Seminary
4 Nephi: “Nagbalik-loob … sa Panginoon”


“4 Nephi: ‘Nagbalik-loob … sa Panginoon,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“4 Nephi,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

4 Nephi

“Nagbalik-loob … sa Panginoon”

grupo ng masasayang kabataang babae na nakasuot ng damit-pangsimba

Sa loob ng ilang milenyo, ang mga indibiduwal, pamilya, at lipunan ay naghahanap ng mga huwaran tulad ng pagkakasundo, kapayapaan, at pagkakaisa. Maaaring tila hindi makakamtan ang mga ito, ngunit nangyari ang mga ito. Ang salaysay sa 4 Nephi ay isang halimbawa niyon. Ang isang susi para matamo ang mga pagpapalang ito ay ang palalimin ang ating pagbabalik-loob sa Panginoon at magkaroon ng pagmamahal ng Diyos sa ating puso. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng higit na pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo upang maging mas malalim ang iyong pagbabalik-loob sa Kanila.

Maghanda sa pamamagitan ng pag-aaral ng salita ng Diyos. Iniuutos sa atin na ituro ang mga katotohanang matatagpuan sa mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga propeta at apostol sa mga huling araw. Sa mapanalanging pag-aaral ng salita ng Diyos, makakaayon tayo sa Espiritu Santo at makatatanggap tayo ng mga kaalaman at patnubay.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang kahulugan ng salitang pagbabalik-loob sa makukuhang resources ng Simbahan. Bilang alternatibo, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na itanong sa isang taong kilala nila kung ano ang ibig sabihin sa kanila ng pagbabalik-loob kay Cristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Isang posibilidad mula sa langit

Isipin kung ano kaya ang mangyayari kung ikaw at ang mga tao sa paligid mo ay nagmamahal at nagsisikap na sundin si Jesucristo.

Maaari mong ilagay ang mga estudyante sa maliliit na grupo at sabihin sa kanila na talakayin sandali ang mga sumusunod na tanong.

  • Paano maiiba ang inyong komunidad?

  • Paano maiiba ang inyong paaralan o simbahan?

  • Paano maiiba ang inyong tahanan?

Ang aklat ng 4 Nephi ay naglalaman ng salaysay tungkol sa mga taong nabuhay pagkatapos ng pagdalaw ng Tagapagligtas sa lupain ng Amerika. Sa pag-aaral mo ng kanilang mga karanasan, alamin ang naging impluwensya ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo sa mga taong ito. Isipin kung paano makakaimpluwensya ang mga turong ito sa paraan ng pamumuhay na pinili mo.

Ang epekto ng ebanghelyo ng Tagapagligtas

Basahin ang 4 Nephi 1:1–2, at alamin ang epekto ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga turo sa mga tao.

  • Ano ang napansin mo?

Maaari mong markahan ang pariralang “ang mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon” sa talata 2.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na nakakumpleto ng aktibidad sa paghahanda na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa ibig sabihin ng magbalik-loob sa Panginoon. Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na kahulugan.

Ang ibig sabihin ng magbalik-loob sa Panginoon ay “pagbabago ng isang tao ng kanyang paniniwala, nasasapuso, at buhay upang tanggapin at sundin ang kalooban ng Diyos … [at] maging disipulo ni Cristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabalik-loob, Nagbalik-loob,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Ang mga pagpapala ng pagbabalik-loob

Ang mga Nephita at mga Lamanita ay nakaranas ng pambihirang mga pagpapala dahil sa kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo. Sa iyong study journal, isulat ang “Mga Pagpapala mula sa Pagbabalik-loob” sa gitna ng isang pahina.

Bukod pa sa pagsusulat ng mga estudyante ng heading sa kanilang study journal, maaari mo itong isulat sa pisara. Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara matapos pag-aralan ang mga sumusunod na talata.

Basahin ang 4 Nephi 1:2–18, at markahan ang mga salita o parirala na naglalarawan ng mga pagpapalang natanggap nila. Sa iyong papel, isulat ang mga salita o pariralang ito sa paligid ng pamagat na “Mga Pagpapala mula sa Pagbabalik-loob.” (Maaaring makatulong na malaman ang kahulugan ng ilan sa mga salita sa talata 16. Ang alitan ay tumutukoy sa mga kaguluhan o hidwaan ng publiko, ang pagpapatutot ay tumutukoy sa mga seksuwal na kasalanan, at ang kahalayan ay tumutukoy sa pagnanasa at kawalan ng kalinisang-puri.)

