Seminary
3 Nephi 11:18–41: Ipinahayag ni Jesucristo ang Kanyang Doktrina


“3 Nephi 11:18–41: Ipinahayag ni Jesucristo ang Kanyang Doktrina,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 11:18–41,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 11:18–41

Ipinahayag ni Jesucristo ang Kanyang Doktrina

Si Cristo na nagtuturo sa lupain ng Amerika

Naiisip mo ba kung anong mga katotohanan ang ibinabahagi ng mga missionary sa mga tinuturuan nila? Ang isa sa pinakamahahalagang mensahe nila ay nauugnay sa dapat nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Tinatawag kung minsan ang mensaheng ito na doktrina ni Cristo (tingnan sa 2 Nephi 31:21). Itinuro ng Tagapagligtas ang doktrinang ito sa mga Nephita matapos Siyang magpakita sa kanila sa templo. Matutulungan ka ng lesson na ito na mas maunawaan at maipaliwanag ang doktrina nni Jesucristo.

Hikayatin ang mga estudyante na maghandang matuto. Kapag inihahanda ng mga estudyante ang kanilang sarili na matuto, inihahanda nila ang kanilang puso na tanggapin ang Espiritu Santo. Makapaghahanda ang mga estudyante para sa klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng scripture block, pag-iisip sa tanong, o pag-iisip ng isang karanasan na maibabahagi. Sabihin sa mga estudyante na maghanda, at pagkatapos ay bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataon na makita kung paano naiimpluwensyahan ng kanilang paghahanda ang kanilang pagkatuto.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang tungkol sa doktrina ni Cristo bago magklase. Maaari nilang pag-aralan ang mga turo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 11:31–41 o hanapin ang “doktrina ni Cristo” sa Gospel Library app o ChurchofJesusChrist.org.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mga aktibidad sa pag-aaral sa lesson na ito ay nakatuon una sa lahat sa doktrina ni Jesucristo na itinuro sa 3 Nephi 11:31–41. Kung kinakailangan, gamitin ang bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga karagdagang turo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 11 tungkol sa pagtatalo at sa wastong paraan ng pagbibinyag sa isang tao.

Pagiging tagasunod ni Jesucristo

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na isadula ang sumusunod na sitwasyon sa harap ng klase. Upang mabigyan ang mas maraming estudyante ng pagkakataong magbahagi, maaari mo silang hatiin sa maliliit na grupo at anyayahan sila na magsalitan sa pagbabahagi ng kanilang mga sagot.

Halimbawa ay may kaibigan ka na interesado sa Simbahan. Sinabi sa iyo ng kaibigan mo na maganda ang pakiramdam niya tungkol sa natutuhan at naranasan niya. Gusto niyang malaman kung ano ang susunod na dapat niyang gawin upang mas lubos na masunod ang Tagapagligtas.

  • Ano ang ipapayo mong gawin ng kaibigan mo? Bakit?

“Ito ang aking doktrina”

Hindi nagtagal matapos magpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita sa lupaing Masagana, itinuro Niya sa kanila ang Kanyang doktrina. Ang doktrinang ito, na tinatawag kung minsan na “ang doktrina ni Cristo” (2 Nephi 31:21), ay tumutulong sa atin na maunawaan kung paano natin masusunod si Jesucristo at matatanggap ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Ngayon ay magkakaroon ka ng pagkakataong mas maunawaan ang doktrina ni Cristo at maipaliwanag ito gamit ang sarili mong mga salita.

Sabihin sa mga estudyante na magkakaroon sila ng pagkakataong maghanda at magturo ng isang lesson tungkol sa doktrina ni Cristo sa maliit na grupo ng mga kaklase. Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin upang matingnan ng mga estudyante ang mga ito habang inihahanda nila ang kanilang mga lesson.

  1. Pag-aralan ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang doktrina sa 3 Nephi 11:31–41.

  2. Kung gusto mo, pag-aralan ang mga karagdagang turo tungkol sa doktrina o ebanghelyo ni Jesucristo, tulad ng 2 Nephi 31:17–21 o 3 Nephi 27:19–22. Maaari mo ring hanapin ang “doktrina ni Cristo” sa Gospel Library app sa ChurchofJesusChrist.org.

  3. Maghanda ng tatlo hanggang limang minutong lesson tungkol sa doktrina ni Cristo. Gamitin ang template na nasa ibaba para matulungan kang ihanda ang outline mo. Maaari mong isipin na kunwari ay isa kang missionary na naghahanda ng lesson na ito para sa isang taong tinuturuan mo. O maaari kang mag-isip ng isang taong kakilala mo at maghanda na kunwari ay ibabahagi mo sa kanya ang lesson.

icon ng handout Magbigay ng mga kopya ng handout ng lesson template sa mga estudyante. Bigyan sila ng sapat na oras na makapaghanda ng kanilang mga lesson.

