“3 Nephi 28: Pagnanais na Madala ang Iba kay Jesucristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“3 Nephi 28,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
3 Nephi 28
Pagnanais na Madala ang Iba kay Jesucristo
Ang isa sa mga pinakadakilang hangarin na maaaring madama natin sa ating buhay ay tulungan ang ibang tao na matanggap ang mga pagpapalang ibinibigay ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 15:6). Ipinakita ito ng tatlo sa mga disipulong Nephita sa kakaibang paraan nang naisin nilang manatili sa mundo at magdala ng mga kaluluwa kay Jesucristo hanggang sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang magkaroon ng higit na hangaring dalhin ang iba kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano ang ninanais mo?
-
Ano ang isasagot mo kung magpakita sa iyo si Jesucristo at magtanong ng, “Ano ba ang [iyong] hihilingin sa akin?”
-
Bakit ito ang pinili mo?
Sa panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita, itinanong Niya ito sa Kanyang mga disipulo (tingnan sa 3 Nephi 28:1).
Basahin ang 3 Nephi 28:2–6, at alamin kung paano tinugon ng mga Nephitang disipulo ang tanong ng Tagapagligtas.
-
Ano ang nalaman mo?
Sa talata 6, binanggit ng Tagapagligtas na ninais ng tatlo sa mga Nephitang disipulo ang gayon ding bagay na ninais ni Juan na Pinakamamahal. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 7:1–3, at alamin ang ninais ni Juan.
-
Sa iyong palagay, bakit ninais ng tatlong disipulong ito na manatili sa mundo?
Isipin ang sarili mong hangaring dalhin ang mga tao kay Jesucristo. Maaaring makatulong sa iyo ang mga sumusunod na pagsusuri sa sarili para magawa ito.
Sagutin ang bawat isa sa mga sumusunod na pahayag gamit ang isa sa mga sagot na ito: “palagi,” “kung minsan,” o “bihira.”
-
Naghahanap ako ng mga pagkakataong sabihin sa mga tao ang tungkol kay Cristo.
-
Nagdarasal ako para sa mga pagkakataong makahanap ng mga taong kakausapin tungkol kay Cristo.
-
Nais kong tulungan ang iba na sundin si Jesucristo.
Pag-ibayuhin ang iyong hangarin na tulungan ang iba na lumapit kay Cristo
Sa gitna ng isang pahina sa iyong study journal, magdrowing ng isang maliit na stick figure na kumakatawan sa isang tinedyer na walang hangaring ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Sa blankong espasyo sa paligid ng stick figure, isulat ang ilan sa mga dahilan kung bakit maaaring walang hangarin ang tinedyer na ito na ibahagi ang ebanghelyo. Mag-iwan ng espasyo para magsulat ng mga katotohanang natutuhan mo habang nag-aaral ka ngayon.
Habang patuloy kang nag-aaral, maghanap ng mga turong makatutulong sa isang tao na makadama ng mas malaking hangaring ibahagi ang ebanghelyo.
Basahin ang 3 Nephi 28:7–10, at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga Nephitang disipulo na nagnais na manatili sa mundo upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya.
-
Anong pagpapala ang ibinigay ni Jesus sa kanila sa talata 7–8 upang matupad nila ang kanilang mga hangarin?
-
Ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na matatanggap nila sa talata 9–10 dahil sa kanilang mabubuting hangarin?
Sa ating dispensasyon, nangako ang Panginoon ng mga pagpapala sa mga naghahangad na magdala ng mga kaluluwa sa Kanya. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:15–16, at alamin ang mga pagpapalang mararanasan natin sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Jesucristo.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano tayo mapagpapala kapag hinangad nating magdala ng mga kaluluwa kay Jesucristo?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag nagsisikap tayong magdala ng mga kaluluwa kay Jesucristo, makadarama tayo ng kagalakan. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa larawang idinrowing mo.
-
Sa iyong palagay, bakit pinagmumulan ng kagalakan ang pagdadala ng mga kaluluwa kay Jesucristo?
-
Paano makatutulong sa isang tao ang pag-unawa sa katotohanang ito upang magkaroon siya ng mas malaking hangaring ibahagi ang ebanghelyo?
Maghanap ng iba pang mga banal na kasulatan o pahayag ng mga lider ng Simbahan na makatutulong para mas mapag-ibayo ang ating hangaring ibahagi ang ebanghelyo. Maaari mong gamitin ang mga tool sa pag-aaral tulad ng Mga Paksa ng Ebanghelyo o Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa paghahanap ng mga paksang tulad ng “Gawaing Misyonero,” o maaari mong pag-aralan ang ilan o ang lahat ng sumusunod na talata. Magdagdag ng mga katotohanang makikita mo sa larawan sa iyong study journal.
-
Ano ang ilang turo na nahanap mo na makatutulong sa isang tao na magkaroon ng mas malaking hangaring ibahagi ang ebanghelyo? Sa iyong palagay, bakit makatutulong ang mga turong ito?
-
Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na makita ang mga pagpapalang matatanggap kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo?
Para makita ang mga halimbawa kung paano pinagpala ang mga tao sa pamamagitan ng gawaing misyonero, maaari mong panoorin ang “Your Day for a Mission” (3:31) o “By Small and Simple Things: Sharing the Gospel” (3:19). Matatagpuan ang dalawang video sa ChurchofJesusChrist.org.
Isipin ang natutuhan o nadama mo ngayon na maaaring nakaimpluwensya sa sarili mong hangarin na tulungan ang iba na lumapit kay Cristo. Isulat sa iyong study journal ang anumang ideya o espirituwal na impresyon na natanggap mo at gumawa ng plano na kumilos ayon sa iyong mga impresyon.