Seminary
Helaman 8: Ang mga Propeta ay Nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo


“Helaman 8: Ang mga Propeta ay Nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Helaman 8,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Helaman 8

Ang mga Propeta ay Nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo

Jesucristo

Sa mundo kung saan maraming tinig ang humihila sa atin sa napakaraming direksyon, binigyan tayo ng Diyos ng mga propeta upang iangkla tayo sa Kanya. Nang tanungin si Nephi ng masasamang Nephita kung bakit napakalupit niyang magsalita tungkol sa kanila, buong tapang siyang nagpatotoo tungkol sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan na ang mga propeta ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo, at makatutulong ito sa iyo na madama ang katotohanan ng kanilang mga patotoo.

Bigyang-diin kung paano nagpapatotoo ang mga propeta tungkol kay Jesucristo. Ang pangunahing responsibilidad ng mga propeta ay magpatotoo tungkol kay Jesucristo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propeta,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ituro ang mga scripture passage at iba pang mga turo ng propeta na nagpapatotoo sa mga banal na katangian, buhay, at misyon ng Tagapagligtas. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nakakaimpluwensya ang mga patotoo ng mga propeta sa kanilang nauunawaan at pagpapahalaga kay Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng isa o mahigit pang mga halimbawa ng mga propeta at apostol na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo sa huling pangkalahatang kumperensya.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang patotoo ng isang saksi

Maaari kang magdala ng mani na may balat, tulad ng peanut, walnut, o iba pang mani. Itago ito sa iyong kamay o sa isang supot. Sabihin sa mga estudyante na mayroon kang isang bagay na hindi pa kailanman nakikita ng mga mata ng tao o nahahawakan ng mga kamay ng tao (ang mani sa loob ng balat). Sabihin sa isang estudyante na lumapit at tingnan. Pagkatapos ay sabihin sa estudyanteng iyon na sabihin sa klase kung nagsasabi ka ng totoo. Itanong sa mga estudyante kung naniniwala sila sa iyo at kung bakit sila naniniwala o hindi. Pagkatapos ninyong talakayin sa klase kung naniniwala sa iyo ang mga estudyante, ipakita sa kanila ang mani.

Karamihan ng mga tao ay hindi nakita si Jesucristo, ngunit marami pa rin ang naniniwala sa Kanya.

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit naniniwala ang mga tao kay Jesucristo?

  • Anong tungkulin ang ginagampanan ng mga propeta sa pagtulong sa iyo na maniwala sa Tagapagligtas?

Ang patotoo ng mga propeta noong unang panahon

Ang paglilingkod ng propetang si Nephi ay tinalakay sa lesson tungkol sa Helaman 7–10. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na magtuon sa mga turo ni Nephi sa Helaman 8 tungkol sa responsibilidad ng mga propeta na magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Upang matulungan ang mga estudyante na mapag-aralan ang konteksto ng mga turo ni Nephi sa Helaman 8, maaari mong ibuod ang sumusunod na impormasyon.

Maaaring naaalala mo na nagpropesiya ang propetang si Nephi sa masasamang Nephita na sila ay malilipol kung hindi sila magsisisi (tingnan sa Helaman 7:22–29). Marami sa mga Nephita ang nagalit kay Nephi dahil sa pagsasalita niya laban sa kanilang kasamaan (tingnan sa Helaman 8:1–7). Pinagsabihan ni Nephi ang mga taong ito at sinabi niya sa kanila na itinatatwa nila hindi lamang ang kanyang mga salita kundi ang mga salita ng mga propeta noon, kabilang si Moises, na nagpatotoo tungkol kay Jesucristo (tingnan sa Helaman 8:10–13).

Basahin ang Helaman 8:13–23, at alamin ang ibinahagi ni Nephi tungkol kay Moises at sa iba pang mga propeta noon. Maaari mong markahan ang mga pangalan ng mga propetang tinukoy ni Nephi.

  • Ano ang magkakapareho sa lahat ng mga propetang ito?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay nagpapatotoo ang mga propeta tungkol kay Jesucristo.

Ipinahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Ang pinakamahalagang tungkulin ng propeta ng Panginoon ay ang magturo sa atin ng tungkol sa Tagapagligtas at akayin tayo sa Kanya. …

Ang propeta ay hindi tumatayo sa pagitan natin at ng Tagapagligtas. Sa halip, tumatayo siya sa ating tabi at itinuturo ang daan patungo sa Tagapagligtas. Ang pinakamalaking responsibilidad at ang pinakamahalagang kaloob sa atin ng propeta ay ang kanyang tapat na patotoo, ang kanyang tiyak na kaalaman, na si Jesus ang Cristo. (Neil L. Andersen, “Ang Propeta ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 25, 27)

  • Sa iyong palagay, bakit ang pinakamahalagang kaloob sa atina ng propeta ay ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo?

Mga halimbawa ng mga propeta na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo

Mag-ukol ng oras na pag-aralan ang ilan sa mga patotoo ng mga propeta tungkol kay Jesucristo. Habang pinag-aaralan mo ang kanilang mga patotoo, mapapatotohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng kanilang mga salita sa iyong puso at isipan.

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang isa o dalawa sa mga sumusunod na aktibidad, o maaari mong payagan ang mga estudyante na pumili kung aling aktibidad ang gusto nilang gawin. Bilang alternatibo, maaari mong igrupu-grupo ang mga estudyante at maaari mong i-assign sa bawat grupo ang isa sa mga opsiyon para gawin nila. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng bawat grupo kung ano ang pinakanapansin nila sa mga patotoong pinag-aralan nila.

Opsiyon A: Ang mga sinaunang propeta ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo

Maaari mong i-display ang pangalan ng bawat isa sa mga sumusunod na propeta na binanggit sa Helaman 8:13–23, ang mga sumusunod na kasamang talata, at isang larawan ng bawat propeta (kung maaari) sa paligid ng silid. Kapag napag-aralan na ng mga estudyante ang ilang patotoo, maaari nilang isulat ang anumang damdamin o impresyong nadama nila nang pag-aralan at ibahagi nila ang mga damdamin o impresyong iyon sa isang kaklase.

Basahin ang kahit tatlo sa mga sumusunod na patotoo mula sa mga propeta na binanggit ni Nephi. Ilista kung ano ang itinuturo sa iyo ng mga patotoong ito tungkol kay Jesucristo.

Balikan ang inilista mo. Maaari mong isulat ang anumang ideya, damdamin, o impresyon mo tungkol sa Tagapagligtas habang nag-aaral ka. Sumulat ng ilang pangungusap na nagpapaliwanag kung paano maiiba ang iyong buhay kung hindi itinuro sa atin ng mga propeta ang mga bagay na ito tungkol kay Jesucristo.

Opsiyon B: Ang mga propeta sa mga huling araw ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo

Upang matulungan ang mga estudyante na magawa ang opsiyong ito, maaari kang magbigay ng resources, tulad ng ilang kopya ng mga edisyon ng magasing Liahona sa pangkalahatang kumperensya.

Maaari mong ibahagi ang ilan sa mga patotoo ng mga propeta na binanggit sa bahaging “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto” kung kinakailangan.

Maghanap ng dalawa o mahigit pang halimbawa ng mga propeta o apostol sa mga huling araw na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Maaari itong magmula sa huling pangkalahatang kumperensya o sa kasaysayan ng Simbahan. Maaari mong gamitin ang ChurchofJesusChrist.org o ang Gospel Library app sa iyong paghahanap. Maaari mo ring basahin o pakinggan ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” sa ChurchofJesusChrist.org.

Kapag natapos na ng mga estudyante ang kanilang aktibidad, sabihin sa kanila na magbahagi ng mga halimbawang nakita nila tungkol sa pagpapatotoo ng mga propeta kay Jesucristo. Tiyaking bigyan ng pagkakataong magbahagi ang maraming estudyante. Maaaring makatulong na magtanong ng tulad ng “Alin sa mga patotoo ng mga propeta ang umantig sa inyo?” o “Sa inyong palagay, bakit mahalaga na maraming propeta ang nagpatotoo tungkol kay Jesucristo?”

Kung may oras pa, maaari ding makatulong sa mga estudyante na magbahagi ng sarili nilang patotoo tungkol kay Jesucristo.