Seminary
3 Nephi 23: Masigasig na Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan


“3 Nephi 23: Masigasig na Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 23,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 23

Masigasig na Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan

Larawan
Si Cristo at ang mga tao sa Amerika na tinitingnan ang mga laminang ginto

Kumusta na ang iyong personal na pag-aaral ng banal na kasulatan? Ano ang kaibhang nagagawa nito sa iyong buhay? Sa 3 Nephi 23, binigyang-diin ni Jesus ang kahalagahan ng pag-iingat at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga propeta. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ka na mas masigasig na pag-aralan ang mga salita ng Panginoon.

Pagtulong sa mga estudyante na magkaroon ng mga kasanayan sa pag-aaral. Upang matulungan ang mga estudyante na maging mas matagumpay sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, tulungan sila na magkaroon ng iba’t ibang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang mga kasanayang ito ay dapat nakatuon sa pagtulong sa mga estudyante na anyayahan ang Espiritu sa kanilang pag-aaral, mas maunawaan ang mga banal na kasulatan, at matuklasan at maipamuhay ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maglaan ng oras sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan bago ang lesson na ito, at bigyang-pansin lalo na ang ginagawa nila para maging mas makabuluhan ang kanilang pag-aaral. Hikayatin silang suriin ang kahalagahan at kalidad ng kanilang pag-aaral at ang epekto ng paggawa o hindi paggawa nito sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan

Bago magklase, maaari kang magtago ng iba’t ibang bagay sa iba’t ibang bahagi ng silid. Isulat ang salitang “saliksikin” sa pisara. Sabihin sa mga estudyante kung ano ang hahanapin nila, at sabihin sa kanila na maghanap ng maraming item hangga’t maaari.

  • Ano ang ibig sabihin ng maghanap o magsaliksik?

  • Ano ang interesante o kapana-panabik tungkol sa paghahanap o pagsasaliksik?

  • Ano ang maaaring maging mahirap o nakapanghihina ng loob tungkol dito?

Ang paanyaya ng Tagapagligtas

Basahin ang 3 Nephi 23:1–5, at alamin ang iniutos sa atin ng Tagapagligtas na saliksikin at ang mga dahilan kung bakit.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sa mga nakaraang kabanata, madalas banggitin ng Tagapagligtas ang mga salita ni Isaias upang tulungan at pagpalain ang mga Nephita. (Tingnan sa 3 Nephi 16:18–20; 20:32, 34–45; 21:8; 22:1–17.)

  • Anong mga dahilan ang ibinigay ng Panginoon para saliksikin natin ang mga salita ni Isaias? (tingnan sa 3 Nephi 23:1–3).

    Maaari kang maglaan ng ilang oras sa klase para talakayin ang kahalagahan ng mga turo ni Isaias. Halimbawa, maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa mga salita ni Isaias. Maaari nilang basahin at pagnilayan ang mga talata mula sa Isaias at pag-isipan kung bakit mahalagang pag-aralan ang mga ito. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang Isaias 7:14; 9:6–7; 41:10; 49:13–16; 53:1–5; 55:1–3; 61:1–3.

  • Ayon sa 3 Nephi 23:5, bakit dapat tayong makinig sa mga salita ng Panginoon at sa mga salita ng mga propeta?

Pakinggang mabuti ang mga sagot ng mga estudyante at maaari mong isulat ang mga ito sa pisara.

Isa sa mahahalagang alituntunin na natutuhan natin sa lesson na ito ay iniuutos sa atin ng Tagapagligtas na sundin ang Kanyang mga salita at masigasig na saliksikin ang mga salita ng mga propeta.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan?

Pag-isipan sandali ang iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring kabilang dito ang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya gayundin ang pag-aaral sa simbahan at seminary. Sa palagay mo ba ay masigasig mong sinasaliksik ang mga banal na kasulatan? Bakit oo o bakit hindi?

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring maging mahirap na masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan?

    Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari mong isulat sa kabilang bahagi ng pisara ang kanilang mga sagot. Kung naaangkop, maaari mong banggitin ang aktibidad sa paghahanap sa simula ng lesson. Para makapag-isip ng maaaring maging problema, maaaring ihambing ng mga estudyante ang pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan sa paghahanap ng mga bagay sa aktibidad.

    Ang isang sagot ay maaaring mahirap maglaan ng oras na saliksikin ang mga banal na kasulatan kapag hindi natin nadarama na may nakikita tayong anumang mahalaga. O maaaring ito ay mahirap unawain o nakakatamad. Ang isa sa pinakamaiinam na mga paraan para madaig ang marami sa mga problemang ito ay ang malaman kung paano maghanap ng mga ideya o katotohanan na makatutulong sa ating buhay.

  • Sa kabila ng mga problemang ito, ano ang ilang bagay na nagawa mo na, o magagawa mo, para magkaroon ng makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng banal na kasulatan?

Habang sumasagot ang mga estudyante, gumawa ng listahan sa kabilang bahagi ng pisara. Kung kapaki-pakinabang, idagdag ang alinman sa mga sumusunod na halimbawa.

Narito ang ilang halimbawa:

  • Manalangin bago ka mag-aral.

  • Markahan ang mahahalagang salita at parirala, lalo na ang mga salita at pariralang tumutulong sa iyo na mas makilala ang Tagapagligtas.

  • Hanapin ang kahulugan ng mga salita o pariralang mahirap maunawaan.

  • Huminto at ibuod ang nabasa mo.

  • Gumamit ng mga cross-reference para mas maunawaan ang isang paksa o doktrina.

Larawan
kinakausap ni Cristo si Nephi tungkol sa mga talaan

Para masanay sa paggawa ng dalawa sa mga kasanayang ito, basahin ang 3 Nephi 23:6–14 at gawin ang mga sumusunod:

  • Ibuod ang nabasa mo gamit ang sarili mong mga salita.

  • Markahan ang anumang salita o parirala na tumutulong sa iyo na mas maunawaan ang Tagapagligtas.

    Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila. Para magawa ito, maaari silang gumawa nang magkakapartner, kung saan ibinubuod ng isang estudyante ang mga talata at ipinapaliwanag ng kanyang kapartner ang mga salita o parirala na tumutulong sa kanila na maunawaan ang Tagapagligtas.

    Kung nahihirapan ang mga estudyante na ibuod ang nabasa nila, maaari mong ipaliwanag na hiniling ng Tagapagligtas na makita ang mga talaan ng mga Nephita. Binigyang-diin Niya na ang propesiya ni Samuel tungkol sa mga banal na nabuhay na mag-uli na nagpakita sa marami (tingnan sa Helaman 14:25) ay natupad, ngunit ang katuparang iyon ay hindi naisulat sa mga talaan. Iniutos ng Tagapagligtas sa mga Nephita na isulat ang salaysay na ito.

  • Anong mga salita ang naglilinaw na mahalaga sa Tagapagligtas kung ano ang nakasulat sa banal na kasulatan?

  • Paano maaaring makaapekto ang kaalamang ito tungkol sa Tagapagligtas sa pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan?

Pagsasagawa ng epektibong pag-aaral ng mga banal na kasulatan

Maglaan ng ilang minuto na masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan. Maaari mong piliing pag-aralan ang isang kabanata o saliksikin ang mga talata tungkol sa isang paksang gusto mo pang malaman. Gumamit ng kahit isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na naisip o natuklasan mo sa listahan sa itaas.

Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante para magbasa at magnilay. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isang bagay na napag-aralan nila na makabuluhan sa kanila at kung anong mga kasanayan ang ginamit nila. Ang mga sumusunod na tanong ay naglalayong tumulong sa talakayan.

  • Anong paraan sa pag-aaral ang ginamit mo? Bakit maaaring makatulong ito sa iyo para mas masigasig kang mag-aral?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas na hindi mo pa naunawaan noon?

  • Alin sa mga kasanayang ito ang gagamitin mo sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa hinaharap? Paano mo ito gagawin?

Sa darating na linggo, pagnilayan ang natutuhan mo ngayon sa araw na ito. Pumili ng isang paraan na mapagsisikapan mong mas masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan. Isipin kung paano ito makatutulong sa iyo sa buhay mo.

Print