Seminary
3 Nephi 12:17–48: “Nais Ko na Kayo ay Maging Ganap”


“3 Nephi 12:17–48: ‘Nais Ko na Kayo ay Maging Ganap,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 12:17–48,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 12:17–48

“Nais Ko na Kayo ay Maging Ganap”

Larawan ni Jesucristo

Itinuro ni Jesucristo na dapat tayong “maging ganap” na katulad Niya at ng ating Ama sa Langit na ganap (3 Nephi 12:48). Bagama’t maaaring mahirap ang kautusang ito, nagbibigay ito ng mga makabuluhang ideya tungkol sa likas na katangian ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo. Itinuturo din nito sa atin na maaari tayong maging katulad Nila. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ka na maunawaan ang iyong potensyal na maging ganap o perpekto katulad ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Pagpapahayag ng pagmamahal at matataas na inaasahan. Kapag talagang minamahal ng mga titser ang kanilang mga estudyante, masyado silang magmamalasakit sa kanilang progreso at tagumpay at masisiyahan na sila sa kaunting pagsisikap lang. Mapagmahal na hikayatin ang iyong mga estudyante na abutin ang kanilang potensyal bilang mga estudyante at disipulo ni Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang unang talata ng paksang “Ganap” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at pumasok sa klase na handang ibahagi ang nalaman nila na pinakamakabuluhan sa kanila tungkol sa kahulugang ito at bakit.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paalala: Bagama’t tinatalakay ng lesson na ito ang ilang aspeto ng mas mataas na batas na itinuro ni Jesus sa talata 17–47, ang pangunahing layunin ng lesson na ito ay tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga katotohanang itinuro sa doctrinal mastery passage na 3 Nephi 12:48. Kung makabubuti sa iyong mga estudyante na gumugol ng mas maraming oras sa pag-aaral ng mga aspeto ng mas mataas na batas, maglaan ng dalawang araw sa pag-aaral ng materyal sa lesson na ito at palitan ang susunod na lesson.

May ilang ideya sa bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” na maaaring makatulong para maituro ang iba pang mga aspeto ng mas mataas na batas.

Ang iyong potensyal

Ipakita ang mga sumusunod na larawan o iba pa na nagpapakita ng isang bagay na hindi pa lubos na lumalaki.

binhi sa lupa, brown na tuta
masayang sanggol sa tabi ng basket
  • Ano ang maaaring mangyari sa bawat isa sa mga ito kapag lubos nang lumaki ang mga ito?

  • Ano ang kailangan ng mga ito upang maabot ang kanilang potensyal?

  • Ano ang potensyal ng bawat anak sa plano ng Ama sa Langit?

  • Paano nakakaimpluwensya sa iyong mga desisyon ang nauunawaan mo tungkol sa iyong banal na potensyal? Paano ito nakakaimpluwensya sa nadarama mo tungkol sa iyong sarili?

Habang pinag-aaralan mo ang lesson ngayon, isipin kung gaano ka na lumaki at natuto sa buhay mo at kung ano pa ang kaya mo pa ring makamtan sa tulong ng Diyos.

Ang paanyaya ng Tagapagligtas na abutin ang ating potensyal

Sa 3 Nephi 12:17–47, nagbahagi si Jesus ng ilang halimbawa mula sa batas ni Moises sa mga tao sa Aklat ni Mormon. Sinundan Niya ang bawat halimbawa ng paliwanag tungkol sa mas mataas na batas o paanyaya na mamuhay sa mas mataas na antas ng kabutihan na makatutulong sa atin na mas maunawaan kung ano ang nais Niya at ng ating Ama sa Langit na maging dapat na kahinatnan natin.

Para makita ng mga estudyante ang mga halimbawa ng mas mataas na batas na itinuro ni Jesus, maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at ipabasa sa bawat grupo ang isa sa mga sumusunod na scripture block: 3 Nephi 12:21–22, 27–29, at 38–42, at alamin kung paano tayo inaanyayahan ng Tagapagligtas na umunlad patungo sa pagtatamo ng ating potensyal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano tayo inaanyayahan ng Tagapagligtas sa mga talatang ito na mamuhay sa mas mataas na antas ng kabutihan. Maaari mong tulungan ang mga estudyante na mag-isip ng mga halimbawa kung paano susundin ang mga batas na ito sa ating panahon.

  • Paano tayo matutulungan ng mga turo na ito na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Basahin ang 3 Nephi 12:48, at alamin ang buong potensyal na alam ni Jesucristo na nasa bawat isa sa atin.

Ang 3 Nephi 12:48 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magsanay na gamitin ang doktrinang itinuturo sa passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

Itinuturo ng talatang ito na nais ni Jesucristo na maging ganap tayo na katulad Niya at ng ating Ama sa Langit.

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa isang papel ang mga sagot sa unang tanong sa ibaba at pagkatapos ay ipasa ang mga papel na ito. Maaari mong basahin ang ilan sa kanilang mga tanong o alalahanin sa katapusan ng lesson at hayaang sumagot ang mga estudyante gamit ang natutuhan nila.