Tiyaking magbigay ng mga alternatibo sa mga estudyante na maaaring masyadong kinakabahang magturo nang malakas. Kabilang sa mga opsiyon ang pagpapasa ng outline ng kanilang lesson o pakikipagtulungan sa ka-partner na mas may kumpiyansa o karanasan sa pagtuturo. Maaaring makatulong sa mga estudyante kung ipapakita mo sandali kung paano maghanda ng maikling lesson.

Lesson Plan ng Ang Doktrina ni Cristo

Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)—“3 Nephi 11:18–41: Ipinahayag ni Jesucristo ang Kanyang Doktrina”

  1. Mula sa natutuhan at napag-aralan mo, sumulat ng buod ng doktrina ni Cristo.

  2. Maglista ng dalawa o tatlong tanong na maaari mong itanong para matulungan ang mga tinuturuan mo na maunawaan at pag-isipan nang mas malalim ang tungkol sa doktrina ni Cristo.

  3. Ilarawan kung bakit sa palagay mo ay mahalagang sundin ang mga turong ito ng Tagapagligtas. Kung maaari, isama ang mga karanasan mo na nagpapakita kung paano napagpala ng mga turong ito ang iyong buhay.

  4. Maglista ng isa o dalawang paanyaya na maaari mong ibigay upang matulungan ang mga tinuturuan mo na ipamuhay ang natutuhan nila tungkol sa doktrina ni Cristo.

  5. (Opsiyonal) Mag-isip ng isang bagay o aktibidad na makatutulong sa mga tinuturuan mo na mas maunawaan ang doktrina ni Cristo.

Kapag nagkaroon na ang mga estudyante ng sapat na oras upang makapaghanda, bigyan sila ng pagkakataong ituro ang kanilang lesson sa ka-partner o sa maliliit na grupo. Maging maingat na huwag pilitin ang mga estudyante na masyadong kinakabahan na ituro nang malakas ang kanilang lesson. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na handang magturo sa buong klase.

Kapag tapos nang magturo ang mga estudyante, maaaring may oras pa para talakayin ang natutuhan nila. Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: upang makapasok sa kaharian ng Diyos, dapat nating sundin ang doktrina ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya, pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.

Maaari kang gumamit ng mga tanong na tulad ng mga sumusunod sa inyong talakayan:

  • Sa iyong palagay, bakit kabilang ang doktrinang ito sa mga unang bagay na itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita?

  • Sa iyong palagay, bakit kinakailangan ang mga alituntunin at mga ordenansang ito upang mamana ang kaharian ng Diyos?

  • Ano ang magagawa mo upang maging mas mahalagang bahagi ng buhay mo ang mga alituntunin at mga ordenansang ito?

Pag-assess ng sarili

Kung may oras pa pagkatapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga lesson, maaari nilang pag-isipan ang mga paraan para maipamuhay ang doktrina ni Cristo sa kanilang buhay sa araw-araw. Maaari mong ibahagi ang sumusunod na assessment at bigyan ng oras ang mga estudyante na tahimik na i-assess ang kanilang sarili:

Sa pagtatapos mo ng lesson, maglaan ng oras para pag-isipan kung paano mo maipamumuhay ang doktrina ni Cristo sa bawat araw. Ang sumusunod na pag-assess sa sarili ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mga paraan kung paano mo kasalukuyang ipinamumuhay ang doktrina ng Tagapagligtas, pati na rin ang mga paraan kung paano ka magpapakabuti pa.

Sagutin ang bawat isa sa mga sumusunod na pahayag gamit ang isa sa mga sagot na ito: “regular,” “minsan,” o “bihira.”

  1. Sumasampalataya ako kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisikap na sundin ang mga kautusan at nagtitiwala ako na matutulungan Niya ako na malampasan ang mga hamong kinakaharap ko.

  2. Nagsisisi ako araw-araw para sa aking mga pagkakamali at hinahangad ko ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na tulungan ako na maging higit na katulad Niya.

  3. Sinisikap kong tuparin ang aking mga tipan sa binyag at linggo-linggong pinapanibago ang pagsisikap na iyon sa pamamagitan ng pagiging karapat-dapat na tumanggap ng sakramento.

  4. Inaanyayahan ko ang Espiritu Santo sa aking buhay sa pamamagitan ng regular na panalangin sa Ama sa Langit at pag-aaral at pagsisikap na kumilos ayon sa mga espirituwal na pahiwatig.

Hikayatin ang mga estudyante na tumukoy ng isang aspeto ng doktrina ng Tagapagligtas na mas lubos nilang mailalakip sa kanilang buhay at pagkatapos ay gumawa ng plano na gawin ito. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga pagkakataon para ibahagi sa ibang tao ang mga turong ito.