Seminary
Doctrinal Mastery: 3 Nephi 11:10–11—“Aking Binata ang Kalooban ng Ama sa Lahat ng Bagay Magbuhat pa sa Simula”


“Doctrinal Mastery: 3 Nephi 11:10–11—‘Aking Binata ang Kalooban ng Ama sa Lahat ng Bagay Magbuhat pa sa Simula,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Doctrinal Mastery: 3 Nephi 11:10–11,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Doctrinal Mastery: 3 Nephi 11:10–11

“Aking Binata ang Kalooban ng Ama sa Lahat ng Bagay Magbuhat pa sa Simula”

nagsasalita si Cristo sa mga Nephita

Sa iyong pag-aaral ng 3 Nephi 11, nalaman mo ang tungkol sa pagpapakita ni Jesucristo sa mga Nephita. Sinabi Niya sa kanila na naisakatuparan Niya ang kalooban ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng pag-ako sa mga kasalanan ng sanlibutan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery passage at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 3 Nephi 11:10–11, maipaliwanag ang doktrinang itinuro sa passage na ito, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa tunay na buhay.

Pagbibigay ng mga pagkakataon sa mga estudyante na magpatotoo. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang patotoo ay hindi kailangang magsimula sa ilang partikular na salita o ibahagi lamang sa mga pormal na sitwasyon. Tulungan silang maunawaan na nagpapatotoo sila kapag nagbabahagi sila ng mga simple at taos-pusong pagpapahayag ng pinaniniwalaan nilang totoo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na hilingin sa isang kapamilya o lider ng Simbahan na ipaliwanag sa kanila kung bakit pinili nilang sundin si Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ituturo pagkatapos ng lesson na “3 Nephi 11:1–11,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na 3 Nephi 11:10–11. Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Isaulo at ipaliwanag

Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 3 Nephi 11:10–11 ay “Aking binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula.” Maaari mong markahan ang bahaging ito ng talata 11 sa natatanging paraan upang mamukod-tangi ito sa natitirang bahagi ng talata.

Tulungan ang mga estudyante na maisaulo ang scripture reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 3 Nephi 11:10–11. Ang isang paraan para magawa ito ay i-display ang mga sumusunod na larawan ni Jesucristo, na kumakatawan sa pagsunod ni Jesucristo sa kalooban ng Ama sa pamamagitan ng pag-ako sa ating mga kasalanan.

Sabihin sa mga estudyante na bigkasin ang scripture reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan nang maraming beses. Habang nagsasaulo ang mga estudyante, hikayatin silang tingnan hindi lamang ang mga salita kundi pati na rin ang mga naka-display na larawan. Sabihin sa kanila na pagnilayan ang kahulugan ng mga salita ng Tagapagligtas na isinasaulo nila.

Si Cristo sa Getsemani at si Cristo sa krus

Sa isang nakaraang lesson, tinalakay mo ang katotohanang natagpuan sa 3 Nephi 11:11 na ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Ama sa pag-ako ng mga kasalanan ng sanlibutan.

Ipagpalagay na hiniling sa iyo ng isang taong kaunti lamang ang alam tungkol kay Jesucristo na ituro mo sa kanya ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo.

  • Gamit ang pahayag ng katotohanan at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan, paano mo ipaliliwanag kung ano ang ginawa ni Jesucristo para sa atin at kung bakit ito mahalaga?

Pagsasanay ng pagsasabuhay

Rebyuhin sandali ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document (2023).

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataon na ipakita ang nauunawaan nila sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang isang paraan para magawa ito ay i-display ang tatlong alituntunin sa pisara at sabihin sa ilang estudyante na isulat o ipaliwanag ang mga alituntunin sa isang pangungusap.

Ang sumusunod na sitwasyon ay makatutulong sa mga estudyante na magsanay na ipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrinang itinuro sa 3 Nephi 11:10–11. Maaari mong i-display ang sitwasyon na ito para matingnan ito ng mga estudyante hanggang sa natitirang bahagi ng lesson.

