“Lesson 64—Doktrina at mga Tipan 49: Ang Kasal sa Pagitan ng Isang Lalaki at ng Isang Babae ay Inorden ng Diyos,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 49,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 64: Doktrina at mga Tipan 49–50
Ang Kasal sa Pagitan ng Isang Lalaki at ng Isang Babae ay Inorden ng Diyos
Maraming maling ideya at tradisyon ang umiiral nang magsimula ang Pagpapanumbalik. Buong pagmamahal na itinama ng Tagapagligtas ang mga maling ideya at nilinaw Niya ang mga punto ng doktrina na mahalaga sa ating kaligtasan, tulad ng kasal at pamilya. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng kasal at pamilya sa plano ng Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Para masimulan ang klase, maaari mong ipakita ang mga larawan na nagpapahiwatig ng mga bagay na gusto mo tungkol sa mundo. Itanong sa mga estudyante ang tulad ng mga sumusunod:
Ano ang gusto ninyo tungkol sa mundo?
Sino ang lumikha ng mundo? (tingnan sa Moises 1:33 ; Abraham 3:22–24 ).
Ano ang ilang dahilan kung bakit nilikha ni Jesucristo ang mundo?
Malamang na may iba’t ibang sagot ang mga estudyante sa huling tanong. Kilalanin at pasalamatan sila sa kanilang mga sagot. Kung hindi nagsalita ang mga estudyante tungkol sa kasal o pamilya, banggitin na nagbigay si Pangulong Russell M. Nelson ng karagdagang dahilan para sa paglikha ng mundo. Ibahagi ang sumusunod na pahayag. Matapos basahin ang pahayag, maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga saloobin nila tungkol dito. Hikayatin silang maghanap ng katibayan na sumusuporta sa pahayag na ito sa buong lesson.
Sa simpleng pagbubuod, ang mundo ay nilikha para panahanan ng mga pamilya. (Russell M. Nelson, “The Creation ,” Ensign , Mayo 2000, 85)
“Ang kasal ay inorden ng Diyos”
Ang lesson na ito ay magtutuon sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17 at sa doktrina ng kasal at pamilya. Kung makikinabang ang mga estudyante sa pagtalakay sa iba pang mga paksang nakapaloob sa bahaging ito, maaari mong gamitin ang bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” ng lesson na ito.
Hindi nagtagal matapos magsimulang manirahan ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, isang bagong convert na nagngangalang Leman Copley ang nagnais na ipangaral ng mga missionary ang ebanghelyo sa mga miyembro ng kanyang dating relihiyon, ang Shakers. Naniniwala ang Shakers na nangyari na ang Ikalawang Pagparito at nagpakita si Cristo bilang isang babaeng nagngangalang Ann Lee. Tinanggihan nila ang kasal at ipinagbawal ng ilang Shakers ang pagkain ng karne. Humiling si Propetang Joseph Smith ng paglilinaw sa Panginoon at natanggap niya ang Doktrina at mga Tipan 49 . Iniutos ng Panginoon kina Sidney Rigdon, Parley P. Pratt, at Leman Copley na dalhin ang paghahayag sa Shakers at ipangaral ang katotohanan sa kanila.
Ang Doktrina at mga Tipan 49:15–17 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 49:15–17 , at alamin ang mga turo ni Jesucristo hinggil sa kasal at pamilya.
Ano ang mga tanong mo tungkol sa mga talata?
Paano natin maibubuod ang mga turo ng Tagapagligtas mula sa mga talatang ito?
Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para pag-isipan ang buod na mga pahayag. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isulat sa pisara ang kanilang mga pahayag. Para magawa nang maayos ng mga estudyante, maaaring kailanganin mong tumulong na linawin ang ilan sa mga parirala mula sa mga talata. Tulungan silang tumukoy ng mga katotohanan tulad ng ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-asawa ay inutusan na maging isa at magkaroon ng mga anak .
Bakit mahalagang maunawaan ng Shakers at ng iba pa sa panahon ni Joseph Smith ang mga katotohanang ito?
Maaari mong ipaliwanag na naniniwala ang Shakers sa celibacy, o lubusang pag-iwas sa pag-aasawa at seksuwal na relasyon. Pagkatapos ay maaari mong talakayin ang mga karaniwang paniniwala sa ating panahon na nagiging dahilan para tanggihan ng mga tao ang kasal. Maaari mong gamitin ang isa o lahat sa mga sumusunod na tanong.
Ano ang ilang makamundong paniniwala na nagiging dahilan para tanggihan ng mga tao ang kasal sa ating panahon?
Anong katibayan ang nakita mo tungkol kay Satanas na nagtatangkang baguhin o sirain ang pagiging sagrado ng kasal at pamilya sa plano ng Ama sa Langit?
