Mga Seminary at Institute
Ituro ang Doktrina


“Ituro ang Doktrina,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: Para sa Lahat ng Nagtuturo sa Tahanan at sa Simbahan (2022)

“Ituro ang Doktrina,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

3:33

Ituro ang Doktrina

Bagama’t lumago si Jesus sa karunungan at kaalaman sa buong buhay Niya, hindi Siya pormal na nakapag-aral na tulad ng iba pang mga pinuno ng relihiyon noong Kanyang panahon. Subalit nang magturo Siya, nanggilalas ang mga tao, at sinabing, “Paanong nagkaroon ang taong ito ng karunungan, gayong hindi naman nag-aral kailanman?” Bakit makapangyarihan ang Kanyang mga turo? “Ang turo ko ay hindi akin,” paliwanag ng Tagapagligtas, “kundi sa kanya na nagsugo sa akin” (Juan 7:15–16). Ang doktrina ay walang hanggang katotohanan—na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw—na nagtuturo sa atin ng daan para maging katulad ng ating Ama sa Langit at makabalik sa Kanya. Bihasa ka man o hindi sa pagtuturo, makapagtuturo ka nang may kapangyarihan, tulad ng Tagapagligtas, sa pamamagitan ng pagtuturo ng doktrina ng Ama. Kayo ng mga tinuturuan mo ay mamamangha sa mga pagpapalang ibibigay ng Diyos kapag nakabatay ang iyong pagtuturo at pag-aaral sa Kanyang salita.

Upang Maituro ang Doktrina

  • Pag-aralan ang doktrina ni Jesucristo para sa iyong sarili.

  • Magturo mula sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw.

  • Tulungan ang mga mag-aaral na mahanap, malaman, at maunawaan ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan.

  • Magtuon sa mga katotohanang humahantong sa pagbabalik-loob at nagpapalakas ng pananampalataya kay Jesucristo.

  • Tulungan ang mga mag-aaral na makahanap ng personal na kaugnayan sa doktrina ni Jesucristo.

Natutuhan ng Tagapagligtas ang Doktrina

Malinaw na natuto ang Tagapagligtas mula sa mga banal na kasulatan noong Kanyang kabataan dahil Siya ay lumago “sa karunungan … at naging kalugud-lugod sa Diyos” (Lucas 2:52). Ang Kanyang malalim na pagkaunawa sa doktrina ng Ama ay malinaw na nakita nang matagpuan Siya ng Kanyang mga magulang sa templo sa murang edad, na tinuturuan ang mga gurong Judio at sinasagot ang kanilang mga tanong (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 2:46). Kalaunan, nang tuksuhin Siya nang matindi ni Satanas sa ilang, ang kaalaman ni Jesus tungkol sa doktrina sa mga banal na kasulatan ay nakatulong sa Kanya na mapaglabanan ang tukso (tingnan sa Lucas 4:3–12).

Maaari mo ring pagsikapang matutuhan nang lubos ang totoong doktrina bago mo ituro ito. Habang naghahanda kang magturo at matuto kasama ang iba, pag-aralang mabuti ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga katotohanang itinuturo mo. Saliksikin ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta para sa paliwanag at payo. Ang pamumuhay at paggamit ng mga katotohanang pinag-aralan mo ay mag-aanyaya sa Espiritu na ituro sa iyo ang doktrina sa mas makabuluhang paraan at pagtibayin ang katotohanan ng doktrina sa puso ng mga tinuturuan mo.

Mga Tanong na Pag-iisipan: Bakit mahalagang maunawaan ang mga katotohanan ng ebanghelyo para sa iyong sarili? Paano ka nagkaroon ng mas malalim na pang-unawa sa mga katotohanan ng ebanghelyo? Ano ang nadama mong gawin para mapagbuti ang pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga buhay na propeta?

Mula sa mga Banal na Kasulatan: Mga Kawikaan 7:1–3; 2 Nephi 4:15–16; Doktrina at mga Tipan 11:21; 88:118

Ang Tagapagligtas ay Nagturo mula sa mga Banal na Kasulatan

Pagkatapos ng kamatayan ng Tagapagligtas, dalawa sa Kanyang mga disipulo ang naglalakad at nag-uusap nang may halong lungkot at pagkamangha sa kanilang puso. Paano nila mauunawaan ang katatapos lang na pangyayari? Si Jesus na taga-Nazaret, ang lalaking pinagkatiwalaan nila na maging kanilang Manunubos, ay tatlong araw nang patay. At bukod pa rito may mga ulat na walang laman ang Kanyang puntod, na may mga anghel na nagpapahayag na Siya ay buhay! Sa mahalagang sandaling ito ng pananampalataya ng mga disipulo, isang estranghero ang sumabay sa kanilang paglalakbay. Pinanatag Niya sila sa pamamagitan ng “[pagpapaliwanag] sa kanila [ng] mga bagay tungkol sa [Tagapagligtas] sa lahat ng mga kasulatan.” Kalaunan, natanto ng mga manlalakbay na ang kanilang guro ay si Jesucristo mismo at Siya ay tunay na nagbangon. Paano nila Siya nakilala? “Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin,” paggunita nila kalaunan, “habang tayo’y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?” (Lucas 24:27, 32).

