“3 Nephi 20–26: Buod,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“3 Nephi 20–26,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
3 Nephi 20–26
Buod
Sa panahon ng paglilingkod ng Tagapagligtas sa mga Nephita, ipinahayag Niya na aalalahanin ng Ama sa Langit ang Kanyang tipan na tipunin ang nakalat na Israel, at inihayag Niya ang mga palatandaan upang tulungan tayong malaman kapag nagsimula na ang pagtitipon sa mga huling araw. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-iingat at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga propeta. Ginamit Niya ang mga salita ni Malakias para ituro sa mga Nephita ang tungkol sa batas ng ikapu at sa mga pagpapala ng pagsunod sa kautusang ito. Binanggit din Niya ang isang mensahe na orihinal Niyang ibinahagi kay Malakias na kinabibilangan ng pagbabalik ni Elijah at ng kanyang mahalagang tungkulin sa gawain sa templo at family history.
Maghandang Magturo
Ang sumusunod na impormasyon ay nagbibigay sa mga titser ng mga ideya tungkol sa kung ano ang maaaring kailangang ihanda nang maaga para sa bawat lesson.
3 Nephi 20–22
Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makibahagi sa pagtitipon ng Israel.
-
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin sa kanilang araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan ang mga paraan na natulungan sila ng Aklat ni Mormon na mas mapalapit kay Jesucristo.
-
Mga Item: Isang grupo o tali ng mga patpat o toothpick; isang mas makapal na piraso ng kahoy at isang pako o iba pang piraso ng metal
-
Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Maaari mong i-display ang matching activity at bigyan ng oras ang mga estudyante na basahin ang mga talata. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa paggamit ng drawing feature para maitugma ang bawat set ng mga talata sa deskripsiyon nito. O sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga tamang sagot gamit ang chat feature.
3 Nephi 23
Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na mas masigasig na pag-aralan ang mga salita ng Panginoon.
-
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maglaan ng oras sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan bago ang lesson na ito, at bigyang-pansin lalo na ang ginagawa nila para maging mas makabuluhan ang kanilang pag-aaral. Hikayatin silang suriin ang kahalagahan at kalidad ng kanilang pag-aaral at ang epekto ng paggawa o hindi paggawa nito sa kanilang buhay.
-
Mga Item: Iba’t ibang bagay na itatago sa iba’t ibang bahagi ng silid
-
Larawan: Isang larawan ng Tagapagligtas na hinihingi kay Nephi ang mga talaan
-
Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Para masimulan ang lesson, maaari kang mag-display ng maikling listahan ng mga bagay na kailangang hanapin ng mga estudyante sa kanilang silid o bahay. Maaaring kabilang dito ang isang telepono, aklat, larawan, tasa, unan, sapatos, o iba pang mga bagay na maaaring makuha nila. Magtakda ng oras sa mga estudyante (halimbawa, isang minuto), at sabihin sa kanila na maghanap ng maraming bagay sa abot ng kanilang makakaya. Pagkatapos ay itanong ang mga nakalista sa simula ng lesson, simula sa “Ano ang ibig sabihin ng magsaliksik?”
3 Nephi 24
Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na makadama ng hangaring magbayad ng ikapu.
-
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 24:8–10 at isipin ang mga karanasan nila o ng iba sa batas ng ikapu ng Panginoon.
-
Materyal para sa mga estudyante: Mga kopya ng bahaging “Aral Bilang 1—Mahalaga ngunit Hindi Napapansing mga Pagpapala” sa David A. Bednar, “Mga Dungawan sa Langit,” Liahona, Nob. 2013, 17–18
-
Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Maaari mong i-display ang mga sitwasyong nakalista sa simula ng lesson habang itinatanong mo kung alin sa mga sitwasyon ang sa palagay ng mga estudyante ay pinakanauugnay sa kanila at bakit. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na gamitin ang chat para magbahagi ng mga tanong o alalahanin nila tungkol sa ikapu.
3 Nephi 25
Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na makibahagi sa gawain sa family history at sa templo.
-
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghandang magbahagi ng tungkol sa isang indibiduwal na nalaman nila sa kanilang family history, buhay man o yumao na. Maaaring makatulong sa mga estudyante na kausapin ang isang magulang o lolo’t lola o gamitin ang FamilySearch app.
-
Handout: Isang four-generation pedigree chart
-
Video: “The Promised Blessings of Family History 2” (4:04)
-
Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Sa halip na ipamahagi ang four-generation pedigree chart bilang handout, maaari mo itong i-display para kopyahin ng mga estudyante. Matapos magkaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na magbahagi tungkol sa isang tao sa kanilang family history, maaari mong anyayahan ang isang estudyante na mag-log in sa FamilySearch.org, ibahagi ang kanyang screen, at magpakita ng apat na henerasyon.
Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery 21
Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong palalimin ang kanilang pag-unawa at magpaliwanag ng mga katotohanan tungkol sa isa o mahigit pa sa mga doctrinal mastery passage mula sa Aklat ni Mormon.
-
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang magbahagi ng listahan ng mga ginagawa nila upang mas maunawaan ang mga banal na kasulatan sa kanilang pag-aaral.
-
Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Pag-isipang kausapin ang ilang estudyante bago magklase at sabihin sa kanila na maghandang magbahagi ng isang talento o magkuwento tungkol sa isang bagay o aspeto na lubos nilang nauunawaan. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano sila lubos na nakaunawa at natamo ang kanilang talento. Tanungin kung ano ang magagawa nila para patuloy na umunlad sa mga aspetong iyon. Simulan ang klase sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na magbahagi.