Seminary
3 Nephi 13–14: Ang mga Turo ni Cristo


“3 Nephi 13–14: Ang mga Turo ni Cristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 13–14,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 13–14

Ang mga Turo ni Cristo

Si Cristo na nakangiti sa mga tao sa sinaunang Amerika

Isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng mga tao sa lupain ng Masagana na mapakinggan ang pagtuturo ng muling nabuhay na Tagapagligtas. Mapalad tayo na naitala ang bahagi ng Kanyang mensahe sa 3 Nephi 13–14. Ang mga kabanatang ito ay puno ng mga alituntunin na makabuluhan sa panahon ngayon gaya ng pagiging makabuluhan ng mga ito sa mga taong naroon noong ipinahayag Niya ang mga ito. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang matukoy ang mga alituntunin mula sa mga turo ng Tagapagligtas at makita ang kaugnayan ng mga ito sa iyong buhay ngayon.

Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang doktrina at mga alituntunin. Makikinabang ang mga estudyante sa patuloy na pagsasanay habang nag-aaral sila na matukoy ang doktrina at mga alituntunin sa ebanghelyo. Maghanap ng mga scripture passage na nagtuturo ng maraming alituntunin, at bigyan ng oras ang mga estudyante na hanapin ang mga katotohanang ito. Tulungan ang mga estudyante na malinaw na maipahayag ang mga katotohanang mahahanap nila.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga pahayag na nagsasaad ng sanhi at epekto na makikita nila sa kanilang personal na pag-aaral ng banal sa kasulatan at pumasok sa klase na handang magbahagi ng mga nahanap nila. Maaaring ipahayag ang mga ito gamit ang mga salitang kung at kung gayon, o maaaring simpleng ilarawan ng passage ang mga pinili at ang mga resulta nito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ano ang maipapayo mo?

Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na maikling ipaliwanag o ilarawan sa klase ang kasanayang napahusay niya. O maaari mong anyayahan ang lahat ng estudyante na mag-ukol ng isang minuto para ilarawan sa ka-partner ang isang kasanayan na taglay nila.

Mag-isip ng isang kasanayan na napahusay mo sa pamamagitan ng karanasan. Ito ay maaaring isport, libangan, o asignatura sa paaralan o kasanayan na gaya ng pagmamaneho, pagluluto ng isang partikular na ulam, o pag-aalaga ng hayop.

Isipin kunwari na matapos mong ipaliwanag nang maikli sa isang tao ang iyong kasanayan, siya ay naging interesado na subukan ito.

Mag-isip ng isang payo na maibibigay mo sa kanya mula sa iyong karanasan. Ito ay maaaring isang tip na posibleng matagal bago niya maisip, o kaya ay isang tip na makatutulong sa kanya na maiwasan ang karaniwang pagkakamali na nagagawa ng mga tao sa pag-aaral ng kasanayan mo.

Ibuod ang iyong payo sa isang simpleng pahayag na nagsasaad ng sanhi at epekto. (Halimbawa, kung malayuang pagtakbo ang kasanayan, maaari mong sabihin, “Kung mananatili kang hydrated, mas mabilis na makakabawi ang mga kalamnan mo.”)

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi sa klase ng kanilang mga pahayag na nagsasaad ng sanhi at epekto.

Tulad ng iyong kaalaman at payo na makatutulong sa isang tao na nag-aaral ng iyong kasanayan upang magtagumpay at maiwasan ang mga hindi dapat nangyayaring pagkakamali, ang payo ni Jesucristo ay magpapala at magpoprotekta sa iyo para hindi ka magkamali.

Ngayong araw ay pinagpala kang mapag-aralan ang 3 Nephi 13–14, na pagpapatuloy ng walang katulad na sermon ng Tagapagligtas na makikita rin sa Mateo 5–7. Nagpatuloy si Jesus sa pagtuturo ng mas mataas na batas na tumutulong sa atin sa paghahandang mamuhay sa kinaroroonan ng Diyos (tingnan ang Doktrina at mga Tipan 88:21–22). Sa pag-aaral mo ng Kanyang payo, alamin kung paano nauugnay ang Kanyang mga turo sa mga sitwasyong kinakaharap mo. Madalas na huminto upang pagnilayan ang mga alituntuning matutuklasan mo at isulat kung paano ka maihahanda ng pagsunod sa mga katotohanang itinuro Niya upang makabalik sa piling Niya.

Mga pahayag na nagsasaad ng sanhi at epekto sa mga banal na kasulatan

Ang isang epektibong paraan para mapag-aralan ang mga turo ng Panginoon ay hanapin ang mga pahayag na nagsasaad ng sanhi at epekto. Kadalasang nagsisimula ang mga pahayag na ito sa salitang kung. Makatutulong sa iyo ang mga pahayag na ito para makita mo nang malinaw kung aling mga pagpili ang humahantong sa gayong mga resulta. Tungkol sa mga pahayag na nagsasaad ng sanhi at epekto (o may kondisyon), ipinahayag ni Elder Kevin S. Hamilton ng Pitumpu:

Kumikilos din ang Panginoon gamit ang mga kondisyon: mga kondisyon ng pananampalataya, kondisyon ng kabutihan, kondisyon ng pagsisisi. Maraming halimbawa ng mga pahayag na may kondisyon mula sa Diyos gaya ng: …

Kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, [kung gayon] kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4). …

Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, [kung gayon] ay mananatili kayo sa aking pag-ibig” (Juan 15:10). (Kevin S. Hamilton, “Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas,” Liahona, Mayo 2022, 50, may mga panaklong at pagbibigay-diin sa orihinal)

Pansinin na sa mga halimbawa ni Elder Hamilton, nauuna ang salitang kung bago ang mga kinakailangang gawin natin. Pagkatapos ay inilalarawan ang mga epekto o resulta ng ating mga ginawa.