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson, “Ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 34). Sa Kanyang buong ministeryo, ginamit ni Jesus ang mga banal na kasulatan upang ituro, ituwid, at bigyang-inspirasyon ang iba. Tiyaking hindi lumalayo ang mga itinuturo mo sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Kapag lubos kang umasa sa salita ng Diyos sa iyong pagtuturo, magagawa mo para sa iba ang ginawa ng Tagapagligtas. Matutulungan mo silang makilala Siya, dahil kailangan nating lahat na palaging mapalakas ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas. Ang pagmamahal mo sa mga banal na kasulatan ay makikita ng iyong mga tinuturuan, at ang iyong pagtuturo ay mag-aanyaya sa Espiritu na pag-alabin sa kanilang puso ang patotoo tungkol sa Ama at sa Anak.

Mga Tanong na Pag-iisipan: Paano ka naimpluwensyahan ng isang guro na gumamit ng mga banal na kasulatan para tulungan kang mas makilala ang Tagapagligtas? Ano ang maaari mong gawin para lalo kang umasa sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta kapag nagtuturo ka? Paano mo matutulungan ang mga tinuturuan mo na malaman at mahalin ang salita ng Diyos?

Mula sa mga Banal na Kasulatan: Lucas 4:14–21; Alma 31:5; Helaman 3:29–30; 3 Nephi 23

Tinulungan ng Tagapagligtas ang mga Tao na Mahanap, Malaman, at Maunawaan ang Katotohanan

Isang dalubhasa sa kautusan ang minsang nagtanong kay Jesus, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” Bilang tugon, itinuro ng Tagapagligtas ang nagtanong sa mga banal na kasulatan: “Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang nabasa mo?” Hindi lamang nahanap ng lalaki ang sagot—“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos … at ang iyong kapwa”—kundi nasundan din ito ng isa pang tanong: “At sino ang aking kapwa?” Sinagot ng Tagapagligtas ang tanong na ito sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa tatlong lalaki na nakakita ng isang kapwa manlalakbay na nangangailangan. Isa lamang sa tatlo, isang Samaritano, na kinapopootan ng mga Judio dahil lamang sa pinagmulan nito, ang tumigil para tumulong. Pagkatapos ay inanyayahan ni Jesus ang dalubhasa sa kautusan na sagutin ang sarili niyang tanong: “Ano sa palagay mo, alin sa tatlong ito, ang naging kapwa tao sa [kanya]?” (tingnan sa Lucas 10:25–37).

Sa iyong palagay, bakit nagturo ang Tagapagligtas sa ganitong paraan—pagsagot sa mga tanong nang may mga paanyayang magsaliksik, magnilay-nilay, at tumuklas? Ang isang sagot ay pinahahalagahan ng Panginoon ang pagsisikap sa paghahanap ng katotohanan. “Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo,” ang paulit-ulit Niyang paanyaya (para sa halimbawa, tingnan sa Mateo 7:7; Lucas 11:9; Doktrina at mga Tipan 4:7). Ginagantimpalaan Niya ang pagkilos nang may pananampalataya at pagtitiyaga ng mga taong naghahanap ng katotohanan.

Tulad ng Tagapagligtas, matutulungan mo ang mga tinuturuan mo na malaman at maunawaan ang katotohanan. Ang mga banal na kasulatan, halimbawa, ay puno ng mga katotohanan ng ebanghelyo, ngunit kung minsan kailangan ang kusang pagsisikap upang mahanap ang mga ito. Habang sama-sama kayong natututo mula sa mga banal na kasulatan, tumigil sandali at itanong sa mga tinuturuan mo kung anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang nakita nila. Tulungan sila na maunawaan kung paano nauugnay ang mga katotohanang ito sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Kung minsan ang mga walang hanggang katotohanan ay nakasaad sa mga banal na kasulatan, at kung minsan ay nakalarawan ang mga ito sa mga kuwento at buhay ng mga tao na nabasa natin. Makatutulong din na magkakasamang tuklasin ang pinagmulang kasaysayan ng mga talatang binabasa ninyo, gayundin ang kahulugan ng mga talata at kung paano naaangkop ang mga ito sa atin ngayon.

