“Lesson 66—Doktrina at mga Tipan 50, Bahagi 2: Magturo at Matuto sa pamamagitan ng Espiritu,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 50, Bahagi 2,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 66: Doktrina at mga Tipan 49–50
Doktrina at mga Tipan 50, Bahagi 2
Magturo at Matuto sa pamamagitan ng Espiritu
Sa Doktrina at mga Tipan 50, itinuro ng Tagapagligtas na dapat ituro at matutuhan ng mga Banal ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Katotohanan. Bilang Dalubhasang Guro, si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu. Ang lahat ng miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas ay magkakaroon ng mga pagkakataong magturo at matuto sa pamamagitan ng Espiritu sa buong buhay nila. Ang lesson na ito ay makapagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na magsanay sa pagtuturo at matuto sa pamamagitan ng Espiritu ng Katotohanan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Si Jesus ang perpektong guro ng ebanghelyo
Basahin ang sumusunod na pahayag ng Unang Panguluhan, at alamin kung anong mga pagkakataon sa pagtuturo ng ebanghelyo ang magkakaroon ka ngayon at sa hinaharap.
Isang magandang pagkakataon ang maituro ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo! May partikular na tungkulin man kayo na magturo o wala, kayo ay isang guro. Bilang disipulo ng Dalubhasang Guro na si Jesucristo, may mga pagkakataon kayong ibahagi ang Kanyang liwanag saanman kayo magtungo—sa tahanan, sa simbahan, sa paglilingkod ninyo sa iba, at sa inyong mga kaibigan. Ang pagtuturo ng ebanghelyo ay isang sagradong responsibilidad. Mahalagang bahagi ito ng gawain ng Panginoon, at pinakamabisa ito kapag ginagawa natin ito sa Kanyang paraan. (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022], 1)
-
Bakit maituturing na “sagradong responsibilidad” ang pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo?
-
Ano ang nadarama mo tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo?
Nagtuturo at natututo tayo sa pamamagitan ng Espiritu
Kung gumawa ka ng tatlong column sa pisara, lagyan ng label ang susunod na dalawang column na Mga Guro at Mga Mag-aaral. Sabihin sa mga estudyante na magdagdag ng mga katangian ng mga guro o mag-aaral na natuklasan nila sa mga sumusunod na talata.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:13–14, 17–22, at alamin kung paano nais ng Tagapagligtas na ituro ang Kanyang ebanghelyo.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng magturo at matuto sa pamamagitan ng Espiritu?
-
Ano ang ilan sa mga pagpapalang natatanggap natin kapag nagtuturo at natututo tayo sa pamamagitan ng Espiritu?
Tulungan ang mga estudyante na tumukoy ng alituntunin tulad ng kapag nagtuturo at natututo tayo sa pamamagitan ng Espiritu, nauunawaan natin ang isa’t isa at tayo ay napapatibay at sama-samang nagagalak. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang ibig sabihin ng mapatibay ay mapatatag o mapalakas.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng magturo at matuto sa pamamagitan ng Espiritu, maaari kang magbigay ng ilang scripture reference tulad ng Alma 31:5; Doktrina at mga Tipan 42:14; 88:118, 122; at 130:18–19. Sabihin sa mga estudyante na makipagtulungan sa kapartner o sa maliliit na grupo para matukoy kung paano tayo nagtuturo at natututo sa pamamagitan ng Espiritu. Idagdag ang mga ideyang ito sa mga column na “Mga Guro” at “Mga Mag-aaral” sa pisara.
Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng alituntuning ito, maaari mong ipapanood ang video na “Come, Follow Me: Rejoice Together” (1:20) sa ChurchofJesusChrist.org o talakayin ang mga sumusunod na tanong bilang klase. Maaaring magpasalamat ang mga estudyante kapag narinig ka nila na nagbahagi kung paano ka napagpala sa pamamagitan ng pakikinig sa kanila at matuto sa kanila sa seminary.
Come, Follow Me: Rejoice Together
As we rely upon the Spirit in teaching and receiving the gospel, we will be mutually edified and rejoice together.
-
Kailan mo naranasan ang mga pagpapalang ito bilang guro o mag-aaral ng ebanghelyo?
-
Ano ang magagawa natin sa ating klase sa seminary upang matiyak na matatanggap ng lahat ang mga pagpapalang ito?
Makapagtuturo tayo sa paraan ng Tagapagligtas
Sabihin sa mga estudyante na maghanda ng maikling lesson tungkol sa ebanghelyo na ituturo. Maaaring maghanda ang mga estudyante nang mag-isa o nang may kapartner. Sabihin sa mga estudyante na mapanalanging pag-isipan ang mga pangangailangan ng kanilang mga kaklase at tumukoy ng mensahe o paksa na maaaring makatugon sa mga pangangailangang iyon.
Maaaring kabilang sa ilan sa mga opsiyon sa lesson ang:
-
Isang doctrinal mastery passage.
-
Isang paboritong talata o kuwento sa banal na kasulatan.
-
Ang bahaging “Mga Walang-hanggang Katotohanan” mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili.
-
Isang bahagi ng lesson sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan.
Ang handout sa ibaba ay makatutulong sa mga estudyante na maihanda ang kanilang lesson. Habang naghahanda silang magturo, maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang mga katangian ng mga guro at mag-aaral ng ebanghelyo na inilista nila sa pisara. Maaari mo silang anyayahang hangaring maging mabubuting mag-aaral ng ebanghelyo habang ibinabahagi ng mga kaklase ang kanilang mga lesson. Kapag nagkaroon na sila ng sapat na oras sa paghahanda, sabihin sa mga estudyante na ituro ang kanilang mensahe sa isang kapartner o sa isang maliit na grupo. Kung naaangkop, maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na ituro sa klase ang mensahe nila.
Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Gumawa ng maikling lesson tungkol sa ebanghelyo para matulungan ang iba na matuto tungkol kay Jesucristo. Humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo habang naghahanda at nagtuturo ka ng iyong lesson. Ang sumusunod na outline ng lesson ay makatutulong sa iyo na maghandang magturo.
-
Paksa ng lesson at/o mga scripture reference:
-
Ang mahalagang katotohanan o alituntuning ituturo ko:
-
Paano ko itutuon ang lesson na ito kay Jesucristo:
-
(Mga) itatanong ko:
-
Paano ko nadama ang kapangyarihan ng katotohanang ito sa buhay ko (patotoo):
-
Ano ang ipagagawa ko sa mga mag-aaral:
Natututuhan natin ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu
Pagkatapos ng aktibidad, sabihin sa mga estudyante na suriin ang karanasan sa pagtuturo at pagkatuto. Maaari mong tingnan ang mga listahan sa pisara at talakayin kung paano sinubukan ng mga estudyante na gamitin ang mga katangiang ito. Maaari nilang sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.
-
Ano ang naobserbahan mo tungkol sa pagtuturo sa paraan ng Tagapagligtas sa aktibidad na ito? Ano ang napansin mo tungkol sa pagkatuto sa pamamagitan ng Espiritu?
-
Pagkatapos ng aktibidad na ito, ano ang nadarama mo tungkol sa kakayahan mong magturo sa pamamagitan ng Espiritu?
Purihin ang mga estudyante sa kanilang mga pagsisikap na magturo at matuto sa pamamagitan ng Espiritu. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na patuloy na gawin ang natutuhan nila habang itinuturo at pinag-aaralan nila ang ebanghelyo.