Seminary
3 Nephi 6–7: Ang Kapalaluan ay Humahantong sa Pagkakahati at Pagkawasak


“3 Nephi 6–7: Ang Kapalaluan ay Humahantong sa Pagkakahati at Pagkawasak,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 6–7,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 6–7

Ang Kapalaluan ay Humahantong sa Pagkakahati at Pagkawasak

galit na tinedyer na nakasalampak sa sofa

Napansin mo ba na kahit pagkatapos ng mga kamangha-manghang karanasan na natanggap sa Diyos, lumalayo pa rin kalaunan sa Kanya ang ilang tao? Matapos protektahan ng Diyos ang mga Nephita mula sa mga tulisan ni Gadianton, bumalik sila sa kanilang mga tahanan at nagsimulang isaayos muli ang kanilang buhay. Sa pamamagitan ng kapalaluan at pagkakahati, inudyukan ni Satanas ang mga tao na maghimagsik laban sa Diyos. Napakatindi ng mga ibinunga nito kung kaya’t bumagsak ang pamahalaan, at nahati-hati sa mga lipi ang mga tao. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na na mas maunawaan ang epekto ng kapalaluan at kung paano daigin ang kapalaluan sa pamamagitan ng pagsunod sa Tagapagligtas.

Pagtulong sa mga mag-aaral na maunawaan ang konteksto at nilalaman. Sa pag-unawa sa konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan, naihahanda ang mga estudyante na matukoy ang mga inspiradong mensahe ng mga may-akda. Binibigyang-linaw at inilalarawan ng konteksto at nilalaman ang doktrina at mga alituntuning nakatala sa mga karanasan. Pagpasiyahan nang mabuti kung gaano bibigyang-diin ang konteksto at nilalaman upang matulungan ang mga estudyante na mas lubos na maunawaan ang mga katotohanang itinuturo ng mga banal na kasulatan.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na manalangin at hilingin sa Ama sa Langit na tulungan silang matukoy ang mga espirituwal na pahiwatig habang nag-aaral sila ng mga banal na kasulatan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang isang paraan para simulan ang klase ay magdala ng ilang butil ng mais, ilang lutong popcorn (walang mantikilya, dahil nahaharangan ng mantikilya ang tubig), at isang mangkok ng tubig. Sabihin sa mga estudyante na hulaan kung ano ang mangyayari kapag inilagay mo ang butil ng mais at lutong popcorn sa tubig. Ihulog ang butil ng mais at popcorn sa tubig (hindi magbabago ang butil ng mais samantalang magsisimula namang matunaw ang popcorn). Sabihin sa mga estudyante na kinakatawan ng tubig ang kasamaan, at maaaring kinakatawan ng butil ng mais o popcorn ang bawat isa sa atin. Sa pag-aaral nila, maaari silang maghanap ng mga aral na nauugnay sa object lesson at sa kanilang sarili. Maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng butil ng mais na titingnan habang nag-aaral sila.

Hikayatin ang mga estudyante na ipaliwanag ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Posible bang ang isang tao ay maging:

  • Mayaman at mapagkumbaba?

  • Dukha at palalo?

  • Nakapag-aral at mapagkumbaba?

  • Hindi nakapag-aral at palalo?

Isipin kung ano ang dahilan kung bakit nagiging palalo ang ilang tao sa ating panahon. Paano nakakaapekto sa iyo, sa iba, at sa lipunan ang pagiging palalo? Habang pinag-aaralan mo ito, pag-isipan kung paano magagamit ang lesson na ito sa iyong buhay at mga kalagayan.

Ang patuloy na panunukso ni Satanas

Matapos matalo si Giddianhi at ang mga tulisan ni Gadianton sa tulong ng Panginoon, ang mga Nephita ay “winakasan ang lahat ng yaong masama, at lihim, at karumal-dumal na pakikipagsabwatan” (3 Nephi 5:6). Bumalik sila sa kanilang mga tahanan at nagsimulang muling isaayos ang kanilang buhay. Ngunit patuloy na gumawa si Satanas para linlangin ang mga tao na sumunod sa kanya. Sa loob ng maikling panahon, nagbago ang mga Nephita. Sa 3 Nephi 6–7, tinulungan tayo ni Mormon na maunawaan ang ginawa ng mga tao na naging dahilan kalaunan ng pagkamatay ng marami sa kanila sa mga pagwasak na nangyari bago ang pagdating ng Tagapagligtas sa lupain ng Amerika (tingnan sa 3 Nephi 8). Ipinapaliwanag din ng mga turong ito kung bakit handa ang iba para sa pagpapakita ni Cristo sa templo sa lupaing Masagana (tingnan sa 3 Nephi 11).

Makatutulong ang sumusunod na chart sa mga estudyante para makita nila ang pagbabago sa mga Nephita sa loob ng maikling panahong iyon. Ang isang alternatibong paraan para makumpleto ang chart ay magdrowing ang mga estudyante ng isang simpleng larawan na nagpapakita ng kalagayan ng mga tao sa bawat set ng mga talata.

Gumawa ng isang chart na katulad ng sumusunod. Basahin ang mga passage at ilagay ang natutuhan mo tungkol sa kalagayan ng mga tao.

Ang ika-26 na taon (3 Nephi 6:4–9)

Ang ika-29 na taon (3 Nephi 6:10–18)

Ang ika-26 na taon (3 Nephi 6:4–9)

Ang ika-29 na taon (3 Nephi 6:10–18)

  • Ano ang naging sanhi ng pagbabago sa maikling panahong iyon?

