Seminary
Eter 6: Naglakbay ang mga Jaredita Patungo sa Lupang Pangako


“Eter 6: Naglakbay ang mga Jaredita Patungo sa Lupang Pangako,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 6,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 6

Naglakbay ang mga Jaredita Patungo sa Lupang Pangako

Mga gabara ng mga Jaredita na hinahampas ng mga alon

Isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng mga Jaredita nang pumasok sila sa kanilang mga gabara at tumawid sa malawak na tubig habang naglalakbay sila patungo sa lupang pangako. Bagama’t mahaba at mahirap ang kanilang paglalakbay, natanto ng mga Jaredita na tinutulungan sila ng Panginoon habang naglalakbay. Matutulungan din tayo ng Panginoon sa ating paglalakbay sa mortalidad at pabalik sa piling ng Ama sa Langit. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na ihalintulad ang mga banal na kasulatan upang malaman ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo sa iyong paglalakbay sa buhay.

Tulungan ang bawat estudyante na makapag-ambag sa karanasan sa pagkatuto. Taos-pusong kilalanin na ang bawat estudyante ay kinakailangan at may maiaambag. Maaaring may mga estudyante na mas nakikibahagi kaysa sa iba. Dagdagan ang pagsisikap at maging malikhain upang mahikayat ang bawat estudyante na mag-ambag sa mga makabuluhang paraan.

Paghahanda ng estudyante: Maaaring basahin ng mga estudyante ang Eter 6:1–12 at pag-isipan ang mga aspeto ng salaysay na ito na simbolikong naaangkop sa kanilang buhay. Maaaring makatulong dito ang aktibidad sa pag-aaral para sa mga talatang ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2024.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang paglalakbay sa buhay

Ang sumusunod ay naglalayong tulungang ihanda ang mga estudyante na ihalintulad ang kanilang pag-aaral ng Eter 6 sa kanilang buhay. Bukod pa sa pag-anyaya sa mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad sa kanilang study journal, maaari mo itong kumpletuhin sa pisara.

Ang ating mortal na buhay ay maikukumpara sa isang mahabang paglalakbay, kung saan ang buhay na walang hanggan ang nais na patunguhan. Sa iyong study journal, isulat ang “Ako” sa isang bahagi ng pahina at “Buhay na Walang Hanggan” sa kabila. Sa espasyo sa pagitan ng dalawang heading na ito, isulat ang ilan sa mga balakid na maaaring maranasan sa ating paglalakbay na magpapahirap sa atin na makabalik nang karapat-dapat sa Ama sa Langit. Pagkatapos ay isipin ang kalagayan ng iyong paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan at kung alin sa mga natukoy na balakid ang kinakaharap mo sa kasalukuyan.

Pag-aaralan mo ngayon ang tungkol sa paglalakbay na ginawa ng mga Jaredita sa lupang pangako matapos nilang magawa ang kanilang mga gabara. Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na malampasan ang mga balakid na kinakaharap mo sa iyong paglalakbay pabalik sa kinaroroonan ng Diyos.

Paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa iyong buhay

Ang mga sumusunod na hakbang ay makatutulong sa iyo na ikumpara, o ihalintulad, kung ano ang babasahin mo sa mga banal na kasulatan sa iyong mga personal na kalagayan. Sa iyong study journal, isulat ang heading na “Mga paraan para maihalintulad ang mga banal na kasulatan sa aking buhay.” Isulat ang mga hakbang na ito sa ibaba ng heading.

Ipakita ang mga hakbang na ito para makopya ng mga estudyante sa kanilang journal.

  1. Maghanap ng mahahalagang detalye.

  2. Gumawa ng mga pagkukumpara.

  3. Tumuklas ng mahahalagang aral.

  4. Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral.

Bago bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magsanay gamit ang mga hakbang na ito nang mag-isa, maaari mong gawin ang sumusunod na halimbawa kasama ang buong klase. Tiyaking magtira ng maraming oras para mag-isang makapagsanay ang mga estudyante kalaunan sa lesson.

Hakbang 1: Maghanap ng mahahalagang detalye

Basahin ang Eter 6:1–3, at alamin ang mahahalagang detalye. Maaaring kabilang sa mga detalyeng ito ang mga tao, lugar, bagay, o kilos na binibigyang-diin.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mahahalagang detalye na natagpuan nila sa mga talatang ito. Maaaring isulat ang mga ito sa pisara. Maaari mong ipaliwanag ang sumusunod:

Ang isang mahalagang detalye na maaaring napansin mo ay na pinagliwanag ng Panginoon ang mga bato na dinala ng kapatid ni Jared sa Kanya (tingnan sa Eter 3:1–6) para magkaroon ng liwanag ang mga Jaredita sa kanilang mga gabara.