Ang sumusunod na handout ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa kasal at pamilya. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghangad ng espirituwal na patotoo tungkol sa kahalagahan ng kasal at pamilya habang nag-aaral sila. Maaari mong hatiin sa dalawang grupo ang klase at mag-assign sa bawat grupo ng isang bahagi ng handout na pag-aaralan nila nang mag-isa. Pagkatapos ng sapat na oras, pagpartnerin ang bawat estudyante sa isa pang estudyante mula sa kabilang grupo. Anyayahan silang ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila at pag-usapan ang mga tanong sa talakayan.
Pag-aralan:
Basahin ang Marcos 10:6–9 ; 1 Corinto 11:11 ; at ang sumusunod na pahayag ni Sister Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President. Hanapin ang mga turo tungkol sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae.
Itinuro sa atin sa mga banal na kasulatan, “Gayon man, ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon” [1 Corinto 11:11 ]. Para matamo ng sinuman ang kaganapan ng mga pagpapala ng priesthood, kailangang mabuklod ang mag-asawang lalaki at babae sa bahay ng Panginoon, na nagtutulungan sa kabutihan, at nananatiling tapat sa kanilang mga tipan. Ito ang plano ng Panginoon para sa Kanyang mga anak, at walang anumang pagtalakay o pamimintas na makapagpapabago sa ipinahayag na ng Panginoon. … Maging mga tagapagtanggol tayo ng kasal tulad ng inorden ng Panginoon habang patuloy tayong nagpapakita ng pagmamahal at habag sa mga taong iba ang pananaw. (Bonnie L. Oscarson, “Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag Ukol sa Mag-anak ,” Liahona , Mayo 2015, 15)
Talakayin:
Paano nakatutulong ang kasal sa pagitan ng isang babae at ng isang lalaki para maisakatuparan ang “plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak”? (“Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo ,” ChurchofJesusChrist.org ).
Paano natin maipapakita ang pagkahabag sa mga taong iba ang pananaw habang ipinagtatanggol pa rin ang doktrina ng Tagapagligtas tungkol sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae?
Pag-aralan:
Basahin ang Genesis 1:27–28 ; Mga Awit 127:3 ; Marcos 10:13–14 ; at ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Hanapin ang mga turo ng Panginoon tungkol sa mga anak.
Kapag tumingin tayo sa mga mata ng isang bata, nakikita natin ang isang kapwa anak ng Diyos na nakasama natin sa buhay bago tayo isinilang.
Dakilang pribilehiyo ng isang mag-asawang maaaring magkaanak ang maglaan ng mga mortal na katawan para sa mga espiritung anak ng Diyos. Naniniwala tayo na mahalaga ang mga pamilya at mga anak.
Kapag isinilang ang isang bata sa isang mag-asawa, tinutupad nila ang bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit na magdala ng mga bata sa lupa. Sabi ng Panginoon, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” [Moises 1:39 ]. Bago maging imortal, kailangan munang maging mortal. (Neil L. Andersen, “Mga Anak ,” Liahona , Nob. 2011, 28)
Talakayin:
Paano makatutulong ang pagtingin sa mga anak at pamilya nang may walang-hanggang pananaw para bigyang-priyoridad ng mag-asawa ang ilan sa kanilang mga desisyon?
Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng Tagapagligtas hinggil sa pakikitungo at pakikipag-ugnayan natin sa mga bata?
Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na ipaliwanag ang papel na ginagampanan ng kasal at pamilya sa plano ng Ama sa Langit. Maaari silang pumili ng isa sa mga paniniwala ng mundo tungkol sa kasal na tinalakay kanina at gamitin ang doktrina ng Tagapagligtas na itinuro sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17 upang itama ang paniniwalang iyon.
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo kung paano napagpala ang iyong buhay ng doktrina ng Tagapagligtas tungkol sa kasal at pamilya. Maaari ding magbahagi ang mga estudyante ng mga karanasan at patotoo.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang mga impresyong natanggap nila tungkol sa kahalagahan ng kasal at pamilya sa plano ng Ama sa Langit.
Ang mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan ng mga Naniniwala sa Ikalawang Pagpapakita ni Cristo ay karaniwang tinatawag na Shakers dahil sa kanilang paraan ng pagsamba. Kabilang dito ang pagyugyog ng kanilang mga katawan habang sila ay kumakanta, sumasayaw, at pumapalakpak sa musika.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
15:8
D. Todd Christofferson discusses the importance of marriage between a man and a woman and its place in God’s plan of happiness.