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga halimbawang ito?

Ang isang katotohanan na maaaring natukoy mo ay kapag tayo ay palalo, binibigyan natin si Satanas ng higit pang kapangyarihan na tuksuhin tayo at akayin tayo sa kasamaan.

Isipin kung ano ang ibig sabihin ng pagiging palalo. Maghanap ng mga ideya sa sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994).

Ang pinakatanda ng kapalaluan ay pagkapoot—pagkapoot sa Diyos at sa ating kapwa. Ang ibig sabihin ng pagkapoot ay “pagkamuhi, pagkagalit, o oposisyon.” Ito ang kapangyarihang hinahangad ni Satanas para maghari sa ating lahat. (Ezra Taft Benson, “Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 4)

  • Sa iyong palagay, bakit nagbibigay-daan ang pagiging palalo para magkaroon ng mas malaking impluwensya sa atin si Satanas?

  • Paano ito naiiba sa kung paano tayo hinihikayat ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Mga epekto ng kapalaluan noon at ngayon

Dahil sa kapalaluan ng mga tao, nagsimulang maapektuhan ang bawat bahagi ng lipunan. Basahin ang alinman sa 3 Nephi 6:20–30 o 7:1–14, at maghanap ng mga halimbawa ng kung paano nakaapekto ang kapalaluan sa mga indibidwal at lipunan.

Maaari mong ipabasa sa kalahati ng klase ang 3 Nephi 6:20–30 at ipabasa sa natitirang kalahati ang 3 Nephi 7:1–14 sa malilit na grupo. O sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga passage, basahin ito, at maghandang ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga sagot sa sumusunod na tanong. Maaaring makakita ang mga estudyante ng mga bagay na gaya ng pagkakahati-hati, mga lihim na gawain na masasama, pagpaplano laban sa matwid, at pagkapoot sa yaong mabuti.

  • Anong mga halimbawa ng epekto ng kapalaluan ang nakita mo sa mga talatang ito?

  • Sa anong mga paraan ginagamit ni Satanas ang kapalaluan para akayin ang mga tao sa kasamaan sa ating panahon?

Pagdaig sa kapalaluan

Isipin kung paano nakakaapekto sa iyo ang kapalaluan mo o ang kapalaluan ng iba at kung paano mo madaraig ang kapalaluan at mga epekto nito.

Bagama’t nagdulot ng malaking pagkawasak ang kapalaluan, may ilang nakinig sa mga salita ng propeta at patuloy na sinunod ang Tagapagligtas.

Basahin ang 3 Nephi 7:15–26, at alamin ang itinuro ni Nephi sa mga tao at kung paano ito nakaimpluwensya sa kanila. Maaaring makatulong ang pagmarka sa bawat pagkakataon na binabanggit ang Tagapagligtas.

Maaaring isulat ng mga estudyante sa pisara ang mga sagot sa sumusunod na tanong. Habang isinusulat nila ang kanilang mga sagot, maaari nilang lagyan ng ekis sa pisara ang mga epekto ng kapalaluan na madaraig ng mga sagot na inilista nila.

Maaari ding makahanap ang mga estudyante ng mga doctrinal mastery scripture passage na naglalarawan ng mga karagdagang paraan para madaig ang kapalaluan.

  • Anong mga halimbawa ang nakita mo sa mga talatang ito tungkol sa kung paano tinulungan ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo ang ilang tao na madaig ang kapalaluan at kasamaan?

Ang sumusunod na sitwasyon at mga tanong ay naglalayong magbigay ng pagkakataon sa mga estudyante na ipakitang alam nila ang iba’t ibang paraan na makakaapekto sa kanila ang kapalaluan, at gayundin kung paano sila matutulungan ng pagsunod kay Jesucristo na madaig ang kapalaluan. Maaari mong piliing iakma ang sitwasyon sa mga paraan na magiging mas makabuluhan ito sa mga estudyante.

binatilyo na tila walang pakialam

Siya si Jim. Hindi pa niya ito alam, pero may problema siya sa kapalaluan.

  • Anong katibayan ang maaari mong asahang makita sa buhay ni Jim para masabing may problema siya sa kapalaluan?

Maaaring makaisip ang mga estudyante ng mga bagay na nauugnay sa 3 Nephi 6–7. Halimbawa, ikinakategorya niya ang mga tao sa kanyang isipan—mabubuting grupo at masasamang grupo. May ginagawa rin siyang ilang bagay na alam niyang mali at inililihim niya ang mga ito. Naiinis siya sa mga tao na humihikayat sa kanya na magbago. Madalas niyang binabatikos ang kanyang mga magulang at ang kanyang bishop para sa mga bagay na ipinagagawa nila sa kanya.

Pagkatapos mapagtanto ang kanyang problema at malaman na napakarami sa pinakamalalaking kabiguan sa kanyang buhay ang bunga ng kanyang kapalaluan, gusto niyang malaman ang mga sagot kung paano niya maaalis ang kapalaluan.

  • Anong mga solusyon ang maimumungkahi mo para matulungan si Jim na madaig ang kapalaluan?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na makipag-ugnayan sa isang taong kilala nila para hingan ng kanilang mga mungkahi kung paano madaraig ang kapalaluan. Magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na tulungan tayong madaig ang kapalaluan at kasamaan.