Mga Seminary at Institute
Mahalin ang mga Tinuturuan Mo


“Mahalin ang mga Tinuturuan Mo,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: Para sa Lahat ng Nagtuturo sa Tahanan at sa Simbahan (2022)

“Mahalin ang mga Tinuturuan Mo,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

3:11

Mahalin ang mga Tinuturuan Mo

Lahat ng ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang buong ministeryo sa lupa ay dahil sa pagmamahal. Habang sinisikap nating maging tunay na mga tagasunod ni Cristo, maaari din tayong mapuspos ng ganitong pagmamahal (tingnan sa Juan 13:34–35; Moroni 7:47–48; 8:26). Kapag nasa puso natin ang pagmamahal ng Tagapagligtas, gagawin natin ang lahat ng posibleng paraan para tulungan ang iba na matuto tungkol kay Cristo at lumapit sa Kanya. Pagmamahal ang naghihikayat sa atin na magturo.

Upang Mahalin ang mga Tinuturuan Mo

  • Tingnan ang mga mag-aaral kung paano sila nakikita ng Diyos.

  • Sikaping makilala sila—unawain ang kanilang mga kalagayan, pangangailangan, at kalakasan.

  • Banggitin ang kanilang pangalan kapag ipinagdarasal sila.

  • Lumikha ng ligtas na kapaligiran kung saan iginagalang ang lahat at alam nilang pinahahalagahan ang kanilang partisipasyon at mga ibinahagi.

  • Maghanap ng mga angkop na paraan para maipakita ang iyong pagmamahal.

Nakita ng Tagapagligtas ang Banal na Potensyal ng Lahat ng Tinuruan Niya

Inakala ng karamihan sa mga tao sa Jerico na alam na nila ang lahat ng kailangan nilang malaman tungkol kay Zaqueo. Siya ay isang maniningil ng buwis—ang punong maniningil ng buwis, sa katunayan—at siya ay mayaman. Talagang inakala nila na siya ay hindi tapat at masama. Ngunit ang tiningnan ni Jesus ay ang puso ni Zaqueo at ang nakita Niya ay isang marangal na “anak … ni Abraham” (tingnan sa Lucas 19:1–10). Hindi tinitingnan ng Tagapagligtas ang panlabas na anyo ng mga tao kundi kung sino talaga sila—at kung ano ang maaaring maging sila. Sa karaniwang mga mangingisda na tulad nina Simon, Andres, Santiago, at Juan, nakita Niya ang mga lider ng Kanyang Simbahan sa hinaharap. Sa kilabot na mang-uusig na si Saulo, nakita Niya ang “isang kasangkapang pinili,” na mangangaral ng Kanyang ebanghelyo sa harapan ng mga hari at bansa (tingnan sa Mga Gawa 9:10–15). At sa iyo at sa bawat taong tinuturuan mo, nakita ng Tagapagligtas ang isang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos na may walang hanggang potensyal.

Sa mga taong tinuturuan mo, malamang na mayroong tila tapat at nagbalik-loob at ang iba ay tila hindi interesado o suwail. Huwag humusga batay lamang sa nakikita mo. Matutulungan ka ng Espiritu Santo na makita sa bawat tao ang ilan sa mga nakikita ng Tagapagligtas—at matutulungan kang simulang mahalin sila tulad ng ginagawa Niya.

Mga Tanong na Pag-iisipan: Isipin ang bawat taong tinuturuan mo, at pagnilayan kung ano ang nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesus sa bawat isa. Ano ang maaaring nakita Nila sa kanya? Paano makakaapekto ang mga bagay na ito sa paraan ng pagtuturo mo sa taong iyon?

