“3 Nephi 12:1–16: ‘Pinagpala Kayo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“3 Nephi 12:1–16,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
3 Nephi 12:1–16
“Pinagpala Kayo”
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na pagpalain tayo. Makatitiyak tayo na kapag sinusunod natin ang Kanilang payo, matatanggap natin ang Kanilang mga pagpapala nang naaayon sa Kanilang panahon at paraan. Habang nagtuturo sa mga Nephita, ipinahayag ni Jesus ang marami sa mga pagpapalang matatanggap natin. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maghandang tanggapin ang mga pagpapalang binanggit ng Tagapagligtas habang nagsisikap kang sundin ang Kanyang payo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pinagpala
-
Anong mga partikular na pagpapala ang inaasahan mong pagtutuunan sa artikulo bilang pamantayan para sa pagpili ng mga tao?
Ngayon kunwari ay may isang artikulo sa magasing Liahona na may parehong pamagat.
-
Anong mga partikular na pagpapala ang inaasahan mong tatalakayin sa artikulo bilang pinakamagagandang pagpapalang matatanggap ng sinuman?
-
Sa iyong palagay, bakit itinuturo sa atin ng Tagapagligtas at ng Kanyang Simbahan na pahalagahan natin nang husto ang iba’t ibang pagpapala kaysa sa maraming bagay na hinahangad ng mundo?
Sa 3 Nephi 12–14, itinuro ni Jesucristo sa mga Nephita ang sermon na katulad ng Kanyang Sermon sa Bundok sa Bagong Tipan. Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na ang Sermon sa Bundok “ang pinakadakila[ng sermon] sa lahat ng naipangaral na, na alam natin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 267).
Ngayon, sa pag-aaral mo ng bahagi ng sermon ng Tagapagligtas na tinatawag na Lubos na Pagpapala o Beatitudes, magkakaroon ka ng pagkakataong matutuhan ang mga paraan na nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na pagpalain ka. Tinukoy ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang Beatitudes ng Tagapagligtas bilang “saligang-batas para sa perpektong buhay” at ipinaliwanag na “sa kanyang Sermon sa Bundok ay binigyan tayo ng Panginoon ng isang paghahayag ng kanyang sariling pagkatao, na ganap, … at sa paggawa nito ay binigyan tayo ng blueprint para sa ating sariling buhay” (Decisions for Successful Living [1973], 56–57). Sa iyong pag-aaral, pag-isipan kung bakit napakahalaga ng mga pagpapalang ibinibigay ni Cristo sa sermon na ito kaysa sa alinman sa mga pagpapalang ibinibigay ng mundo.
Ang Lubos na Pagpapala o Beatitudes sa lupain ng Amerika
Basahin ang 3 Nephi 12:1–12 at markahan ang salitang “pinagpala” at ang anumang pagpapalang nakita mo na inilahad ng Tagapagligtas sa mga talatang ito. Pansinin na ang ibig sabihin ng salitang “pinagpala” sa mga talatang ito ay napakapalad o pinagpala ng Diyos.
-
Isipin ang lahat ng pagpapalang inilahad ng Tagapagligtas sa mga talatang ito, ano ang sinasabi nito sa iyo tungkol sa Kanya at sa Kanyang Ama?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa passage na ito ay nalulugod ang Ama sa Langit at si Jesus na pagpalain tayo habang nagsisikap tayong sundin ang Kanilang payo.
Basahin ang 3 Nephi 12:1–2 at maaari mong markahan ang ipinagagawa sa atin ng Tagapagligtas kung pagsisikapan nating matanggap ang mga pagpapalang ibinibigay Niya at ng Kanyang Ama sa atin.
-
Bakit sa palagay mo ay pinagpapala ng Diyos ang mga “makikinig sa mga salita [ng] labindalawang pinili [Niya]”? (3 Nephi 12:1).
-
Paano ka pinagpala ng Diyos o ang iba pang kakilala mo dahil nakinig kayo sa mga salita ng mga propeta at apostol?
Pagsisikap na matanggap ang mga pagpapala
Basahing muli ang 3 Nephi 12:3–12, at alamin sa pagkakataong ito kung aling mga katangian ang iniugnay ng Tagapagligtas sa bawat pagpapala. Maaari mong markahan ang mga katangiang ito nang magkakaiba depende sa kung paano mo minarkahan ang mga pagpapala, tulad ng paggamit ng iba’t ibang kulay o bilugan sa halip na i-highlight.
Pumili ng isang pagpapala mula sa mga talatang ito na gusto mong matamo. Pansinin ang pag-uugali o katangian na humahantong sa pagpapalang iyon. Pag-aralan ang pag-uugali o katangiang iyon gamit ang available na resources, tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Gospel Library app, o mga footnote.
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa kinakailangang gawin ng mga taong naghahangad ng pagpapalang napag-aralan mo?
-
Paano ipinakita ng Tagapagligtas ang pag-uugali o kalagayang iyon? Paano makatutulong sa iyo ang Kanyang halimbawa para mas maunawaan mo kung paano mo matatamo ang pagpapalang iyon?
Alalahanin na dahil mahal tayo ng Ama sa Langit, pagpapalain Niya tayo ayon sa Kanyang itinakdang panahon at paraan. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:64.)
Ngayong natukoy mo na ang pagpapalang nais mo at napag-aralan mo kung paano ito matatamo sa iyong buhay, gumawa ng plano kung paano mo matatamo ang pagpapalang iyon. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong partikular na mga bagay ang magagawa mo upang matamo ang pagpapalang iyon?
-
Kailan mo pinlanong simulan ito?
-
Anong mga balakid ang maaaring maging hadlang, at paano mo malalampasan ang mga ito?