Seminary
Moroni 10:8–25: “Bawat Mabuting Kaloob ay Nagmumula kay Cristo”


“Moroni 10:8–25: ‘Bawat Mabuting Kaloob ay Nagmumula kay Cristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Moroni 10:8–25,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Moroni 10:8–25

“Bawat Mabuting Kaloob ay Nagmumula kay Cristo”

tumatanggap ng regalo

Ano ang isang regalo na natanggap mo na nakapagdulot ng malaking pagbabago sa iyong buhay? Ano ang sinasabi sa iyo ng regalong ito tungkol sa taong nagbigay nito? Pinatotohanan ni Moroni ang tungkol sa mga kaloob na ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Espiritu para sa kapakinabangan nila. Pagkatapos ay hinikayat ni Moroni ang mga mambabasa na pahalagahan at tanggapin ang mga espirituwal na kaloob na ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na hangaring matamo ang mga kaloob ng Espiritu.

Tulungan ang mga estudyante na madama na sila ay iginagalang at pinahahalagahan. Ang bawat estudyante ay anak ng Diyos na may mga natatanging katangian, talento, at kaloob. Maging mapagmasid at pansinin kapag nagsisikap ang mga estudyante na lumahok sa positibong mga paraan. Hikayatin ang pagtanggap at pagmamahal sa lahat ng miyembro ng klase.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na alamin ang tungkol sa mga kaloob ng Espiritu. Maaari nilang gamitin ang mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan tulad ng entry sa Mga Paksa ng Ebanghelyo na “Mga Espirituwal na Kaloob,” na makikita sa topics.ChurchofJesusChrist.org.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga Kaloob

Isipin ang ilan sa mga kilala mong tao na nagbibigay ng pinakamagagandang regalo.

  • Ano ang mga katangian ng mga taong ito kaya sila nakapagbibigay ng magagandang regalo?

Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa isa sa mga katangian ng Ama sa Langit sa Mateo 7:9–11. Basahin ang mga talatang ito, at alamin kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa Ama.

Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa sumusunod na tanong. Depende sa mga sagot ng mga estudyante, maaari ninyong basahin bilang isang klase ang mga banal na kasulatan na nakalista pagkatapos ng tanong.

Ngayon ay magkakaroon ka ng pagkakataong malaman ang tungkol sa mga kaloob mula sa Diyos na tinatawag na mga kaloob ng Espiritu o mga espirituwal na kaloob. Sa iyong pag-aaral, isipin kung paanong ang mga kaloob na ito ay katibayan ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa iyo at sa iba. Isipin din kung paano makakaimpluwensya sa iyong pasasalamat at pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang pagkakaroon ng mga kaloob na ito.

Mga espirituwal na kaloob mula sa Diyos

Ipakita ang sumusunod na kahulugan upang maisulat ito ng mga estudyante sa kanilang study journal.

Ang mga espirituwal na kaloob ay “mga pagpapala o kakayahan na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang mga kaloob ng Espiritu ay ibinigay upang pagpalain at tulungan ang mga yaong nagmamahal sa Panginoon at nagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan. (Tingnan sa Doctrine and Covenants 46:9.)” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Mga Espirituwal na Kaloob,” topics.ChurchofJesusChrist.org).

Basahin ang Moroni 10:8, at alamin ang itinuro ni Moroni tungkol sa mga espirituwal na kaloob.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa mga espirituwal na kaloob mula sa talatang ito?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talatang ito ay nagbibigay ang Diyos sa Kanyang mga anak ng mga kaloob ng Espiritu para sa kanilang kapakinabangan.

  • Sa iyong palagay, paano natin magagamit ang mga pagpapala o kakayahang ibinibigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo para tulungan ang ating sarili o ang iba?

Isipin ang mga tanong mo tungkol sa mga espirituwal na kaloob. Isulat ang mga tanong na ito sa iyong study journal. Sa iyong patuloy na pag-aaral, hanapin ang mga turo na makatutulong sa pagsagot sa iyong mga tanong.

Maaari mong ipabahagi sa mga estudyante ang ilan sa kanilang mga tanong. Maaari mong isulat ang mga ito sa pisara. Maaaring may mga tanong ang mga estudyante na tulad ng sumusunod: Ano ang mga halimbawa ng mga espirituwal na kaloob? Anong mga espirituwal na kaloob ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos? Paano ako makatatanggap ng mga espirituwal na kaloob?

Ano ang mga halimbawa ng mga espirituwal na kaloob?

Nagbahagi si Moroni ng ilang halimbawa ng mga espirituwal na kaloob na maibibigay sa atin ng Diyos. Basahin ang Moroni 10:9–16, at hanapin ang mga halimbawang ito.

