Seminary
3 Nephi 11:1–11: “Ako Si Jesucristo”


“3 Nephi 11:1–11: ‘Ako Si Jesucristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 11:1–11,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 11:1–11

“Ako Si Jesucristo”

Si Jesucristo na bumababa mula sa langit sa templo ng lupaing Masagana

Habang ang mga Nephita ay nagtitipon sa paligid ng templo at nag-uusap tungkol sa mga palatandaan ng kamatayan ni Jesucristo, ang Tagapagligtas ay “bumaba at tumayo sa gitna nila” (3 Nephi 11:8). Itinuro Niya sa kanila ang Kanyang misyon at lahat ng ginawa Niya para sa kanila. Ang lesson na ito ay makatutulong na madagdagan ang pagmamahal at pasasalamat mo kay Jesucristo dahil sa kung sino Siya at kung ano ang ginawa Niya para sa iyo.

Pahalagahan ang lahat ng estudyante. Kapag nadama ng mga estudyante na may iba’t ibang background na sila ay minamahal at tinatanggap, mas malamang na ibabahagi nila ang kanilang mga pananaw at karanasan sa klase. Sikaping ipadama sa bawat estudyante na kabilang siya. Maghanap ng mga paraan para maipahayag ang taos-pusong pagmamahal na tulad ng kay Cristo sa lahat ng estudyante, lalo na sa mga maaaring nahihirapan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang banal na kasulatan o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan na tumutulong sa kanila na mas maunawaan ang ginawa ni Jesucristo para sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang lesson na ito ay nakatuon sa mga pangyayari at turo na nakatala sa 3 Nephi 11:1–11. Isang karagdagang lesson ang magtutuon sa mga karanasan ng mga tao sa Tagapagligtas na nakatala sa 3 Nephi 11:12–17. Kung wala kang oras na ituro nang magkahiwalay ang dalawang lesson, maaari mong gamitin ang lesson na “3 Nephi 11:12–17” para sa mga ideyang maaari mong isama sa lesson na ito.

Pag-asam, Paghihintay

Maaari kang magbahagi ng isang karanasan noong ikaw ay bata pa o noong ikaw ay tinedyer pa kung saan inaasam o hinihintay mo ang isang bagay. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang isang mahalagang kaganapang pangkultura o pang-sports o isang bagay na nasasabik kang matanggap. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang nadama mo sa panahong naghihintay at umaasam ka at kung ano ang pakiramdam nang sa wakas ay maranasan o makamtan mo ito. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sandali sa iba pang estudyante sa klase ang mga pagkakataon na inaasam o hinihintay nila ang isang bagay.

Sa Aklat ni Mormon, nalaman natin na ang isang kaganapan na inasam at hinintay ng mga Nephita sa maraming henerasyon ay ang pagparito ng Anak ng Diyos sa lupa. Mula sa panahong dinala nina Lehi at Saria ang kanilang mga anak sa ilang sa labas ng Jerusalem, alam nila na sa loob ng 600 taon ay isusugo ng Diyos ang Kanyang Anak bilang “isang Tagapagligtas ng sanlibutan” (1 Nephi 10:4).

Matapos ibahagi ang susunod na pangungusap, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng mga banal na kasulatan na nakalista sa mga panaklong.

Naunawaan din nila na darating si Jesucristo balang-araw sa mga Nephita sa lupang pangako (tingnan sa 1 Nephi 12:6; 2 Nephi 26:1; Alma 45:9–10). Sa 3 Nephi 11, mababasa natin ang tungkol sa pinakahihintay na pagpapakitang ito.

Hindi lahat ng tao sa mga Nephita at Lamanita ay may tamang pagkaunawa tungkol kay Jesucristo. Gayon din naman, may mga maling pagkaunawa ang mga tao sa panahon ngayon tungkol kay Jesucristo, at itinatatwa pa nga ng ilan na Siya ay nariyan at buhay. Naniniwala ang ilan na si Jesus ay isang dakilang pinuno ngunit hindi nila tinatanggap na Siya ang Anak ng Diyos.

  • Sa palagay mo, bakit mahalaga na tama ang pagkaunawa natin sa kung sino si Jesucristo?

  • Ano ang makatutulong sa atin para mas maunawaan kung sino si Jesucristo at kung ano ang ginawa Niya para sa atin?

Nang magpakita si Jesucristo sa mga Nephita, Siya at ang Ama sa Langit ay nagbigay ng mahahalagang pahayag tungkol sa kung sino Siya. Sa iyong pag-aaral ngayon, bigyang-pansin kung ano ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malaman mo tungkol sa kung sino ang Tagapagligtas at kung ano ang ginawa Niya para sa iyo.

