Seminary
Eter 7–11: “Tunay na ang Bagay na Ito ay Hahantong sa Pagkabihag”


“Eter 7–11: ‘Tunay na ang Bagay na Ito ay Hahantong sa Pagkabihag,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 7–11,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 7–11

“Tunay na ang Bagay na Ito ay Hahantong sa Pagkabihag”

babaeng nasa bilangguan

Dahil mahal tayo ng Diyos, tumatawag Siya ng mga propeta para balaan tayo tungkol sa kasamaan at hikayatin tayong sundin ang mga kautusan. Hindi nakinig ang mga Jaredita sa babala ng kapatid ni Jared, at nagresulta ito ng matitinding bunga sa maraming henerasyon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madama ang kahalagahan ng pagsunod sa mga propeta ng Panginoon.

Ituro ang mga salita ng mga propeta nang may pananalig at layunin. Ang kalooban at mga layunin ng Panginoon ay ipinararating sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na makakaasa sila sa mga turo ng propeta para sa patnubay at proteksyon, nakasulat man sa mga banal na kasulatan o binibigkas ngayon.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang magbahagi ng ilan sa mga payo o babala ng propeta na natanggap natin sa ating panahon. Maaari silang makakita ng mga halimbawa sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (buklet, 2022) o sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagkabihag

Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan o magdrowing ng isang simpleng bilangguan sa pisara.

Tingnan ang sumusunod na larawan. Ano kaya ang iniisip o nadarama ng taong ito?

lalaki sa loob ng selda

Isipin kung anong mga naunang pagpili ang unti-unting humantong sa mga sitwasyong ito at kung bakit pinili ng taong ito ang mga iyon.

Ang paggawa ng masamang gawain ay maaaring mag-akay sa mga tao patungo sa espirituwal at pisikal na pagkabihag.

Pag-aaralan mo ngayon ang isang salaysay na makatutulong sa iyo na maunawaan ang isang mahalagang paraan para maiwasan ang espirituwal na pagkabihag. Sa iyong pag-aaral, bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu na makatutulong sa iyo na makita kung paano ipamumuhay ang natutuhan mo.

“Tunay na ang bagay na ito ay hahantong sa pagkabihag”

Nang makarating ang mga Jaredita sa lupang pangako, matapat nilang pinaglingkuran ang Panginoon at sila ay dumami at lumakas sa lupain (tingnan sa Eter 6:17–18). Nang malapit nang magwakas ang buhay ni Jared at ng kanyang kapatid, tinipon nila ang kanilang mga tao upang kausapin ang mga ito.

Basahin ang Eter 6:19–23, at alamin ang ninanais ng mga tao.

  • Anong babala ang ibinigay ng kapatid ni Jared sa mga tao sa talata 23?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano kaya ang isasagot nila kung nasa ganitong sitwasyon sila. Maaari mo silang anyayahang pag-isipan kung paano nakaimpluwensya sa kanilang desisyon ang kaalaman nila tungkol sa Diyos at sa Kanyang mga propeta. Ang kanilang mga sagot ay makapagpapalakas ng pananampalataya at patotoo sa Diyos at sa Kanyang mga propeta.

Natupad ang mga babala

Sa kabila ng babala ng kapatid ni Jared, pinili pa rin ng mga tao na magkaroon ng hari. Matapos tumanggi ang ilan sa kanilang mga anak na lalaki, sa huli ay pumayag ang anak ni Jared na si Orihas na maging hari at naghari siya nang may kabutihan sa buong buhay niya (tingnan sa Eter 6:24–29; 7:1). Gayunman, ang propesiya ng kapatid ni Jared na ang pagkakaroon ng hari ay hahantong sa pagkabihag ay natupad nang maraming beses sa buong kasaysayan ng mga Jaredita.

Basahin ang mga sumusunod na talata, at hanapin ang mga halimbawa kung paano natupad ang propesiya ng kapatid ni Jared. Maaari mong isulat ang mga reference na ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Eter 6:23.

Sabihin sa mga handang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng ilan o lahat ng sumusunod na talata. Kung pipiliin mong huwag basahin ang lahat ng talata, tiyaking huwag laktawan ang Eter 7:1–5, na partikular na nagsasabing natupad ang propesiya ng kapatid ni Jared (tingnan sa Eter 7:5). Makatutulong din na basahin ang Eter 11:20–23, na nagpapakilala sa propetang si Eter.

