Seminary
Doctrinal Mastery: Eter 12:6—“Wala Kayong Matatanggap na Patunay Hangga’t Hindi Natatapos ang Pagsubok sa Inyong Pananampalataya”


“Doctrinal Mastery: Eter 12:6—‘Wala Kayong Matatanggap na Patunay Hangga’t Hindi Natatapos ang Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Doctrinal Mastery: Eter 12:6,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Doctrinal Mastery: Eter 12:6

Wala Kayong Matatanggap na Patunay Hangga’t Hindi Natatapos ang Pagsubok sa Inyong Pananampalataya”

dalawang dalagitang nag-uusap

Sa iyong pag-aaral ng Eter 12:1–22, natutuhan mo kung paano sumampalataya kay Jesucristo at maniwala sa Kanyang ebanghelyo bago tumanggap ng espirituwal na patotoo sa katotohanan (tingnan sa Eter 12:6). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Eter 12:6, maipaliwanag ang doktrinang itinuro sa passage na ito, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa tunay na buhay.

Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Kapag naging mas komportable na ang mga estudyante sa paggamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, kusa na nilang gagamitin ang mga ito sa mga tanong nila. Laging manghikayat at maging malikhain habang inaanyayahan mo sila na rebyuhin ang mga alituntunin sa iba’t ibang paraan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga scripture passage na makatutulong sa isang tao na sumampalataya kay Jesucristo. Para makahanap ng mga banal na kasulatan, maaari nilang saliksikin ang paksang “Pananampalataya” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ginawa upang ituro pagkatapos ng lesson na “Eter 12:1–22,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Eter 12:6. Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Ipaliwanag at isaulo

Sa nakaraang lesson, natutuhan mo ang sumusunod na katotohanan mula sa Eter 12:6: Kung nais nating magkaroon ng espirituwal na patotoo, dapat muna tayong sumampalataya kay Jesucristo at maniwala sa Kanyang ebanghelyo.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magsanay na ipaliwanag ang mga turo sa Eter 12:6 sa isang kapartner. Maaari kang magpakita ng tanong tulad ng sumusunod na tatalakayin ng mga estudyante.

  • Anong payo ang ibinigay sa Eter 12:6 sa mga taong may mga tanong na hindi nasagot o hindi pa “nakikita” ang katotohanan?

Tulungan ang mga estudyante na maisaulo ang scripture reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Eter 12:6. Ang sumusunod ay isang paraan upang magawa ito.

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na ang bawat tao ay hindi maiiwasan ang pagharap sa pader ng pananampalataya o ang pagsubok sa kanyang pananampalataya at sa mismong sandaling iyon ay dapat siyang manindigan (tingnan sa “The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Mayo 1975, 65). Sa madaling salita, lahat ay kailangang magpasiya para sa kanilang sarili nang may pananampalataya upang maniwala, at malaman, ang katotohanan.

Magdrowing ng isang malaking pader na may stick figure ng sarili mo na nakatayo sa harapan nito. Gamitin ang “pader ng pananampalataya” para matulungan kang maisaulo ang reference na Eter 12:6 at ang mahalagang parirala nito. Lagyan ng dekorasyon ang iyong pader sa pamamagitan ng pagsulat ng “Eter 12:6” sa itaas, pagkatapos ay isulat ang “Wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya” sa pader nang ilang beses. Kapag nasulatan na ang lahat ng espasyo sa iyong pader ng mahalagang parirala ng banal na kasulatan, subukang sabihin ito nang malakas nang ilang beses nang hindi tumitingin.

Pagsasanay ng pagsasabuhay

Bago simulan ang aktibidad ng pagsasanay ng pagsasabuhay, mag-isip ng malikhaing mga paraan para masuportahan ang mga estudyante sa pag-aaral at pagrerebyu ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang regular na paggawa nito ay makatutulong sa kanila na maging mas matagumpay sa pag-alam kung paano ipamumuhay ang mga alituntuning ito.

Ang isang paraan para magawa ito ay isulat sa pisara ang lahat ng tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Pagkatapos ay isulat ang mga ideya o konsepto mula sa bawat alituntunin nang hindi sunud-sunod at sabihin sa mga estudyante na itugma ang mga ideya sa mga tamang alituntunin.

