Seminary
3 Nephi 8–10: Ang Tinig ng Tagapagligtas sa Kadiliman


“3 Nephi 8-10: Ang Tinig ng Tagapagligtas sa Kadiliman,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 8–10,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 8–10

Ang Tinig ng Tagapagligtas sa Kadiliman

pamilya na may kasamang isang bulag na batang babae na nadarama ang init ng araw sa unang pagkakataon mula noong tatlong araw ng kadiliman matapos ipako sa krus si Jesucristo

Sa lupain ng Amerika, ang matinding pagkawasak at kadiliman ay tanda ng pagpapako sa krus sa Tagapagligtas. Sa loob ng tatlong araw ng makapal na kadiliman, nangusap si Jesucristo sa mga tao. Noon at ngayon, ang mga kalamidad, pagdurusa, at pagsubok ay maaaring maging mga pagkakataon para matuto tungkol kay Jesucristo at bumaling sa Kanya. Ang lesson na ito ay tutukoy sa mga katangian ni Jesucristo na makatutulong sa iyo na makadama ng higit na pagmamahal at pagtitiwala sa Kanya.

Hikayatin ang mga estudyante na magtuon kay Jesucristo. Tulungan ang mga estudyante na ituon ang kanilang pag-aaral ng ebanghelyo kay Jesucristo upang mapalalim ng Espiritu Santo ang kanilang pag-unawa at pagpapahalaga sa Kanya. Ang isang paraan para magawa ito ay magtanong ng mga bagay na tutulong sa mga estudyante na maghanap ng katibayan ng Kanyang kapangyarihan, awa, at nagbabayad-salang misyon.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 8, at isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung naroon sila sa mga pangyayaring ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

“Isang malakas na bagyo”

buhawi na dumaraan sa bukid
mga kidlat
malakas na ulan at hangin na dala ng bagyo ang nanalasa sa isang bayan

Tanungin ang mga estudyante kung nakaranas na sila ng nakakatakot at malakas na bagyo o ng iba pang uri ng kalamidad. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi kung ano ang naranasan nila, o maaari kang magbahagi ng karanasan mo.

Nang ipako sa krus si Jesucristo sa Jerusalem, isang kakila-kilabot na bagyo at lindol sa lupain ng Amerika ang nagdulot ng matinding pagkawasak. Tinupad ng mga pangyayaring ito ang mga propesiya ni Samuel, ang Lamanita, tungkol sa mga palatandaan ng kamatayan ng Tagapagligtas (tingnan sa Helaman 14:20–27).

Para malaman ang mga detalye ng mga mapaminsalang pangyayaring ito, basahin ang 3 Nephi 8:5–22. Maaari mo ring panoorin ang video na, “Nagpakita si Jesucristo sa Lumang Amerika,” mula sa time code na 0:00–3:19. Matatagpuan ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

16:42
  • Ano kaya ang maiisip o madarama mo kung naranasan mo ang mga bagay na ito?

Sa mga taon bago ang pagkawasak na ito, ang karamihan sa mga Nephita ay tumalikod sa Panginoon at itinaboy ang mga propeta na isinugo ng Diyos upang mangaral sa kanila (tingnan sa 3 Nephi 7:7–8, 14, 21).

Basahin ang 3 Nephi 8:23–25, at alamin kung ano ang naging reaksyon ng mga nakaligtas matapos maranasan ang mga mapaminsalang pangyayaring ito.

  • Paano mo ilalarawan ang kanilang mga damdamin?

Mga katotohanan tungkol kay Jesucristo

Habang nagdadalamhati ang mga tao sa kadiliman, narinig nila ang tinig ni Jesucristo na nangungusap sa kanila. Nagbanggit Siya ng maraming lunsod at ipinaliwanag Niya na ang mga lunsod at mga tao na iyon ay nalipol dahil sa kanilang kasamaan. Pagkatapos ay itinuro Niya sa mga tao ang maraming mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang sarili.