Sa nakaraang lesson, maaaring nagsimula kang gumawa ng listahan ng mga bagay na natututuhan mo tungkol kay Jesucristo sa iyong pag-aaral ng ikatlong Nephi. Kung hindi ka pa nakakapagsimula ng listahan, simulan ito sa iyong study journal, at magdagdag dito sa buong lesson.

Matatagpuan ang marami pang detalye tungkol sa listahang binanggit sa naunang talata sa lesson na “3 Nephi 8–10.”

Nagpakita si Jesucristo sa mga Nephita

Basahin ang 3 Nephi 11:1–11, at alamin ang mga detalye tungkol sa pagpapakita ni Jesucristo sa isang grupo ng mga tao na nagtipon sa templo sa lupaing Masagana. Maaari mo ring panoorin ang “Nagpakita si Jesucristo sa Lumang Amerika” mula sa time code na 11:19–13:29. Matatagpuan ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org. 

16:42
  • Ano ang pinakanapansin mo sa pag-aaral mo ng mga talatang ito?

  • Kung naroon ka, ano ang ilang salita na gagamitin mo para ilarawan ang maiisip o madarama mo? Bakit?

Inilarawan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagpapakita ni Jesucristo at ang sinabi Niya sa mga tao sa ganitong paraan:

Ang pagpapakita at pahayag na iyon ang pinakamahalagang bahagi, ang pinakadakilang sandali, sa buong kasaysayan ng Aklat ni Mormon. …

Lahat ay nangusap tungkol sa kanya, nagsiawit tungkol sa kanya, umasam sa kanya, at nanalangin para sa kanyang pagpapakita—ngunit narito siya talaga. Ang araw na pinakahihintay! Ang Diyos na pinagliliwanag na parang umaga ang bawat gabing madilim ay dumating na. (Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 250–51)

Ang mga unang salitang sinabi ni Jesucristo sa mga Nephita ay nakatutulong sa atin na maunawaan kung sino Siya at kung ano ang ginawa Niya para sa atin.

Basahing muli ang 3 Nephi 11:10–11, at bigyang-pansin ang mga salita at parirala na ginamit ni Jesucristo para ilarawan ang Kanyang sarili at ang ginawa Niya para sa atin. Tiyaking idagdag ang mga katotohanang ito sa listahan sa iyong study journal.

Ang 3 Nephi 11:10–11 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magsanay na gamitin ang doktrinang itinuturo sa passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo?

  • Alin sa mga katotohanang ito ang pinakamahalaga sa iyo? Bakit?

Ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Ama

Ang isa sa mga katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Ama sa pag-ako ng mga kasalanan ng sanlibutan.

Mapapalalim natin ang ating pag-unawa sa katotohanang ito sa pamamagitan ng pagtuon nang mas mabuti sa mga pariralang ginamit ni Jesucristo para ilarawan ang ginawa Niya. Kopyahin ang mga sumusunod na parirala mula sa 3 Nephi 11:11 sa iyong study journal na may espasyo sa tabi o sa ibaba ng mga ito na mapagsusulatan.

I-display ang mga sumusunod na pahayag at ang listahan ng mga scripture reference sa pisara. Maaari mong ilagay sa maliliit na grupo ang mga estudyante at sabihin sa kanila na pag-aralan ang ilan sa mga scripture reference na nakalista. Maaari nilang isulat sa kanilang study journal at talakayin kung paano pinalalalim ng mga talatang pinag-aralan nila ang pagkaunawa nila sa isa o mahigit pa sa mga parirala mula sa 3 Nephi 11:11.

  • Ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin.

  • Niluwalhati [ko] ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan.

  • Aking binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula.

Hayaang talakayin ng mga estudyante ang kanilang mga nalaman mula sa aktibidad sa pag-aaral na ito para sa bawat parirala.

Pagkatapos ng talakayang ito, maaari mong i-display ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa isa o mahigit pa sa mga ito sa kanilang study journal.

  • Ano ang gusto mong sabihin sa mga tao tungkol kay Jesucristo batay sa nadama mo ngayon?

  • Ano ang gusto mong gawin sa iyong buhay dahil sa nauunawaan o nadarama mo tungkol kay Jesucristo?

  • Bakit napakahalagang sundin mo si Jesucristo habambuhay?

Maaari mong sabihin sa ilang handang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong na ito. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo ngayon tungkol kay Jesucristo.