Mas madalas kasama ni Jessica ang isang bagong grupo ng mga kaibigan. Hindi sinusunod ng mga kaibigang ito si Jesucristo, ngunit napansin niya na tila masaya sila nang hindi kinikilala ang Diyos sa kanilang buhay. Tinuruan si Jessica na maniwala at sumunod kay Jesucristo. Palagi niyang iniuugnay ang kaligayahan sa pagsunod kay Jesucristo, ngunit nagsisimula na siyang mag-isip kung gaano kahalaga ang sumunod sa Kanya.

Ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman ay maaaring makatulong sa isang sitwasyong tulad ng kay Jessica.

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

Para matulungan kang makita kung paano masusuri ni Jessica ang kanyang alalahanin nang may walang-hanggang pananaw, kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong study journal. Pagkatapos ay kumpletuhin ang chart sa pamamagitan ng paglilista ng lahat ng dahilan at resultang maiisip mo para sa dalawang column. Tiyaking magsama ng mga ideya mula sa 3 Nephi 11:10–11 habang kinukumpleto mo ang column sa kanan.

Maaaring magtulungan ang mga estudyante sa maliliit na grupo para makumpleto ang sumusunod na chart, o maaari ninyong sama-samang kumpletuhin ang chart bilang isang klase.

Tulungan ang mga estudyante na madama na makapagpapahayag sila ng kanilang mga pananaw nang hindi hinuhusgahan. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagkumpleto ng chart, maaari kang magtanong ng mas partikular na mga tanong, tulad ng sumusunod: Ano kaya ang mga dahilan kung bakit gusto ni Jessica na mamuhay nang higit na katulad ng kanyang bagong grupo ng mga kaibigan? Ano ang mga panandalian at pangmatagalang resulta ng pagpiling ito? Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo kaya napakahalaga na sundin Siya? Anong mga pagpapala ang maaaring matanggap ni Jessica sa pagpiling sundin si Jesucristo?

Pagsunod sa Iba

Pagsunod kay Jesucristo

Mga Dahilan:

Pagsunod sa Iba

Pagsunod kay Jesucristo

Mga Resulta:

Pagsunod sa Iba

Pagsunod kay Jesucristo

Matapos kumpletuhin ng mga estudyante ang chart, ipabahagi sa kanila ang natutuhan nila. Magagamit ang sumusunod na tanong bilang bahagi ng talakayang ito:

  • Paano nakatulong na pag-isipan ang mga opsiyon ni Jessica sa ganitong paraan?

    Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga estudyante na makita kung paano rin makatutulong ang iba pang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa sitwasyon ni Jessica.

  • Bukod pa sa 3 Nephi 11:10–11, ano pang sources na itinalaga ng Diyos ang makatutulong kay Jessica na maunawaan ang kahalagahan ng pagsunod kay Jesucristo?

    Habang tinatalakay ng mga estudyante ang nakaraang tanong, maaari nilang idagdag ang kanilang mga bagong ideya sa naaangkop na bahagi ng pangalawang column ng kanilang mga chart. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa paghahanap ng mga nauugnay na sources na itinalaga ng Diyos, maaari mong ituro sa kanila ang mga banal na kasulatan na tulad ng Juan 14:6; Mga Gawa 4:12; at 2 Nephi 25:20.

  • Ano ang magagawa ni Jessica para mapalakas ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo at maging mas handang sumunod sa Kanya?

Isipin kung paano mapagpapala ng natutuhan mo ngayon ang iyong buhay o ang buhay ng isang taong kilala mo. Kumilos ayon sa mga espirituwal na pahiwatig na maaaring natanggap mo sa lesson.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Sa isang lesson sa hinaharap, mag-display ng isa o dalawang larawan ng pagpapakita ni Jesucristo sa mga Nephita. Sabihin sa mga estudyante na bigkasin ang doctrinal mastery passage reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan na nauugnay sa paglalarawang ito. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, magsulat sa pisara ng ilang impormasyon para matulungan silang makaalala. Halimbawa, maaari mong isulat ang 3 _______ 11:10– ____: “Aking _______________ ang kalooban ng _____________ sa _____ ng bagay magbuhat pa sa ________________.”