Ang pagpapahayag ng mga pangunahing katotohanang nauukol sa kasal at pamilya ay hindi para kaligtaan o maliitin ang mga sakripisyo at tagumpay ng mga taong walang pagkakataong makamtan ito. Ang ilan sa inyo ay hindi pinagpalang makapag-asawa sa ilang kadahilanan tulad ng kawalan ng mapupusuan, pagkaakit sa kaparehong kasarian, mga kapansanan sa katawan o pag-iisip, o dahil lang sa takot na mabigo na mas nananaig, kahit sa sandaling ito man lang, kaysa sa pananalig. O maaaring nakapag-asawa kayo, ngunit nagwakas ang pagsasama, at naiwan kayong mag-isa sa responsibilidad na halos di-kakayanin kahit ng dalawang tao pa. Ang ilan sa inyo na may-asawa ay hindi magkaanak sa kabila ng napakatinding hangarin at nagsusumamong mga panalangin.
Gayon pa man, lahat ay may mga kaloob; lahat ay may mga talento; lahat ay makakatulong sa pagpapahayag ng banal na plano sa bawat henerasyon. Maraming kabutihan, maraming mahalagang bagay—kahit kung minsa’y kailangang lahat iyan ngayon—ay makakamit hindi man perpekto ang sitwasyon. Ginagawa ng napakarami sa inyo ang lahat ng inyong makakaya. At kapag kayong may mabibigat na pasanin sa mortalidad ay nanindigan sa pagtatanggol sa plano ng Diyos na dakilain ang Kanyang mga anak, handa tayong lahat na humayo. Buong pananalig naming pinatototohanan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakinita nang lahat ito at pupunan, sa huli, ang lahat ng kasalatan at kawalan ng mga taong bumabaling sa Kanya. Walang sinumang nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti kaysa lahat ng mayroon ang Ama para sa Kanyang mga anak. (D. Todd Christofferson, “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya ,” Liahona , Mayo 2015, 52)
Maaaring masiyahan ang mga estudyante na malaman pa kung paano itinama ng Panginoon ang mga paniniwala ng Shakers sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Kanyang doktrina. Maaari mong i-display ang sumusunod na mga paniniwala ng Shakers at ang mga kalakip na scripture passage. Habang gumagawa nang magkakapartner o sa maliliit na grupo, maaaring basahin ng mga estudyante ang bawat passage at sumulat ng buod ng doktrina ng Tagapagligtas at kung paano nito itinama ang bawat maling paniniwala na nakalista.
Mga Paniniwala ng Shakers
Ang Doktrina ng Panginoon
Mga Paniniwala ng Shakers
Naniniwala sila na nangyari na ang Ikalawang Pagparito ni Cristo.
Ang Doktrina ng Panginoon
Doktrina at mga Tipan 49:5–8
Mga Paniniwala ng Shakers
Naniniwala sila na nagpakita si Cristo sa anyo ng isang babaeng nagngangalang Ann Lee.
Ang Doktrina ng Panginoon
Doktrina at mga Tipan 49:22–25
Mga Paniniwala ng Shakers
Hindi nila itinuturing na mahalaga ang binyag sa pamamagitan ng tubig.
Ang Doktrina ng Panginoon
Doktrina at mga Tipan 49:11–14
Mga Paniniwala ng Shakers
Tinanggihan nila ang pagpapakasal at naniniwala sa celibacy, o lubusang pag-iwas sa pag-aasawa at seksuwal na relasyon.
Ang Doktrina ng Panginoon
Doktrina at mga Tipan 49:15–17
Mga Paniniwala ng Shakers
Ipinagbawal ng ilang Shakers ang pagkain ng karne.
Ang Doktrina ng Panginoon
Doktrina at mga Tipan 49:18–21
Ang sumusunod ay maaaring isama o pag-aralan bukod pa sa materyal sa handout sa lesson.
Basahin ang Genesis 2:24 ; Efeso 5:25 ; at ang sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol. Hanapin ang mga turo tungkol sa pagkakaisa ng mag-asawa.
Ipinahahayag ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang alituntunin ng lubos na pagiging magkatuwang ng babae at lalaki, kapwa sa mortal na buhay at sa kawalang-hanggan. Bagama’t ang bawat isa ay nagtataglay ng partikular na mga katangian at responsibilidad na itinakda ng Diyos, ginagampanan ng babae at lalaki ang mga tungkulin na may pantay na kahalagahan at kinakailangan sa plano ng kaligayahan ng Diyos para sa Kanyang mga anak. …
… Walang mas mataas o mas mababa sa relasyon ng mag-asawa, at walang nauuna o nahuhuling maglakad. Lumalakad silang katabi ng banal na anak ng Diyos bilang magkapantay. Nagiging isa sila sa isipan, ninanais, at layunin ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo, pinamumunuan at ginagabayan ang pamilya nang magkasama. (Ulisses Soares, “Katuwang ang Panginoon ,” Liahona , Nob. 2022, 42)
Isipin ang mga sumusunod na tanong para sa talakayan sa klase:
Sa Doktrina at mga Tipan 42:22 , iniutos sa mga mag-asawa na “pumisan sa” isa’t isa. Paano matutupad ng mga mag-asawa ang payong ito?
Paano makalilikha ng pagkakaisa sa mag-asawa ang pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo?