“3 Nephi 2–5: ‘Nakahanda … sa Lakas ng Panginoon,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“3 Nephi 2–5,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
3 Nephi 2–5
“Nakahanda … sa Lakas ng Panginoon”
Tulad ng pagharap natin sa mga hamon na patungo sa panahon ng pagbabalik ng Tagapagligtas, naharap ang mga Nephita sa mga hamon sa mga taon bago ang pagdalaw Niya sa kanila. Nagbanta ang mga tulisan ni Gadianton na lilipulin ang mga Nephita. Gayunpaman, ang mga Nephita ay “nakahanda [na] harapin sila … sa lakas ng Panginoon” (3 Nephi 4:10). Tulad ng mga Nephita, malalampasan natin ang mga hamon sa pamamagitan ng pagiging handa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matanggap ang lakas ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging handa sa espirituwal at temporal.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Maging handa
Mag-isip ng tungkol sa isang pagkakataon sa iyong buhay kung kailan nadama mong ikaw ay handa o hindi handa.
-
Ano ang sitwasyong iyon, at bakit sa palagay mo ay handa o hindi ka handa?
-
Kung nadama mong hindi ka handa, ano ang ginawa mo para mas makapaghanda para sa hinaharap?
-
Ano ang nagawa mo para espirituwal na makapaghanda para sa mga hamong kinakaharap mo o maaaring kaharapin mo sa hinaharap?
Sa pag-aaral mo ng 3 Nephi 2–5, hingin ang patnubay ng Espiritu para malaman kung ano ang magagawa mo para maihanda ang iyong sarili sa temporal at espirituwal para sa hinaharap.
Mga Paghahanda ni Laconeo
Ipinropesiya ng propetang si Samuel na magkakaroon ng isang gabi na walang kadiliman bilang palatandaan ng pagsilang ni Jesucristo. Nang matupad ang propesiyang ito (tingnan sa 3 Nephi 1:15–19), “higit na nakararaming bahagi ng mga tao ang naniwala, at nagbalik-loob sa Panginoon” (3 Nephi 1:22). Gayunman, pagkaraan ng ilang taon, ang ilan ay nagsimulang hindi maniwala.
Basahin ang 3 Nephi 1:27–30 at 3 Nephi 2:1–3, at alamin ang mga dahilan kung bakit lumayo ang ilang tao sa Panginoon.
-
Anong mga aral ang matututunan natin mula sa mga talatang ito na makatutulong sa atin na manatiling tapat sa Panginoon sa ating panahon?
Dumami ang mga tulisan ni Gadianton at nilabanan ng mga ito ang mga Nephita. Bilang tugon, ang mga “Lamanita na nagbalik-loob sa Panginoon ay nakiisa sa kanilang mga kapatid, ang mga Nephita” (3 Nephi 2:12). Sumulat si Giddianhi, ang pinuno ng mga tulisan ni Gadianton, kay Laconeo, ang punong hukom ng mga Nephita. Dito, nagbanta siyang lilipulin ang mga Nephita kung hindi sila susuko (tingnan sa 3 Nephi 3:1–10).
Basahin ang 3 Nephi 3:11–12, at alamin kung paano tumugon si Laconeo.
-
Anong katibayan ang nakikita mo sa pananampalataya ni Laconeo sa Panginoon?
-
Alin sa mga paghahanda ang sa palagay mo ay nakatulong nang lubos? Bakit?
-
Sa iyong palagay, paano nakatulong sa kanila ang mga paghahandang ito na magtiwala sa Panginoon?
Basahin ang 3 Nephi 4:7–12, at alamin kung paano pinagpala ang mga Nephita dahil sa kanilang espirituwal at temporal na paghahanda.
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito? (Tingnan sa 3 Nephi 4:10.)
Ang isa sa mga alituntuning natutuhan natin mula sa salaysay na ito ay habang espirituwal at temporal nating inihahanda ang ating sarili, palalakasin tayo ng Panginoon upang madaig o matiis ang mga hamon.
Mga paghahanda sa ating panahon
-
Pumili ng isa o mahigit pang paghahanda mula sa iyong listahan. Paano ito makatutulong sa atin na malampasan ang mga partikular na hamon na kinakaharap natin sa ating panahon?
-
Sa iyong palagay, sa paanong paraan tayo napapalakas ng Panginoon sa pamamagitan ng ating paghahanda?
Ang mga tulisan ni Gadianton ay nabigo sa pagkubkob dahil ang mga Nephita ay tinulungan ng Diyos sa kanilang paghahanda. Kalaunan ay umatras ang mga tulisan ni Gadianton. Sila ay tinugis ng hukbo ng mga Nephita at isinuko nila ang kanilang sarili bilang mga bihag o sila ay papatayin (tingnan sa 3 Nephi 4:16–27).
Basahin ang 3 Nephi 4:30–33; 5:1–4, at alamin kung paano tumugon ang mga tao dahil pinalakas sila ng Panginoon.
-
Paano ipinakita ng kanilang tugon ang kanilang pananampalataya sa Diyos?
Isipin ang isang pagkakataon na nadama mo ang lakas ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahanda sa temporal at espirituwal.
Pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga pagpapala ng pagiging handa:
Hindi tumitigil sa pag-atake ang kaaway. Kaya, hindi tayo dapat tumigil kailanman sa paghahanda! Kapag mas nakakaasa tayo sa ating sarili—sa temporal, emosyonal, at espirituwal—mas handa tayo na mapaglabanan ang walang tigil na pag-atake ni Satanas. …
Hindi ko sinasabing magiging madali ang mga araw na darating, ngunit ipinapangako ko na magiging maluwalhati ang bukas para sa mga handa at patuloy na naghahandang maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. (Russell M. Nelson, “Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 75–76)
Mag-isip ng isang hamon, sitwasyon, o pangyayari na kailangan mong paghandaan. Pag-isipan kung gaano ka kahanda sa ngayon. Hingin ang gabay ng Espiritu habang sinasagot mo ang mga tanong na ito.
-
Anong mga partikular na gagawin mo para makapaghanda?
-
Paano mo maisasama ang Panginoon sa iyong mga paghahanda?