“3 Nephi 11:12–17: ‘Lumapit sa Akin,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“3 Nephi 11:12–17,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
3 Nephi 11:12–17
“Lumapit sa Akin”
Matapos ipakilala bilang Pinakamamahal na anak ng Ama sa Langit, inanyayahan ni Jesucristo ang mga tao na personal na saksihan na Siya ay pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Isa-isa silang lumapit sa Kanya at hinipo ang sugat sa Kanyang tagiliran at ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matamo o mapalakas ang iyong patotoo na si Jesucristo ay nagdusa at namatay para sa iyo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Alagaan ang iyong patotoo
Isipin kung paano naaangkop sa iyo ang sumusunod na paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson.
Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig at pagkatapos ay magtaka kung bakit humihina ang inyong patotoo. (Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan”” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], ChurchofJesusChrist.org)
-
Sa iyong palagay, bakit mahalaga para sa bawat tao na “alagaan” ang kanilang patotoo?
Ang isa sa pinakamahahalagang katotohanan na maaari nating patotohanan ay si Jesucristo ang Anak ng Diyos at ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Pag-isipan kung bakit kailangang malaman ito ng mga tao tungkol sa Kanya. Maaari mong pag-aralan ang Juan 14:6 at Mosias 3:17 para matulungan kang makita ang ilan sa mga dahilang ito.
-
Nadarama mo ba na mayroon kang patotoo tungkol kay Jesucristo bilang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan?
-
Ano ang nakatulong sa iyo para madama ang ganito tungkol sa Tagapagligtas?
Pag-aaralan mo ngayon ang isang sagradong pakikipag-ugnayan ni Jesucristo sa mga Nephita. Habang nag-aaral ka, isipin kung ano ang magagawa mo para matamo o mapalakas ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo.
Inanyayahan ni Jesucristo ang mga Nephita na hipuin ang mga bakas ng Kanyang sugat
Alalahanin na habang nagtitipon ang isang grupo ng mga Nephita sa lupain ng Masagana, ang Nabuhay na Mag-uling Panginoon ay bumaba mula sa langit. Ipinahayag Niya na Siya si Jesucristo at niluwalhati Niya ang Ama sa pamamagitan ng pagdurusa para sa mga kasalanan ng sanlibutan (tingnan sa 3 Nephi 11:1–11). Ang maraming tao ay binubuo ng kalalakihan, kababaihan, at mga bata, na may bilang na mga 2,500 katao (tingnan sa 3 Nephi 17:25).
Basahin ang 3 Nephi 11:12–15, at alamin ang unang paanyaya ng Nabuhay na Mag-uling Panginoon sa mga tao. Maaari mo ring panoorin ang “Nagpakita si Jesucristo sa Lumang Amerika,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 13:29 hanggang 16:03.
Habang nag-aaral ka, sikaping ilarawan sa isipan ang iyong sarili na kabilang sa maraming tao. Ang paglalarawan sa isipan ng mga pangyayari o ideya mula sa mga banal na kasulatan ay makapag-aanyaya sa Espiritu Santo sa iyong pag-aaral. Isulat ang anumang maiisip o madarama mo habang ikaw ay nag-aaral, nagninilay-nilay, at naglalarawan sa isipan.
-
Sa iyong palagay, ano ang nadama ng mga tao nang makita nila ang Tagapagligtas at nakisalamuha sila sa Kanya nang “isa-isa”? (3 Nephi 11:15).
-
Anong mga bahagi ng salaysay na ito ang pinili mong ilarawan sa isipan? Ano ang ilan sa mga naiisip at nadarama mo nang gawin mo ito?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa hangarin ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin?
Ang sumusunod ay isang alituntunin na matututuhan natin mula sa sagradong salaysay na ito: Inaanyayahan ako ni Jesucristo na tumanggap ng personal na patotoo na Siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan o study journal.
Patungkol sa personal na paanyaya at ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita, itinuro ni Bishop Gérald Caussé ng Presiding Bishopric:
Ang dakilang tagpong ito ang pinakamahalagang [tagpo] sa Aklat ni Mormon. Ang buong “mabuting balita” ng ebanghelyo ay nasa imaheng ito ng Tagapagligtas na magiliw na iniuunat ang Kanyang “mga bisig ng awa” [Alma 5:33] para anyayahan ang bawat tao na lumapit sa Kanya at tumanggap ng mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. …
… Tulad noong anyayahan ni Jesus ang bawat isa sa mga disipulong Nephita na damhin ang Kanyang mga sugat, namatay Siya para sa bawat isa sa atin, sa personal na paraan, na para bang ikaw o ako lamang ang tao sa mundo. Ipinaaabot Niya sa atin ang personal na paanyaya na lumapit sa Kanya at humugot sa kagila-gilalas na mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. (Gerald Causse, “Isang Buhay na Saksi ng Buhay na Cristo,” Liahona, Mayo 2020, 39–40)
-
Ano ang ilang paraan na matatamo natin ang sarili nating patotoo na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan?
“Hosana!”
Ang mga Nephita ay lubhang naantig ng kanilang personal na pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas.
Basahin ang 3 Nephi 11:16–17, at alamin kung paano tumugon ang mga tao kasunod ng kanilang karanasan kasama ang Nabuhay na Mag-uling Panginoon.
Maaaring makatulong na malaman na ang hosana ay salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “iligtas kami” o “mangyari pong iligtas kami.” Ginamit ito sa buong banal na kasulatan bilang pagpapahayag ng papuri at pagsamo at naging bahagi ng pagdiriwang tungkol sa Mesiyas sa lahat ng panahon (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hosana,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Ang sumusunod ay tutulong sa iyo na magkaroon ka ng oras na ipahayag ang iyong damdamin tungkol sa Tagapagligtas o pag-aralan ang tungkol sa iba na nagbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa Kanya.
-
Ibahagi ang iyong personal na patotoo tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsulat ng liham sa isang tao na sa palagay mo ay makikinabang dito.
-
Pumili ng isang talata sa mga banal na kasulatan o isang himno na naglalarawan ng nadarama mo tungkol sa kung sino si Jesucristo at kung ano ang ginawa Niya para sa iyo. Sumulat ng maikling paliwanag kung bakit makabuluhan sa iyo ang talata o himnong ito.
-
Sumulat ng isang tula o mga titik ng isang awitin na naglalarawan ng nadarama mo tungkol kay Jesucristo.
-
Pag-aralan ang patotoo ng ibang tao tungkol kay Jesucristo. Ibuod ang napag-aralan mo at kung ano ang ipinadama sa iyo ng salaysay na iyon. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang Alma 26:1–16, 35–37 o “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (ChurchofJesusChrist.org).