Seminary
Moroni 7:1–19: “Masigasig na Saliksikin Ninyo ang Liwanag ni Cristo”


“Moroni 7:1–19: ‘Masigasig na Saliksikin Ninyo ang Liwanag ni Cristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Moroni 7:1–19,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Moroni 7:1–19

“Masigasig na Saliksikin Ninyo ang Liwanag ni Cristo”

mga taong nakikinig kay Cristo

Kung minsan ay mahirap malaman kung ano ang tama at kung ano ang hindi. Gayunman, binigyan tayo ng tulong ng Diyos. Hinikayat tayo ni Moroni, gamit ang mga salita ng kanyang ama, na gamitin ang Liwanag ni Cristo upang malaman ang tama sa mali. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na magtiwala kay Jesucristo na humahatol sa pagitan ng mabuti at masama.

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang masusing pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay makahihikayat sa mga estudyante na alalahanin kung paano nakaimpluwensya sa kanilang buhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang mga naranasan nila noon na nakatulong sa kanila na mas mapalapit kay Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang ibahagi kung paano naiimpluwensyahan ng kanilang paniniwala kay Jesucristo ang mga desisyong ginagawa nila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Aling parisukat ang mas mapusyaw?

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng sumusunod na larawan. Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang dalawang gray na parisukat at sabihin sa kapartner nila kung alin ang mas mapusyaw.

optical illusion na may mga gray na parisukat sa puti at itim na linya

Magugulat ba kayong malaman na pareho lang ang shade ng mga gray na parisukat? Nakikita ng iyong utak ang dalawang gray na parisukat bilang magkaibang shade dahil sa mapusyaw o matingkad na kulay na nakapalibot sa mga ito.

Sa halip na basahin ang sumusunod na talata, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Isaias 5:20 at sabihin sa kanila na ikumpara ang ilusyon ng mga parisukat sa propesiya ni Isaias tungkol sa ating panahon.

Tulad ng ilusyong ito, may mga sitwasyon kung saan mahirap gumawa ng mga tamang paghatol. Ipinropesiya ni Isaias na sa mga huling araw, may mga tao na “tinatawag na mabuti ang masama, at ang masama ay mabuti; [at] inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim” (Isaias 5:20; tingnan din sa 2 Nephi 15:20).

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila nakikita na natutupad ang propesiya ni Isaias sa ating panahon, maaari mong talakayin sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga tanong na ito.

  • Ano ang isang paraan na nakita mo ang mga tao sa ating panahon na “tinatawag na mabuti ang masama, at ang masama ay mabuti”?

  • Bakit mahirap para sa isang tao na madali o malinaw na makita ang katotohanan?

Hikayatin ang mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong.

  • Paano mo malalaman kung tama o mali ang isang bagay?

  • Gaano ka kakumpiyansa na matutukoy mo ang mabuti sa masama? Bakit?

Mag-isip ng isang bagay na gusto mong mas malinaw na matukoy kung mabuti o masama. Halimbawa, posibleng iniisip ng isang tao na maganda ang mga pinipili niyang musika, ngunit hindi sang-ayon dito ang kanyang mga magulang. Sino ang tama? Ang iba pang mga halimbawa ay maaaring pagpapasiya kung saan papanig sa isang isyung panlipunan, pagpili kung kanino makikipagkaibigan, pagsali sa isang libangan, at iba pa.

Sa pag-aaral mo ngayon, alamin kung ano ang makatutulong sa iyo para malaman mo kung mabuti o hindi ang isang bagay.

Ang pagkakaiba ng mabuti at masama

Tulad ni Isaias, nakita rin ni Moroni ang ating panahon (tingnan sa Mormon 8:35). Naglagay siya ng tulong para sa atin sa Aklat ni Mormon. Matapos ituro ang kahalagahan ng paggawa ng mabuti nang may tunay na layunin (tingnan sa Moroni 7:1–11), isinulat niya ang mga salitang itinuro ng kanyang amang si Mormon sa mga miyembro ng Simbahan tungkol sa paghatol sa mabuti at masama.

Basahin ang Moroni 7:12–17, at markahan ang malalaman mo para sa bawat prompt sa ibaba:

  1. Paano natin malalaman kung mabuti ang isang bagay

  2. Paano natin masasabi kung masama ang isang bagay

  3. Ang ginagawa ng Tagapagligtas para tulungan tayo

Kung sa palagay mo ay magiging mas epektibo, isulat ang tatlong prompt sa itaas na bahagi ng pisara at sabihin sa mga estudyante na isulat sa ibaba ng mga ito ang mga naaangkop na pariralang nalaman nila.

  • Batay sa mga nalaman mo sa mga talatang ito, paano mo ibubuod ang mga tinalakay na alituntunin?

Mula sa Moroni 7:12–17 matutuklasan natin na lahat ng bagay na mula sa Diyos ay nag-aanyaya sa atin na gumawa ng mabuti, maniwala kay Jesucristo, at ibigin at paglingkuran ang Diyos. Sa kabilang banda, yaong masama ay naghihikayat sa atin na magkasala, itatwa si Jesucristo, o kalabanin ang Diyos.

Maaaring gawin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad nang mag-isa, sa maliliit na grupo, o bilang isang klase.

