa naunawaan nila at kung ano ang maaaring kailangan para matulungan sila na makaunawa. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na dahil sa Pagkahulog, ang sangkatauhan ay naging “makamundo, makalaman, at mala-diyablo” (Alma 42:10) at “itinakwil mula sa harapan ng Panginoon” (Alma 42:11). Hindi natin madaraig ang pagkawalay na ito mula sa Diyos nang mag-isa.

Pagkatapos, upang maihanda ang mga estudyante na malaman ang iba pa tungkol sa katarungan at awa sa susunod na bahagi ng lesson, maaari mo silang anyayahang isulat ang sarili nilang kahulugan na may isa o dalawang pangungusap para sa dalawang salitang ito. Pagkatapos ay basahin ang mga sumusunod na kahulugan at sabihin sa mga estudyante na ikumpara ang kanilang mga kahulugan sa mga kahulugan na nasa Mga Paksa ng Ebanghelyo. Hayaang itanong ng mga estudyante ang anumang tanong nila.

  • Katarungan: “Sa mga salita sa banal na kasulatan, ang katarungan ay ang hindi nagbabagong batas na nagdadala ng mga bunga para sa ginawa. Dahil sa batas ng katarungan, tumatanggap tayo ng mga pagpapala kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Diyos. Hinihingi rin ng batas ng katarungan na pagbayaran ang bawat kasalanang ginawa natin” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Katarungan,” topics.ChurchofJesusChrist.org).

  • Awa: “Ang awa ay ang mahabaging pagtrato sa isang tao nang higit pa sa nararapat, at ito ay ginawang posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Awa,” topics.ChurchofJesusChrist.org).

Basahin ang Alma 42:13–15, at alamin ang itinuro ni Alma tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano.

  • Ano ang nalaman mo tungkol sa plano ng Diyos?

  • Anong mga katotohanan ang nalaman mo tungkol sa Diyos mula sa mga talatang ito?

Bukod sa iba pang mga katotohanan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng kaalaman na ang Diyos ay ganap, makatarungan, at maawain. Bagama’t may mahahalagang katotohanan na binanggit sa mga talatang ito tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa ginagampanan ng pagsisisi, ang mga paksang iyon ay mas tutuklasin pa sa susunod na lesson.

Katarungan at awa ng Diyos

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa katarungan at awa ng Diyos:

14:51

Ang katarungan ay isang mahalagang katangian ng Diyos. Maaari tayong sumampalataya sa Diyos dahil Siya ay lubos na mapagkakatiwalaan. Itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan na “ang Diyos ay hindi lumalakad sa mga liku-likong landas, ni siya ay bumabaling sa kanan ni sa kaliwa, ni siya ay nagpapabagu-bago sa yaong kanyang sinabi, samakatwid ang kanyang landas ay tuwid, at ang kanyang hakbangin ay isang walang hanggang pag-ikot” [Doktrina at mga Tipan 3:2] at na “hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao” [Mga Gawa 10:34]. Nakasalig tayo sa banal na katangian ng katarungan para sa pananampalataya, tiwala, at pag-asa.

Ngunit bunga ng pagiging lubos na makatarungan, may ilang bagay na hindi magagawa ng Diyos. Hindi Niya makatwirang maililigtas ang ilan at mapaparusahan ang iba. Siya ay “hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang” [Doktrina at mga Tipan 1:31]. Hindi Niya matutulutang mangibabaw ang awa sa katarungan [tingnan sa Alma 42:25].

Ang katotohanan na itinakda ng Diyos ang alituntunin ng awa ay malakas na katibayan ng Kanyang katarungan. Siya ay makatarungan kaya Siya nagbuo ng paraan para magkaroon ng mahalagang papel ang awa sa ating walang-hanggang tadhana. (D. Todd Christofferson, “Malaya Magpakailanman, na Kumilos para sa Kanilang Sarili,” Liahona, Nob. 2014, 17)

  • Ano ang ipinapaunawa sa iyo ng pahayag na ito tungkol sa Diyos?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong at kumpletuhin ang mga sumusunod na pahayag nang mag-isa at pagkatapos ay sabihin sa kanila na magbahagi sa ka-partner, maliit na grupo, o sa klase.

Kunwari ay may kaibigan ka na kapareho ng alalahanin ni Corianton. Tinanong ka niya kung paano naging makatarungan na pinarurusahan ng Diyos ang mga makasalanan.

  • Ano ang maaari mong sabihin sa iyong kaibigan para matulungan siyang maunawaan ang katarungan at awa ng Diyos? (Magsama ng mga talata o parirala mula sa Alma 42:9–15.)

Tapusin ang mga sumusunod na pahayag:

  • Pinagpapala ako ng katarungan ng Diyos dahil

  • Pinagpapala ako ng awa ng Diyos dahil

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa katarungan at awa ng Diyos.