“Disyembre 2–8: ‘Upang Mapanatili Sila sa Tamang Daan.’ Moroni 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Disyembre 2–8. Moroni 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Disyembre 2–8: “Upang Mapanatili Sila sa Tamang Daan”
Moroni 1–6
Nang matapos niya ang talaan ng kanyang ama tungkol sa mga Nephita at napaikli ang talaan ng mga Jaredita, inakala ni Moroni na tapos na ang kanyang pagtatala (tingnan sa Moroni 1:1). Ano pa ba ang maaaring sabihin tungkol sa dalawang bansang lubusan nang nalipol? Ngunit nakita ni Moroni ang ating panahon (tingnan sa Mormon 8:35), at nahikayat siyang “[sumulat] ng ilan pang bagay, na marahil ang mga yaon ay magiging mahalaga … sa mga darating na araw” (Moroni 1:4). Alam niya na parating na ang malawakang apostasiya, na may lakip na kalituhan tungkol sa mga ordenansa ng priesthood at sa relihiyon sa pangkalahatan. Maaaring ito ang dahilan kaya nagbigay siya ng naglilinaw na mga detalye tungkol sa sakramento, binyag, pagbibigay ng kaloob na Espiritu Santo, at mga pagpapala ng pakikitipon sa mga kapwa mananampalataya para “mapanatili [ang isa’t isa] sa tamang daan, … umaasa lamang sa mga gantimpala ni Cristo, na siyang may akda at tagatapos ng [ating] pananampalataya” (Moroni 6:4). Ang mahahalagang kabatirang tulad ng mga ito ay nagbibigay sa atin ng dahilan para magpasalamat na pinangalagaan ng Panginoon ang buhay ni Moroni para siya ay “[maka]sulat pa ng ilan pang bagay” (Moroni 1:4).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Maaari akong sumunod kay Jesucristo sa kabila ng oposisyon.
Habang binabasa mo ang Moroni 1, ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa katapatan ni Moroni sa Panginoon at sa kanyang tungkulin? Ano ang ilang paraan na ang isang tao ay maaaring “[magtatwa] kay Cristo”? (Moroni 1:2–3). Pagnilayan kung paano ka maaaring maging tapat kay Jesucristo, kahit nahaharap ka sa mga pagsubok at oposisyon.
Kailangang pangasiwaan ang mga ordenansa ng priesthood ayon sa utos ng Panginoon.
Tumatakas si Moroni para iligtas ang kanyang buhay nang isulat niya ang mga kabanatang ito. Bakit siya mag-aabalang sumulat tungkol sa mga detalye sa pangangasiwa tulad ng kung paano magsagawa ng mga ordenansa? Pagnilayan ito habang binabasa mo ang Moroni 2–6. Sa palagay mo, bakit mahalaga ang mga detalyeng ito sa Panginoon? Narito ang ilang tanong na maaaring gumabay sa iyong pag-aaral:
-
Kumpirmasyon (Moroni 2; 6:4).Ano ang itinuturo sa iyo ng mga tagubilin ng Tagapagligtas sa Moroni 2:2 tungkol sa ordenansa ng kumpirmasyon? Paano mo ipaliliwanag ang kahulugan ng “nahikayat at nalinis ng kapangyarihan ng Espiritu Santo”? (Moroni 6:4).
-
Ordinasyon sa priesthood (Moroni 3).Ano ang nakikita mo sa kabanatang ito na maaaring makatulong sa isang tao na maghandang maorden sa priesthood? Ano ang nakikita mo na makakatulong sa isang tao na maghandang magsagawa ng isang ordinasyon?
-
Ang sakramento (Moroni 4–5; 6:6).Ano ang magagawa mo para gawing espirituwal na tampok ng buong linggo mo ang sakramento?
-
Binyag (Moroni 6:1–3).Ano ang ginagawa mo para patuloy na matugunan ang mga kwalipikasyon para sa binyag?
Batay sa natutuhan mo, paano mo babaguhin ang mga paraan ng iyong pag-iisip, paglahok, o paghahanda sa iba para sa mga ordenansang ito?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:20.
Ang pakikibahagi ng sakramento ay mas naglalapit sa atin kay Jesucristo.
Marahil ay maraming beses mo nang narinig ang mga panalangin sa sakramento, pero gaano kadalas mo pinag-iisipang mabuti ang kahulugan ng mga salita? Maaari mo sigurong subukang isulat ang dalawang panalangin sa sakramento mula sa iyong alaala. Pagkatapos ay ikumpara ang isinulat mo sa Moroni 4:3 at 5:2. May napansin ka bang anuman tungkol sa mga panalanging ito na hindi mo napansin dati?
Isiping magsama ng isang himno sa sakramento sa iyong pag-aaral, tulad ng “Bilang Paggunita Kay Cristo” (Mga Himno, blg. 112).
Pinangangalagaan ng mga disipulo ni Jesucristo ang kaluluwa ng bawat isa.