Isipin kung alin sa mga pagpapalang ito ang nais mong maranasan pa sa sarili mong buhay. Maaari mong bilugan ang mga ito sa pahina sa iyong study journal.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan o nadama nila mula sa pag-aaral nila ng talata 2–18. Maaari mong anyayahan ang iba’t ibang estudyante na magbahagi ng isang parirala na napakahalaga sa kanila at ipaliwanag ang kahalagahan nito.

  • Ano ang pinakanapansin mo sa mga talatang ito? Bakit?

  • Batay sa natutuhan mo mula sa mga talatang ito, paano mo tatapusin ang sumusunod na pangungusap: “Kapag nagbalik-loob tayo sa Panginoon …”?

Ang isang katotohanan na matutukoy natin mula sa mga talatang ito ay kapag nagbalik-loob tayo sa Panginoon, bibiyayaan tayo ng kaligayahan at pagkakaisa bilang mga anak ni Cristo.

  • Sa iyong palagay, bakit magdudulot ng gayong mga pagpapala ang pagbabalik-loob kay Jesucristo at pamumuhay sa Kanyang ebanghelyo?

  • Paano makakaimpluwensya sa gawain natin sa araw-araw ang pag-unawa sa katotohanang ito?

Ang pag-ibig sa Diyos

Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na obserbasyon kung bakit nagawa ng mga taong ito na mamuhay sa gayong kaligayahan at pagkakaisa.

12:44

Ano ang susi sa pagkakaroon ng kuntento at masayang buhay na ito? Ito ay nakasaad sa isang pangungusap: “[Ang] pag-ibig sa Diyos [ay] nananahan sa mga puso ng tao” [4 Nephi 1:15]. Kapag ang pag-ibig sa Diyos ang nananaig sa ating buhay, sa pakikipag-ugnayan natin sa isa’t isa at sa nadarama natin sa buong sangkatauhan, ang mga diskriminasyon, paglalagay ng mga label, at artipisyal na pagkakahati-hati ay nagsisimulang mapawi, at nadaragdagan ang kapayapaan. Iyan ang mismong nangyari sa mga tao sa Aklat ni Mormon. Wala nang mga Lamanita, o Jacobeo, o Josefita, o Zoramita. Wala nang mga “ita”. Isang bagong mas mainam na pagkakakilanlan ang ginamit ng mga tao. Lahat sila, sinasabi rito, ay nakilala bilang “mga anak ni Cristo” [4 Nephi 1:17]. (Jeffrey R. Holland, “Ang Pinakamahalagang Pag-aari,” Liahona, Nob. 2021, 9)

Maaari mong markahan ang parirala sa talata 15 tungkol sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa puso ng mga tao. Ang maaaring ibig sabihin ng pagkakaroon ng pag-ibig sa Diyos sa ating puso ay nadarama natin ang pagmamahal ng Diyos para sa atin at sa iba. Maaari ding ibig sabihin nito ay makadama ng pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Ano ang ilang magagawa natin na makatutulong sa atin na makadama ng higit na pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Humingi ng maraming sagot sa nakaraang tanong. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaaring maging kapaki-pakinabang na sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang nakatulong sa kanila na makadama ng higit na pagmamahal sa Diyos. Maaari ka ring magbahagi ng mga halimbawa mula sa sarili mong buhay.

Ang isang paraan na makadarama tayo ng higit na pagmamahal para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng tungkol sa Kanila at makilala Sila sa mga banal na kasulatan.

Maaaring gawin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad nang mag-isa o sa maliit na grupo.

Maglaan ng oras na pag-aralan ang mga scripture passage tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na makatutulong sa iyo na makadama ng higit na pagmamahal para sa Kanila. Bigyang-pansin ang natutuhan mo tungkol sa Kanilang mga katangian, hangarin, at tungkulin. Maaari mong saliksikin ang mga katagang tulad ng “Ama sa Langit” o “Jesucristo” gamit ang mga tool sa pag-aaral tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o ang search function sa Gospel Library.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga talatang nakita nila na lubos na makabuluhan sa kanila. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano makatutulong sa atin ang mga katotohanang itinuro para makadama tayo ng higit na pagmamahal sa Ama sa Langit o kay Jesucristo.

  • Kapag natapos nang magbahagi ang mga estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na sagutin ang sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Pagkatapos ay patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon.

  • Ano ang isang bagay na pagsisikapan mong gawin sa darating na mga araw na makatutulong sa iyo na mas magbalik-loob kay Jesucristo?