Ibahagi sa mga estudyante ang sumusunod na sitwasyon o mag-isip ng sarili mong sitwasyon na nagsasakatuparan ng parehong layunin.

Sina Christiana at Niceta ay matalik na magkaibigan. Si Christiana ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sinisikap niyang maging mabuting halimbawa kay Niceta, na hindi naniniwala sa organisadong relihiyon. Madalas kinukuwestiyon ni Niceta ang mga paniniwala ni Christiana at iniisip niya kung bakit si Christiana ay nagsisimba tuwing Linggo, nagbabayad ng ikapu, ipinamumuhay ang Word of Wisdom, at pinipiling manamit nang disente.

Ipinaliwanag ni Christiana kay Niceta na nadarama niya na ang mga kautusan at pamantayan na ipinamumuhay niya ay totoo at mula ang mga ito sa Diyos. Magiliw na sumagot si Niceta, “Paano mo nasasabing alam mong totoo ang mga bagay na ito? Paano mo nalaman na ang anumang bagay na hindi mo nakikita ay totoo?”

Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at anyayahan silang talakayin kung paano nila magagamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang Eter 12:6 sa sitwasyong ito. Ipaalala sa mga estudyante na ang mga sitwasyon sa pagsasanay ng pagsasabuhay ng doctrinal mastery ay ginawa upang bigyan sila ng mga pagkakataong magsanay gamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang kanilang mga ideya at sagot ay hindi kailangang pulido o perpekto.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na simulan ang kanilang talakayan sa pagtatanong ng, “Sa aling alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman ka magsisimula para tulungan ang iyong kaibigan? Bakit?” Ang mga sumusunod na tanong ay maaari ding makatulong na gamitin ng mga estudyante sa kanilang talakayan.

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Sa anong mga konsepto o katotohanan mo gustong makatulong para mas maunawaan ang mga ito ni Niceta? Bakit?

  • Ano ang maaari mong ibahagi kay Niceta tungkol sa Panginoon at kung paano Siya nakikipagtulungan sa atin?

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

  • Anong mga turo mula sa Eter 12:6 ang maaaring makatulong sa sitwasyong ito? Bakit?

    Kung makatutulong sa mga estudyante ang makakita o makarinig ng isang nauugnay na pahayag mula sa isang lider ng Simbahan bilang halimbawa, maaari mong ibahagi ang pahayag ni Sister Bonnie L. Oscarson mula sa bahaging “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto” ng nakaraang lesson.

  • Ano ang ilang karagdagang scripture passage o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan ang makapagbibigay ng tulong at patnubay para kay Niceta?

Kumilos nang may pananampalataya

  • Ano ang mga naging karanasan mo o ng iba sa pagsampalataya kay Jesucristo? Paano makatutulong ang pagbabahagi ng mga ito kay Niceta para mahikayat siyang kumilos nang may pananampalataya?

  • Anong mga matwid na gawain ang maimumungkahi mo na simulang gawin ni Niceta?

Kapag tapos na ang mga estudyante sa kanilang talakayan, maaari mong anyayahan ang ilan na ibahagi kung paano sila tumugon at ano ang natutuhan nila mula sa karanasang ito.

Maaari mo ring talakayin sa mga estudyante kung paano makatutulong sa kanila ngayon at sa hinaharap ang pagsasanay na ito. Halimbawa, maaari mong sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga sitwasyon sa kasalukuyan o sa hinaharap kung saan ang mga turo ng Eter 12:6 at ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman ay maaaring makatulong sa kanila o sa iba na tumugon sa pagsubok sa pananampalataya at sa huli ay makatanggap ng nagpapatibay na patotoo sa katotohanan.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Sa isang lesson sa hinaharap, magdrowing sa pisara ng larawan ng isang pader na may stick figure na nakatayo sa harapan nito. Sabihin sa mga estudyante na alalahanin kung aling doctrinal mastery reference ang nauugnay sa drowing (Eter 12:6), at hikayatin silang magsanay na bigkasin ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan nang may kapartner. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan ay “Wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya.”