“3 Nephi 24: Ang Batas ng Ikapu ng Panginoon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“3 Nephi 24,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
3 Nephi 24
Ang Batas ng Ikapu ng Panginoon
Ano ang ipinangako sa atin ng Panginoon kung magbabayad tayo ng ikapu? Ginamit ng Tagapagligtas ang mga salita ni Malakias para ituro sa mga Nephita ang tungkol sa batas ng ikapu at sa mga pagpapala ng pagsunod sa kautusang ito. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang makadama ng hangaring magbayad ng ikapu.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang iyong mga karanasan
Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon, at hanapin ang yaong sa palagay mo ay pinakanauugnay sa iyo o sa mga kabataan sa iyong lugar:
-
Nag-iipon ng pera si Carlos para makabili ng telepono. Hindi niya naisip na magbayad ng ikapu.
-
Palaging nagbabayad si Sita ng ikapu noong bata pa siya, ngunit ngayong may trabaho na siya at kumikita ng mas maraming pera, naging mas mahirap itong gawin.
-
Ibinibigay ni Oneka ang lahat ng perang kita niya para tulungan ang kanyang pamilya. Inisip niya kung kinakailangan niyang magbayad ng ikapu gayong kailangan ng kanyang pamilya ang pera.
-
Hindi kumikita ng pera si Anjum, kaya iniisip niya kung paano o kung angkop sa kanya ang batas ng ikapu.
-
Sa iyong palagay, aling mga sitwasyon ang pinakakaugnay-ugnay? Bakit?
-
Anong mga tanong o alalahanin ang maaaring mayroon ang mga kabataan tungkol sa ikapu?
Isipin ang sarili mong mga karanasan at naunawaan tungkol sa ikapu. Nagbabayad ka ba ng ikapu, o handa ka bang magbayad ng ikapu? Bakit oo o bakit hindi? Ano ang natutuhan mo mula sa mga karanasan mo sa ikapu? Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan kang sundin ang batas na ito.
Ang batas ng ikapu ng Panginoon
Habang nagtuturo sa mga Nephita, iniutos ni Jesus sa kanila na isulat ang mga salitang isinulat ni Malakias humigit-kumulang 400 taon na ang nakararaan. Ipinropesiya ni Malakias ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at ang tungkulin ng Tagapagligtas sa paghatol sa masasama (tingnan sa 3 Nephi 24:1–6).
Basahin ang 3 Nephi 24:7, at alamin ang problemang kinaharap ng mga tao sa panahon ni Malakias.
-
Paano kaya natutulad ang mga Nephita sa mga tao sa panahon ni Malakias?
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga tao kung babalik sila sa Kanya?
Upang mahikayat ang mga tao na bumalik sa Panginoon at maghanda para sa Kanyang pagparito, ang Panginoon, sa pamamagitan ni Malakias, ay nagturo tungkol sa ikapu.
Basahin ang 3 Nephi 24:8–12 at maaari mong markahan ang itinuro ng Panginoon tungkol sa batas ng ikapu. Tandaan na “ang maninila” (talata 11) ay maaaring tumukoy sa mga peste, tagtuyot o pagbaha, at maging kay Satanas.
-
Ano ang pinakamahalaga para sa iyo mula sa mga talatang ito?
-
Paano maaaring maging katulad ng pagnanakaw sa Diyos ang pagtangging magbayad ng ikapu?
-
Paano mo tatapusin ang sumusunod na pangungusap: “Kung susundin natin ang batas ng ikapu ng Panginoon …”?
Narito ang isang paraan na maaaring kumumpleto sa pangungusap: Kung susundin natin ang batas ng ikapu ng Panginoon, ibubuhos Niya ang mga pagpapala sa atin.
Sa panahon ni Malakias at sa panahon ng mga Nephita, malamang na nagbayad ang mga Banal ng ikapu sa pamamagitan ng pagbibigay ng ikasampung bahagi ng kanilang pagkain o ari-arian. Ngayon, “ibinibigay ng mga miyembro ng Simbahan ang ikasampung bahagi ng kanilang kita sa Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan. Ang mga pondong ito ay ginagamit upang maitatag ang Simbahan at maisulong ang gawain ng Panginoon sa iba’t ibang panig ng mundo” (Mga Paksa ng Ebanghelyo “Ikapu,” topics.ChurchofJesusChrist.org). Kung walang kinikita ang isang tao, hindi niya kailangang magbayad ng ikapu, bagama’t dapat maging handa siya sa hinaharap.
Ginamit ng Panginoon ang mga nakapupukaw at malinaw na parirala kapag nagsasalita Siya tungkol sa ikapu: “Subukin ninyo ako … kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga durungawan ng langit, at ibubuhos sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na lugar na mapaglalagyan nito” (3 Nephi 24:10).
-
Ano sa palagay mo ang binibigyang-diin ng Panginoon sa mga salita at pariralang ginamit Niya? Ano ang natututuhan mo tungkol sa Kanya?
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:23.
-
Basahin ang mga talata sa ilalim ng heading na “Aral Bilang 1—Mahalaga ngunit Hindi Napapansing mga Pagpapala” sa mensahe ni Elder David A. Bednar na “Mga Dungawan sa Langit” (Liahona, Nob. 2013, 17–20).
-
Isipin ang sarili mong mga karanasan at ang mga karanasan ng mga taong kilala mo sa pagbabayad ng ikapu.
-
I-text ang isang magulang o lider ng Simbahan para tanungin kung anong mga pagpapala ang naranasan niya sa pagbabayad ng kanyang ikapu.
-
Paano naiimpluwensyahan ng mga pagpapalang ito ang hangarin mong magbayad ng ikapu?
-
Sa iyong palagay, bakit iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na magbayad ng ikapu?
-
Paano nakatutulong sa atin ang pagsunod sa batas ng ikapu na “makabalik” (3 Nephi 24:7) o maging mas malapit sa Panginoon?
Personal na pagsasabuhay
Isipin ang natutuhan at nadama mo ngayon habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang tapat na pagbabayad ng ikapu ay higit pa sa tungkulin; ito ay mahalagang hakbang sa pagpapabanal ng sarili. Kayo na nagbabayad ng ikapu, pinupuri ko kayo.
At kayo na hindi sumusunod sa batas ng ikapu sa kasalukuyan, inaanyayahan ko kayo na pag-isipan ang inyong ginagawa at magsisi. Pinatototohanan ko na sa pagsunod ninyo sa batas na ito ng Panginoon, ang mga dungawan sa langit ay mabubuksan sa inyo. (David A. Bednar, “Mga Dungawan sa Langit,” Liahona, Nob. 2013, 20)