Sa pagtuturo ni Jesucristo sa mga tao sa lupain ng Masagana, ang ilan sa mahahalagang alituntuning itinuro Niya ay ipinahayag nang may sanhi at epekto na kinapapalooban ng salitang kung. Halimbawa, basahin ang 3 Nephi 13:14–15 at maaari mong markahan ang salitang kung sa bawat talata.

Pansinin na sa halimbawa ni Elder Hamilton, isiningit niya ang mga salitang kung gayon sa bawat pahayag upang bigyang-diin ang mga resulta ng ating mga pagpili. Maaari mong isulat ang salitang kung gayon sa iyong mga banal na kasulatan kung saan sa palagay mo ay naaangkop ito sa talata 14–15.

Anyayahan ang mga boluntaryo na isulat sa pisara ang mga pahayag na nagsasaad ng sanhi at epekto na nahanap nila sa passage na ito. Masisimulan nito ang isang listahan ng mga pahayag ng katotohanan na daragdagan ng mga estudyante sa buong oras ng lesson.

Pagpapahayag ng mga turo ng Tagapagligtas bilang mga pahayag na nagsasaad ng sanhi at epekto

Walang salitang kung sa ilan sa mga turo ni Jesucristo. Gayunpaman, kapag pinag-isipan nang mabuti at sa tulong ng Espiritu Santo, mapapansin mo ang mga sanhi at epekto na nagbibigay-linaw sa mga alituntuning itinuro Niya. Basahin ang kahit tatlo sa mga sumusunod na passage at sumulat ng isang simpleng pahayag na nagsasaad ng sanhi at epekto para sa bawat passage na naglalarawan sa payo ng Tagapagligtas.

Maaari mong ipahayag muli ang itinuro Niya sa isang pahayag na “kung at kung gayon”. Halimbawa: Matapos pag-aralan ang 3 Nephi 13:1–4, maaaring isulat ng isang tao ang “Kung ang motibo natin sa pagtulong sa mga maralita ay katulad ng kay Cristo, kung gayon ay magmumula ang ating gantimpala mula sa Ama sa Langit.” Matututuhan natin mula sa passage na ito na ang ating mga motibo sa paggawa ng mabuti ay mahalaga sa ating Ama sa Langit, na nalulugod na pagpalain ang mga taong mas nagiging katulad ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang aktibidad na ito sa maliliit na grupo kung saan pag-aaralan ng bawat estudyante ang magkakaibang passage at magbabahagi sila ng mga pahayag na nagawa nila. Maaari mong ipakita ang lahat ng sumusunod na opsiyon, o maaari mong limitahan ang mga ito sa mga opsiyon na sa palagay mo ay pinakakailangan ng iyong mga estudyante.

Anyayahan ang ilang estudyante na magdagdag ng kanilang mga pahayag ng sanhi at epekto sa pisara, at maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod upang tulungan ang mga estudyante na makita kung paano nauugnay ang mga turo ng Tagapagligtas sa mundo sa panahong kasalukuyan.

Ang ibang paraan para matulungan sila na makita ang kaugnayan nito ay anyayahan ang mga estudyante na magtulungan sa maliliit na grupo upang mag-isip ng mga sitwasyon kung kailan makatutulong sa isang kabataan ang mga partikular na alituntunin sa pisara para sa ilang sitwasyon na tulad ng sumusunod: (1) sa tahanan, (2) sa paaralan, o (3) sa kanilang buhay sa hinaharap bilang adult. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga grupo na ibahagi sa katabing grupo ang mga ideya nila.

  • Sa iyong palagay, bakit nais ng Tagapagligtas na malaman ng mga tao sa panahon ngayon kung ano ang itinuro Niya sa mga kabanatang ito? Sa palagay mo, alin sa mga turo Niya ang pinakakailangan sa ating panahon?

  • Paano magagamit ng isang tinedyer ang isa sa mga alituntunin ng sanhi at epekto na nagawa mo mula sa mga kabanatang ito sa tahanan? sa paaralan? sa buhay niya sa hinaharap bilang adult? Paano ito makatutulong sa kanya?

    Maaari kang magbahagi ng isang pagkakataon na sinunod mo ang isa sa mga alituntuning itinuro ng Tagapagligtas sa mga kabanatang ito at kung paano nito pinagpala ang iyong buhay.

    Pagkatapos ay maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-isip at isulat ang kanilang mga naisip tungkol sa mga sumusunod:

  • Alin sa mga turo ng Tagapagligtas sa mga kabanatang ito ang pinakanauugnay sa isang sitwasyong kinakaharap mo sa iyong buhay? Sa iyong palagay, paano Niya nanaising gamitin mo ang ipinayo Niya?