  • Ano sa palagay mo ang mga tanong o alalahanin ng mga tao tungkol sa turong ito? Bakit?

  • Ano ang nagbibigay sa iyo ng pag-asa o kumpiyansa na posible na maging katulad tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

  • Paano nauugnay ang katotohanang ito sa mga larawan mula sa simula ng lesson?

Ang ganap na pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo

Ang pagiging ganap ay pagiging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ang mas mataas na batas na itinuro ni Jesus sa kabanatang ito ay makatutulong sa atin na maunawaan ang pagkatao at mga katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Kapag mas nauunawaan natin kung sino Sila, mapagsisikapan nating maging katulad Nila at magkakaroon tayo ng pag-asa na matiyaga Nila tayong tutulungan habang sinisikap nating umunlad.

Basahin ang 3 Nephi 12:43–45 at ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at alamin ang itinuturo ng mga ito tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Salamat at nalaman ko na sa kabila ng aking mga kakulangan, ang Diyos ay sakdal—na nagagawa Niyang mahalin, halimbawa, ang Kanyang mga kaaway, dahil kadalasan, dahil sa pagiging “likas na tao” natin, tayo kung minsan ang kaaway na iyon. Nagpapasalamat ako na pinagpapala pa rin ng Diyos ang mga yaong ginagamit Siya nang may masamang hangarin dahil lahat tayo sa hindi sinasadyang pagkakataon kung minsan ay nagagamit Siya nang may masamang hangarin. (Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Liahona, Nob. 2017, 41)

  • Bakit nakapapanatag na malaman na mahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang mga kaaway at pinagpapala ang mga taong gumagamit sa Kanila?

  • Paano nagbibigay sa iyo ng pag-asa ang Kanilang pagmamahal, tulong, at pagtitiis para maging ganap balang-araw?

Ang pagiging ganap o perpekto ay isang proseso na posible lamang sa pamamagitan ni Jesucristo

Natural lang na isipin kung posible bang maging ganap o perpekto. Kung magagawa ba nating mag-isa na maging perpekto, o kung kailangang maisakatuparan ito sa ating mortal na buhay, magiging imposible ito.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:69–70 at Moroni 10:32–33, at alamin kung bakit naging posible na maging ganap tayo. Maaari mong i-cross reference ang mga passage na ito sa 3 Nephi 12:48.

  • Bakit naging posible ito para sa lahat ng magiging ganap o perpekto?

Kung nahihirapan ang mga estudyante na sagutin ang naunang tanong, tiyaking ipaliwanag na sa pamamagitan lamang ni Jesucristo tayo magiging ganap. Imposible ito kung wala Siya. Kapag nagsisisi tayo araw-araw, at palaging naghahangad na espirituwal na umunlad, tayo ay nagiging ganap kay Cristo.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 93:11–13 at alamin kung ano ang idinagdag ng mga talatang iyon sa ating naunawaan tungkol sa pagiging ganap ni Jesucristo.

  • Bakit mahalagang maunawaan na maging ang pagiging ganap ni Jesucristo ay isang proseso?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod tungkol sa kahulugan at proseso ng pagiging ganap:

Pansinin na ang salitang ganap ay hindi nagpapahiwatig ng “kawalan ng pagkakamali.” …

Hindi tayo dapat panghinaan ng loob kung ang tapat nating mga pagsisikap na maging ganap ay tila nakakapagod [mahirap] at walang katapusan. Ang pagiging ganap ay hindi pa darating nang lubusan. Darating lamang ito nang lubusan pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa pamamagitan lamang ng Panginoon. Naghihintay ito sa lahat ng nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga kautusan. (Russell M. Nelson, “Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 86, 88)

  • Ano ang naidagdag ng pahayag na ito sa naunawaan mo sa pagiging ganap?

Ang huling bahagi ng lesson ay nagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na maipahayag ang kanilang naunawaan tungkol sa ating potensyal na maging ganap katulad ng Diyos.

Ang isang paraan para magawa ito ay basahin ang ilan sa mga tanong at alalahanin na isinulat ng mga estudyante sa naunang bahagi ng lesson. Hayaang ibahagi ng mga estudyante kung paano magagamit sa bawat tanong o alalahanin ang natutuhan nila.

Isipin kunwari na hinilingan ka na magbigay ng dalawa hanggang tatlong minutong spiritual thought sa susunod na aktibidad ninyo ng mga kabataan. Hiniling sa iyo ng mga lider mo na magbahagi ka ng iyong mga ideya kung bakit nagbibigay sa atin ng pag-asa ang turo sa 3 Nephi 12:48. Isulat ang mga naiisip mo. Isama ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang ibig sabihin ng maging ganap? Ano ang hindi ibig sabihin nito?

  • Paano nagbibigay sa iyo ng pag-asa ang nalalaman mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para maging katulad Nila?

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa identidad ng bawat estudyante bilang anak ng Diyos at ang potensyal nila na maging katulad ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo sa paglipas ng panahon at sa pamamagitan ng Kanilang tulong.