  • Ano ang pinakanapansin mo sa mga talatang ito?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito tungkol sa mga ibubunga ng hindi pagtanggap sa mga propeta ng Panginoon?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay ang hindi pagtanggap sa mga propeta ng Panginoon ay maaaring humantong sa pagkabihag.

  • Ano ang ilang halimbawa ng kung paano maaaring makaranas ng pagkabihag ang isang tao sa pamamagitan ng pagbabalewala o pagtanggi sa mga propeta ng Panginoon?

    Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa naunang tanong, maaari kang magbahagi ng ilang halimbawa, tulad ng posibilidad na ang pagsuway sa Word of Wisdom o panonood ng pornograpiya ay maaaring humantong sa pagkabihag sa adiksyon. Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na ang lahat ng uri ng kasalanan ay nagpapahina sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa ating buhay.

  • Sa iyong palagay, bakit pinipili ng mga tao na balewalain ang payo at mga babala na ibinibigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta?

Payo sa makabagong panahon mula sa mga propeta ng Panginoon

Tulungan ang mga estudyante na makita kung paanong naaangkop pa rin ang katotohanang ito ngayon. Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan upang magawa ito.

Humanap ng mga payo o babala mula sa mga makabagong propeta at apostol. Maaaring magmula ang mga ito sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2022), o sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan. Tingnan kung makakakita ka ng mga partikular na salita o parirala na naglalarawan kung paano tayo pagpapalain kapag sinunod natin ang payong ito, gayundin ang mga ibubunga na maaari nating maranasan kapag binalewala natin ito.

Maaaring makatulong na hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at magtalaga sa bawat grupo ng magkakaibang paksa mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2022) na pag-aaralan nila habang kinukumpleto ang aktibidad na ito. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong. Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante upang talakayin ang kanilang mga sagot sa kanilang mga grupo.

  • Anong mga babala o payo ang nakita mo?

  • Ano ang ilang paraan na pagpapalain tayo ng Panginoon kapag sinunod natin ang payong ito?

  • Paano maaaring humantong sa pagkabihag ang pagbabalewala sa payo o mga babala na ito?

Kapag tapos na ang mga estudyante, anyayahan silang ibahagi sa klase ang ilan sa mga ideya nila.

Maaaring makatulong na ipabahagi sa mga estudyante ang mga sagot na nahanap nila para sa mga tanong na nakalista sa itaas. Halimbawa, maaaring ipaliwanag ng mga estudyanteng nag-aral ng payo mula sa bahaging “Lumakad sa Liwanag ng Diyos” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili na ang ating pinanonood, binabasa, pinakikinggan, o sinasalihan ay makapag-aanyaya ng mabubuting ideya o makapagpapahina ng ating pagiging madaling makadama sa Espiritu (tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili [buklet, 2022], 18).

Pagsasabuhay nito

Isipin kung paano ka tumutugon sa payo at mga babala ng mga propeta ng Panginoon, sa mga pagpapalang natanggap mo sa pagsunod sa mga ito, at sa payo na maaaring kailanganin mong sundin nang mas tapat.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paano sila pinagpala ng Panginoon nang sundin nila ang Kanyang payo sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Maaari ka ring magbahagi ng personal na karanasan.

Ang sumusunod ay makatutulong sa mga estudyante na maaaring pinanghihinaan ng loob dahil sa pagkabihag na nararanasan nila bunga ng pagbabalewala sa payo ng mga propeta ng Panginoon. Maaari ninyong basahin ang Mosias 7:33 bilang isang klase.

Maaaring pinanghihinaan ng loob ang ilan kapag nakararanas sila ng mga bunga ng pagbalewala sa payo at mga babala ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ngunit kahit nakagawa tayo ng mga pagkakamali, maililigtas tayo ng Tagapagligtas mula sa ating pagkabihag kapag bumaling tayo sa Kanya. Halimbawa, basahin ang Eter 7:25–27, at pansinin ang nangyari nang magsisi ang mga tao at bumalik sa Diyos.

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng passage na ito tungkol sa Panginoon? (tingnan din sa Mosias 7:33).

Para makakita ng isang halimbawa kung paano naranasan ng isang tao ang kaligtasan mula sa Panginoon matapos maranasan ang espirituwal na pagkabihag, maaari mong panoorin ang “Ang Kagyat na Kabutihan ng Diyos,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 3:37 hanggang 6:33.

2:3

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ngayon at hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa kanilang mga espirituwal na impresyon.