Seminary
Helaman 13–16: Pag-unawa sa mga Propeta ng Panginoon


“Helaman 13–16: Pag-unawa sa mga Propeta ng Panginoon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Helaman 13–16,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Helaman 13–16

Pag-unawa sa mga Propeta ng Panginoon

Si Samuel, ang Lamanita, sa ibabaw ng pader

Ano ang nadarama mo kapag naririnig mo ang mga tao na nagpapahayag ng kanilang mga alalahanin o puna tungkol sa mga propeta? Habang nakatayo si Samuel, ang Lamanita, sa ibabaw ng pader at nananawagan sa mga tao na magsisi, iba-iba ang naging mga reaksyon at tugon nila sa kanyang mga salita. Ang mga tao ay tumutugon din nang gayon sa mga propeta sa ating panahon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang tungkulin ng mga propeta at kung paano nila tayo matutulungan.

Tulungan ang mga estudyante na tumugon sa mga tanong batay sa paniniwala nila. Habang pinag-iisipan ng mga estudyante ang mga tanong nila at ng iba pa tungkol sa doktrina at mga paniniwala ng Simbahan, anyayahan silang magsikap na mapasakanila ang impluwensya ng Espiritu. Hikayatin ang mga estudyante na alalahanin ang nalalaman na nila at saliksikin ang mga banal na kasulatan para sa karagdagang pag-unawa. Bigyan sila ng oras na sanayin ang maaari nilang sabihin sa isang taong may ibang pananaw.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na dumating sa klase na handang ibahagi kung paano nila nalaman na ang Panginoon ay kasama ng Kanyang mga sinaunang propeta at ngayon ay kasama ng Kanyang mga makabagong propeta.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagtitiwala sa mga propeta ng Panginoon

Upang maihanda ang mga estudyante na pag-isipan ang tungkol sa mga propeta, maaari mong idrowing ang sumusunod na chart sa pisara at maaari kayong mag-isip ng mga ideya bilang isang klase o maaari mong anyayahan ang mga estudyante na idrowing ito sa kanilang study journal at gawin ito nang mag-isa o sa maliliit na grupo.

graphic na nagpapakita ng isang tao sa ilalim ng heading ng mga taong naniniwala at sumusunod sa mga propeta at isa pang tao sa ilalim ng heading ng mga hindi naniniwala at bumabatikos pa sa mga propeta

Sa paligid ng larawan na kumakatawan sa bawat grupo, maglista ng ilang dahilan kung bakit pinaniniwalaan at sinusunod ng mga tao ang mga propeta o kung bakit hindi sila pinaniniwalaan at binabatikos pa nga ng mga tao.

Kung ginawa ng mga estudyante ang aktibidad sa maliliit na grupo o nang mag-isa, anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga naisip.

Pag-isipan sandali ang natutuhan at nalaman mo tungkol sa mga propeta na makatutulong sa iyo at sa iba na maniwala na sila ay tinawag ng Diyos. Halimbawa, maaari kang gumawa ng listahan ng mga katotohanan tungkol sa mga propeta nang pag-aralan mo ang tungkol kay Nephi sa Helaman 7–10.

Sa Helaman 13, nagsugo ang Panginoon ng karagdagang propeta, si Samuel, ang Lamanita. Ang lesson na ito ay buod ng kanyang mga turo (tingnan sa Helaman 13–16). Sa iyong pag-aaral, maaari kang magdagdag sa iyong listahan ng mga katotohanan tungkol sa mga propeta. Maghanap ng mga ideya na maaaring makatulong sa isang taong nahihirapang maniwala.

Batay sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante at sa mga pahiwatig ng Espiritu, magpasiya kung paano gagawin ang mga sumusunod na aktibidad. Maaari kayong tumuon sa isa o dalawa bilang klase at maaari ninyong ibuod ang iba. Maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo, ipagawa sa kanila ang isa sa tatlo, at ipabahagi sa iba pa sa klase. Maaari mong ilagay ang bawat aktibidad sa isang papel sa iba’t ibang lugar sa paligid ng silid at sabihin sa mga estudyante na puntahan ang bawat lokasyon at pag-aralan lahat ang tatlong aktibidad.

Aktibidad A: Nangaral si Samuel sa mga Nephita

Basahin ang Helaman 13:1–7; 14:9, at maghanap ng mga bagay na hahangaan mo tungkol kay Samuel.

  • Mula sa halimbawa ni Samuel, ano ang natutuhan mo tungkol sa mga propeta? (Maaari mong idagdag sa iyong listahan ang anumang katotohanang nahanap mo.)

Ang isa sa mga katotohanang maaaring matukoy mo ay ang mensahe ng propeta ay hindi mula sa kanya; nagmumula ito sa Panginoon. Maaari mong markahan ang mga parirala sa Helaman 13:5, 7; 14:9 na sumusuporta sa katotohanang ito. Maaari mo ring basahin ang Helaman 7:29 at Doktrina at mga Tipan 1:38; 21:4–5 bilang mga cross-reference at iugnay ang mga ito sa mga talata sa Helaman 13.

  • Paano maaaring makaapekto ang pag-unawa sa katotohanang ito sa pakikinig natin sa mga propeta?

  • Paano ito makatutulong kapag natutukso tayong mag-alinlangan o mambatikos sa kanila?

Maaari kang magbigay ng ilang kopya ng pinakahuling edisyon ng pangkalahatang kumperensya ng Liahona para magawa ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad.

Mag-ukol ng ilang minuto para pag-aralan ang isang bahagi ng isang mensahe sa huling pangkalahatang kumperensya mula sa propeta. Isipin ang Panginoon at ang Kanyang pagmamalasakit sa iyo. Sikaping basahin ang mensahe na para bang ito ay isang mensahe mula sa Panginoon. Ihanda ang isa sa mga sumusunod:

  • Maghanap ng partikular na parirala o turo na pinaniniwalaan mong binigyang-inspirasyon ng Panginoon. Ibahagi kung bakit.

