“Magturo tungkol kay Jesucristo Anuman ang Itinuturo Mo,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: Para sa Lahat ng Nagtuturo sa Tahanan at sa Simbahan (2022)
“Magturo tungkol kay Jesucristo Anuman ang Itinuturo Mo,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Magturo tungkol kay Jesucristo Anuman ang Itinuturo Mo
Maraming bagay ang maituturo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo—mga alituntunin, kautusan, propesiya, at mga kuwento sa banal na kasulatan. Ngunit ang lahat ng ito ay mga sanga ng iisang puno, sapagkat lahat ng mga ito ay may iisang layunin: tulungan ang lahat ng tao na lumapit kay Cristo at maging ganap sa Kanya (tingnan sa Jarom 1:11; Moroni 10:32). Kaya anuman ang itinuturo mo, alalahanin na talagang nagtuturo ka ng tungkol kay Jesucristo at kung paano maging katulad Niya. Matutulungan ka ng Espiritu Santo na malaman ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nakatutubos na kapangyarihan sa bawat alituntunin ng ebanghelyo, kautusan, at turo ng propeta (tingnan sa Jacob 7:10–11).
Nagtuturo ka ba ng tungkol sa sakripisyo? Maaari mong saliksikin kasama ng mga mag-aaral kung paano itinuturo ng mga sakripisyong ginagawa natin ang ating kaluluwa sa “dakila at huling hain” ng Tagapagligtas (Alma 34:10). Nagtuturo ka ba ng tungkol sa pagkakaisa? Maaari mong talakayin ang pakikiisa ni Jesucristo sa Kanyang Ama at ang Kanyang paanyaya sa atin na maging isa sa Kanila (tingnan sa Juan 17). Ituring ang bawat paksa ng ebanghelyo bilang pagkakataong magturo at matuto tungkol kay Jesucristo.
Bawat kautusan ay nagbibigay din ng ganitong pagkakataon. Huwag lamang magtuon sa mga batas ng ebanghelyo—alamin din ang tungkol sa Tagapagbigay ng Batas. Kung tinatalakay mo ang Word of Wisdom at nagtutuon ka lang sa mga dapat gawin at hindi dapat gawin para maging malusog, hindi ninyo mapagninilayan kung gaano kalalim ang pagmamalasakit ni Jesucristo sa atin—kapwa sa ating espirituwal at pisikal na kapakanan—kaya ibinigay sa atin ang batas na ito. Pagtuunan ang kahandaan at pagnanais ng Tagapagligtas na pagpalain tayo ng Kanyang kapangyarihan upang tulungan tayong ipamuhay ang Kanyang mga batas. Bawat kautusang ibinibigay Niya sa atin ay naghahayag ng isang bagay tungkol sa Kanyang isip at kalooban at puso—magalak sa pagtuklas nito nang magkakasama!
Bigyang-diin ang Halimbawa ni Jesucristo
Maaari nating ituon kay Jesucristo ang ating pagtuturo at pag-aaral sa pamamagitan ng pagkilala at pagbibigay-diin na Siya ang perpektong halimbawa ng lahat ng alituntunin ng ebanghelyo. Bilang mga disipulo, hindi lang natin sinusunod ang mga alituntunin—sinusunod natin si Jesucristo. Kapag nagtuon tayo sa perpektong halimbawa ng Tagapagligtas, patototohanan ng Espiritu Santo ang tungkol sa Kanya at hihikayatin tayo na sumunod sa Kanya.
Isipin sandali na itinuturo mo ang alituntunin na pagtitiis hanggang wakas. Ang talakayan tungkol sa kung paano naging halimbawa ng pagtitiis hanggang sa wakas ang Tagapagligtas ay makapagpapadama ng mataimtim na pagpipitagan sa Kanya. Ano ang maaaring matutuhan at madama ng mga tinuturuan mo mula sa Kanyang halimbawa?
Ituro ang tungkol sa mga Titulo, Tungkuling Ginagampanan, at mga Katangian ni Jesucristo
Si Jesucristo ay maraming titulo sa mga banal na kasulatan. Bawat isa ay nagpapakita ng isa sa Kanyang mga ginagampanan sa plano ng Diyos at nagtuturo sa atin tungkol sa Kanyang mga banal na katangian. Maaari mong saliksikin kasama ang mga mag-aaral kung ano ang itinuturo sa atin ng mga titulong tulad ng Kordero ng Diyos, Tagapamagitan, Tagapagsakdal ng Ating Pananampalataya, at Ilaw ng Sanlibutan tungkol kay Jesucristo. Gayundin, habang tinutulungan mo ang mga mag-aaral na lalo pang malaman ang tungkol sa Tagapagligtas, pag-aralan ang sinabi Niya tungkol sa Kanya at ang mga ginawa Niya at ang tungkuling nais Niyang gampanan sa ating buhay. Habang magkakasama ninyong natututuhan ang tungkol sa pagkatao at mga katangian ng Tagapagligtas, palalalimin ng Espiritu Santo ang inyong pang-unawa at pagmamahal sa Kanya.
Maghanap ng mga Simbolo na Nagpapatotoo kay Jesucristo
“Ang lahat ng bagay,” pahayag ng Panginoon, “ay nilalang at nilikha upang magpatotoo sa akin” (Moises 6:63; tingnan din sa 2 Nephi 11:4). Nasasaisip ang katotohanang iyan, matututuhan nating makita ang maraming simbolo sa mga banal na kasulatan na nagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas. Kabilang sa mga simbolong ito ang mga bagay tulad ng tinapay, tubig, at ilaw. Kapag naunawaan natin kung paano nauugnay ang mga bagay na ito sa Tagapagligtas, maituturo ng mga ito sa atin ang tungkol sa Kanyang kapangyarihan at mga katangian. Makahahanap ka rin ng mga pagkakatulad sa buhay ng Tagapagligtas sa buhay ng mga propeta at iba pang matatapat na kalalakihan at kababaihan sa mga banal na kasulatan. Ang paghahanap ng mga simbolo ay naghahayag ng mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas sa mga resource na maaaring hindi mo napansin noon.