Bukod pa sa pagpapagawa sa mga estudyante ng listahang inilarawan sa sumusunod na talata, maaari ka ring gumawa ng listahan na maaaring i-display para makita ng iyong klase sa buong pag-aaral ninyo ng 3 Nephi. Maaari kang gumamit ng isang malaking poster board o piraso ng papel para isulat ang pamagat na naka-italic na nakalista sa ibaba. Sa paligid nito, itala ang mga natuklasan ng mga estudyante tungkol kay Jesucristo na matatagpuan sa lesson na ito at sa mga susunod na lesson.

Para matulungan kang isaayos ang mga katotohanang ito, gumawa ng heading sa iyong study journal na pinamagatang: Pag-aaral tungkol kay Jesucristo sa 3 Nephi. Maaari kang maglaan ng maraming pahina sa iyong study journal para makapagdagdag ka pa ng mga katotohanan sa listahang ito sa iyong pag-aaral ng tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita sa susunod na ilang linggo.

Tiyaking bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras para magkaroon ng makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng mga salita ng Tagapagligtas sa mga sumusunod na talata. Maaaring makatulong na magpatugtog ng instrumental na musika na nagpapadama ng kapitaganan at tulutan silang mag-aral nang mag-isa.

Maaari mo ring hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at atasan ang bawat grupo na pag-aralan at talakayin ang isa sa mga sumusunod na scripture passage: 3 Nephi 9:13–18; 3 Nephi 9:19–22; 3 Nephi 10:4–7; at 3 Nephi 10:8–12. Maaaring ipabahagi sa mga miyembro mula sa bawat grupo ang natutuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang pinag-aralan nila.

Basahin ang 3 Nephi 9:13–22 at 10:4–12, at alamin ang itinuro ni Jesucristo sa mga taong ito tungkol sa Kanyang sarili. Isulat ang mga katotohanang ito sa ilalim ng heading sa iyong study journal.

Matapos ang sapat na oras para makapag-aral ang mga estudyante, talakayin ang natutuhan nila. Bigyan ng pagkakataon ang maraming estudyante na ibahagi ang kanilang mga nalaman at nadarama tungkol kay Jesucristo. Gumamit ng mga tanong na tulad ng mga sumusunod para makatulong sa paggabay sa talakayang ito.

  • Ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang sarili na napakahalaga sa iyo? Bakit?

    Maaaring maraming matukoy na katotohanan tungkol kay Jesucristo ang mga estudyante. Maaari mong tiyakin na mapapansin ng mga estudyante ang sumusunod: Ang bisig ng awa ni Jesucristo ay nakaunat sa atin (3 Nephi 9:14); Si Jesucristo ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan (3 Nephi 9:18); Iniutos ni Jesucristo na ialay natin sa Kanya ang bagbag na puso at nagsisising espiritu (3 Nephi 9:20); Nais ni Jesucristo na tipunin at protektahan tayo (3 sNephi 10:4–7).

    Maaari mong isulat sa pisara ang mga katotohanang ito. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng iba pang salaysay sa mga banal na kasulatan kung saan ipinakita ni Jesucristo ang isa o mahigit pa sa mga katotohanang natukoy nila tungkol sa Kanya.

    Para sa mga ideya kung paano ka makakapaglaan ng mas maraming oras sa ilan sa mga partikular na turo ng Tagapagligtas mula sa mga talatang ito, tingnan sa bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral.”

  • Paano maiimpluwensyahan ng mga katotohanang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo ang iyong pagmamahal at tiwala sa Kanya?

  • Anong mga sitwasyon ang naranasan mo, o maaaring nararanasan mo, kung saan magiging mahalaga ang pag-alala sa isa o mahigit pa sa mga katotohanang ito?

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na maghanap ng mahahalagang katotohanan tungkol kay Jesucristo habang patuloy nilang pinag-aaralan ang Kanyang ministeryo sa mga Nephita.