Seminary
Helaman 13, Bahagi 2: “Mangagsisi at Maligtas”


“Helaman 13, Bahagi 2: Mangagsisi at Maligtas,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Helaman 13, Bahagi 2,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Helaman 13, Bahagi 2

“Mangagsisi at Maligtas”

binatilyong nakaluhod na nananalangin

Sa iyong palagay, itinuturing ba ng karamihan sa mga tao ang pagsisisi bilang kaloob mula sa Diyos o bilang kaparusahan? Bakit? Mahal ni Samuel, ang Lamanita, maging ang masasamang Nephita kaya kahit manganib ang kanyang buhay ay itinuro niya sa kanila na ang pagsisisi ay isang kaloob mula kay Jesucristo na humahantong sa kaligayahan at kaligtasan. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang madaig ang anumang balakid sa pagsisisi.

Gamitin ang mga salita ng mga propeta upang mabigyang-diin ang doktrina at mga alituntunin. Ang mga makabagong propeta at apostol ay nagtuturo, nagpapaliwanag, at nagbibigay-linaw tungkol sa doktrina at mga alituntunin na itinuturo sa mga banal na kasulatan. Ang paggamit ng mga salita ng propeta ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan at maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung alin sa mga sumusunod na salita ang gagamitin nila para ilarawan ang pagsisisi at kung bakit: kaparusahan, pag-asa, pagpapala, pagbabago, pag-unlad, kalungkutan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang tamang landas

Maaaring makatulong na simulan ang lesson sa pagsisiyasat sa mga posibleng balakid na maaaring maranasan ng mga estudyante sa pagsisisi. Ang sumusunod ay simbolikong naglalarawan ng kahalagahan ng pagsisisi.

Maaari mong ipakita ang larawang ito ng isang lawa habang iniisip ng mga estudyante ang sumusunod:

larawan ng lawa sa bundok

Isipin kunwari na may ilang kaibigan na naghahanap ng isang lawa sa mataas na bundok na nabalitaan nila pero hindi pa nila ito napupuntahan. Habang naglalakbay sila sa ilang, nakilala nila ang isang lalaki na nagsabing maraming taon na siyang nakatira sa lugar. Binalaan niya sila na ang landas na tinatahak nila ay hindi patungo sa lawa at mapanganib sa ilang lugar. Pinayuhan niya sila na bumalik at mag-iba ng daan para ligtas silang makarating doon.

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring hindi makinig sa lalaki ang mga kaibigan?

Tulad ng lalaki sa kuwento, kung minsan, maaaring balaan tayo ng mga propeta tungkol sa mga pagpili natin na hindi hahantong sa kaligayahan, pag-unlad, at pagbalik sa Ama sa Langit. Maaari nila tayong hikayating magsisi at baguhin ang ating buhay.

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring hindi tayo magsisi?

Upang matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang lesson sa kanilang sitwasyon, bigyan sila ng oras na gawin ang sumusunod:

Sa nakaraang lesson, sa pamamagitan ng mga turo ni Samuel, ang Lamanita, sa mga Nephita, maaaring nalaman mo na maawaing binalaan ng Panginoon ang mga tao tungkol sa mga bunga ng kasalanan at pinatawad Niya ang mga nagsisisi. Gayunpaman, kahit nauunawaan natin ang katotohanang ito, hindi tayo palaging nagsisisi. Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, hingin ang tulong ng Panginoon para malaman kung paano daigin ang anumang balakid sa iyong pagsisisi.

Mga bunga ng kasalanan

Kung makatutulong, maaari mong itanong, “Ano ang natutuhan mo sa nakaraang lesson tungkol sa pangangailangan nating magsisi?” Pakinggang mabuti ang mga sagot ng mga estudyante, at gamitin ang sumusunod na materyal para makatulong.

Basahin ang Helaman 13:21–23, at alamin ang ilan sa mga pag-uugali at ginawa na sinabi ni Samuel na kailangang pagsisihan ng mga tao. Maaaring makatulong na malaman na ang sumpa ay “nagtutulot o nagdadala ng mga kahatulan at mga kahahantungan ng isang bagay, tao, o mga tao lalung-lalo na dahil sa kasamaan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sumpa, Mga Sumpa,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Bukod sa kayamanan, ano ang ilan pang ibang bagay na maaari tayong matukso na “ [ilagak] ang [ating] mga puso” at “laging [alalahanin]” nang higit sa Panginoon?

Maaari mong itanong kung may naisip pang anumang karagdagang dahilan ang mga estudyante kung bakit maaaring hindi sundin ng mga tao ang mga babalang ito at hindi sila magsisi.