Ang pagpapasiyang sundin si Cristo ay pangsarili, pero maaari tayong matulungan ng mga kapwa mananampalataya na “[manatili] sa tamang landas” (Moroni 6:4–5). Ano ang ginawa ng mga miyembro ng Simbahan noong panahon ni Moroni para palakasin ang isa’t isa? Habang binabasa mo ang Moroni 6:4–9, pagnilayan ang mga pagpapala ng “[m]apabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo” (Moroni 6:4).
Maaari mo ring isipin ang mga taong dumadalo sa inyong ward o branch. Mayroon bang sinuman na maaaring may espesyal na pangangailangan sa iyong pagmamahal—marahil ay isang taong baguhan o kababalik pa lamang? Paano mo matutulungang gawing mas katulad ng inilarawan ni Moroni ang kanilang mga karanasan sa simbahan? (para sa mga ideya, tingnan sa mga video na “Pagpapalakas ng mga Bagong Miyembro” sa Gospel Library). Maaari kang makahanap ng kaunting inspirasyon sa bahagi I ng mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Ang Pangangailangan para sa Simbahan” (Liahona, Nob. 2021, 24–25).
Habang pinagninilayan mo ang ibig sabihin ng “mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4), maaaring makatulong na pag-isipan ang pangangalagang kailangan ng isang binhi o ng sanggol—at kung ano ang mangyayari kung ito ay nakaligtaan. Saliksikin ang Moroni 6:4–9 para sa mga ideya kung paano ka makakatulong na “pangalagaan” ang iba sa espirituwal na paraan. Paano nakatulong ang mga kapwa disipulo sa pangangalaga sa iyo?
Hindi malinaw sa lahat kung bakit mahalagang “[m]apabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo” at “madalas na [magtipun-tipon]” sa mga pulong ng Simbahan. Paano ninyo ipaliliwanag kung bakit kayo nagpapasalamat na maging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo? (tingnan sa iba pang mga bahagi ng mensahe ni Pangulong Oaks na “Ang Pangangailangan para sa Isang Simbahan”).
Mga Ideya sa Pagtuturo sa mga Bata
Ang Espiritu Santo ay isang sagradong kaloob.
-
Ang Espiritu Santo o ang Espiritu ay binanggit nang ilang beses sa Moroni 2–6. Maaari mo sigurong hilingin sa iyong mga anak na hanapin ang bawat talatang bumabanggit sa Kanya, basahin ang mga talatang iyon, at ilista ang matututuhan nila tungkol sa Espiritu Santo. Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa ang mga karanasan kung kailan nadama mo ang impluwensya ng Espiritu.
Tumatanggap ako ng sakramento para ipakita na lagi kong aalalahanin si Jesucristo.
-
Ang pagbasa sa mga panalangin sa sakramento kasama ang iyong mga anak ay maaaring humantong sa isang talakayan kung paano magkaroon ng mas makabuluhang mga karanasan sa sakramento. Maaaring makatulong sa kanila na isipin na kunwari ay may kaibigan silang dadalo sa sacrament meeting sa unang pagkakataon. Paano natin ipaliliwanag sa ating kaibigan kung ano ang sakramento at bakit ito sagrado? Hikayatin ang iyong mga anak na gumamit ng isang bagay mula sa Moroni 4 o 5 sa kanilang mga paliwanag. Maaaring gamitin ng mga mas nakababata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito o ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 108.
-
Isiping sama-samang kantahin ang isang awiting tumutulong sa iyong mga anak na isipin ang Tagapagligtas (tulad ng “Tahimik, Taimtim,” Aklat ng mga Awit Pambata, 11). Maaari ka ring magsanay na umupo nang mapitagan sa oras ng sakramento.
Maaari akong maghandang mabinyagan.
-
Sino ang maaaring binyagan? Tulungan ang iyong mga anak na hanapin ang mga sagot sa tanong na ito sa Moroni 6:1–3. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu”? (Moroni 6:2). Paano tayo tinutulungan nito na maghanda para sa binyag? Isiping sabihin sa iyong mga anak kung paano ka naghandang magpabinyag.
Nagsisimba tayo para tumanggap ng sakramento at suportahan ang isa’t isa.
-
Alam ba ng iyong mga anak kung bakit gusto mong magsimba? Ang pagbasa sa Moroni 6:4–6, 9 ay maaaring magbigay sa inyo ng oportunidad na sama-samang talakayin ang ilan sa mga bagay na ginagawa natin sa simbahan. Maaari siguro nilang idrowing ang kanilang sarili na ginagawa ang mga bagay na ito (tulad ng pagdarasal, pagtuturo, pagkanta, at pagtanggap ng sakramento).
-
Matapos basahin ang Moroni 6:4 nang sama-sama, maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang mga larawan o halimbawa ng mga pagkaing nagpapalusog at ikumpara ang pangangalaga sa ating katawan sa “mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos.” Maaari din ninyong panoorin ang video na “Mga Batang Nagbabahagi ng Ebanghelyo” (Gospel Library).