“3 Nephi 8–11: Buod,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“3 Nephi 8–11,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
3 Nephi 8–11
Buod
Sa lupain ng Amerika, ang matinding pagkawasak at kadiliman ay tanda ng Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas. Sa loob ng tatlong araw ng makapal na kadiliman, nangusap si Jesucristo sa mga tao. “Siya ay bumaba at tumayo sa gitna nila” (3 Nephi 11:8). Itinuro Niya sa kanila ang Kanyang misyon at lahat ng ginawa Niya para sa kanila. Inanyayahan ni Jesucristo ang mga tao na personal na saksihan na Siya ay pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Isa-isa silang lumapit sa Kanya at hinipo ang sugat sa Kanyang tagiliran at ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa. Pagkatapos ay ipinahayag Niya ang Kanyang doktrina sa kanila.
Maghandang Magturo
Ang sumusunod na impormasyon ay nagbibigay sa mga titser ng mga ideya tungkol sa kung ano ang maaaring kailangang ihanda nang maaga para sa bawat lesson.
3 Nephi 8–10
Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay tutukoy sa mga katangian ni Jesucristo na makatutulong sa mga estudyante na makadama ng higit na pagmamahal at pagtitiwala sa Kanya.
-
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 8, at isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung naroon sila sa mga pangyayaring ito.
-
Video: “Nagpakita si Jesucristo sa Lumang Amerika” (16:43; panoorin mula sa time code na 0:35 hanggang 3:19)
-
Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Sa lesson na ito, sisimulan ng mga estudyante ang isang listahan ng mga bagay na natututuhan nila tungkol kay Jesucristo. Madaragdagan ang listahang ito habang patuloy nilang pinag-aaralan ang Kanyang ministeryo sa sinaunang lupain ng Amerika. Maaari kang gumawa ng isang listahan na susulatan ng buong klase na magagamit sa mga susunod na lesson. Maaaring ito ay isang electronic document o discussion thread na maa-access at madaragdagan ng mga estudyante.
3 Nephi 11:1–11
Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong na madagdagan ang pagmamahal at pasasalamat ng mga estudyante kay Jesucristo dahil sa kung sino Siya at kung ano ang ginawa Niya para sa kanila.
-
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang banal na kasulatan o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan na tumutulong sa kanila na mas maunawaan ang ginawa ni Jesucristo para sa kanila.
-
Mga Video: “Nagpakita si Jesucristo sa Lumang Amerika” (16:43; panoorin mula sa time code na 11:19 hanggang 13:29)
-
Nilalamang ipapakita: Mga scripture reference para pag-aralan ng mga estudyante hanggang sa katapusan ng lesson
-
Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Maaari mong gamitin ang whiteboard feature para ilista ang natutuhan ng mga estudyante tungkol kay Jesucristo sa pag-aaral ng 3 Nephi 11:1–11. Makatutulong ito para madagdagan ng mga estudyante ang listahan na pinagagawa sa kanila sa nakaraang lesson.
Doctrinal Mastery: 3 Nephi 11:10–11
Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maisaulo ang doctrinal mastery passage at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 3 Nephi 11:10–11, maipaliwanag ang doktrinang itinuro sa passage na ito, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa tunay na buhay.
-
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na hilingin sa isang kapamilya o lider ng Simbahan na ipaliwanag kung bakit pinili nilang sundin si Jesucristo.
-
Larawan: Nagpakita si Jesucristo sa templo
-
Nilalamang ipapakita: Chart tungkol sa pagsunod sa iba o pagsunod kay Jesucristo
-
Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Bukod pa sa pagbabahagi ng mga dahilan mula sa chart para matulungan si Jessica na magpasiyang sundin si Jesucristo, maaaring hilingin sa mga estudyante na gamitin ang mga bagay-bagay sa kanilang paligid. Maaari mo silang anyayahang magpakita ng isang bagay sa kanilang tahanan na tumutulong sa kanila na maalala ang kanilang pangako na sundin si Jesucristo at ang mga pagpapalang natatanggap nila sa paggawa nito.
3 Nephi 11:12–17
Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matamo o mapalakas ang kanilang patotoo na si Jesucristo ang kanilang personal na Tagapagligtas.
-
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 11:12–17 at isipin kung ano kaya ang madarama nila sa pagkakaroon ng personal na pakikipag-ugnayang ito kay Jesucristo.
-
Mga Video: “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (31:24; panoorin mula sa time code na 26:05 hanggang 26:28); “Nagpakita si Jesucristo sa Lumang Amerika” (16:43; panoorin mula sa time code na 13:29 hanggang 16:03)
-
Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Sa oras ng lesson, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ilarawan sa isipan ang mga pangyayaring nakatala sa 3 Nephi 11:12–15. Hikayatin silang i-mute ang kanilang mga mikropono at patayin ang kanilang mga kamera upang magawa nila nang mabuti ang aktibidad at maging mas komportable. Matapos ang itinakdang oras, sabihin sa kanila na i-turn on ang kanilang mga mikropono at kamera at ibahagi ang kanilang mga ideya at impresyon.
3 Nephi 11:18–41
Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan at maipaliwanag ang doktrina ni Jesucristo.
-
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang tungkol sa doktrina ni Cristo bago magklase. Maaari nilang pag-aralan ang mga turo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 11:31–41 o hanapin ang “doktrina ni Cristo” sa Gospel Library app o sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Mga Handout: “Lesson Plan para sa Doktrina ni Cristo“
-
Nilalamang ipapakita: Mga tanong para sa self-assessment sa katapusan ng lesson
-
Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Maaaring anyayahan ang mga handang estudyante na ibahagi ang kanilang lesson sa buong klase. Maaari mo ring gamitin ang mga breakout room at sabihin sa mga estudyante na ituro ang kanilang mga lesson sa isang maliit na grupo.