Seminary
Moroni 7:44–48: “Ang Dalisay na Pag-ibig ni Cristo”


“Moroni 7:44–48: ‘Ang Dalisay na Pag-ibig ni Cristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Moroni 7:44–48,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Moroni 7:44–48

“Ang Dalisay na Pag-ibig ni Cristo”

yakap ng Tagapagligtas ang isang batang musmos

Isipin ang mga pagkakataon na nadama mo ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Ano ang kaibang nagawa sa iyong buhay ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo? Isinulat ni Moroni ang katapusan ng sermon na ibinigay ng kanyang amang si Mormon sa sinagoga maraming taon na ang nakararaan. Itinuro ni Mormon kung paano “makapanangan sa bawat mabuting bagay” (Moroni 7:20, 25), lalo na sa pag-ibig sa kapwa-tao, ang “dalisay na pag-ibig ni Cristo“ (Moroni 7:47). Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang maunawaan at hangaring magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao sa iyong buhay.

Hangaring matamo ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao. Itinuro ni Mormon na mas lubos nating matatamo ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal para dito (tingnan sa Moroni 7:48). Hilingin sa Ama sa Langit na puspusin ang iyong puso ng pag-ibig sa kapwa-tao para sa iyong mga estudyante. Ang iyong matapat na pagsisikap na magpakita ng awa at pag-unawa ay makatutulong sa iyong mga estudyante na madama ang dalisay na pag-ibig ng Tagapagligtas.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga halimbawa kung kailan nagpakita ng pagmamahal ang Tagapagligtas, pati ng mga halimbawa ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo ngayon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

pagmamahal na tulad ng kay Cristo

Kung maaari, simulan ang klase sa pagpapakita o pagbabasa ng kahit isa sa mga sumusunod na kuwento ng isang taong tumutulong nang may pagmamahal. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung anong kaibhan ang magagawa ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo.

  • Isang batang lalaki ang di-makasariling nagbigay sa isa pang batang nangangailangan. Panoorin ang “The Coat” (2:07), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, o basahin ang kuwento, na totoong nangyari mula sa kabataan ni Pangulong Heber J. Grant (“The Coat,” Friend, Mar. 2012, 16–17).

    2:7
  • Sa halip na magbiro sa isang estranghero, dalawang batang lalaki ang nagpasiyang tulungan siya. Panoorin ang “Gordon Hinckley: Lessons I Learned as a Boy” (4:04), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

    2:3
  • Isang grupo ng mga kabataang babae ang tumulong nang may kabaitan at pag-ibig sa kapwa-tao sa isang estudyanteng may kapansanan. Panoorin ang “Charity: An Example of the Believers” (4:50), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

    4:50
  • Sa iyong palagay, bakit napakalaki ng impluwensya ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo sa ating buhay?

  • Sino ang naging halimbawa ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo sa iyong buhay?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na suriin ang sarili kung ano ang ginagawa nila para magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao. Ang sumusunod ay isang paraan kung paano nila ito magagawa.

Itinuro ni Mormon at ni Apostol Pablo na ang pagkakaroon ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo ay mahalaga sa ating pag-unlad (tingnan sa Moroni 7:44; 1 Corinto 13:2). Upang matulungan kang suriin kung gaano ka na nagkaroon ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo, pag-isipan kung gaano katotoo ang mga sumusunod na pahayag para sa iyo sa scale na 1 hanggang 5 (1 = hindi kailanman totoo; 5 = palaging totoo):

  • Sinisikap kong tulungan at paglingkuran ang ibang tao, lalo na kapag sila ay nahihirapan o pinanghihinaan ng loob.

  • Sinisikap kong maging mabait, matiyaga, at mapagpatawad sa iba, kahit mahirap silang makasundo.

  • Kapag naaangkop, sinasabi ko sa iba na mahal ko sila at nagmamalasakit ako sa kanila.

Habang pinag-aaralan mo ang Moroni 7, hilingin sa Panginoon na tulungan kang maunawaan ang pag-ibig sa kapwa-tao at magkaroon nito.

Ang sermon ni Mormon tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao

Sa nalalapit na pagtatapos ng kanyang isinulat, isinama ni Moroni ang sermon na ibinigay ng kanyang amang si Mormon sa “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo” (Moroni 7:3). Itinuro ni Mormon ang mga alituntunin ng pagmamahal na, kung pinakinggan nila, ay naiwasan sana ang pagkalipol ng mga Nephita. Ang mga turong ito ay may kaugnayan din kay Moroni, na nakasaksi sa malupit na paglipol ng mga Lamanita sa mga Nephita at nagpagala-gala nang mag-isa nang ilang taon.

Basahin ang Moroni 7:47 at markahan ang pariralang naglalarawan sa pagmamahal na itinuro ni Mormon.

Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito: Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo.

Ipinakita ni Jesucristo ang perpektong halimbawa sa atin kung paano mahalin ang ating kapwa. Basahin ang Moroni 7:45–48, at hanapin ang mga parirala na (1) higit pang naglalarawan sa pag-ibig sa kapwa-tao, o kung paano magmahal na katulad ng Tagapagligtas, at (2) nagpapalakas sa iyong hangaring magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao sa iyong buhay.

Ang Moroni 7:45–48 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magsanay na gamitin ang doktrinang itinuturo sa passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

Para gawing iba-iba at makabuluhan ang aktibidad na ito, maaari kang maglagay ng larawan ng Tagapagligtas sa pisara. Sa paligid ng larawan, isulat ang mga pariralang makikita ng mga estudyante. Kung kapaki-pakinabang, tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang sumusunod na impormasyon.

