Seminary
3 Nephi 1: “Ang mga Propesiya ng mga Propeta ay Nagsimulang … Matupad”


“3 Nephi 1: ‘Ang mga Propesiya ng mga Propeta ay Nagsimulang … Matupad,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 1,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 1

“Ang mga Propesiya ng mga Propeta ay Nagsimulang … Matupad”

Ang mga Nephita na tinitingnan ang bagong bituin

Ano kaya ang pakiramdam ng hintayin at makita ang bituin na nagpahayag ng pagsilang ni Jesucristo? Hinintay at inabangan ng mga naniniwalang Nephita ang mga palatandaang darating na ipinropesiya ni Samuel, angLamanita (tingnan sa Helaman 14), ngunit nagbanta ang mga hindi naniniwala na papatayin sila kung hindi makikita ang mga palatandaan. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ka na mas magtiwala na tutuparin ng Panginoon ang lahat ng salitang sinasabi Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

Pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Mapalalakas ang mga estudyante kapag ibinabahagi mo ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo. Humanap ng mga pagkakataong ibahagi sa mga estudyante ang nadarama mo tungkol sa Tagapagligtas at kung bakit mo pinagsisikapang sundin Siya.

Paghahanda ng estudyante: Maaaring maghanda ang mga estudyante na magbahagi ng isang halimbawa kung paano o bakit mapapalakas ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ang isang tao sa mga walang katiyakan o magulong panahon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pinalakas ng pananampalataya

Ang sumusunod na tanong ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na i-assess ang kanilang sarili. Hindi dapat asahang ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot.

  • Sa scale na isa hanggang lima, kung saan ang lima ang pinakamataas, paano mo ire-rate ang antas ng iyong paniniwala o tiwala na tinutupad ng Diyos ang mga salita ng Kanyang mga propeta? Bakit?

Nang dumating si Samuel, ang Lamanita, sa mga Nephita, nagpropesiya siya na “limang taon pa ang lilipas, at masdan, pagkatapos ay paparito ang Anak ng Diyos” (Helaman 14:2). Nagpropesiya ang mga propeta tungkol sa pagparito ni Jesucristo sa loob ng libu-libong taon, at dumating na ang panahon ng Kanyang pagsilang. Ang aklat ng 3 Nephi ay nagsimula sa pagtatapos ng limang taon na iyon.

  • Kung isa ka sa mga naniwala kay Samuel, ano sa palagay mo ang mararamdaman mo sa panahong iyon?

Sa iyong pag-aaral, hanapin ang mga pagkakatulad ng mga kalagayan sa 3 Nephi 1 at ng mga sitwasyon sa ating panahon. Maaari mong markahan ang mga makabuluhang salita at parirala na nagpapalakas ng iyong tiwala sa Diyos at sa mga salita ng Kanyang mga propeta.

Ang mga naniniwalang Nephita

Sa simula ng 3 Nephi 1, nalaman natin na si Nephi, na anak ni Helaman, ay umalis sa lupain at ang kanyang anak na si Nephi ang siyang propeta na ngayon sa mga Nephita.

Basahin ang 3 Nephi 1:4–9, at alamin ang mga hamon na naranasan ng mga naniniwalang Nephita sa panahong ito.

  • Ano sa palagay mo ang dahilan kung bakit “matatag na naghintay” (talata 8) ang ilan sa kabila ng pagbabanta ng kamatayan?

Maaaring anyayahan ang mga estudyante na basahin at talakayin ang mga sumusunod na tanong sa maliliit na grupo. Pagkatapos ay maaaring isulat sa pisara ng isang estudyante mula sa bawat grupo ang sagot ng kanyang grupo sa huling tanong.

Basahin ang 3 Nephi 1:10–14 upang malaman ang sumunod na nangyari.

  • Ano sa palagay mo ang naramdaman ni Nephi nang marinig niya ang tinig ng Panginoon?

  • Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na maunawaan ni Nephi at ng mga tao?

  • Anong mga katotohanan ang matutukoy mo sa mga talatang ito?

Ang mga salita ng mga propeta ay matutupad

Sa ilang katotohanang matatagpuan sa mga talatang ito, nalaman natin na tutuparin ng Panginoon ang lahat ng salitang sinabi Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Maaari mong markahan ang katotohanang ito sa talata 13.

