Seminary
Eter 8: “Ang Panginoon ay Hindi Gumagawa sa mga Lihim na Pakikipagsabwatan”


“Eter 8: ‘Ang Panginoon ay Hindi Gumagawa sa mga Lihim na Pakikipagsabwatan,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 8,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 8

“Ang Panginoon ay Hindi Gumagawa sa mga Lihim na Pakikipagsabwatan”

Jesucristo

Winasak ng mga lihim na pagsasabwatan ang ilang grupo ng mga tao sa buong Aklat ni Mormon. Ang lihim na pagsasabwatang ito ay lumitaw sa kalipunan ng mga Jaredita at humantong sa kanilang pagkalipol. Habang isinusulat ang tungkol sa mga Jaredita, idinagdag ng propetang si Moroni ang mahahalagang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga nakapagpapahamak na pangyayaring ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan na kailangang tanggihan ang mga lihim na pakikipagsabwatan sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo.

Tulungan ang mga estudyante na makakita ng kaugnayan. Kapag nakikita ng mga estudyante ang kaugnayan ng pinag-aaralan nila sa mga banal na kasulatan sa sarili nilang mga sitwasyon at kalagayan, kadalasang mas nahihikayat sila na mag-aral at ipamuhay ang mga turo ng ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang kaugnayan sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanila ng tulad ng “Paano maitutulad ang pangyayari o turong ito sa inyong mga karanasan?” o “Paano naaangkop ang katotohanang ito sa inyong buhay?”

Paghahanda ng estudyante: Ipabasa sa mga estudyante ang “Lihim na Pagsasabwatan, Mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa scriptures.ChurchofJesusChrist.org.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga lihim na pagkilos

Isulat sa pisara ang salitang paglilihim, at itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:

  • Ano ang ilang paraan na ginagamit ni Satanas ang paglilihim upang maisakatuparan ang kanyang masasamang layunin?

  • Paano makakaapekto ang gayong paglilihim sa kaugnayan ng isang tao kay Jesucristo? Bakit?

  • Ano ang nais mong malaman ng isang tao na nakadarama na makakalusot siya sa paggawa niya ng masama dahil inililihim niya ito?

Ngayon ay malalaman mo ang tungkol sa isang grupo ng mga tao na nakibahagi sa mga lihim na gawain ng kasamaan na kilala bilang lihim na pakikipagsabwatan. Sa iyong pag-aaral, hanapin ang mga turo na tutulong sa iyo na maunawaan ang panganib ng mga lihim na pakikipagsabwatan.

Kasamaan sa mga Jaredita

Maaalala mo na matapos makarating ang mga Jaredita sa lupang pangako, humirang sila ng hari na mamumuno sa kanila sa kabila ng mga babala ng kapatid ni Jared na ang paggawa nito ay hahantong sa pagkabihag (tingnan sa Eter 6:22–23). Sa sumunod na mga henerasyon, ang masasamang hari ay nagdulot ng pagkakahati-hati at pagdurusa sa mga tao.

Maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng mga sumusunod na talata sa klase habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang iba pang estudyante sa kanilang banal na kasulatan.

Basahin ang Eter 8:1–10, at alamin kung ano ang nangyari nang maging hari ang isang lalaking nagngangalang Omer.

Pumayag si Jared sa masamang plano ng kanyang anak na babae. Nang hilingin ni Akis na pakasalan ang anak na babae ni Jared, sina Akis, Jared, ang anak na babae ni Jared, at iba pang mga miyembro ng pamilya ay pumasok sa lihim na pakikipagsabwatan upang patayin si Omer (tingnan sa Eter 8:11–15).

Mga panganib ng mga lihim na pakikipagsabwatan

Ang lihim na pakikipagsabwatan ay “isang samahan ng mga tao na pinag-isa ng mga pangako upang isagawa ang masasamang layunin ng pangkat” (“Lihim na Pagsasabwatan, Mga,” Gabay sa mga Banal na Kasulatan, scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Si Satanas ang pinagmulan ng mga lihim na pakikipagsabwatan (tingnan sa Helaman 6:25–30).

Bilang tagapagsalaysay ng kuwentong ito, ibinahagi ng propetang si Moroni ang ilang mahahalagang turo at babala tungkol sa mga lihim na pakikipagsabwatan. Basahin ang Eter 8:18–25, at alamin ang nadarama ng Panginoon tungkol sa mga lihim na pakikipagsabwatan.

Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito. Bukod pa sa mga sumusunod na tanong, maaari mo ring itanong, “Anong mga babala ang ibinigay ni Moroni sa mga taong nakikibahagi sa mga lihim na pakikipagsabwatan?”

  • Ano ang nalaman mo tungkol sa mga lihim na pakikipagsabwatan mula sa mga talatang ito?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay na ang mga lihim na pakikipagsabwatan ay karumal-dumal sa paningin ng Diyos (Eter 8:18).

Upang matulungan kang mas maunawaan kung bakit karumal-dumal sa Panginoon ang mga lihim na pakikipagsabwatan, basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan, at maghanap ng matututuhan mo tungkol kay Jesucristo:

Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito. Maaaring gamitin ang mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito na maaaring nakatulong sana sa mga taong pinag-aralan mo sa Eter 8?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Panginoon?

  • Paano makatutulong ang mga turong ito sa mga kabataan ngayon?

Tinapos ni Moroni ang kanyang mga turo tungkol sa mga lihim na pakikipagsabwatan sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung bakit niya isinama ang mga babalang ito. Basahin ang Eter 8:26, at alamin ang nais ni Moroni na malaman natin.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa dahilan kung bakit isinama ni Moroni ang mga turong ito sa Aklat ni Mormon?

  • Ano ang natutuhan mo ngayon na makahihikayat sa iyo na sundin nang mas lubusan si Jesucristo?

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo kung paano ka nahihikayat ng mga katotohanang itinuro sa lesson na ito na magtiwala at sumunod kay Jesucristo.