Seminary
Alma 42, Bahagi 2: “Aangkin ng Awa ang Nagsisisi”


“Alma 42, Bahagi 2: ‘Aangkin ng Awa ang Nagsisisi,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 42, Bahagi 2,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 42, Bahagi 2

“Aangkin ng Awa ang Nagsisisi”

ipinintang larawan ni Jesucristo na nag-aabot ng kamay na puno ng awa

Para matulungang magsisi ang kanyang anak na si Corianton, itinuro sa kanya ni Alma ang tungkol sa katarungan at awa ng Diyos at kung paanong “walang maliligtas kundi ang tunay na nagsisisi” (Alma 42:24). Kapag nauunawaan natin ang plano ng awa ng Ama sa Langit, nais nating magsisi. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano nagbibigay-daan sa iyo ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matanggap ang awang ipinangako sa plano ng Ama sa Langit.

Anyayahan ang mga mag-aaral na magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Magbabago ang puso ng mga mag-aaral kapag kumikilos sila mula sa simpleng pagtalakay tungkol kay Jesucristo hanggang sa pagpapatotoo tungkol sa Kanya bilang kanilang personal na Manunubos na kilala, minamahal, at pinagkakatiwalaan nila. Maghanap ng mga epektibong paraan para maanyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa isa’t isa ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng halimbawa sa mga banal na kasulatan ng isang tao o grupo ng mga tao na nagpakita ng taos-pusong pagsisisi.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ipinapataw ng batas ang kaparusahan

Ang sumusunod ay naglalayong tulungan kang suriin ang pagkaunawa ng mga estudyante sa katarungan at awa ng Diyos. Kung kinakailangan, balikan ang mga kahulugan ng katarungan at awa mula sa lesson na “Alma 42, Bahagi 1.”

  • Ano ang ilang sitwasyon kung saan hinahangad ang katarungan? Paano naman ang awa?

Lahat tayo ay pinagpapala dahil ang Ama sa Langit ay kapwa makatarungan at maawain. Dahil sa plano ng Ama sa Langit, lahat tayo ay ibabalik sa harapan ng Diyos upang hatulan (tingnan sa Alma 42:23). Sa kanyang makasalanang kalagayan, si Corianton ay hindi handa para sa paghahatol. Umasa si Alma na ang pagtuturo sa kanya tungkol sa plano ng Ama sa Langit ay aakay kay Corianton na magsisi at maglingkod sa Diyos. Sa pag-aaral mo ng Alma 42, alamin ang itinuro ni Alma kay Corianton na magagawa niya para makatanggap ng awa ng Diyos.

Maaaring makinabang ang mga estudyante sa pagtalakay sa iba’t ibang batas sa lipunan, kung paano nakikinabang ang lipunan kapag sinusunod ang batas, at kung bakit mahalagang magkaroon ng mga kahihinatnan sa paglabag sa batas. Maihahanda nito ang mga estudyante na basahin ang Alma 42:17–21.

Tulad ng mga batas na may mahalagang ginagampanan sa lipunan, ang mga batas ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit.

Basahin ang Alma 42:17–21, at alamin ang ilan sa mga layunin ng batas sa plano ng Ama sa Langit (tingnan din sa 2 Nephi 2:13).

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa batas sa plano ng Ama sa Langit?

Magdrowing sa pisara ng timbangan na katulad ng sumusunod. Maaari mong gamitin ang drowing para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kaugnayan ng katarungan, batas, at awa sa isa’t isa. Hikayatin ang mga estudyante na magtanong sa buong lesson.

Kapag may mga tanong ang mga estudyante, makatutulong na ibahagi ang isa o higit pang mga pahayag mula sa bahaging “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto.”

drowing na timbangan

Lagyan ng label na “Katarungan” ang timbangan.

Ayon sa batas ng katarungan, may kinahihinatnan ang mga ginawa natin. Tayo ay tumatanggap ng mga pagpapala kapag sinusunod natin ang batas at ng kaparusahan kapag nilalabag natin ang batas.

Lagyan ng label na “paglabag sa batas” ang isang panig ng timbangan at ng “pagpaparusa sa mga makasalanan” ang kabilang panig.

Kung lalabag tayo sa isang batas, magiging hindi balanse ang timbangan. Para sa katarungan, kailangang balanse ang timbangan. Kailangan ng kabayaran (o kaparusahan) para mabalanse ang timbangan (tingnan sa Alma 42:22).

  • Ano ang mangyayari sa atin kung mababalanse lamang ng ating kaparusahan ang timbangan ng katarungan?

Ang kaparusahan para sa kasalanan ay espirituwal na kamatayan, ang “[itakwil] mula sa harapan ng Panginoon” (Alma 42:11).

Aangkin ng awa ang mga nagsisisi

Dahil ang Diyos ay “isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos” (Alma 42:15), naghanda Siya ng plano upang makatanggap tayo ng awa kapag nagkasala tayo.

Basahin ang Alma 42:15, 22–25, at alamin kung ano ang inilaan ng plano ng Ama sa Langit para mabalanse ang timbangan ng katarungan.

I-adjust ang mga label ng timbangan sa pisara ayon sa mga sumusunod na tagubilin.

Ekisan o burahin ang salitang makasalanan sa timbangan ng katarungan at palitan ito ng Tagapagligtas.

Upang matulungan ang mga estudyante na tumuon kay Jesucristo at magkaroon ng makabuluhang talakayan, maaari mong basahin ang ilan o lahat ng sumusunod na banal na kasulatan na nakalista sa mga panaklong. Talakayin kung paano nakatutulong ang mga iminungkahing talata sa pagsagot sa mga tanong.

  • Paano mo ipapaliwanag ang diagram ng timbangan ng katarungan sa sarili mong mga salita?

  • Ano ang ginawa ni Jesucristo para maipagkaloob ang awa? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:16–19).

  • Ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang awa ng Tagapagligtas? (tingnan sa Alma 12:32–34; 34:15–16).

Ang isang alituntunin na natutuhan natin ay kung tunay tayong nagsisisi, tatanggap tayo ng awa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Para maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng “tunay na nagsisisi,” maaaring basahin ng mga estudyante ang ilan sa mga banal na kasulatan na iminumungkahi sa ibaba. Maaari din nilang alalahanin ang ginawa nila para sa paghahanda ng estudyante at maaari silang magbahagi ng mga halimbawa ng mga taong tunay na nagsisisi mula sa mga banal na kasulatan.

Ang ibig sabihin ng nagsisisi ay maging mapagpakumbaba at magpakita ng kalungkutan sa nagawang kasalanan (tingnan sa 2 Corinto 7:10; 2 Nephi 2:7; Mosias 4:10)

  • Sa iyong palagay, bakit ang tunay na nagsisisi lamang ang maliligtas?

Isipin kunwari na ikaw si Corianton at hindi ka pa nagsisi sa lahat ng iyong mga kasalanan. Basahin ang Alma 42:26–30, at hanapin ang mga salita o parirala na maghihikayat sa iyo na magsisi.

  • Anong mga salita o parirala ang maaaring maghikayat sa iyo na magsisi? Bakit?

Matapos ituro kay Corianton ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit (tingnan sa Alma 40–42), ipinaalala ni Alma kay Corianton na siya ay “tinawag ng Diyos na mangaral ng salita” upang “makapagdala ng mga kaluluwa sa pagsisisi” (Alma 42:31). Nagsisi si Corianton sa kanyang mga kasalanan at tinupad niya ang kanyang tungkulin (tingnan sa Alma 49:30).

Pag-isipan ang pangangailangan mong magsisi, at isipin kung paano ka tunay na magsisisi. Tandaan na patatawarin ka ng Ama sa Langit kapag nagsisi ka (tingnan sa Mosias 26:30; Isaias 1:18).

Sumulat ng tatlo o apat na pangungusap na nagpapaliwanag sa ginagampanan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa plano ng Ama sa Langit. Isama ang mga ginagampanan ng katarungan at awa at kung ano ang dapat nating gawin upang makatanggap ng awa. Isulat ang anumang nadarama mo na nais mong ipahayag tungkol sa Tagapagligtas.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na maglibot sa silid at ipaliwanag sa iba’t ibang kaklase ang ginagampanan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa plano ng Ama sa Langit. Hikayatin silang talakayin ang katarungan at awa, ang kahalagahan ng pagiging tunay na nagsisisi, at kung paano ginagawang posible ni Jesucristo ang awa.

Ang isa pang opsiyon ay balikan ang mga sitwasyong ginamit sa simula ng lesson na “Alma 42, Bahagi 1.” Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sitwasyong iyon gamit ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng Alma 42.

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa awa at pagtubos na matatamo sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.