Mula sa mga Banal na Kasulatan: 1 Samuel 16:7; Mga Awit 8:4–5; Roma 8:16–17; Doktrina at mga Tipan 18:10–14

Kilala Tayo ng Tagapagligtas at Nauunawaan Niya ang Ating mga Kalagayan, Pangangailangan, at Kalakasan

Ang babaeng Samaritana ay hindi pumunta sa balon upang makinig sa mensahe ng ebanghelyo. Pumunta siya roon para mag-igib ng tubig. Ngunit nakita ng Tagapagligtas na ang kanyang pagkauhaw ay higit pa sa pisikal na pagkauhaw. Alam Niya na may di-magandang nakaraan at mga relasyon ang babae. Kaya binanggit muna ni Jesus ang pisikal na pangangailangan na pumukaw sa kanyang interes—tubig na nagbibigay-buhay—at iniugnay ito sa kanyang mas matinding espirituwal na pangangailangan sa “tubig na buhay” at “buhay na walang hanggan.” Sa pagtatapos ng kanilang pag-uusap, ang babae ay nagkaroon ng personal na patotoo na si Jesus ang Cristo, at ang isang nakatulong ay lubos Niyang kilala ang babae. “Sinabi [Niya] sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa,” sabi niya. “Ito na nga kaya ang Cristo?” (tingnan sa Juan 4:6–29).

Kabilang sa pagiging guro na may katangian ni Cristo ay ang pagkilala sa mga taong tinuturuan mo at pagsisikap na maunawaan kung ano ang nasa puso nila. Maaari mong alamin ang kanilang buhay at magpakita ng habag. Maaari kang maghanap ng mga paraan para maunawaan ang kanilang mga pinagmulan, talento, interes, at pangangailangan. Maaari mong alamin kung paano sila lubos na matututo. Maaari kang magtanong, makinig nang mabuti, at magmasid. Higit sa lahat, maaari kang manalangin para makaunawa na ang Espiritu lamang ang makapagbibigay. Kapag mas kilala mo ang isang tao, mas matutulungan mo siyang makahanap ng kahulugan at lakas sa ebanghelyo ni Jesucristo para sa kanyang sarili. Kapag naunawaan mo ang pagkauhaw ng isang tao, matuturuan ka ng Espiritu kung paano ito maiibsan ng tubig na buhay ng Tagapagligtas.

Mga Tanong na Pag-iisipan: Ano ang nalalaman mo na tungkol sa mga taong tinuturuan mo? Ano ang mahalaga sa kanila? Ano ang mga kalakasan nila? Ano ang nagpapahirap sa kanila? Ano ang magagawa mo para mas maunawaan sila?

Mula sa mga Banal na Kasulatan: Mga Awit 139:1–5; Mateo 6:25–32; Marcos 10:17–21; Juan 10:14; 3 Nephi 17:1–9

Nanalangin ang Tagapagligtas para sa mga Tinuruan Niya

Isipin kung ano kaya ang nadama ni Simon Pedro nang marinig niyang sinabi sa kanya ng Tagapagligtas, “Simon, Simon, narito, hiningi ni Satanas na ligligin [ka], … subalit ako ay nanalangin para sa iyo upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala” (Lucas 22:31–32). Paano kaya makakaapekto sa iyo na alam mong nanalangin si Jesucristo sa Ama para sa iyo? Ganyan din ang naranasan ng mga tao sa sinaunang Amerika, at inilarawan nila ito nang ganito: “Walang sinumang makauunawa sa kagalakang pumuspos sa aming mga kaluluwa sa panahong narinig namin [si Jesus na] nanalangin sa Ama para sa amin” (3 Nephi 17:17).

Maaari mo ring isipin ang nadarama ng iyong puso kapag nagdarasal ka para sa isang tao—na palaging binabanggit ang kanyang pangalan kapag nagdarasal ka para sa kanya. Paano nakakaapekto ang mga panalangin mo sa nadarama mo tungkol sa taong iyon? Paano ito nakakaapekto sa mga ginagawa mo? Tiyak na naririnig at sinasagot ng ating Ama sa Langit ang taimtim na mga panalangin ng isang guro na nagnanais na tulungan ang isang mag-aaral. At sa maraming pagkakataon, ang isang paraan ng pagsagot Niya sa mga panalanging iyon ay sa pamamagitan ng pag-antig sa puso ng guro at pagbibigay-inspirasyon sa kanya na gawin o sabihin ang isang bagay na tutulong sa mag-aaral na madama ang Kanyang pagmamahal.