Maaaring makatulong ang mga sumusunod na kahulugan:

  • “nagtitiis nang matagal” = matiyagang tinitiis ang mga pagsubok

  • “hindi naiinggit” = hindi naiinggit sa iba

  • “hindi palalo” = mapagpakumbaba

  • “hindi naghahangad para sa kanyang sarili” = inuuna ang Diyos at ang mga pangangailangan ng iba bago ang sarili

  • “hindi kaagad nagagalit” = hindi madaling nagagalit

  • “naniniwala sa lahat ng bagay” = tinatanggap ang lahat ng katotohanan

Maaari mong markahan ang mula sa pariralang “ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang” sa talata 46 hanggang sa pariralang “iyon ay nagtitiis magpakailanman” sa talata 47. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Ang buhay ay may mga pangamba at kabiguan. Kung minsan nangyayari ang mga bagay-bagay na iba sa ating inaasahan. Kung minsan ay binibigo tayo ng mga tao, o nawawalan tayo ng kabuhayan o negosyo o nagkukulang sa atin ang gobyerno. Ngunit isang bagay sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan ang hindi bibigo sa atin—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. (Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 337)

  • Sa iyong palagay, bakit hindi tayo kailanman bibiguin ng dalisay na pag-ibig ni Cristo?

  • Paano tayo matutulungan ng pag-ibig ng Tagapagligtas sa mga paraang hindi magagawa ng sinuman?

Detalyadong itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao. Kung maaari, panoorin ang “Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 15:05 hanggang 17:22. O basahin ang mensahe, simula sa “Itinuturing ko ang pag-ibig sa kapwa” hanggang sa “pagtanggi sa bugsong uriin ang iba” (“Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang,“ Liahona, Nob. 2010, 124). Hanapin ang mga karagdagang parirala na ginamit ni Pangulong Monson para ilarawan ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.

2:3

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang narinig o nabasa nila at isulat ang mga karagdagang parirala o mahahalagang salita sa paligid ng larawan ng Tagapagligtas.

Ang mga tanong mo tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao

Ano ang mga tanong mo tungkol sa kung ano ang pag-ibig sa kapwa-tao o paano mapuspos ng pag-ibig na ito?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong ng mga estudyante.

Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang malaman kung dapat gawin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad nang mag-isa o sa maliliit na grupo.

Upang makatulong na sagutin ang iyong mga tanong, gawin ang mga sumusunod:

  1. Pag-aralan ang mga sumusunod na turo ng Tagapagligtas tungkol sa pagmamahal o pag-ibig sa kapwa-tao: Mateo 5:43–44; Mateo 22:37–40; Juan 15:12.

  2. Mag-isip ng isang salaysay sa banal na kasulatan kung saan nagpakita ang Tagapagligtas ng pag-ibig sa kapwa-tao. Hanapin at basahin ang halimbawang naisip mo, o gamitin ang isa sa mga sumusunod:

    1. Kumain ang Tagapagligtas kasama ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan (tingnan sa Mateo 9:10–13). (Ang maniningil ng buwis ay tagakolekta ng buwis para sa mga Romano, na sumakop sa Israel noong panahong iyon.)

    2. Sinagip at tinuruan ng Tagapagligtas ang babaeng nahuling nangangalunya (tingnan sa Juan 8:1–11).

    3. Ang Tagapagligtas ay nagdusa, nagbayad-sala, at namatay para sa buong sangkatauhan (tingnan sa Lucas 22:41–44; 23:33–34; 1 Nephi 19:9; Doktrina at mga Tipan 19:16–19).

    4. Pinagaling at binasbasan ng Tagapagligtas ang mga tao ng Amerika (tingnan sa 3 Nephi 17:5–12, 21–24).

  3. Isipin ang mga karanasan kung saan nadama mo ang dalisay na pag-ibig na mayroon ang Ama sa Langit at si Jesucristo para sa iyo o kung saan nakadama ka ng pag-ibig sa iyong kapwa.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan o naalala nila at kung paano ito makatutulong sa pagsagot sa kanilang mga tanong.

Paano magtamo at magpakita ng pag-ibig sa kapwa-tao

Maaari mong markahan ang payo ni Mormon na “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig” (Moroni 7:48).

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong ang pagdarasal sa Ama sa Langit para mapuspos tayo ng pag-ibig sa kapwa-tao?

Makatutulong na ipaliwanag sa mga estudyante na ang pag-ibig sa kapwa-tao ay isang banal na kaloob na nagmumula sa Ama sa Langit upang tulungan tayong maging higit na katulad ni Jesucristo. Magagawa natin ang lahat ng makakaya natin para matularan ang halimbawa ni Jesucristo, ngunit sa huli, ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao ay nagmumula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak.

Tulungan ang mga estudyante na gumawa ng makatotohanang sitwasyon kung saan maipapakita sa tugon ng isang teenager kung napupuspos ba siya ng pag-ibig sa kapwa-tao o hindi. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong.

  • Ayon sa natutuhan mo sa Moroni 7:45, 47–48 at sa halimbawa ng Tagapagligtas, paano ka makapagpapakita ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo sa sitwasyong ito?

  • Paano makatutulong sa iyo ang taos-pusong panalangin upang tumugon nang may pagmamahal sa sitwasyong ito?

  • Anong mga hamon ang maaari mong kaharapin sa pagsisikap mong ipamuhay ang natutuhan mo? Paano ka kikilos nang may pananampalataya sa kabila ng mga hamong ito?

Maglaan ng ilang sandali para isulat kung ano ang gusto mong gawin para mas maunawaan ang pag-ibig sa kapwa-tao at mas mapuspos nito.