Seminary
Moroni 10:26–34: “Lumapit kay Cristo”


“Moroni 10:26–34: ‘Lumapit kay Cristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Moroni 10:26–34,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Moroni 10:26–34

“Lumapit kay Cristo”

ang Tagapagligtas na nakaunat ang mga bisig

Ipinadala tayo sa mundo para matuto at umunlad upang magtamo tayo ng buhay na walang hanggan. Upang matulungan tayo, isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Tumawag din Siya ng mga propeta upang magturo at magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Sa mga huling talata ng Aklat ni Mormon, inanyayahan ni Moroni ang lahat na sundin ang Tagapagligtas. Matutulungan ka ng lesson na ito na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32).

Hikayatin ang mga mag-aaral na magsikap na maging katulad ni Jesucristo. Tulungan ang mga estudyante na makilala ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo upang matukoy ang mga paraan na maaari silang maging higit na katulad ni Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na mapanalanging pag-isipan ang mga partikular na hakbang na magagawa nila sa kanilang pagsisikap na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang ibahagi kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng pariralang “lumapit kay Cristo.” Maaaring hanapin ng mga estudyante ang parirala sa Gospel Library app kung kailangan nila ng tulong.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paalala: Ang lesson na ito ay nakatuon sa doktrinang itinuro sa Moroni 10:26–34. Magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong magbahagi tungkol sa kanilang mga karanasan sa pag-aaral ng kabuuan ng Aklat ni Mormon sa lesson na “I-assess ang Iyong Pagkatuto 10.”

Mga layunin ng Aklat ni Mormon

Maaari kang magpakita ng isang larawan ng iba’t ibang bagay o magdala ng mga ito sa klase. Sabihin sa mga estudyante na ibuod kung ano ang gamit ng bawat bagay. Pagkatapos ay magpakita ng kopya ng Aklat ni Mormon at talakayin ang mga layunin nito.

Sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon, ipinahayag ni Moroni na ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang hikayatin tayo na “si Jesus ang Cristo.” Ang salitang “Cristo” ay “sa wikang Griyego ay katumbas ng salitang Mesiyas. Ang ibig sabihin nito ay pinahiran ng langis na Propeta, Saserdote, Hari, at Tagapagligtas” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Paano napalakas ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon ang iyong paniniwala kay Jesucristo?

  • Paano nakatulong sa iyo ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon na sundin si Jesucristo?

    Ang sumusunod na tanong ay para sa personal na pagninilay-nilay.

  • Kumusta na ang pagsisikap mong sumunod sa Kanya?

Mga huling paanyaya ni Moroni

Matapos ituro ang tungkol sa mga kaloob ng espiritu at magbabala tungkol sa mga bunga ng kawalang-paniniwala, nagsalita si Moroni tungkol sa Aklat ni Mormon.

Basahin ang Moroni 10:27–29, at alamin ang ipinropesiya ni Moroni na mangyayari.

  • Ano sa palagay mo ang mararamdaman mo kapag nakita mo si Moroni sa hukumang-luklukan?

Pagkatapos ay ipinahayag ni Moroni ang kanyang mga huling payo, o paanyaya.

Basahin ang Moroni 10:30–34, at alamin ang paanyaya ni Moroni na gawin natin at ang mga ipinangakong pagpapala na ibinahagi niya

Ang layunin ng sumusunod na pagsasanay ay tulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pang-unawa sa ilan sa mga sinabi ni Moroni.

Maaari mong ipakita ang sumusunod na chart o kopyahin ito sa pisara. Kung kokopyahin mo ito sa pisara, isulat ang mga pamagat ng bawat column at ipabasa sa mga estudyante ang Moroni 10:30–34 at ipalista sa kanila ang naaangkop sa bawat column. Pagkatapos, maaari mong idagdag ang mga scripture reference at mga tulong sa pag-aaral para mapalalim ng mga estudyante ang kanilang pag-unawa.