Mga Tanong na Pag-iisipan: Habang iniisip mo ang mga taong tinuturuan mo, mayroon ba sa kanila na sa palagay mo ay lalong nangangailangan ng iyong mga panalangin? Ano ang nadama mo na dapat mong ipagdasal para sa kanya? Anong mga pagpapala ang maaaring dumating kapag inanyayahan mo ang mga mag-aaral na ipagdasal ang isa’t isa?

Mula sa mga Banal na Kasulatan: Juan 17; Alma 31:24–36; 3 Nephi 18:15–24; 19:19–23, 27–34

Tiniyak ng Tagapagligtas na Nadama ng Lahat na Iginagalang at Pinahahalagahan Sila

Ang karaniwang saloobin ng mga pinuno ng relihiyon noong panahon ni Jesus ay dapat layuan ang mga makasalanan. Dahil dito, nang makita ng mga pinunong ito si Jesus na nakikihalubilo sa mga makasalanan, sila ay nanghilakbot. Paano naging espirituwal na guro ang isang taong nakikihalubilo sa gayong mga tao?

Si Jesus, mangyari pa, ay may ibang pamamaraan. Ninais Niyang pagalingin ang mga maysakit sa espirituwal (tingnan sa Marcos 2:15–17; Lucas 4:17–18). Patuloy Siyang tumulong sa mga taong naiiba sa mga nakapaligid sa kanila o may di-magandang nakaraan, at nakihalubilo Siya sa mga nagkasala. Pinuri Niya ang pananampalataya ng isang kawal na Romano (tingnan sa Mateo 8:5–13). Tinawag Niya ang isang hindi pinagkakatiwalaang maniningil ng buwis upang maging isa sa Kanyang mga pinagkakatiwalaang disipulo (tingnan sa Marcos 2:14). Noong pinaratangan ang isang babae ng pangangalunya, ipinadama Niyang ligtas ito at hinikayat itong magsisi at pagbutihin ang buhay (tingnan sa Juan 8:1–11).

Ngunit higit pa rito ang ginawa ni Jesus. Ipinakita at itinuro Niya ang ganito ring pagtanggap at pagmamahal sa Kanyang mga tagasunod. Ang Kanyang halimbawa ay tiyak na nasa puso na ng Kanyang mga Apostol nang dumating ang panahon na ipangangaral nila ang ebanghelyo sa lahat ng tao. Makikita ito sa mga salita ni Pedro: “Tunay ngang nauunawaan ko na walang kinikilingan ang Diyos” (Mga Gawa 10:34).

Malamang na halos lahat ng tinuturuan mo, sa iyong tungkuling magturo, ay nahihirapang madama na iginagalang at pinahahalagahan sila. Sa paraan ng pagmamahal at paggalang mo sa kanila, maipadarama mo na hindi lamang sila tinatanggap kundi kailangan din sila. Matutulungan mo ang mga hindi dumadalo, nahihirapan, o tila hindi interesado, na maging matiyaga kung tila mabagal ang progreso. Matutulungan mo ang lahat na makadama na ligtas at komportable sila na magbahagi ng kanilang mga alalahanin sa kapwa nila mananampalataya. At higit pa riyan ang magagawa mo. Mahihikayat mo ang lahat ng mag-aaral na tulungan kang lumikha ng kapaligiran kung saan itinuturo ang doktrina nang may paggalang, pagiging kabilang, at may pagmamahal.

Mga Tanong na Pag-iisipan: Ano ang nakatutulong sa isang tao para madama niyang iginagalang at pinahahalagahan siya? Ano ang naghihikayat sa tao na igalang at pahalagahan ang iba? Habang iniisip mo nang may panalangin ang mga taong tinuturuan mo, ano ang ipinahiwatig sa iyo na gawin mo para madama nilang lahat na sila ay tinatanggap at kailangan?

