Seminary
Helaman 13, Bahagi 1: Ang Awa ng Panginoon


“Helaman 13, Bahagi 1: Ang Awa ng Panginoon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Helaman 13, Bahagi 1,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Helaman 13, Bahagi 1

Ang Awa ng Panginoon

si Jesucristo na yakap ang isang tao

Ano sa palagay mo ang nadarama ng Diyos sa atin kapag nagkasala tayo? Maraming Nephita ang naghimagsik laban sa Diyos at sa Kanyang mga kautusan, kaya isinugo ng Diyos si Samuel, ang Lamanita, sa kanila na may malinaw na mensahe na magsisi upang sila ay mapatawad. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang maawain at mapagpatawad na katangian ng Panginoon.

Pagtuunan ang katangian at pagkatao ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ang buhay na walang hanggan ay ang makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo (tingnan sa Juan 17:3). Sabihin sa mga estudyante na pagtuunan ang itinuturo ng mga banal na kasulatan tungkol sa katangian at pagkatao ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ang higit na pag-unawa sa Kanilang katangian at pagkatao ay makakapagpatatag sa kaugnayan ng mga estudyante sa Kanila.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang magbahagi ng nadama nila matapos maranasan ang awa at pagpapatawad ng Panginoon sa kanilang buhay. Paalalahanan sila na huwag magbahagi ng anumang bagay na masyadong personal.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Kalungkutan dahil sa kasalanan

Pansinin na ang susunod na lesson ay magtutuon sa pagsisisi. Pag-isipan ito habang nagpapasiya ka kung paano pinakamainam na maituturo ang lesson na ito.

Ipakita o basahin ang sumusunod na pahayag. Bilang alternatibo, sabihin sa mga estudyante na gumawa ng kunwa-kunwarian ngunit makatotohanang sitwasyon ng isang tao na maaaring malungkot o naliligaw dahil sa kasalanan, at gamitin iyon sa halip na ang sumusunod na kuwento.

Ikinuwento ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang babae na nasa mahirap na kalagayan. Isipin kung ano ang gusto mong malaman niya tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.  Basahin ang sumusunod na pahayag.

2:3

Habang kami ni Elder David S. Baxter ay nagmamaneho papunta sa isang stake conference, tumigil kami sa isang restaurant. Bandang huli nang pabalik na kami sa aming kotse, nilapitan kami at kinausap ng isang babae. Nagulat kami sa kanyang hitsura. Ang kanyang ayos (o kakulangan nito) ay masasabi kong “matindi.” Itinanong niya kung mga elder kami sa Simbahan. Sabi namin ay oo. At isiniwalat na niya ang halos lahat tungkol sa masaklap niyang buhay, na puno ng kasalanan. Ngayon, kahit 28 anyos lamang, miserable na ang kanyang buhay. Pakiramdam niya’y wala siyang silbi at wala [na]ng dahilan pa para mabuhay. … Habang lumuluhang sumasamo, itinanong niya kung may pag-asa pa siyang makaahon at makatakas sa kanyang kawalan ng pag-asa. (Russell M. Nelson, “Pagsisisi at Pagbabalik-loob,” Liahona, Mayo 2007, 102)

  • Kung kakausapin ninyo ang babaeng ito, anong mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang nais ninyong malaman niya?

  • Ano ang gagawin ninyo para subukang tulungan ang babaeng ito?

  • Paano makakaimpluwensya ang kanyang kasalukuyang nadarama sa kanyang hangaring bumaling sa Tagapagligtas?

Marahil ay nadama mo o ng isang taong kilala mo na wala kayong halaga o hindi kayo mapapatawad. Pag-isipang mabuti kung ano ang tunay mong pinaniniwalaan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa pagpapatawad.

Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, maghanap ng mga kaalaman tungkol sa katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at kung ano ang nadarama Nila tungkol sa atin kahit nagkakasala tayo. Pag-isipan kung paano makatutulong sa iyo at sa mga kakilala mo ang mga katotohanang ito.

Samuel, ang Lamanita

Tulad ng babaeng ito, ang mga Nephita ay nasadlak sa kasalanan. Sa Kanyang pagmamahal, ipinadala ng Panginoon ang propetang si Samuel na may mensahe para sa kanila.

Ipakita ang mga sumusunod na reperensya. Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at ipabasa sa isang estudyante ang mga talata sa kabanata 13 at ipabasa sa isa pa ang mga talata sa kabanata 14 at 15. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ituro sa isa’t isa ang nalaman nila at kung bakit ito mahalaga sa kanila.

Basahin ang Helaman 13:5–8, 11, 39; 14:11–13; 15:3, at alamin ang matututuhan mo tungkol sa Panginoon, lalo na ang mga ideya na maaaring makatulong sa atin kapag nagkasala tayo. (Maaaring makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng parusahan [tingnan sa Helaman 15:3] ay iwasto o disiplinahin. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Parusa, Pagpaparusa,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila. Isulat sa pisara ang anumang totoong alituntunin na ibabahagi nila. Kung kapaki-pakinabang, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod.

  • Bakit isang pagpapala ang makatanggap ng babala tungkol sa mga negatibong bunga na kakaharapin natin kung hindi tayo magsisisi? Paano naipapakita ng pagwawasto ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal?

  • Bakit ang mensahe ng pagdating ni Jesucristo sa mundo, pati na ang kakayahan nating magsisi, ay magiging “masayang balita”? (Helaman 13:7).

  • Anong mga parirala ang nagpapakita ng kahandaan ng Panginoon na magpatawad kung magsisisi ang mga Nephita, kahit nakagawa sila ng mabigat na kasalanan?

Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng mga parirala, tiyaking malinaw kung saang talata nakita ang mga ito upang mamarkahan din ng iba pang mga estudyante ang mga pariralang iyon.

Ang awa at pagpapatawad ng Panginoon

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga passage na ito ay maawaing nagbabala ang Panginoon sa mga tao tungkol sa mga bunga ng kasalanan at pinatatawad Niya ang mga nagsisisi.

Nagpatotoo si Propetang Joseph Smith (1805–44) na “lahat ay maaaring makatanggap ng kapatawaran at awa” (“Discourse, 3 October 1841, na Nakalathala sa Times and Seasons,” 577, josephsmithpapers.org).

  • Paano maaaring makaapekto ang pagkaunawa sa maawain at mapagpatawad na katangian ng Panginoon sa nadarama natin tungkol sa ating mga kasalanan at sa pagsisisi?

Mahalagang maunawaan na bagama’t maawain ang Panginoon, Siya rin ay lubos na makatarungan. Hindi Niya binabalewala o inaalis ang mga bunga ng ating mga kasalanan. Ngunit dahil nagbayad ang Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan sa Kanyang Pagbabayad-sala at “[tinugon] ang mga hinihingi ng katarungan” (Mosias 15:9), pinatatawad Niya tayo kapag nagsisisi tayo.

  • Paano maaaring makaimpluwensya sa iyong ugnayan sa Panginoon ang nalaman mo tungkol sa Kanyang perpektong katarungan at awa?

Isipin ang kaibhang magagawa ng mas malalim na pag-unawa ng tungkol sa Panginoon sa babaeng binanggit ni Pangulong Nelson sa simula ng lesson. Maghanda ng paliwanag para sa kanya sa pamamagitan ng paggawa ng sumusunod:

Ipaalala sa mga estudyante na gamitin ang kanilang paghahanda para sa klase sa sumusunod na aktibidad. Maaari nilang gawin ang aktibidad nang magkaka-partner. Maaaring gawin ng isang estudyante ang aktibidad A, at ng isa pang estudyante ang aktibidad B. Maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang ginawa nila at pagkatapos ay magkasamang gawin ang aktibidad C.

Para sa aktibidad C, maaaring magdula-dulaan ang mga estudyante na para bang tinuturuan nila ang babae. Lumibot sa silid at makinig habang nagtuturo sila. Alamin kung kailangan nila ng karagdagang tulong para maunawaan ang mensahe ni Samuel. Kung kailangan nila ng tulong, maaari mong ipaliwanag ang mga partikular na salita o parirala mula sa mga passage para matulungan sila sa aktibidad A.

Maaari mong ipakita ang mga tagubilin para sa bawat isa sa mga aktibidad.

  1. Pumili ng kahit dalawang parirala mula sa mga talatang binasa mo sa Helaman, o tumukoy ng iba pang mga passage na naglalarawan ng mapagpatawad na katangian ng Panginoon kapag nagsisisi tayo, tulad ng Mosias 26:30 o Moroni 6:8. Paano makatutulong ang mga pariralang ito sa babaeng ito?

  2. Nang hindi nagbabahagi ng mga detalye tungkol sa mga kasalanang nagawa noon, magbigay ng halimbawa mula sa iyong buhay, sa buhay ng iba, o sa mga banal na kasulatan kung saan makikita ang maawain at mapagpatawad na katangian ng Panginoon. Para makakita ng ilang halimbawa, maaari mong tingnan ang Lucas 7:36–50 o Enos 1:1–8.  ChurchofJesusChrist.org

    3:41
  3. Gamit ang mga passage o halimbawang natukoy mo, tulungan ang babae na maunawaan na ipinagkakaloob ng Panginoon ang Kanyang awa at pagpapatawad sa atin kapag tayo ay nagsisisi.

Maaari ka ring magbahagi ng mga parirala o karanasan.

Ibinahagi ni Pangulong Nelson ang nangyari sa babaeng ito.  Basahin ang sumusunod na pahayag.

2:3

Habang nagsasalita siya, nagsimulang lumitaw ang kanyang kabutihan. Habang lumuluhang sumasamo, itinanong niya kung may pag-asa pa siyang makaahon at makatakas sa kanyang kawalan ng pag-asa.

“Oo,” ang sagot namin, “may pag-asa pa. Ang pag-asa ay kaugnay ng pagsisisi. Maaari kang magbago. Maaari kang ‘lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya’ [Moroni 10:32].” Hinikayat namin siyang huwag ipagpaliban ang pagsisisi [tingnan sa Alma 13:27; 34:33]. Buong pagpapakumbaba siyang humagulgol at taos-puso kaming pinasalamatan. (Russell M. Nelson, “Pagsisisi at Pagbabalik-loob,” Liahona, Mayo 2007, 102)

Patotohanan ang awa at pagpapatawad ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang sumusunod.

Ang susunod na lesson ay nakatuon sa pagsisisi at kung paano natin madaraig ang anumang balakid na kinakaharap natin sa ating pagsisisi.

Mag-ukol ng oras na taos-pusong pagnilayan kung paano makatutulong sa iyo na mas nauunawaan mo ang tungkol sa Panginoon kapag nagkasala ka. Isulat ang natutuhan at nadama mo na pinakamakabuluhan sa iyo at kung bakit. Isipin kung paano makapagdudulot ng higit na kapayapaan sa iyong buhay ang pag-unawa sa maawain at mapagpatawad na katangian ng Panginoon at ang pagsisisi.

Maaari mong ibahagi ang natutuhan at nadama mo ngayon sa isang taong mahal mo.