Maaari mong hatiin ang mga paanyaya at pangakong ito sa mga estudyante at anyayahan silang ipaliwanag sa klase ang ibig sabihin ng mga ito. Maaari ding mag-aral ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na talakayin ang natuklasan nila. Maaaring makatulong sa talakayan ang mga tanong na kasunod ng chart.

Maaari ka ring maglagay ng mga piraso ng papel na naglalaman ng mga paanyaya, mga pangako, at mga kaugnay na banal na kasulatan ng mga ito sa iba’t ibang lugar sa silid-aralan. Sabihin sa mga estudyante na lumibot sa silid at pag-aralan ang iba’t ibang paanyaya at pangako.

Ang dapat nating gawin (mga paanyaya ni Moroni)

Ang ipinapangako ng Ama sa Langit

Ang dapat nating gawin (mga paanyaya ni Moroni)

Manangan sa bawat mabuting kaloob. (Tingnan sa Moroni 7:19; Doktrina at mga Tipan 6:7.)

Iwasan ang masasamang kaloob at maruruming bagay. (Tingnan sa 2 Nephi 4:27–28; Mormon 9:28.)

Pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan. (Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:25–26; Mosias 3:19.)

Ibigin ang Diyos nang buo nating kakayahan, pag-iisip, at lakas. (Tingnan sa Mateo 22:36–38; Omni 1:26.)

Ang ipinapangako ng Ama sa Langit

Ang Kanyang biyaya ay sapat at magagawa tayong ganap. (Tingnan sa 2 Nephi 10:24; 25:23; Eter 12:27; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.)

Tayo ay pababanalin at tatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. (Tingnan sa 3 Nephi 27:20; Doktrina at mga Tipan 76:41; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapabanal,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.)

Tayo ay magiging banal na walang bahid-dungis. (Tingnan sa Levitico 19:2; Doktrina at mga Tipan 87:8; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.)

  • Alin sa mga parirala o pangako ang pinakamakabuluhan sa iyo at bakit?

  • Paano makatutulong sa iyo ang pagkilos ayon sa mga paanyayang ito na lumapit kay Jesucristo?

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin sa Moroni 10:30–34?

Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay kapag lumapit tayo kay Jesucristo, tayo ay magiging ganap sa Kanya.

“Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya”

Maaari mong ipanood ang video na “Come unto Christ: 2014 Theme Song” (4:48), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Sabihin sa mga estudyante habang nanonood sila na pagnilayan kung paano sila natulungan ng biyaya ng Tagapagligtas sa oras ng kanilang pangangailangan.

4:48
  • Ano ang ginawa ni Jesucristo upang matanggap natin ang mga pangako sa Moroni 10:30–34 at maging ganap sa Kanya?

  • Sa anong paraan mo nakita ang biyaya (banal na tulong o lakas) ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na nagkakaroon ng epekto sa iyong buhay?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas lubos na lumapit kay Cristo, maaari kang magbahagi ng patotoo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na gawin tayong ganap at dalisay kung lalapit tayo sa Kanya.

Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na magagawa nila para lumapit kay Cristo at maging ganap sa Kanya. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal. Bigyan ang mga estudyante ng oras sa klase na kumilos ayon sa kanilang mga desisyon, kung maaari. Kung ginagawa ng mga estudyante ang mga mithiin sa pag-unlad ng mga kabataan na tumutulong sa kanila na lumapit kay Cristo, maaari nilang patuloy na pagsikapan ang mga mithiing iyon.

  • Mayroon bang anumang kasamaan sa buhay ko na kailangan kong ipagkait sa aking sarili (halimbawa, mga impluwensya ng media o masasamang gawi)?

  • Paano ko mas mamahalin ang Diyos nang buo kong kakayahan, pag-iisip, at lakas?

  • Paano makatutulong sa akin ang paggawa ng mga bagay na ito para maging higit na katulad ni Jesucristo?