Maaaring makatulong na malaman na ang pagtuturo ng “salita ng karunungan” (talata 9) ay maaaring tumukoy sa kakayahang tulungan ang iba na gumamit ng mabuting paghatol o ipamuhay ang kanilang kaalaman; ang pagtuturo ng “salita ng kaalaman” (talata 10) ay maaaring tumukoy sa kakayahang tulungan ang iba na malaman ang tungkol sa Diyos at sa Kanyang mga batas; at ang “lahat ng uri ng wika” (talata 15) ay maaaring tumukoy sa kakayahang magsalita ng mga wikang banyaga o hindi kilalang wika.

  • Anong mga kaloob ng Espiritu ang binanggit sa mga talatang ito?

  • Ano ang ilang halimbawa ng kung paano mo nasaksihang ipinapakita ang mga kaloob na ito?

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang mga espirituwal na kaloob ay walang katapusan ang bilang at walang hanggan ang pagkakaiba-iba” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 371).

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga halimbawa ng mga espirituwal na kaloob na maipagkakaloob sa kanila ng Diyos bukod pa sa mga nakalista sa Moroni 10. Kung kinakailangan, maaari kang magbahagi ng mga halimbawang tulad ng sumusunod.

Mabibiyayaan tayo ng Diyos ng walang katapusang bilang ng mga espirituwal na kaloob, kabilang na ang pananampalataya kay Jesucristo, personal na paghahayag, dagdag na kakayahang sundin ang mga kautusan, at pagkakaroon ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo para sa iba.

Upang maihanda ang mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong, sabihin sa kanila na isipin ang mga pagkakataon sa kanilang buhay na nabiyayaan sila ng Diyos ng mga espirituwal na kaloob. Hikayatin silang magbahagi ng mga halimbawa na hindi masyadong personal. Maaari ka ring magbahagi ng mga halimbawa mula sa sarili mong buhay.

  • Ano ang natututuhan mo tungkol sa Ama sa Langit kapag iniisip mo ang mga kaloob na nais Niyang ibigay sa atin?

  • Paano tayo matutulungan ng mga espirituwal na kaloob na maging higit na katulad ng Diyos?

Paano tayo makatatanggap ng mga espirituwal na kaloob?

Basahin ang Moroni 10:24–25, 30, at alamin ang itinuro ni Moroni tungkol sa pagtanggap ng mga espirituwal na kaloob mula sa Diyos.

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa kung paano tayo mabibiyayaan ng mga kaloob ng Espiritu?

Maaaring gamitin ang mga sumusunod na pahayag upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano nila masusunod ang payo ni Moroni na “manangan sa” mga espirituwal na kaloob (Moroni 10:30). Maaari mong idispley ang mga pahayag na ito at ipabasa ang mga ito nang malakas sa mga nagboluntaryo.

Ibinahagi ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901) ng Unang Panguluhan ang isang paraan na maaari nating matamo ang mga espirituwal na kaloob:

Kung hindi perpekto ang sinuman sa atin, tungkulin nating ipagdasal na mapasaatin ang kaloob na gagawin tayong perpekto. … Hindi dapat sabihin ng sinuman na, “Ah, hindi ko kontrolado ito; likas na sa akin ito.” Hindi siya mabibigyang-katwiran dito, sapagka’t nangako ang Diyos … na [magbibigay Siya] ng mga kaloob na pupuksa [sa ating mga kahinaan]. (George Q. Cannon, “Paghahangad ng mga Espirituwal na Kaloob,” Liahona, Abr. 2016, 80)

Ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang isa pang paraan para maging karapat-dapat tayo sa mga kaloob ng Espiritu:

2:3

Nalilinang natin ang mga espirituwal na kaloob sa pagsunod sa mga kautusan at pagsisikap na mamuhay nang walang bahid ng kasalanan. Nangangailangan iyan ng pananampalataya kay Jesucristo upang makapagsisi at malinis sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. (Henry B. Eyring, “Maglingkod nang May Espiritu,” Liahona, Nob. 2010, 59)

  • Ano ang natutuhan mo mula sa mga pahayag na ito tungkol sa mga paraan na mabibiyayaan tayo ng mga espirituwal na kaloob?

  • Sa iyong palagay, bakit kailangan ang mga binanggit na pagkilos upang maging karapat-dapat para sa mga kaloob ng Espiritu?

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan ang natutuhan nila at kung paano nila ito ipamumuhay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga sumusunod na tagubilin. Pagkatapos ay patotohanan ang mga katotohanang napag-aralan ninyo ngayon at hikayatin ang mga estudyante na hangaring matamo ang mga espirituwal na kaloob.

Isipin ang natutuhan mo ngayon tungkol sa mga espirituwal na kaloob na gusto mong tandaan, kabilang kung paano makagagawa ng kaibhan sa iyong buhay ang mga espirituwal na kaloob. Alamin kung ano ang gagawin mo upang mas matamo ang mga espirituwal na kaloob na nais na ipagkaloob sa iyo ng Ama sa Langit. Isulat ang mga naisip at impresyon mo sa iyong study journal.