Sa talata 24–30, nagbabala rin si Samuel sa mga tao tungkol sa hindi nila pagtanggap sa mga propeta.

Basahin ang Helaman 13:31–38, at tapusin ang sumusunod na alituntunin gamit ang sarili mong mga salita: Kung palagi nating tatanggihan ang mga paanyaya ng mga propeta na magsisi …

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang alituntunin sa pisara. Ang isa sa maaari nilang idugtong para makumpleto ang alituntunin ay mahaharap tayo sa pagkawasak at makadarama tayo ng kapighatian at kalungkutan. Maaari kang magbigay ng mga follow-up na tanong na makatutulong sa mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa. Maaaring kabilang sa ilan sa mga tanong na ito ang sumusunod: Bakit ang mga kasalanang hindi natin pinagsisihan ay humahantong kalaunan sa kapighatian? Paano nakakaapekto ang pag-unawa sa alituntuning ito sa ating hangaring magsisi?

Isang kaloob mula sa Diyos

Tulad ng pinatotohanan ni Samuel sa mga Nephita, “walang makapagliligtas sa [atin] … maliban sa pagsisisi at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo” (Helaman 13:6). Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para sa atin, “kung [tayo] ay magsisisi at magbabalik sa Panginoon [nating] Diyos ay aalisin [Niya] ang [Kanyang] galit” (Helaman 13:11).

Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, alamin ang mga katotohanang itinuro niya na makatutulong sa atin na madaig ang mga balakid sa pagsisisi.

Maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo na may tigtatatlong estudyante at bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag. Sabihin sa bawat estudyante na salungguhitan ang isang bagay sa unang talata na makatutulong sa isang tao na madaig ang balakid sa pagsisisi at isulat sa tabi ng talata ang paliwanag kung paano ito makatutulong.

Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ipasa ang papel sa isa pang estudyante at ipaulit ang proseso para sa pangalawang talata at gayon din para sa pangatlong talata.

Sa huli, ipabasa sa mga estudyante ang lahat ng sinalungguhitan at isinulat ng iba pang mga estudyante.

Itinuturing ng maraming tao na parusa ang pagsisisi—isang bagay na dapat iwasan maliban sa pinakamatitinding sitwasyon. Ngunit ang pakiramdan na pinaparusahan tayo ay galing kay Satanas. Tinatangka niyang hadlangan tayo na umasa kay Jesucristo, na nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin. …

Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. …

Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya. Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo! (Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral o sa pag-aaral ng iba. Kung makatutulong, itanong ang ilan sa mga sumusunod.

  • Paano makatutulong ang pahayag ni Pangulong Nelson sa isang tao na madaig ang mga balakid sa pagsisisi?

  • Aling mga resulta ng pagsisisi na binanggit ni Pangulong Nelson ang pinakaninanais mo? Bakit?

  • Ano ang itinuro ni Pangulong Nelson tungkol sa Tagapagligtas na makatutulong sa isang taong nag-aatubiling magsisi?

Pagsisisi

Maaaring may mga karagdagang balakid sa pagsisisi na hindi natalakay ni Pangulong Nelson, o maaaring kinakailangan natin ng karagdagang tulong o mga sagot. Mag-ukol ng ilang minuto para pag-aralan ang kaloob na pagsisisi, at maghanap ng mga sagot sa mga tanong na maaaring mayroon ka o ng mga katotohanan na makatutulong sa iyo na madaig ang mga balakid na kinakaharap mo sa pagsisisi. Kasama sa resources na maaaring makatulong sa iyo ang “Magsisi, Pagsisisi” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at “Tutulungan Kayo ni Jesucristo” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (buklet, 2022).

  • Ano ang natutuhan mo na nakatulong sa iyo?

  • Paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas sa buong proseso ng pagsisisi?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila. Kung mayroon pang mga tanong ang mga estudyante, sabihin sa klase na sikaping tumulong na sagutin ang mga ito gamit ang mga banal na kasulatan at mga turo na napag-aralan nila o sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga angkop na karanasan. Ibahagi rin ang iyong mga ideya.

Basahin ang sumusunod na paanyaya ni Pangulong Nelson:

Mapanalanging hangarin na maunawaan kung ano ang humahadlang sa inyong pagsisisi. Tukuyin kung ano ang pumipigil sa inyo na magsisi. At pagkatapos, magbago! Magsisi! Lahat tayo ay maaaring gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay nang higit pa kaysa noon. (Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 68)

Mag-ukol ng oras na pag-isipan at ipagdasal at isulat kung ano sa palagay mo ang nais ng Ama sa Langit na gawin mo para makapagsisi.

Patotohanan ang mga pagpapalang ibinibigay ng Tagapagligtas sa mga tumatanggap sa Kanyang paanyaya na magsisi.