Mga Tanong na Pag-iisipan: Paano mo matutukoy ang mga walang hanggang katotohanan sa mga banal na kasulatan o mga salita ng mga propeta? Paano pinagpapala ng mga katotohanang iyon ang iyong buhay? Ano ang ilang paraan na matutulungan mo ang mga mag-aaral na malaman at maunawaan ang mga katotohanan na magiging makabuluhan sa kanila at mas maglalapit sa kanila sa Diyos?

Mula sa mga Banal na Kasulatan: Juan 5:39; 1 Nephi 15:14; Doktrina at mga Tipan 42:12

mga estudyanteng nag-aaral

Matutulungan natin ang mga tinuturuan natin na mahanap at matukoy ang katotohanan para sa kanilang sarili.

Ang Tagapagligtas ay Nagturo ng mga Katotohanang Humahantong sa Pagbabalik-loob at Nagpapalakas ng Pananampalataya

Isang araw ng Sabbath, ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga disipulo, na nagugutom, ay nagdaan sa isang bukid at nagsimulang kumain ng uhay o butil. Ang mga Fariseo, na laging nagnanais na bigyang-diin ang kaliit-liitang bahagi ng batas ni Moises, ay nagsabing ang pagtitipon ng uhay ay isang uri ng gawain, na ipinagbabawal sa araw ng Sabbath (tingnan sa Marcos 2:23–24). Sa salita ng propetang si Jacob ng Aklat ni Mormon, ang mga Fariseo ay “[naka]tingin nang lampas sa tanda” (Jacob 4:14). Sa madaling salita, masyado silang nakatuon sa mga tradisyunal na interpretasyon ng mga kautusan kaya hindi nila nakita ang banal na layunin ng mga kautusang iyon—ang mas ilapit tayo sa Diyos. Sa katunayan, ni hindi natanto ng mga Fariseo na ang Taong nagbigay ng utos na igalang ang araw ng Sabbath ay nakatayo sa kanilang harapan.

Sinamantala ng Tagapagligtas ang pagkakataong ito para patotohanan ang Kanyang pagiging Diyos at ituro kung bakit mahalaga ang Sabbath. Nilikha ang araw na ito para sa atin upang sambahin ang Panginoon ng Sabbath, si Jesucristo mismo (tingnan sa Marcos 2:27–28). Ang gayong mga katotohanan ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang mga kautusan ng Diyos ay higit pa sa ating panlabas na gawain. Ang mga ito ay naglalayong tulungan tayo na baguhin ang ating puso at mas lubos na magbalik-loob.

Pag-isipang mabuti ang doktrina at mga alituntunin na ipinasiya mong pagtuunan. Bagama’t maraming katotohanan sa mga banal na kasulatan na maaaring talakayin, pinakamainam na magtuon sa mga katotohanan ng ebanghelyo na humahantong sa pagbabalik-loob at nagpapatatag ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang mga simple at pangunahing katotohanang itinuro at ipinakita ng Tagapagligtas ay may napakalaking kapangyarihang baguhin ang ating buhay—mga katotohanang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, plano ng kaligtasan, mga kautusang mahalin ang Diyos at ang ating kapwa, at iba pa. Anyayahan ang Espiritu na patotohanan ang mga katotohanang ito, na tumutulong na maitimo nang malalim ang mga ito sa puso ng mga tinuturuan mo.

Mga Tanong na Pag-iisipan: Ano ang ilang katotohanan ng ebanghelyo na nakatulong sa iyo na mas lubos na magbalik-loob kay Jesucristo at magkaroon ng mas malaking pananampalataya sa Kanya? Paano ka natulungan ng isang guro na magtuon sa pinakamahahalagang katotohanan ng ebanghelyo? Ano ang maituturo mo na tutulong sa iba na mas lubos na magbalik-loob kay Jesucristo?

Mula sa mga Banal na Kasulatan: 2 Nephi 25:26; 3 Nephi 11:34–41; Doktrina at mga Tipan 19:31–32; 68:25–28; 133:57; Moises 6:57–62

Tinulungan ng Tagapagligtas ang mga Tao na Makahanap ng Personal na Kaugnayan sa Kanyang Doktrina

“Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila,” pagrereklamo ng mga Fariseo tungkol kay Jesus—ipinahihiwatig na hindi ito angkop na pag-uugali para sa isang espirituwal na guro (Lucas 15:2). Nakita ni Jesus na pagkakataon ito para turuan sila ng ilang malalim na espirituwal na katotohanan. Paano Niya gagawin ito? Paano Niya tutulungan ang mga Fariseo na makita na ito ang kanilang puso—hindi Kanya—na marumi at kailangang pagalingin? Paano Niya gagamitin ang Kanyang doktrina para ipakita sa kanila na kailangan nilang baguhin ang kanilang pag-iisip at pag-uugali?