  • Ilarawan kung ano ang magagawa mo para makatanggap ng personal na patotoo na ang mensahe mula sa propeta ay mula sa Panginoon.

Aktibidad B: Tumugon ang mga Nephita sa mga propeta

Basahin ang Helaman 13:24–29; 14:10, at alamin ang saloobin at ginawa ng mga Nephita sa mga propeta.

  • Anong mga katotohanan ang matutukoy mo sa mga talatang ito tungkol sa mga propeta?

Maaaring may natukoy kang katotohanan na tulad ng sumusunod: ang mga propeta ng Panginoon ay hindi popular sa masasama. Maaari mong isulat ang katotohanang ito malapit sa mga talatang ito.

  • Sa anong mga paraan mo nakikita ang katotohanang ito sa ating panahon?

  • Paano maaaring maging “mga hangal at bulag na taga-akay” ang mga bumabatikos at lumalaban sa mga propeta? (Helaman 13:29).

  • Kung hindi tayo lalapit sa Tagapagligtas para magsisi at magpakabuti, paano kaya ito magiging katulad ng pagpili ng “kadiliman sa halip na liwanag”? (Helaman 13:29).

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):

Ang mga propeta … [ay hindi] maaaring baguhin ang mensahe ng Panginoon para lamang masiyahan ang mga tao. Napakabait nila para maging napakalupit. Lubos akong nagpapasalamat na hindi naghahangad ng popularidad ang mga propeta. (Spencer W. Kimball, “Listen to the Prophets,” Ensign, Mayo 1978, 77)

Isipin kunwari na ang isang tao ay naniniwala na kanilang “[magagawa] kung anuman ang nais ng [kanilang] puso” (Helaman 13:27). Dahil dito, naiinis sila kapag inaanyayahan sila ng mga propeta na magsisi. Batay sa natutuhan mo, maghanda ng sagot sa alalahanin o pambabatikos na ito.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang isang parte ng kanilang sagot. Pagkatapos ay itanong kung sino ang makadaragdag sa sagot na iyon. Magpatuloy hanggang sa maramdaman ng klase na nakatulong sila sa alalahanin.

Aktibidad C: Pinangalagaan ng Panginoon si Samuel

Maaari mong ipakita ang larawan ni Samuel, ang Lamanita, na nagsasalita mula sa pader, na matatagpuan sa simula ng lesson.

Tingnang mabuti ang larawan mula sa simula ng lesson. Ipinapakita nito ang nangyari sa katapusan ng sermon ni Samuel.

Basahin ang Helaman 16:1–8, at alamin at markahan ang katibayan ng katotohanan na ang kapangyarihan ng Diyos ay nasa Kanyang mga propeta. (Maaari mong idagdag ang katotohanang ito sa iyong listahan.)

  • Anong katibayan ang nakita mo na ang Diyos ay kasama ni Samuel?

Bagama’t hindi lahat ng propeta ay pinoprotektahan sa ganitong paraan, pinoprotektahan ng Diyos ang Kanyang mga propeta hanggang sa matapos nila ang kanilang gawain (tingnan sa Mosias 13:1–4; Doktrina at mga Tipan 122:9).

Kung gagawin ang aktibidad na ito bilang isang klase, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na larawan. Kung kinakailangan, maikling ipaliwanag ang mga kaugnay na kuwento.

Pumili ng isang propeta mula sa mga banal na kasulatan o kasaysayan ng Simbahan. Ilista ang katibayan na kasama ng propetang iyon ang Diyos. Maaari mong tukuyin ang mga sumusunod na halimbawa nina Noe, Moises, Pedro, at Joseph Smith.

Si Noe sakay ng arka kasama ng mga hayop

(tingnan sa Genesis 7:7, 10–13, 17, 23)

Si Moises na hinahati ang Dagat na Pula

(tingnan sa Exodo 14:21–30)

Si Pedro na pinalalaya ng isang anghel mula sa bilangguan

(tingnan sa Mga Gawa 12:4–11)

Si Elijah na ipinanunumbalik ang mga susi ng priesthood

(tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–25)

Ngayon, ilista ang katibayan na ang Diyos ay kasama rin ng Kanyang mga propeta sa kasalukuyang panahong ito. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang kung paano nakatulong sa atin ang mga turo o paanyaya ng mga propeta sa kasalukuyang panahong ito na makayanan ang mga paghihirap sa ating panahon.

Kung kinakailangan, maaari mong ibahagi ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na halimbawa:

  • Lumabas ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak bago pa man nakita ng marami ang pangangailangan.

  • Ipinatupad ni Pangulong Russell M. Nelson ang kurikulum na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, na nagpabatid ng isang huwaran na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan para sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, noong Oktubre 2018, bago napilitang sumamba ang marami mula sa tahanan sa matagal na panahon dahil sa pandemyang COVID-19.

  • Bakit maaaring makatulong na alalahanin ang mga katibayang ito?

Tulad ng mga tao ni Nephi, may kapangyarihan tayong pumili kung tatanggapin natin ang mga turo ng mga propeta o tutugon tayo nang may pambabatikos at galit. Sa iyong study journal, isulat ang natutuhan mo tungkol sa mga propeta at kung ano ang nadarama mo tungkol sa kanila. Habang patuloy mong pinag-aaralan ang itinuro ni Samuel, ang Lamanita, sa linggong ito, mapanalanging hangaring matuto mula sa kanyang mga inspiradong turo at ipamuhay ang mga ito.

Magpatotoo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo.