Ano ang ilan sa pinakamahahalagang katangian ng Simbahan ng Tagapagligtas? Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga Nephitang disipulo na ang Kanyang Simbahan ay dapat tawagin alinsunod sa Kanyang pangalan at itayo sa Kanyang ebanghelyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at ang kahalagahan ng pangalan ng Simbahan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano ang isasagot mo?
Isang araw habang nagkukuwentuhan ng ginawa nila noong katapusan ng linggo, binanggit ni Naomi sa kaibigan niyang si Marco na nagsimba siya sa araw ng Linggo.
Itinanong ni Marco, “Mormon ka, ’di ba?”
Sinabi ni Naomi, “Kung minsan tinatawag kaming ganoon ng mga tao, pero mas gusto naming tawaging mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”
Sagot ni Marco, “Ang haba naman niyan. Bakit hindi mo na lang sabihin na kabilang ka sa simbahan ng mga Mormon? Hindi ba kayo nagbabasa mula sa Aklat ni Mormon?”
Ano ang ilang paraan na masasagot ni Naomi ang tanong ni Marco?
Ngayon, pag-aaralan mo ang ilan sa mga turo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Nephitang disipulo na nakatala sa 3 Nephi 27. Habang nag-aaral ka, alamin ang mga katotohanang itinuro ni Jesus tungkol sa Kanyang Simbahan na makatutulong sa iyo kapag naharap ka sa mga sitwasyong katulad ng nabasa mo kanina lang.
Ang pangalan ng Simbahan
Hindi nagtagal matapos ang pagdalaw ni Cristo sa mga Nephita, nagkaisa ang Kanyang labindalawang Nephitang disipulo sa pag-aayuno at panalangin. Gusto nilang malaman kung ano ang dapat maging pangalan ng Simbahan. Habang nagdarasal sila, ang Tagapagligtas ay nagpakita at nagsimulang magturo sa kanila (tingnan sa 3 Nephi 27:1–3).
Basahin ang 3 Nephi 27:4–7, at alamin kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo tungkol sa pangalan ng Kanyang Simbahan.
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat ipangalan sa Kanyang Simbahan?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay dapat tawagin sa Kanyang pangalan.
Ano ang mga dahilang ibinigay ng Tagapagligtas kung bakit ipinangalan Niya ang Simbahan sa Kanyang sarili?
Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga dahilan kung bakit mahalagang gamitin natin ang tamang pangalan ng Simbahan:
2:3
Ang pangalan ng Simbahan ay hindi pinag-uusapan. Kapag malinaw na ipinapahayag ng Tagapagligtas ang dapat ipangalan sa Kanyang Simbahan, at inuunahan pa Niya ng pahayag na, “Sa ganito tatawagin ang aking simbahan,” seryoso Siya. At kung ginagamit at hinihiram o kinukunsinti pa natin ang mga palayaw na iyon, nasasaktan Siya.
Ano ang nakapaloob sa isang pangalan, o sa kasong ito, sa isang palayaw? Pagdating sa mga palayaw ng Simbahan, tulad ng “Simbahan ng LDS,” ang “Simbahan ni Mormon,” o ang “Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw,” ang pinakamalinaw na nawawala ay ang pangalan ng Tagapagligtas. Malaking tagumpay para kay Satanas ang maalis ang pangalan ng Panginoon sa Simbahan ng Panginoon. Kapag inaalis natin ang pangalan ng Tagapagligtas, unti-unti nating binabalewala ang lahat ng ginawa ni Jesucristo para sa atin—maging ang Kanyang Pagbabayad-sala. (Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 87–88)
Ano ang pinakanapansin mo sa pahayag ni Pangulong Nelson?
Sa iyong palagay, paano nakakaapekto ang ating mga pagsisikap na gamitin ang tamang pangalan ng Simbahan sa mga hindi miyembro ng Simbahan?
“Nakatayo sa aking ebanghelyo”
Bukod sa pagbibigay-diin na ang Kanyang Simbahan ay dapat tawagin sa Kanyang pangalan, itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Nephitang disipulo ang isa pang mahalagang katangian ng Kanyang Simbahan.
Mula sa mga talatang ito, ano ang maidaragdag mo sa katotohanan na nakasulat sa bold letter na natukoy mo kanina tungkol sa Simbahan ng Tagapagligtas?
Ang isang paraan na maibubuod natin ang mga turo ng Tagapagligtas na napag-aralan mo na ay ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay dapat tawagin sa Kanyang pangalan at itayo sa Kanyang ebanghelyo.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng itatayo ang Simbahan ng Tagapagligtas sa Kanyang ebanghelyo?
Maaaring makatulong na maunawaan na ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita” (tingnan sa Bible Dictionary, “Gospels”).
Upang matulungan kang maunawaan ang mahahalagang aspeto ng ebanghelyo ng Tagapagligtas, magdrowing ng simpleng larawan ng isang gusali ng simbahan sa iyong study journal, tulad ng sumusunod. Tiyaking mag-iwan ng espasyo para pagsulatan ng mga salita at parirala sa ilalim ng simbahan.
Basahin ang 3 Nephi 27:13–22, at alamin ang sinabi ni Jesucristo kung ano ang Kanyang ebanghelyo. Isulat sa espasyo sa ilalim ng iyong drawing ang mga salita o parirala na mahahanap mo.
Batay sa mga talatang pinag-aralan mo, paano mo ilalarawan kung ano ang ebanghelyo ng Tagapagligtas?