Upang matulungan kang maunawaan ang mga turo ni Mormon, ipagpalagay na may isang tao na naniniwala na maganda ang musikang pinakikinggan niya at ang paraan ng paggamit niya ng kanyang telepono at iba pang teknolohiya, ngunit hindi sumasang-ayon dito ang kanyang mga magulang o lider.

  • Batay sa mga katotohanang natukoy mo, ano ang maaaring itanong ng taong ito sa kanyang sarili para malaman kung nakakabuti o hindi ang pinapakinggan niyang musika at ang paggamit niya ng teknolohiya?

Pakinggan ang mga sagot ng mga estudyante at maaari mong isulat ang mga ito sa pisara. Kung hindi mababanggit ng mga estudyante, maaari mong gamitin ang mga sumusunod na halimbawa:

  • Ang pakikinig ko ba sa musikang ito o ang paraan ko ng paggamit ng telepono ko at ng teknolohiya ay …

    • … nagpupuno sa aking isipan ng mga ideya na gumawa ng mabuti o gumawa ng kasalanan?

    • … humihikayat sa akin na gumawa ng mga bagay na gagawin o hindi gagawin ng isang tagasunod ni Jesucristo?

    • … nakatutulong sa akin na mahalin ang mga bagay ng Diyos o hindi?

Tandaan na maaaring kailanganin mong pag-isipan ang bawat isa sa ilang partikular na artist o kanta, gayundin ang ilang app, laro, o media. Bukod pa rito, mahalaga ring isaalang-alang ang haba ng oras na ginugugol mo sa isang aktibidad.

Liwanag na tutulong sa iyo na tumingin

Maaaring napansin mo na sa ilang sitwasyon, maaaring mahirap humatol sa tama o mali.

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maranasan ang ipinapaisip sa kanila sa sumusunod na talata.

Magagawa ito sa pamamagitan ng pagpatay sa mga ilaw at paghiling sa mga estudyante na subukang ilarawan ang isang larawan o magbasa ng isang bagay. Pagkatapos ay buksan na ulit ang mga ilaw at sabihin sa kanila na ilarawan o basahin itong muli.

Habang iniisip ito, pansinin ang mga parirala sa talata 16 na nagpapakita kung paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan para matulungan kang maunawaan ang Liwanag ni Cristo:

Bawat anak ng Ama sa Langit na isinilang sa mundong ito ay binigyan sa kanyang pagsilang ng libreng regalo, ang Liwanag ni Cristo. Nadama ninyo iyan. Ito ang pakiramdam kung ano ang tama at mali at kung ano ang totoo at hindi. Nasa inyo na iyan nang magsimula kayo sa paglalakbay sa buhay. …

… Gumagawa kayo araw-araw at halos oras-oras ng mga pagpili na nagpapanatili sa inyo sa paglakad sa liwanag o palayo tungo sa kadiliman. (Henry B. Eyring, “Magsilakad sa Liwanag,” Liahona, Mayo 2008, 123–124)

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Liwanag ni Cristo?

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Liwanag ni Cristo, tingnan sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Liwanag ni Cristo,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

Basahin ang Moroni 7:18–19, at alamin ang karagdagang payo na ibinigay ni Mormon tungkol sa paghatol sa pagitan ng mabuti at masama.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “masigasig na saliksikin ninyo ang Liwanag ni Cristo”?

    Pakinggang mabuti ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring banggitin ng mga estudyante ang tahimik na pagninilay, pag-iisip nang mabuti sa mga desisyon, at pakikinig sa ating konsiyensya o saloobin. Isa pang ideya ang pag-iisip kung ano ang mas maglalapit sa atin kay Jesucristo. Kung kapaki-pakinabang, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:

  • Paano maihahalintulad sa liwanag ang halimbawa at mga turo ng Tagapagligtas para tulungan tayong humatol nang tama sa pagitan ng tama at mali ngayon?

  • Ano ang ilang paraan na maririnig natin ang Kanyang mga salita at madarama natin ang Kanyang impluwensya na gumagabay sa atin?

Maaari ding makatulong na itanong, “Kailan ninyo natukoy ang isang bagay na mabuti o masama dahil sa liwanag ni Cristo sa inyong buhay?”

Pagpapamuhay ng natutuhan mo

Alalahanin ang sitwasyon na naisip mo kanina nang hilingin sa iyo na mag-isip ng isang bagay na gusto mong mas malinaw na matukoy kung mabuti o hindi. Maglaan ng ilang minuto para mapanalanging pag-isipan kung paano mo magagamit ang mga alituntuning natutuhan mo ngayon para malaman kung ito ay tama o mali. Sikaping masigasig na saliksikin ang Liwanag ni Cristo habang pinagninilayan mo ang sitwasyon. Isulat ang mga maiisip mo sa iyong study journal.

Maaaring gamitin ang mga sumusunod na tanong para tapusin ang klase sa isang talakayan tungkol sa natutuhan ng mga estudyante.

  • Ano ang natutuhan mo ngayon na makatutulong sa iyo na pagbutihin ang kakayahan mong pumili sa pagitan ng tama at mali?

  • Sa anong dalawa o tatlong aspeto ng buhay mo kailangang matagumpay mong matukoy ang mabuti sa masama? Bakit?