Seminary
Moroni 7:20–43: Pagkakaroon ng Pag-asa kay Cristo


“Moroni 7:20–43: Pagkakaroon ng Pag-asa kay Cristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Moroni 7:20–43,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Moroni 7:20–43

Pagkakaroon ng Pag-asa kay Cristo

nakangiti si Cristo sa isang bata

Naranasan mo na bang mangailangan ng higit pang pag-asa sa iyong buhay? Si Moroni, na mag-isang nagpagala-gala sa loob ng maraming taon matapos malipol ang kanyang mga tao, ay isinulat ang mga salita ng kanyang ama tungkol sa pag-asang may darating na magagandang bagay sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng higit pang pag-asa sa pamamagitan ni Jesucristo.

Tulungan ang mga estudyante na makilala ang impluwensya ng Panginoon sa kanilang buhay. Maghanap ng mga pagkakataon para mabigyang-diin ang nagpapasiglang kapangyarihan at awa ng Tagapagligtas na nakasulat sa mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano pinagaan ni Jesucristo ang kanilang mga pasanin at tinulungan silang tiisin ang mga paghihirap. Hikayatin sila na bumaling nang may pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong sabihin sa mga estudyante na basahin ang 1 Pedro 3:15 at pag-isipan kung paano sila binibigyan ni Jesucristo ng pag-asa.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Manangan sa bawat mabuting bagay

Kung maaari, maghanda ng isang mesa na may mga bagay na malamang magustuhan o hindi magustuhan ng mga estudyante (halimbawa, maaaring maglagay ng masasarap na pagkain sa mesa pati na mga lantang gulay at balat ng kendi). Magsimula sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga estudyante na lumapit sa mesa at “manangan” sa isang bagay na pinili nila. Itanong sa kanila kung bakit iyon ang pinili nila at kung maituturing ba nila itong “mabuting bagay.”

Sa Moroni 7, sinabi ni Mormon na nais niyang tulungan ang kanyang mga tao kung paano nila malalaman kung paano sila “makapa[na]nangan sa bawat mabuting bagay” (talata 21).

  • Nang gamitin ni Mormon ang pariralang “mabuting bagay,” ano sa palagay mo ang tinutukoy niya?

  • Ano ang ilan sa espirituwal at walang hanggang “mabubuting bagay” na gusto mong tanganan, o tanggapin, sa buhay na ito o sa kabilang-buhay?

Maaalala mo na sa Moroni 7:12–19, itinuro ni Mormon na lahat ng mabubuting bagay ay nagmumula kay Jesucristo. Basahin ang Moroni 7:20–26, at alamin ang itinuro ni Mormon tungkol sa kung paano matatanggap ang mabubuting bagay na ito mula kay Cristo.

  • Ano ang nalaman mo?

    Kung kinakailangan, ipaliwanag na binigyang-diin ni Mormon na kailangan nating manampalataya kay Jesucristo. Itinuro ni Mormon na upang tulungan tayong magkaroon ng pananampalataya kay Cristo, nagsugo ang Ama sa Langit ng mga anghel upang magturo tungkol sa Kanyang Anak.

  • Anong mga salaysay ang naiisip mo kung saan nagpadala ang Ama sa Langit ng mga anghel upang ipahayag na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan?

Maaaring kabilang sa ilang sagot ang mga anghel na dumating kina Adan at Eva (Moises 5:6–9), Haring Benjamin (Mosias 3:1–11), at sa mga pastol (Lucas 2:10–12).

Ang kahulugan ng pag-asa

Para matulungan kang maghandang malaman ang iba pa tungkol sa mga turo ni Mormon tungkol sa pag-asa, basahin ang salaysay na ito mula kay Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Bago ako nag 12-anyos, dalawang beses napilitang lisanin ng aming pamilya ang aming tahanan at magsimulang muli sa gitna ng kaguluhan, takot, at kawalang-katiyakan na dulot ng digmaan at hidwaan sa pulitika. Maligalig na panahon iyon para sa akin. …

Ang panahong ito ng kawalan ng pag-asa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nagkaroon ng malaking epekto sa mundo. Nagkaroon ito ng epekto sa akin.

Noon, sa aking pag-iisa sa pinakamalulungkot na oras ko, madalas kong maisip, “May pag-asa pa bang natitira sa mundo?” (Dieter F. Uchtdorf, “Kasama Natin ang Diyos,” Liahona, Mayo 2021, 8)

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit nakadarama ang mga tao ng kawalan ng pag-asa sa panahon ngayon?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.

Ginunita ni Elder Uchtdorf na “habang nalulunod ang mundo sa pagdududa, kapaitan, pagkamuhi, at pangamba,” nakita niya ang isang bagay na “[pumuspos sa kanya] ng pag-asa“ (“Kasama Natin ang Diyos,” Liahona, Mayo 2021, 8).

Nakararanas ka ba ng kawalan ng pag-asa sa iyong buhay? Isipin kung ano ang nagbibigay sa iyo ng pag-asa kahit sa pinakamahihirap na kalagayan. Habang patuloy mong pinag-aaralan ang lesson na ito, hanapin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na mapuspos ka ng pag-asa.

Itinuro ni Mormon ang tungkol sa pag-asa

Basahin ang Moroni 7:40–44, at alamin kung paano nauugnay sa pag-asa ang ating pananampalataya kay Jesucristo.

Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipaliwanag na itinuro din ni Mormon na ang pag-ibig sa kapwa-tao ay kinakailangan upang makapanangan sa lahat ng mabubuting bagay na nagmumula kay Cristo. Tatalakayin sa susunod na lesson ang pag-ibig sa kapwa-tao.

  • Paano mo ibubuod ang talata 41 sa sarili mong mga salita?

Isang katotohanan mula sa mga turo ni Mormon

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula kay Mormon ay kung sasampalataya tayo kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng Kanyang pagbabayad-sala na ibabangon tayo tungo sa buhay na walang hanggan.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng magkaroon ng pag-asa kay Jesucristo?

    Sa pagsagot ng mga estudyante, tulungan silang maunawaan na ang ganitong uri ng pag-asa ay hindi makamundong hangarin. Ang pag-asa kay Jesucristo ay ang mapupuspos ng katiyakan na magiging karapat-dapat tayo sa buhay na walang hanggan kalaunan.

  • Bakit kailangan nating maging mapagpakumbaba, o “maamo at may mapagpakumbabang puso“ (Moroni 7:43), upang sumampalataya kay Jesucristo at magkaroon ng pag-asa?

Para makakita ng halimbawa ng isang taong nakahanap ng pag-asa sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, rebyuhin ang isa sa mga sumusunod na salaysay. Habang ginagawa mo ito, alamin kung paano nakaranas ng pag-asa ang taong iyon sa pamamagitan ni Jesucristo.

Pumili ng isa sa mga sumusunod na salaysay na ibabahagi sa klase, o ipahanda ang lahat ng salaysay at hayaang pumili ang mga estudyante ng salaysay na gusto nilang basahin o panoorin.

  • Basahin ang Alma 22:12–18, ang kuwento tungkol sa ama ni Haring Lamoni.

  • Basahin ang Alma 36:12–21, o panoorin ang “Nagpatotoo si Alma sa Kanyang Anak na si Helaman,” na mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 1:30 hanggang 2:32.

    7:8

    Nagpatotoo si Alma sa Kanyang Anak na si Helaman | Alma 36–37

    Ipinaliwanag ng Nakababatang Alma ang kanyang pagbabalik-loob sa kanyang anak na si Helaman. Nangako si Alma na kung susundin ni Helaman ang mga kautusan ng Diyos, uunlad siya. Iniutos ni Alma sa anak na ingatan ang mga sagradong talaan ng mga tao.

  • Panoorin ang “Finding Hope through the Resurrection of Christ“ (4:41), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

    4:41

    Finding Hope Through the Resurrection of Christ

    Jesus Christ is central to our Heavenly Father’s plan of salvation. Through our Savior’s atonement and resurrection, He made it possible for us to live again with our loved ones for eternity.

  • Panoorin ang “Ang Dalubhasang Manggagamot,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 8:49 hanggang 11:53.

    13:0

    The Master Healer

    Sister Stephens testifies of the Savior’s power to heal us from our sins, from the unrighteous actions of others, and from difficulties of mortality.

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isang pagkakataon kung saan nagkaroon sila ng pag-asa sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo at kung paano kaya maiiba ang sitwasyon kung wala ang pag-asang iyon.

Mahalagang pansinin na kahit nagpapakita tayo ng pananampalataya kay Jesucristo at umaasa sa mga pagpapalang ibinibigay Niya, maaari pa rin tayong magkaroon ng mahihirap na sandali sa ating buhay. Ngunit kapag patuloy tayong sumasampalataya sa Tagapagligtas at tumutuon sa Kanya at sa buhay na walang hanggan na ginawa Niya na posible para sa atin, matatamo natin ang pag-asang hinahangad natin.

icon ng handout Para sa sumusunod na aktibidad, maaari mong sabihin sa mga estudyante na magtulungan sa maliliit na grupo para kumpletuhin ang handout.

Pagkakaroon ng Pag-asa kay Jesucristo

Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)—“Moroni 7:20–43: Pagkakaroon ng Pag-asa kay Cristo”

Para matulungan kang pag-isipan kung paano nakakaapekto sa ating buhay sa iba’t ibang sitwasyon ang pagkakaroon ng pag-asa dahil kay Cristo, pumili ng isa sa mga sumusunod na sitwasyon (o mag-isip ng sarili mong sitwasyon):

  • Bumalik si James sa masasamang gawi na inakala niyang tinalikdan na niya.

  • Tumigil sa pagsisimba ang ama ni Becca at sinabi nito na hindi na siya naniniwala sa Diyos.

  • Nahihirapan si Analise na gawin ang lahat ng kanyang obligasyon sa paaralan, trabaho, at tahanan.

Tapusin ang dalawang pariralang ito, at ilahad kung paano maaaring tingnan ng indibiduwal ang kanyang sitwasyon sa ibang paraan:

  • Nang walang pag-asa kay Jesucristo,

  • Nang may pag-asa kay Jesucristo,

Talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano maaaring sumampalataya ang taong ito kay Jesucristo? Tingnan kung makakahanap ka ng banal na kasulatan na isasama sa iyong sagot.

  • Paano makatutulong ang pagsampalataya sa ganitong paraan para magkaroon ang taong ito ng higit na pag-asa sa pamamagitan ni Jesucristo?

  • Ano kaya ang sasabihin mo sa taong ito kung tatanungin ka niya kung bakit ka umaasa kay Jesucristo? (Tingnan sa 1 Pedro 3:15.)

Matapos makumpleto ng mga grupo ang aktibidad, anyayahan silang pumili ng isang tagapagsalita na magbabahagi tungkol sa isa sa mga bagay na pinag-usapan nila na sa palagay nila ay pinakamakatutulong.

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa pagkakaroon ng pag-asa sa Tagapagligtas. Tandaan na ang ilan sa iyong mga estudyante ay maaaring naghahanap ng higit na pag-asa sa kanilang buhay. Ang iyong patotoo at ang mga patotoo ng kanilang mga kaklase ay maaaring maging malaking biyaya para sa kanila at makapagbigay-inspirasyon sa kanila nang may higit na pag-asa.