Kabilang sa mga karagdagang katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante sa mga talatang ito ay pakikinggan ng Panginoon ang ating mga panalangin para sa iba o pumarito si Jesucristo sa mundo upang gawin ang kalooban ng Ama.

Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang mga sumusunod na talata nang magkaka-partner.

Basahin ang 3 Nephi 1:15–22, at alamin kung paano tumugon ang mga tao nang matupad ang propesiya.

Maaari mong talakayin ang mga sumusunod na tanong (o iba pang naiisip mo) upang matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang mga banal na kasulatan sa kanilang sariling buhay.

  • Sa iyong palagay, bakit ibang-iba ang naging tugon ng mga tao?

  • Paano napalakas ang mga naniniwala sa karanasang ito?

  • Sa paanong paraan madaragdagan ng karanasang ito ang iyong tiwala sa plano ng Panginoon para sa iyong buhay?

Ang iyong karanasan

Tulad ng mga Nephita sa 3 Nephi 1, nabubuhay tayo sa panahon na tila puno ng kawalang-katiyakan tungkol sa hinaharap. Paano tayo magkakaroon ng tiwala sa Panginoon at sa Kanyang mga salita na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta?

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Ang katapatan ay hindi kahangalan o panatisismo. Sa halip, ito ay pagtitiwala at pananalig kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas, sa Kanyang pangalan, at sa Kanyang mga pangako. Habang tayo ay “patuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao,” [2 Nephi 31:20], pagpapalain tayo ng walang-hanggang pananaw at bisyon na lampas sa ating limitadong kakayahan bilang mortal. Magagawa nating “sama-samang magtipon, at tumayo sa mga banal na lugar” [Doktrina at mga Tipan 101:22] at “huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating” [Doktrina at mga Tipan 87:8]. (David A. Bednar, “Susubukin Natin Sila,” Liahona, Nob. 2020, 11)

Bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras na pag-isipan ang sumusunod. Kung kinakailangan, ibahagi ang ilan sa mga nakalistang sitwasyon. Maaaring makatulong sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga naisip sa kanilang study journal. Maging sensitibo at malay na maaaring maging emosyonal ang ilang estudyante habang iniisip nila ang sarili nilang mga hamon sa buhay. Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu habang sinisikap mo na ituro sila sa Tagapagligtas.

Isipin kung bakit maaaring mahirapan ka sa pagitan ng pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos at ng pag-aalinlangan o pagkakaroon ng takot tungkol sa iyong buhay. Ang mga dahilang ito ay personal sa bawat indibiduwal ngunit maaaring kabilangan ng mga sumusunod:

  • Kinukutya o inaatake dahil sa iyong paniniwala kay Jesucristo

  • Pagkakaroon ng problema sa pamilya, kabilang na ang mga magulang na nagdiborsyo

  • Dumaranas ng pagkabalisa o depresyon

  • Pag-aalala sa mga mahal sa buhay na naaakit sa kaparehong kasarian

  • Pagdurusa mula sa adiksyon o nahihirapan na madaig ang mga nakapipinsalang gawi

  • Takot na hindi matatamo ang mga pagpapala ng ebanghelyo

  • Pakiramdam na hindi karapat-dapat o hindi napapatawad

Sa Juan 16:33, sinabi ni Jesucristo, “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”

  • Ano ang inihayag ng mga propeta tungkol kay Jesucristo na makahihikayat sa iyo na manatiling nananampalataya sa Kanya? (Maaari mong basahin ang Alma 7:11–13; Eter 12:27; Isaias 25:8–9.) Sa iyong palagay, paano ka Niya matutulungan sa iyong sitwasyon?

  • Kailan ka o ang isang kakilala mo napalakas ng pagtitiwala sa Panginoon o sa mga salita ng Kanyang mga propeta sa panahon ng kawalang-katiyakan o takot? Paano makatutulong sa iyo ang pag-alaala sa karanasang ito para mapahalagahan mo ang Kanyang tulong sa iyong buhay?

Sa pahiwatig ng Espiritu, maaari mong hilingin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang tumimo sa kanila sa araw na ito. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at ang iyong tiwala sa mga salita at propesiya ng mga propeta tungkol sa Kanya.

Maaari mong isulat ang nadarama mo tungkol sa natutuhan mo ngayon. Maaari mong isama ang naramdaman mong dapat mong gawin o kung paano ka napalalakas ng naunawaan mo na tinutupad ng Diyos ang mga salitang sinasabi Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.