Mula sa mga Banal na Kasulatan: Juan 4; 2 Nephi 26:27–28, 33; Alma 1:26; 3 Nephi 18:22–25

ama na tinuturuan ang mga anak

Matutulungan ng mga guro ang mga tinuturuan nila na madamang minamahal sila.

Ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang Pagmamahal sa Kanyang mga Tinuruan

Sa pagtatapos ng napakaganda at nakasisiglang araw ng pagtuturo at paglilingkod sa mga Nephita, nadama ni Jesus na oras na para umalis. Pupuntahan pa Niya ang ibang mga tao. “Magsiuwi kayo sa inyong mga tahanan,” sabi Niya, “at ihanda ang inyong mga isip para sa kinabukasan.” Ngunit nakaupo lang ang mga tao roon na “luhaan,” na “nakatitig sa kanya na waring kanilang hinihiling sa kanya na magtagal pa nang kaunti sa kanila.” Nahiwatigan ang kanilang hindi masambit na pangangailangan at “puspos ng pagkahabag,” nagtagal pa nang kaunti si Jesus (3 Nephi 17:3, 5–6). Binasbasan Niya ang mga maysakit at mga nahihirapan sa kanila. Siya ay lumuhod at nanalangin kasama nila. Siya ay tumangis kasama nila, at Siya ay nagalak kasama nila.

Pag-aralan nang may panalangin ang mga salita at ginawa ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 17. Isipin ang pagmamahal na ipinakita Niya para sa mga tinuruan Niya. Hanapin ang pagpapakita Niya ng Kanyang pagmamahal sa iba pang mga talata sa mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay isipin ang mga taong tinuturuan mo. Paano mo angkop na maipapakita na mahal mo sila? Hayaang gabayan ka ng Espiritu. Kung nahihirapan kang makadama o magpakita ng pagmamahal sa mga tinuturuan mo, magsimula sa pagpapatotoo sa pagmamahal ng Diyos. Pagkatapos ay “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng [dalisay na] pag-ibig [ni Cristo], na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo” (Moroni 7:48). At tandaan na ang mga inaalala mo sa pagtuturo ng lesson ay hindi dapat makagulo sa iyo habang ipinapakita mo ang iyong pagmamahal sa pamamagitan ng mga sinasabi at ginagawa mo. Kadalasan ang paraan ng pakikitungo mo sa mga tao ay kasinghalaga ng itinuturo mo sa kanila.

Mga Tanong na Pag-iisipan: Paano ka tinulungan ng Tagapagligtas na malaman ang pagmamahal Niya para sa iyo? Paano nakatulong sa iyo ang magulang o iba pang guro para maramdaman mong mahal ka Niya? Alam ba ng mga tinuturuan mo na mahal mo sila? Alam ba nila na mahal sila ng Tagapagligtas?

Mula sa mga Banal na Kasulatan: Marcos 6:31–42; Juan 13:3–16, 34–35; 15:12–13; 1 Corinto 13:1–7; 1 Juan 4:7–11

Ilang Paraan Upang Maipamuhay ang Natutuhan Mo

  • Kung nagtuturo ka sa klase, alamin ang mga pangalan ng mga mag-aaral at gamitin ang mga ito kapag nagtuturo ka.

  • Magpasalamat kapag nagbabahagi ang mga mag-aaral.

  • Makipag-ugnayan sa mga mag-aaral bago at pagkatapos mong magturo.

  • Tulungan ang mga mag-aaral na lumikha ng isang kapaligiran na may pagmamahal at paggalang sa isa’t isa.

  • Makinig nang mabuti—kapag nagtuturo ka at sa iba pang mga pagkakataon.

  • Paglingkuran ang mga tinuturuan mo.

  • Maging handang baguhin ang iyong mga plano sa pagtuturo para mas marami kang oras sa mga alituntunin na makabuluhan sa mga tinuturuan mo.