Hakbang 2: Gumawa ng mga pagkukumpara

Isipin kung paano maikukumpara ang mga detalyeng natukoy mo sa unang hakbang sa isang bagay na espirituwal o sa mga sitwasyon sa iyong buhay.

  • Anong mga pagkukumpara ang magagawa mo sa mga detalyeng natukoy mo sa unang hakbang?

Halimbawa, maaari mong ikumpara ang maningning na mga bato sa mga pinagmumulan ng espirituwal na liwanag na ipinagkaloob sa atin ng Ama sa Langit, tulad ng mga turo at halimbawa ni Jesucristo, ng Espiritu Santo, ng mga banal na kasulatan, at mga buhay na propeta. (Tingnan sa Mga Awit 119:105; Juan 8:12; at 1 Nephi 17:13. Maaari mong i-cross reference ang mga talatang ito sa Eter 6:3.)

Hakbang 3: Tumuklas ng mahahalagang aral

Isipin kung anong mga aral o katotohanan ang natutuhan mo habang ikinukumpara mo ang mga talatang ito sa iyong buhay o sa isang bagay na espirituwal. Isipin din ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Ano ang ilang aral o katotohanan na natutuhan mo mula sa mga talatang ito? Ano ang nakita mo na makatutulong sa iyong buhay sa araw-araw?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay binibigyan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng patnubay at liwanag na tutulong sa atin sa ating paglalakbay sa mortalidad.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga paraan na binigyan sila ng Diyos ng patnubay at espirituwal na liwanag sa kanilang buhay.

Hakbang 4: Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral

Pag-isipan kung paano mo maipamumuhay ang mga aral na natukoy mo sa naunang hakbang.

  • Ano ang magagawa mo para makasunod o makatanggap ng higit pang liwanag ng Diyos sa iyong buhay?

Maaaring naisip mong gawin ang tulad ng pag-aaral nang mabuti ng mga banal na kasulatan, mapanalanging paghingi ng patnubay mula sa Ama sa Langit sa iyong mga desisyon sa araw-araw, o mas masigasig na pagsisikap na panatilihing kasama mo ang Espiritu Santo.

Sanayin ang paghahalintulad ng iba pang talata mula sa salaysay na ito

mga gabara ng mga Jaredita

Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral nang mag-isa, kasama ang isang kapartner, o sa isang maliit na grupo.

Pag-aralan ang natitirang bahagi ng salaysay tungkol sa paglalakbay ng mga Jaredita patungo sa lupang pangako sa pamamagitan ng pagbabasa ng Eter 6:4–12. Alamin ang iba pang mga paraan na maiuugnay ang paglalakbay ng mga Jaredita sa iyong paglalakbay sa buhay. Habang nag-aaral ka, sanaying gamitin ang apat na hakbang para sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan.

Bigyang-pansin ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Matapos ang sapat na oras para makapag-aral ang mga estudyante, talakayin ang natutuhan nila. Kung kailangan nila ng karagdagang tulong, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang itinuro sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Ano ang ilan sa “ma[la]lakas na hangin” (Eter 6:5) na tinutulutan ng Panginoon na maranasan natin sa ating buhay? Paano natin matitiyak na ang ating mga pagsubok o hamon ay makatutulong sa atin na mas mapalapit sa Diyos?

  • Ano ang ilang paraan na maaari ninyong madama na “nalibing” kayo (Eter 6:6) sa inyong paglalakbay sa mortalidad? Ano ang nakita ninyo sa talata 7 na makatutulong sa inyo sa gayong mga pagkakataon?

  • Sa inyong palagay, bakit pinapurihan ng mga Jaredita ang Panginoon sa kanilang mahirap na paglalakbay? (tingnan sa Eter 6:9). Ano ang makatutulong sa inyo para makadama kayo ng pasasalamat sa Diyos, kahit na nahaharap kayo sa mga pagsubok?

Pagkatapos ng talakayan, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano makatutulong sa kanilang buhay ang napag-aralan nila ngayon, pati na ang mga balakid na natukoy nila kanina. Hikayatin silang isulat sa kanilang study journal ang anumang espirituwal na pahiwatig o ideya na nais nilang matandaan.

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ngayon. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na ihalintulad ang nabasa nila sa mga banal na kasulatan sa kanilang buhay.