Ginawa Niya ito sa pagsasalaysay sa kanila ng tungkol sa isang tupa na lumayo sa kawan at sa isang pilak na nawawala. Isinalaysay Niya ang tungkol sa isang suwail na anak na humingi ng tawad at ang tungkol sa isang nakatatandang kapatid na tumangging tanggapin ang kapatid o kumain na kasalo nito. Bawat isa sa mga talinghagang ito ay naglalaman ng mga katotohanang nauugnay sa kung paano tinitingnan ng mga Fariseo ang iba, at nagtuturo sa kanila na napakahalaga ng bawat kaluluwa (tingnan sa Lucas 15). Hindi sinabi ng Tagapagligtas sa mga Fariseo—o sa sinuman sa atin—kung sino ang tutukuyin sa Kanyang mga talinghaga. Kung minsan tayo ang nag-aalalang ama. Kung minsan tayo ang naiinggit na kapatid. Kadalasan, tayo ang nawawalang tupa o hangal na anak. Ngunit anuman ang ating sitwasyon, sa pamamagitan ng Kanyang mga talinghaga, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na iugnay sa buhay natin ang Kanyang mga turo—tuklasin ang nais Niyang matutuhan natin at kung ano ang maaaring kailangan nating baguhin sa sarili nating pag-iisip at pag-uugali.

Maaari mong mapansin na hindi nauunawaan ng ilang mag-aaral kung bakit mahalaga sa kanila ang ilang katotohanan. Habang isinasaalang-alang mo ang mga pangangailangan ng mga tinuturuan mo, pag-isipan kung paano magiging makabuluhan at kapaki-pakinabang sa kanilang mga kalagayan ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan. Ang isang paraan na matutulungan mo ang mga mag-aaral na makita ang kahalagahan ng mga katotohanang natutuklasan nila ay sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad nito, “Paano ito makatutulong sa nararanasan mo ngayon?” “Bakit mahalagang malaman mo ito?” “Ano ang kaibhang magagawa nito sa iyong buhay?” Makinig sa mga tinuturuan mo. Hayaan silang magtanong. Hikayatin silang iugnay ang mga turo ng Tagapagligtas sa sarili nilang buhay. Maaari mo ring ibahagi kung paano mo naiugnay ang sarili mong buhay sa itinuturo mo. Ang paggawa nito ay makapag-aanyaya sa Espiritu na turuan ang bawat mag-aaral kung paano makagagawa ng kaibhan ang doktrina sa kanilang buhay.

Mga Tanong na Pag-iisipan: Bakit makabuluhan at kapaki-pakinabang sa iyo ang mga katotohanan ng ebanghelyo? Ano ang nakatulong para makita mo ang personal na kaugnayan ng ebanghelyo sa iyo habang pinag-aaralan mo ito? Ano ang ginagawa mo para makatuon sa mga katotohanang nauugnay sa mga tinuturuan mo?

Mula sa mga Banal na Kasulatan: 1 Nephi 19:23; 2 Nephi 32:3; Doktrina at mga Tipan 43:7–9

Ilang Paraan Upang Maipamuhay ang Natutuhan Mo

  • Suriin ang itinuturo mo para matiyak na totoong doktrina ang itinuturo mo. Makatutulong ang mga tanong na ito:

    • Ang pinaplano ko bang ituro ay nakabatay sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw?

    • Naituro na ba ito ng maraming propeta? Ano ang itinuturo ng kasalukuyang mga lider ng Simbahan tungkol dito?

    • Paano ito makatutulong sa iba na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, magsisi, at umunlad sa landas ng tipan?

    • Naaayon ba ito sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, o nakadarama ba ako ng pagkabalisa tungkol dito?

  • Pag-aralan araw-araw ang salita ng Diyos upang matutuhan ang totoong doktrina para sa iyong sarili.

  • Ipabasa sa mga mag-aaral ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga makabagong propeta sa iyong pagtuturo.

  • Turuan ang mga mag-aaral kung paano gamitin ang mga footnote, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at iba pang mga resource habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan.

  • Sabihin sa mga mag-aaral na hanapin ang mga katotohanan sa isang scripture passage o kuwento.

  • Magpatotoo kung paano mo nalaman na totoo ang doktrina.

  • Gumamit ng mga kuwento o metapora para tulungan ang mga mag-aaral na magkaroon ng mas malalim na pang-unawa sa mga katotohanan ng ebanghelyo.