Ang pagbibigay sa mga estudyante ng oras para ma-assess ang espirituwal na pag-unlad ay makatutulong sa kanila na mas mapalapit sa Tagapagligtas at magsikap na maging higit na katulad Niya. Maaari din nilang makita ang progresong nagawa nila at kung saan sila maaaring magpakahusay pa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maalala at masuri kung paano nakatulong sa espirituwal na pag-unlad nila ang kanilang mga karanasan sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Suriin ang inyong mga espirituwal na palatandaan
Pumili ng lokal na destinasyon at magdrowing ng mapa mula sa iyong kasalukuyang lokasyon papunta sa destinasyong iyon. Isama ang mga palatandaan na tutulong sa isang tao na malaman na nasa tamang ruta sila.
Aling mga palatandaan ang isinama mo? Bakit?
Anong papel ang ginagampanan ng mga palatandaan sa pagtulong sa iyo na makapunta sa destinasyon?
Kung ang ating patutunguhan ay maging higit na katulad ni Jesucristo, ano ang ilan sa mga espirituwal na palatandaan na makatutulong sa iyo para malaman mo na nasa tamang landas ka?
Nangangailangan ng pagninilay at patnubay ng Espiritu Santo para makita natin nang malinaw ang ating pag-unlad. Maglaan ng oras na matukoy ang ilan sa mga pag-unlad na nagawa mo sa pamamagitan ng paghahanap ng mga espirituwal na palatandaan sa iyong buhay. Sa madaling salita, maghanap ng katibayan na nagiging mas katulad ka ni Jesucristo habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan nitong mga nakaraang linggo.
Makadama ng dagdag na hangaring magkaroon ng buhay na inilaan
Ano ang naaalala mo tungkol sa batas ng paglalaan?
Aling mga talata mula sa Doktrina at mga Tipan 42 ang makatutulong sa atin na mas maunawaan ang batas na ito?
Ano ang ilang halimbawa ng magagawa ng mga kabataan para maipamuhay ang batas ng paglalaan sa kasalukuyang panahon?
Ano ang nadarama mo tungkol sa paglalaan ng iyong oras, mga talento, at iba pang mga bagay na ipinagkaloob sa iyo ng Panginoon para itayo ang Kanyang kaharian, kabilang na ang pagtulong sa mga nangangailangan?
Paano maikukumpara ang nadarama mo nang pag-aralan mo ang batas ng paglalaan ilang linggo na ang nakararaan? Ano sa palagay mo ang nakaapekto sa nadarama mo?
Pagsunod sa mga kautusan ng Diyos
Paano maikukumpara ang ating pagsunod sa mga kautusan sa mga espirituwal na palatandaan sa ating paglalakbay upang maging higit na katulad ni Jesucristo?
Pag-isipan ang isang kautusan na nadama mo kamakailan na ipinahiwatig sa iyo ng Espiritu Santo na pagtuunan mo ng pansin.
Paano mo ilalarawan ang iyong mga pagsisikap na sundin ang kautusang ito?
Paano ka pinagpala ng Panginoon sa mga pagsisikap mo?
May paraan ba na sa palagay mo ay mas mapagbubuti mo? Ano ang gagawin mo?
May iba pa bang kautusan na ipinahiwatig sa iyo ng Espiritu Santo na pagtuunan mo ng pansin? Ano ang gagawin mo?